Jehova
[ang anyong causative, ang aspektong imperpektibo, ng pandiwang Heb. na ha·wahʹ (maging); nangangahulugang “Kaniyang Pinangyayaring Magkagayon”].
Ang personal na pangalan ng Diyos. (Isa 42:8; 54:5) Bagaman tinutukoy siya sa Kasulatan sa pamamagitan ng naglalarawang mga titulo gaya ng “Diyos,” “Soberanong Panginoon,” “Maylalang,” “Ama,” “Makapangyarihan-sa-lahat,” at “Kataas-taasan,” lubusang nabubuod at naipapahayag ang kaniyang personalidad at mga katangian—kung sino at kung ano siya—tangi lamang sa personal na pangalang ito.—Aw 83:18.
Tamang Bigkas sa Banal na Pangalan. Sa Tagalog, ang pinakakilaláng bigkas sa banal na pangalan ay “Jehova,” bagaman “Yahweh” ang mas gusto ng karamihan sa mga iskolar sa Hebreo. Sa pinakamatatandang manuskritong Hebreo, ang banal na pangalan ay masusumpungan sa anyong apat na katinig, karaniwang tinatawag na Tetragrammaton (mula sa Griegong te·tra-, nangangahulugang “apat,” at gramʹma, “titik”). Ang apat na titik na ito (isinusulat mula sa kanan pakaliwa) ay יהוה at maaaring tumbasan sa Tagalog ng transliterasyong YHWH (o, JHVH).
Samakatuwid, alam natin ang mga katinig na Hebreo ng pangalan. Ang tanong ay, Anong mga patinig ang dapat ilakip sa mga katinig na iyon? Noong ikalawang kalahatian lamang ng unang milenyo C.E. sinimulang gamitin sa Hebreo ang mga tuldok-patinig. (Tingnan ang HEBREO, II [Titik at Sulat na Hebreo].) Bukod diyan, dahil sa isang pamahiing relihiyoso na nagsimula maraming siglo bago nito, ang mga tuldok-patinig na inilagay sa mga manuskritong Hebreo ay hindi nakatutulong para matiyak kung aling mga patinig ang dapat gamitin sa banal na pangalan.
Ikinubli ng pamahiin ang pangalan. Noong panahong iyon, nagkaroon ng pamahiin ang mga Judio na hindi man lamang dapat bigkasin ang banal na pangalan (kinakatawanan ng Tetragrammaton). Hindi matiyak kung ano ang orihinal na dahilan kung bakit inihinto ang paggamit sa pangalan. Naniniwala ang ilan na ang pangalan ay itinuring na napakasagrado upang bigkasin ng di-sakdal na mga labi. Gayunman, walang katibayan sa Hebreong Kasulatan na ang mga tunay na lingkod ng Diyos ay nag-atubiling bigkasin ang kaniyang pangalan. Ipinakikita ng di-Biblikal na mga dokumentong Hebreo, gaya ng tinatawag na Lachish Letters, na ang pangalan ay ginagamit sa karaniwang mga liham sa Palestina noong huling bahagi ng ikapitong siglo B.C.E.
Sinasabi naman ng iba na ang layunin nito ay upang ilihim ang pangalan sa mga taong di-Judio dahil baka gamitin nila ito sa maling paraan. Gayunman, si Jehova mismo ang nagsabi na ‘ipahahayag niya ang kaniyang pangalan sa buong lupa’ (Exo 9:16; ihambing ang 1Cr 16:23, 24; Aw 113:3; Mal 1:11, 14), anupat makikilala ito maging ng kaniyang mga kalaban. (Isa 64:2) Sa katunayan, ang pangalan ay kilala at ginagamit ng mga bansang pagano bago ang Karaniwang Panahon at noong unang mga siglo ng Karaniwang Panahon. (The Jewish Encyclopedia, 1976, Tomo XII, p. 119) Naniniwala naman ang iba na ang layunin nito ay protektahan ang pangalan upang hindi iyon gamitin sa mga ritwal ng mahika. Gayunman, ito’y mahinang pangangatuwiran, sapagkat maliwanag na miyentras nagiging mahiwaga ang pangalan dahil sa hindi paggamit niyaon, lalo namang nagiging kaakit-akit iyon sa mga nagsasagawa ng mahika.
Kailan nagsimula ang ganitong pamahiin? Kung paanong hindi matiyak ang orihinal na dahilan o mga dahilan kung bakit inihinto ang paggamit sa banal na pangalan, hindi rin matiyak kung kailan talaga nagsimula ang mapamahiing pangmalas na ito. Naniniwala ang ilan na nagsimula ito pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya (607-537 B.C.E.). Gayunman, ang teoriyang ito ay salig sa diumano’y pagkaunti ng paggamit sa pangalan ng Diyos ng mas huling mga manunulat ng Hebreong Kasulatan, isang pangmalas na mapatutunayang hindi makatuwiran. Halimbawa, maliwanag na ang Malakias ay isa sa huling mga aklat ng Hebreong Kasulatan na isinulat (noong huling kalahatian ng ikalimang siglo B.C.E.), ngunit napakaraming beses na ginamit dito ang banal na pangalan.
Sinasabi ng maraming reperensiyang akda na ang pangalan ay hindi na ginagamit noong mga 300 B.C.E.
Ang katibayan diumano para sa petsang ito ay ang hindi paglitaw ng Tetragrammaton (o ng transliterasyon nito) sa Griegong Septuagint na salin ng Hebreong Kasulatan, na sinimulan noong mga 280 B.C.E. Totoo na ang pinakakumpletong mga kopyang manuskrito ng Septuagint na taglay natin ngayon ay lubusang sumunod sa kaugaliang halinhan ng mga salitang Griego na Kyʹri·os (Panginoon) o The·osʹ (Diyos) ang Tetragrammaton. Ngunit ang pangunahing mga manuskritong ito ay mula lamang noong ikaapat at ikalimang siglo C.E. May natuklasang mas sinaunang mga kopya, bagaman pira-piraso na lamang, na nagpapatunay na ang banal na pangalan ay lumilitaw sa pinakaunang mga kopya ng Septuagint.Ang isa sa mga ito ay ang pira-pirasong labí ng isang balumbong papiro ng isang bahagi ng Deuteronomio, itinala bilang ang P. Fouad Inventory No. 266. (LARAWAN, Tomo 1, p. 326) Palaging ginagamit dito ang Tetragrammaton, na nakasulat sa kuwadradong mga titik Hebreo, sa bawat paglitaw nito sa tekstong Hebreo na isinalin. Ang papirong ito, ayon sa mga iskolar, ay mula noong unang siglo B.C.E., at sa gayon ay isinulat nang apat o limang siglo ang kaagahan kaysa sa unang nabanggit na mga manuskrito.—Tingnan ang apendise ng Rbi8, p. 1562-1564.
Kailan itinigil ng mga Judio sa pangkalahatan ang pagbigkas sa personal na pangalan ng Diyos?
Samakatuwid, walang matibay na ebidensiya na naglaho na o hindi na ginagamit ang banal na pangalan noong yugtong B.C.E., kahit man lamang sa anyong nasusulat. Waring noong unang siglo C.E. nagsimulang lumitaw ang katibayan ng mapamahiing saloobin may kaugnayan sa pangalan. Nang iulat ni Josephus, isang Judiong istoryador na nagmula sa isang makasaserdoteng pamilya, ang pagsisiwalat ng Diyos kay Moises sa lugar ng nagniningas na palumpong, sinabi niya: “Sa gayon ay isiniwalat ng Diyos sa kaniya ang Kaniyang pangalan, na noon ay hindi pa naririnig ng mga tainga ng mga tao, at na ipinagbabawal na bigkasin ko.” (Jewish Antiquities, II, 276 [xii, 4]) Gayunman, bukod sa hindi tumpak ang sinabi ni Josephus na wala pang nakaaalam sa banal na pangalan bago ang panahon ni Moises, ang pananalita niya ay malabo at hindi nito isinisiwalat nang malinaw kung ano ang pangkalahatang saloobin noong unang siglo tungkol sa pagbigkas o paggamit sa banal na pangalan.
Ang Judiong Mishnah, isang koleksiyon ng rabinikong mga turo at tradisyon, ay waring mas tuwiran hinggil sa bagay na ito. Sinasabing tinipon ito ng isang rabbi na kilala bilang si Juda na Prinsipe, na nabuhay noong ikalawa at ikatlong siglo C.E. Ang ilan sa materyal ng Mishnah ay malinaw na nauugnay sa mga pangyayari bago ang pagkawasak ng Jerusalem at ng templo nito noong 70 C.E. Ngunit tungkol sa Mishnah, isang iskolar ang nagsabi: “Napakahirap pagpasiyahan kung ano talaga ang kahalagahan sa ulat ng kasaysayan ng anumang tradisyon na nakatala sa Mishnah. Ang paglipas ng panahon na maaaring nagpalabo o pumilipit sa mga alaala tungkol sa mga panahong lubhang naiiba; ang pulitikal na mga kaligaligan, mga pagbabago, at mga kalituhan na resulta ng dalawang rebelyon at dalawang panlulupig ng mga Romano; ang mga pamantayang itinaguyod ng partidong Pariseo (na ang mga opinyon ay iniuulat ng Mishnah) na hindi kaayon niyaong sa partidong Saduceo . . .—ito ay mga salik na dapat isaalang-alang sa pagtaya sa kaurian ng mga pananalita sa Mishnah. Bukod diyan, ang marami sa nilalaman ng Mishnah ay para lamang sa larangan ng akademikong talakayan, anupat (tila) hindi ito gaanong nag-aangkin na nag-uulat ito ng mga kaugalian may kaugnayan sa kasaysayan.” (The Mishnah, isinalin ni H. Danby, London, 1954, p. xiv, xv) Ang ilan sa mga tradisyon ng Mishnah may kinalaman sa pagbigkas sa banal na pangalan ay gaya ng sumusunod:
May kaugnayan sa taunang Araw ng Pagbabayad-Sala, ang salin ni Danby sa Mishnah ay nagsasabi: “At kapag narinig ng mga saserdote at ng taong-bayan na nakatayo sa Looban ng Templo ang Binigkas na Pangalan mula sa bibig ng Mataas na Saserdote, nakagawian nilang lumuhod at yumukod at sumubsob sa kanilang mukha at magsabi, ‘Pagpalain nawa ang pangalan ng kaluwalhatian ng kaniyang kaharian magpakailan-kailanman!’” (Yoma 6:2) Tungkol sa pang-araw-araw na mga pagpapalang binibigkas ng mga saserdote, ang Sotah 7:6 ay nagsasabi: “Sa Templo, binibigkas nila ang Pangalan gaya ng pagkakasulat dito, ngunit sa mga probinsiya naman, sa pamamagitan ng isang salitang inihalili.” Sinasabi ng Sanhedrin 7:5 na ang isang mamumusong ay hindi nagkasala ‘malibang binigkas niya ang Pangalan,’ at na sa paglilitis may kinalaman sa paratang na pamumusong, isang pangalang panghalili ang gagamitin hanggang sa marinig ang lahat ng ebidensiya; pagkatapos, ang pangunahing saksi ay tatanungin nang sarilinan upang ‘tuwirang sabihin kung ano ang narinig niya,’ anupat maipapalagay na gagamitin niya ang banal na pangalan. Ang Sanhedrin 10:1, sa pagtatala sa mga “walang bahagi sa sanlibutang darating,” ay naglalahad: “Sinasabi ni Abba Saul: Pati siya na bumibigkas sa Pangalan gamit ang wastong mga titik nito.” Gayunman, Ru 2:4).—Berakhot 9:5.
sa kabila ng negatibong mga pangmalas na ito, masusumpungan din sa unang seksiyon ng Mishnah ang positibong utos na “dapat batiin ng isang tao ang kaniyang kapuwa sa pamamagitan ng [paggamit ng] Pangalan [ng Diyos],” pagkatapos ay binanggit ang halimbawa ni Boaz (Kung paniniwalaan natin ang mga ito, maaaring isinisiwalat ng tradisyonal na mga pangmalas na ito na nagkaroon ng pamahiing iwasan ang paggamit ng banal na pangalan ilang panahon bago wasakin ang templo ng Jerusalem noong 70 C.E. Magkagayunman, mga saserdote ang pangunahin nang tuwirang tinutukoy na gumagamit ng pangalang panghalili kapalit ng banal na pangalan, at nangyayari lamang iyan sa mga probinsiya. Karagdagan pa, kuwestiyunable ang kahalagahan sa ulat ng kasaysayan ng mga tradisyon ng Mishnah, gaya ng nakita na natin.
Samakatuwid, walang matibay na saligan upang magtakda ng panahong mas maaga kaysa sa una at ikalawang siglo C.E. para sa pag-unlad ng mapamahiing pangmalas na nagsasabing dapat ihinto ang paggamit sa banal na pangalan. Gayunman, talagang dumating ang panahon na kapag ang isang Judio ay nagbabasa ng Hebreong Kasulatan sa orihinal na wika, hinahalinhan niya ng ʼAdho·naiʹ (Soberanong Panginoon) o ʼElo·himʹ (Diyos) ang banal na pangalan na kinakatawanan ng Tetragrammaton sa halip na bigkasin iyon. Kaayon nito, nang simulan ang paglalagay ng mga tuldok-patinig noong ikalawang kalahatian ng unang milenyo C.E., inilakip ng mga tagakopyang Judio sa Tetragrammaton ang mga tuldok-patinig ng alinman sa ʼAdho·naiʹ o ʼElo·himʹ, maliwanag na upang ihudyat sa mambabasa na sambitin ang mga salitang iyon sa halip na bigkasin ang banal na pangalan. Sabihin pa, kung ang mas huling mga kopya ng Griegong Septuagint na salin ng Hebreong Kasulatan ang gagamitin, makikita ng mambabasa na ang lahat ng Tetragrammaton ay pinalitan na ng Kyʹri·os at The·osʹ.—Tingnan ang PANGINOON.
Ang mga salin sa ibang mga wika, gaya ng Latin na Vulgate, ay sumunod sa halimbawa ng mas huling mga kopyang ito ng Griegong Septuagint. Dahil dito, ang Katolikong Douay Version (ng 1609-1610) sa Ingles, na ibinatay sa Latin na Vulgate, ay hindi kababasahan ng banal na pangalan, samantalang ang King James Version (1611) naman ay gumagamit ng PANGINOON o DIYOS (sa malalaking titik at pinaliit na malalaking titik) upang kumatawan sa Tetragrammaton sa Hebreong Kasulatan, maliban sa apat na paglitaw nito.
Ano ang wastong bigkas sa pangalan ng Diyos?
Noong ikalawang kalahatian ng unang milenyo C.E., pinasimulan ng mga Judiong iskolar ang isang sistema ng paglalagay ng mga tuldok sa
tekstong Hebreo na puro katinig upang kumatawan sa di-isinusulat na mga patinig. Ngunit pagdating sa pangalan ng Diyos, sa halip na ilakip ang wastong mga marka ng patinig para rito, ibang mga marka ng patinig ang inilagay nila upang ipaalaala sa mambabasa na ang dapat niyang sabihin ay ʼAdho·naiʹ (nangangahulugang “Soberanong Panginoon”) o ʼElo·himʹ (nangangahulugang “Diyos”).Sa Codex Leningrad B 19A, ng ika-11 siglo C.E., ang Tetragrammaton ay nilagyan ng mga tuldok-patinig upang basahin ito bilang Yehwahʹ, Yehwihʹ, at Yeho·wahʹ. Sa edisyon naman ni Ginsburg ng tekstong Masoretiko, ang banal na pangalan ay nilagyan ng mga tuldok-patinig upang basahin bilang Yeho·wahʹ. (Gen 3:14, tlb sa Rbi8) Karaniwan nang pinapaboran ng mga iskolar sa Hebreo ang “Yahweh” bilang ang pinakaposibleng bigkas. Itinatawag-pansin nila na ang pinaikling anyo ng pangalan ay Yah (Jah naman sa anyong Latin), gaya sa Awit 89:8 at sa pananalitang Ha·lelu-Yahʹ (nangangahulugang “Purihin ninyo si Jah!”). (Aw 104:35; 150:1, 6) Bukod diyan, ang mga anyong Yehohʹ, Yoh, Yah, at Yaʹhu, na matatagpuan sa Hebreong baybay ng mga pangalang Jehosapat, Josapat, Sepatias, at iba pa, ay pawang mahahalaw sa Yahweh. Waring ganito rin ang ipinahihiwatig ng mga transliterasyong Griego na itinumbas ng sinaunang mga manunulat na Kristiyano sa banal na pangalan, anupat gumamit sila ng mga baybay na gaya ng I·a·beʹ at I·a·ou·eʹ, na katunog ng Yahweh kung bibigkasin sa Griego. Gayunman, hindi lubusang nagkakaisa ang mga iskolar sa bagay na ito, anupat ang ilan ay pabor sa iba pang mga bigkas, gaya ng “Yahuwa,” “Yahuah,” o “Yehuah.”
Yamang hindi na posibleng matiyak ngayon kung ano ang bigkas sa pangalan, waring wala namang dahilan upang ihinto ang paggamit sa Tagalog ng kilalang-kilalang anyo na “Jehova” at sa halip ay gumamit ng iba pang iminumungkahing bigkas. Kung susundin ang gayong pagbabago, dapat din itong gawin sa napakaraming iba pang pangalan sa Kasulatan at baguhin ang baybay at bigkas ng mga ito: ang Jeremias ay magiging Yir·meyahʹ, ang Isaias ay magiging Yeshaʽ·yaʹhu, at ang Jesus ay magiging Yehoh·shuʹaʽ (gaya sa Hebreo) o I·e·sousʹ (gaya sa Griego). Ang layunin ng mga salita ay magtawid ng mga kaisipan; sa Tagalog, ipinakikilala ng pangalang Jehova ang tunay na Diyos, anupat sa ngayon ay mas lubusan nitong naitatawid ang kaisipang iyon kaysa sa alinman sa mga iminumungkahing panghalili.
Kahalagahan ng Pangalan ng Diyos. Itinataguyod ng maraming makabagong iskolar at tagapagsalin ng Bibliya ang pagsunod sa tradisyon na alisin ang natatanging pangalan ng Diyos. Bukod sa iginigiit nila na makatuwirang alisin ito dahil hindi matiyak ang bigkas nito, sinasabi rin nila na dahil ang tunay na Diyos ay kataas-taasan at natatangi, hindi na niya kailangang magkaroon ng isang partikular na pangalan. Ang gayong pangmalas ay hindi sinusuportahan ng kinasihang Kasulatan, kapuwa ng mga aklat bago ang panahong Kristiyano o ng mga aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan.
Sa tekstong Hebreo ng Biblia Hebraica at Biblia Hebraica Stuttgartensia, ang Tetragrammaton ay lumilitaw nang 6,828 beses. Ang Hebreong Kasulatan naman ng Bagong Sanlibutang Salin ay kababasahan ng banal na pangalan nang 6,979 na beses, sapagkat isinaalang-alang ng mga tagapagsalin na ang banal na pangalan ay hinalinhan ng mga eskriba ng ʼAdho·naiʹ o ʼElo·himʹ sa ilang dako. (Tingnan ang apendise ng Rbi8, p. 1561, 1562.) Pinatototohanan ng mismong dami ng paglitaw ng pangalan na ito’y mahalaga sa Awtor ng Bibliya, na siyang nagtataglay ng pangalang iyon. Ginagamit iyon sa buong Kasulatan nang mas maraming beses kaysa sa alinman sa mga titulong ikinapit sa kaniya, gaya ng “Soberanong Panginoon” o “Diyos.”
Kapansin-pansin din ang importansiyang ibinibigay ng Hebreong Kasulatan at ng mga taong Semitiko sa mga pangalan. Sinabi ni Propesor G. T. Manley: “Isinisiwalat ng pagsusuri sa salitang ‘pangalan’ sa L[umang] T[ipan] na napakahalaga nito sa Hebreo. Ang pangalan ay hindi lamang isang katawagan, kundi tumutukoy rin sa tunay na personalidad niyaong nagtataglay nito. . . . Kapag inilagay ng isang tao ang kaniyang ‘pangalan’ sa isang bagay o sa ibang tao, ang huling nabanggit ay sumasailalim sa kaniyang impluwensiya at proteksiyon.”—New Bible Dictionary, inedit ni J. D. Douglas, 1985, p. 430; ihambing ang Everyman’s Talmud, ni A. Cohen, 1949, p. 24; Gen 27:36; 1Sa 25:25; Aw 20:1; Kaw 22:1; tingnan ang PANGALAN.
Ang “Diyos” at “Ama” ay hindi natatangi. Ang titulong “Diyos” ay hindi personal ni natatangi (kahit ang sariling tiyan ng isa ay maaari niyang gawing diyos; Fil 3:19). Sa Hebreong Kasulatan, ang salita (ʼElo·himʹ) na ikinakapit kay Jehova, ang tunay na Diyos, ay ikinakapit din sa huwad na mga diyos, gaya ng diyos ng mga Filisteo na si Dagon (Huk 16:23, 24; 1Sa 5:7) at diyos ng mga Asiryano na si Nisroc. (2Ha 19:37) Maliwanag na kung basta sasabihin ng isang Hebreo sa isang Filisteo o isang Asiryano na sinasamba niya ang “Diyos [ʼElo·himʹ],” hindi sapat iyon upang matukoy ang Persona na kaniyang sinasamba.
Sa mga artikulo nito tungkol sa pangalang Jehova, buong-linaw na inilarawan ng The Imperial Bible-Dictionary ang pagkakaiba ng ʼElo·himʹ (Diyos) at ng
Jehova. Tungkol sa pangalang Jehova, sinabi nito: “Sa lahat ng dako ay isa itong pangalang pantangi, tumutukoy sa Diyos na persona at sa kaniya lamang; samantalang ang Elohim naman ay higit na nagpapahiwatig ng pangngalang pambalana, anupat totoo na kadalasan ay tumutukoy ito sa Kataas-taasan, ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon. . . . Ang isang Hebreo ay maaaring magsabing ang Elohim, ang tunay na Diyos, bilang naiiba sa lahat ng huwad na diyos; ngunit hindi niya kailanman sasabihing ang Jehova, sapagkat ang Jehova ay siyang pangalan ng tunay na Diyos. Paulit-ulit niyang sinasabi na aking Diyos . . . ; ngunit kailanman ay hindi aking Jehova, sapagkat kapag sinasabi niyang aking Diyos, ang ibig niyang sabihin ay si Jehova. Tinutukoy niya ang Diyos ng Israel, ngunit hindi kailanman ang Jehova ng Israel, sapagkat wala nang ibang Jehova. Tinutukoy niya ang buháy na Diyos, ngunit hindi kailanman ang buháy na Jehova, sapagkat imposible niyang isipin na hindi buháy si Jehova.”—Inedit ni P. Fairbairn, London, 1874, Tomo I, p. 856.Totoo rin ito tungkol sa terminong Griego para sa Diyos, ang The·osʹ. Ikinakapit ito noon kapuwa sa tunay na Diyos at sa mga paganong diyos gaya nina Zeus at Hermes (Jupiter at Mercury ng mga Romano). (Ihambing ang Gaw 14:11-15.) Inihaharap ni Pablo sa 1 Corinto 8:4-6 ang tunay na situwasyon: “Sapagkat bagaman may mga tinatawag na ‘mga diyos,’ maging sa langit man o sa lupa, kung paanong maraming ‘mga diyos’ at maraming ‘mga panginoon,’ sa atin nga ay may iisang Diyos ang Ama, na pinagmulan ng lahat ng bagay, at tayo ay para sa kaniya.” Ang paniniwala sa maraming diyos, na siyang dahilan kung bakit mahalagang ipakita ang kaibahan ng tunay na Diyos, ay nagpapatuloy maging sa ika-21 siglong ito.
Ang pagtukoy ni Pablo sa “Diyos ang Ama” ay hindi nangangahulugang “Ama” ang pangalan ng tunay na Diyos, sapagkat ang katawagang “ama” ay kumakapit din sa bawat magulang na taong lalaki at naglalarawan sa mga lalaking nasa iba pang mga ugnayan. (Ro 4:11, 16; 1Co 4:15) Ang Mesiyas ay binigyan ng titulong “Walang-hanggang Ama.” (Isa 9:6) Tinawag ni Jesus si Satanas na “ama” ng ilang mapamaslang na mananalansang. (Ju 8:44) Ikinapit din ang terminong ito sa mga diyos ng mga bansa, anupat ang Griegong diyos na si Zeus ay inilalarawan sa mga tula ni Homer bilang ang dakilang amang diyos. Ipinakikita ng maraming teksto na ang “Diyos ang Ama” ay may pangalang naiiba sa pangalan ng kaniyang Anak. (Mat 28:19; Apo 3:12; 14:1) Alam ni Pablo ang personal na pangalan ng Diyos, na Jehova, gaya ng matatagpuan sa ulat ng paglalang sa Genesis, na sinipi ni Pablo sa kaniyang mga isinulat. Ipinakikita ng pangalang iyon, na Jehova, na ang “Diyos ang Ama” ay natatangi (ihambing ang Isa 64:8), sa gayon ay hinahadlangan ang anumang pagsisikap na isanib o ilakip ang kaniyang pagkakakilanlan at persona sa sinuman na maaaring tukuyin ng titulong “diyos” o “ama.”
Hindi lamang diyos ng isang tribo. Si Jehova ay tinatawag na “Diyos ng Israel” at ‘Diyos ng kanilang mga ninuno.’ (1Cr 17:24; Exo 3:16) Gayunman, ang matalik na kaugnayang ito sa mga Hebreo at sa bansang Israelita ay hindi dahilan upang ituring na ang banal na pangalan ay tumutukoy lamang sa diyos ng isang tribo, gaya ng ginagawa ng ilan. Sumulat ang Kristiyanong apostol na si Pablo: “Siya ba ay Diyos ng mga Judio lamang? Hindi ba gayundin siya sa mga tao ng mga bansa? Oo, sa mga tao rin ng mga bansa.” (Ro 3:29) Si Jehova ay hindi lamang “Diyos ng buong lupa” (Isa 54:5) kundi siya rin ang Diyos ng sansinukob, “ang Maylikha ng langit at lupa.” (Aw 124:8) Ang tipan ni Jehova kay Abraham, halos 2,000 taon bago ang panahon ni Pablo, ay nangako ng mga pagpapala para sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na nagpapakitang interesado ang Diyos sa buong sangkatauhan.—Gen 12:1-3; ihambing ang Gaw 10:34, 35; 11:18.
Nang bandang huli, itinakwil ng Diyos na Jehova ang di-tapat na bansang Israel sa laman. Ngunit ang kaniyang pangalan ay nanatili sa gitna ng bagong bansa ng espirituwal na Israel, ang kongregasyong Kristiyano, kahit noong tanggapin sa bagong bansang iyon bilang miyembro ang mga di-Judio. Kaya sa isang kapulungang Kristiyano sa Jerusalem, sinabi ng alagad na si Santiago na “ibinaling ng Diyos ang kaniyang pansin sa mga bansa [na di-Judio] upang kumuha mula sa kanila ng isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.” Bilang patotoo na dati na itong inihula, sinipi ni Santiago ang isang hula sa aklat ng Amos kung saan lumilitaw ang pangalan ni Jehova.—Gaw 15:2, 12-14; Am 9:11, 12.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Kung isasaalang-alang ang katibayang ito, nakapagtataka na ang banal na pangalan, sa kumpletong anyo nito, ay hindi matatagpuan sa umiiral na mga kopyang manuskrito ng orihinal na teksto ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Dahil dito, hindi rin masusumpungan ang pangalan sa maraming salin ng tinatawag na Bagong Tipan. Gayunman, ang pinaikling anyo ng pangalan ay lumilitaw sa mga saling ito sa Apocalipsis 19:1, 3, 4, 6, sa pananalitang “Alleluia” o “Hallelujah” (KJ, Dy, JB, AS, RS). Doon, sa panawagan ng mga espiritung anak ng Diyos na “Purihin ninyo si Jah!” (NW), ipinakikitang hindi pa lipas ang banal na pangalan; ito ay napakahalaga pa rin gaya noong yugto bago ang panahong Kristiyano. Kung gayon, bakit wala sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang kumpletong pangalan?
Bakit wala ang kumpletong banal na pangalan sa alinmang sinaunang manuskrito ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na taglay natin?
Matagal nang ipinangangatuwiran ng ilan na ang kinasihang mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay sumipi mula sa Hebreong Kasulatan ng Septuagint, at na yamang hinalinhan ng bersiyong ito ng Kyʹri·os o The·osʹ ang Tetragrammaton, hindi ginamit ng mga manunulat na iyon ang pangalang Jehova. Gaya ng naipakita na, hindi na katanggap-tanggap ang argumentong ito. Upang ipakita na talagang masusumpungan sa pinakamatatandang pira-piraso ng Griegong Septuagint ang banal na pangalan sa anyong Hebreo nito, sinabi ni Dr. P. Kahle: “Alam na natin ngayon na ang Griegong teksto ng Bibliya [ang Septuagint], na isinulat ng mga Judio para sa mga Judio ay hindi nagsalin ng Banal na pangalan sa pamamagitan ng kyrios, kundi ang Tetragrammaton na isinulat gamit ang mga titik na Hebreo o Griego ay pinanatili sa gayong MSS [mga manuskrito]. Ang mga Kristiyano ang naghalili ng kyrios para sa Tetragrammaton, noong hindi na maintindihan ang banal na pangalan na nakasulat sa mga titik Hebreo.” (The Cairo Geniza, Oxford, 1959, p. 222) Kailan naganap ang pagbabagong ito sa mga saling Griego ng Hebreong Kasulatan?
Maliwanag na naganap ito noong mga siglo pagkamatay ni Jesus at ng kaniyang mga apostol. Sa bersiyong Griego ni Aquila, na mula noong ikalawang siglo C.E., lumilitaw pa rin ang Tetragrammaton sa mga titik Hebreo. Noong mga 245 C.E., inilabas ng kilaláng iskolar na si Origen ang kaniyang Hexapla, isang reproduksiyon ng kinasihang Hebreong Kasulatan na may anim na tudling: (1) ang orihinal na Hebreo at Aramaiko nito, lakip ang (2) isang transliterasyon sa Griego, at ang mga bersiyong Griego (3) ni Aquila, (4) ni Symmachus, (5) ng Septuagint, at (6) ni Theodotion. Salig sa ebidensiya mula sa pira-pirasong mga kopya na natuklasan, sinabi ni Propesor W. G. Waddell: “Sa Hexapla ni Origen . . . ang mga bersiyong Griego ni Aquila, ni Symmachus, at ng LXX [Septuagint] ay pawang nagtala sa JHWH bilang ΠΙΠΙ; sa ikalawang tudling ng Hexapla, ang Tetragrammaton ay nakasulat sa mga titik Hebreo.” (The Journal of Theological Studies, Oxford, Tomo XLV, 1944, p. 158, 159) Naniniwala naman ang iba na ang orihinal na teksto ng Hexapla ni Origen ay gumamit ng mga titik Hebreo para sa Tetragrammaton sa lahat ng tudling nito. Sa komento ni Origen tungkol sa Awit 2:2, sinabi niya mismo na “sa pinakatumpak na mga manuskrito, ANG PANGALAN ay lumilitaw sa mga titik Hebreo, ngunit hindi sa [mga titik] Hebreo sa ngayon kundi sa pinakasinaunang mga titik.”—Patrologia Graeca, Paris, 1862, Tomo XII, tud. 1104.
Kahit noong ikaapat na siglo C.E., sinabi ni Jerome, ang tagapagsalin ng Latin na Vulgate, sa kaniyang prologo sa mga aklat ng Mga Samuel at Mga Hari: “At matatagpuan natin ang pangalan ng Diyos, ang Tetragrammaton [samakatuwid nga, יהוה], sa ilang tomong Griego maging hanggang sa araw na ito anupat nakasulat iyon sa sinaunang mga titik.” Sa isang liham na isinulat sa Roma noong 384 C.E., sinabi ni Jerome: “Ang ikasiyam [na pangalan ng Diyos] ay ang Tetragrammaton, na itinuring nilang [a·nek·phoʹne·ton], samakatuwid nga, hindi dapat bigkasin, at isinusulat iyon sa ganitong mga titik, Iod, He, Vau, He. Ang ilang ignorante, dahil sa pagkakahawig ng mga titik, kapag nasusumpungan nila iyon sa mga aklat na Griego, ay nahirating basahin iyon na ΠΙΠΙ [mga titik Griego na katumbas ng mga titik Romano na PIPI].”—Papyrus Grecs Bibliques, ni F. Dunand, Cairo, 1966, p. 47, tlb. 4.
Samakatuwid, ang diumano’y mga Kristiyano na “naghalili ng kyrios para sa Tetragrammaton” sa mga kopya ng Septuagint ay hindi ang unang mga alagad ni Jesus. Sila ay mga taong nabuhay noong mas huling mga siglo, nang tuluyan nang lumaganap ang inihulang apostasya at mapasamâ na nito ang kadalisayan ng mga turong Kristiyano.—2Te 2:3; 1Ti 4:1.
Ginamit ni Jesus at ng mga alagad. Kaya naman noong mga araw ni Jesus at ng kaniyang mga alagad, ang banal na pangalan ay talagang lumilitaw sa mga kopya ng Kasulatan, kapuwa sa mga manuskritong Hebreo at mga manuskritong Griego. Ginamit ba ni Jesus at ng kaniyang mga alagad ang banal na pangalan sa pagsasalita at sa pagsulat? Kung isasaalang-alang ang paghatol ni Jesus sa mga tradisyong Pariseo (Mat 15:1-9), hindi makatuwirang ipalagay na magpapaimpluwensiya si Jesus at ang kaniyang mga alagad sa mga ideyang Pariseo (gaya niyaong mga nakasulat sa Mishnah) hinggil sa bagay na ito. Ang mismong pangalan ni Jesus ay nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan.” Sinabi niya: “Ako ay pumarito sa pangalan ng aking Ama” (Ju 5:43); tinuruan niya ang kaniyang mga tagasunod na manalangin: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan” (Mat 6:9); sinabi niyang ang kaniyang mga gawa ay ginawa “sa pangalan ng aking Ama” (Ju 10:25); at, habang nananalangin noong gabi bago siya mamatay, sinabi niya na inihayag niya ang pangalan ng kaniyang Ama sa kaniyang mga alagad at hiniling niya, “Amang Banal, bantayan mo sila dahil sa iyong sariling pangalan” (Ju 17:6, 11, 12, 26). Kung isasaalang-alang ang lahat ng ito, kapag sumisipi si Jesus sa Hebreong Kasulatan o bumabasa mula sa mga iyon, tiyak na ginamit niya ang banal na pangalang Jehova. (Ihambing ang Mat 4:4, 7, 10 sa Deu 8:3; 6:16; 6:13; gayundin ang Mat 22:37 sa Deu 6:5; at ang Mat 22:44 sa Aw 110:1; gayundin ang Luc 4:16-21 sa Isa 61:1, 2.) Dahil dito, makatuwiran lamang na susundin ng mga alagad ni Jesus, pati na ng kinasihang mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang halimbawa niya sa bagay na ito.
Ngunit bakit wala ang pangalan sa umiiral na mga manuskrito ng Kristiyanong Griegong Kasulatan o sa tinatawag na Bagong Tipan? Maliwanag na ito’y dahil nang panahong gawin ang mga kopyang iyon (mula noong ikatlong siglo C.E.), nabago na ang orihinal na teksto ng mga isinulat ng mga apostol at mga alagad. Kaya tiyak na inihalili ng mas huling mga tagakopya ang Kyʹri·os at The·osʹ sa banal na pangalang nasa anyong Tetragrammaton. (LARAWAN, Tomo 1, p. 324) Ipinakikita ng mga ebidensiya
na ganito mismo ang ginawa sa mas huling mga kopya ng saling Septuagint ng Hebreong Kasulatan.Pagsasauli ng banal na pangalan sa mga salin. Palibhasa’y kinikilala ng ilang tagapagsalin na malamang na ganito nga ang nangyari, inilakip nila ang pangalang Jehova sa kanilang mga salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang The Emphatic Diaglott, isang salin ni Benjamin Wilson noong ika-19 na siglo, ay maraming beses na kababasahan ng pangalang Jehova, partikular na sa mga sinipi ng mga manunulat na Kristiyano mula sa Hebreong Kasulatan. Ngunit noon pa mang 1533, sa salin ni Anton Margaritha, ang Tetragrammaton ay nagsimula nang lumitaw sa mga salin ng Kristiyanong Kasulatan tungo sa Hebreo. Nang maglaon, sa maraming katulad na salin tungo sa Hebreo, ginamit ng mga tagapagsalin ang Tetragrammaton sa mga dako na doo’y sinipi ng kinasihang manunulat ang isang talata ng Hebreong Kasulatan na kababasahan ng banal na pangalan.
Hinggil sa pagiging wasto ng pamamaraang ito, pansinin ang sumusunod na pananalita ni R. B. Girdlestone, ang yumaong prinsipal ng Wycliffe Hall, Oxford. Sinabi niya ito bago nagkaroon ng ebidensiya mula sa mga manuskrito na nagpapakitang ang Griegong Septuagint ay dating kababasahan ng pangalang Jehova. Ang sabi niya: “Kung pinanatili ng bersiyong [Septuagint na] iyon ang salita [na Jehova], o kung gumamit man lamang iyon ng isang salitang Griego para sa Jehova at iba naman para sa Adonai, tiyak na ang gayong paggamit ay pananatilihin sa mga diskurso at mga argumento ng B. T. Kaya naman nang sipiin ng ating Panginoon ang ika-110 Awit, sa halip na sabihing, ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,’ maaaring sinabi niya, ‘Sinabi ni Jehova sa Adoni.’”
Batay sa mismong saligang ito (na ipinakikita ngayon ng ebidensiya bilang totoo), idinagdag niya: “Ipalagay nang isinasalin ng isang Kristiyanong iskolar ang Griegong Tipan tungo sa Hebreo, kakailanganin niyang pag-isipan, tuwing lilitaw ang salitang Κύριος, kung may anumang indikasyon sa konteksto na nagpapahiwatig sa tunay na katumbas niyaon sa Hebreo; at ito ang suliraning babangon sa pagsasalin sa B. T. tungo sa lahat ng wika kung ang titulong Jehova ay pinanatili sa [saling Septuagint ng] M. T. Sa maraming talata, ang Hebreong Kasulatan ay maaaring magsilbing giya: sa gayon, saanman lumilitaw ang pananalitang ‘ang anghel ng Panginoon,’ alam natin na ang salitang Panginoon ay kumakatawan sa Jehova; gayundin ang magiging konklusyon may kinalaman sa pananalitang ‘ang salita ng Panginoon,’ kung susundin ang saligang inilatag ng M. T.; gayundin sa kaso ng titulong ‘ang Panginoon ng mga Hukbo.’ Sa kabaligtaran, saanman lumilitaw ang pananalitang ‘Aking Panginoon’ o ‘Ating Panginoon,’ dapat nating malaman na hindi katanggap-tanggap ang salitang Jehova, at Adonai o Adoni ang dapat gamitin.” (Synonyms of the Old Testament, 1897, p. 43) Gayong saligan ang ginamit ng nabanggit na mga salin ng Griegong Kasulatan na kababasahan ng pangalang Jehova.
Gayunman, namumukod-tangi sa bagay na ito ang Bagong Sanlibutang Salin, na ginagamit sa buong akdang ito, kung saan ang banal na pangalan sa anyong “Jehova” ay lumilitaw nang 237 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Gaya ng naipakita na, matibay ang saligan para rito.
Paggamit sa Pangalan Noong Sinaunang Panahon at ang Kahulugan Nito. Kadalasan, may-kamaliang ikinakapit ang Exodo 3:13-16 at 6:3 upang ipangahulugan na ang pangalan ni Jehova ay unang isiniwalat kay Moises ilang panahon bago ang Pag-alis mula sa Ehipto. Totoo, itinanong ni Moises: “Sakaling pumaroon ako ngayon sa mga anak ni Israel at sabihin ko sa kanila, ‘Isinugo ako sa inyo ng Diyos ng inyong mga ninuno,’ at sabihin nila sa akin, ‘Ano ang pangalan niya?’ Ano ang sasabihin ko sa kanila?” Ngunit hindi ito nangangahulugan na hindi niya alam, ni ng mga Israelita, ang pangalan ni Jehova. Ang mismong pangalan ng ina ni Moises na si Jokebed ay posibleng nangangahulugang “Si Jehova ay Kaluwalhatian.” (Exo 6:20) Malamang na ang tanong ni Moises ay may kaugnayan sa kalagayan noon ng mga anak ni Israel. Sa loob ng maraming dekada, sila’y nasa ilalim ng mabigat na pagkaalipin anupat walang anumang pahiwatig na makalalaya sila. Malamang na marami sa kanila ang nag-aalinlangan, nasisiraan ng loob, at pinanghihinaan ng pananampalataya sa kapangyarihan at layunin ng Diyos na iligtas sila. (Pansinin din ang Eze 20:7, 8.) Dahil dito, kung sasabihin lamang ni Moises na dumating siya sa pangalan ng “Diyos” (ʼElo·himʹ) o ng “Soberanong Panginoon” (ʼAdho·naiʹ), wala itong gaanong magiging kahulugan sa nagdurusang mga Israelita. Alam nila na may sariling mga diyos at mga panginoon ang mga Ehipsiyo at tiyak na tinuya sila ng mga Ehipsiyo na mas malalakas ang mga diyos nila kaysa sa Diyos ng mga Israelita.
Dapat din nating isaisip na noon, ang mga pangalan ay may tunay na kahulugan at hindi lamang mga “katawagan” na nagpapakilala sa isang indibiduwal gaya sa ngayon. Alam ni Moises na ang pangalan ni Abram (nangangahulugang “Ang Ama ay Mataas (Dinakila)”) ay pinalitan ng Abraham (nangangahulugang “Ama ng Pulutong (Karamihan)”), anupat pinalitan ito dahil sa layunin ng Diyos may kinalaman kay Abraham. Gayundin, ang pangalan ni Sarai ay pinalitan ng Sara at yaon namang kay Jacob ay pinalitan ng Israel; sa bawat kaso, ang pagpapalit Exo 23:20, 21; 1Sa 17:45.) Kaya naman makahulugan ang tanong na iyon ni Moises.
ng pangalan ay nagsiwalat ng isang bagay na mahalaga at makahula tungkol sa layunin ng Diyos may kinalaman sa kanila. Malamang na nag-isip si Moises kung isisiwalat naman ngayon ni Jehova ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng isang bagong pangalan upang ipabatid ang kaniyang layunin sa Israel. Ang pagparoon ni Moises sa mga Israelita sa “pangalan” ng Isa na nagsugo sa kaniya ay nangangahulugang siya ang kinatawan ng Isang iyon, at ang kadakilaan ng awtoridad na sa pamamagitan niyaon ay magsasalita si Moises ay magiging kaayon o katumbas ng pangalang iyon at ng kinakatawanan niyaon. (Ihambing angAng tugon ng Diyos sa Hebreo ay: ʼEh·yehʹ ʼAsherʹ ʼEh·yehʹ. Isinasalin ito sa ilang bersiyon bilang “AKO YAONG AKO NGA.” Gayunman, dapat pansinin na dito, ang pandiwang Hebreo na ha·yahʹ, na pinagkunan ng salitang ʼEh·yehʹ at nangangahulugang “maging,” ay hindi tumutukoy sa pag-iral ng Diyos sa ganang sarili kundi sa papel na iniisip niyang gampanan para sa kapakanan ng iba. Dahil dito, wastong isinasalin ng Bagong Sanlibutang Salin ang nabanggit na pananalitang Hebreo bilang “AKO AY MAGIGING GAYON SA ANUMANG AKO AY MAGIGING GAYON.” Pagkatapos ay idinagdag ni Jehova: “Ito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Isinugo ako sa inyo ni AKO AY MAGIGING GAYON.’”—Exo 3:14, tlb sa Rbi8.
Hindi ito nangangahulugang napalitan ang pangalan ng Diyos, kundi nagbigay lamang ito ng karagdagang kaunawaan sa personalidad ng Diyos; makikita ito sa sumunod na sinabi niya: “Ito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Isinugo ako sa inyo ni Jehova na Diyos ng inyong mga ninuno, na Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.’ Ito ang aking pangalan hanggang sa panahong walang takda, at ito ang pinakaalaala sa akin sa sali’t salinlahi.” (Exo 3:15; ihambing ang Aw 135:13; Os 12:5.) Ang pangalang Jehova ay mula sa isang pandiwang Hebreo na nangangahulugang “maging,” at maraming iskolar ang nagsasabing ang pangalan ay nangangahulugang “Kaniyang Pinangyayaring Magkagayon.” Ang kahulugang iyon ay angkop na angkop sa papel ni Jehova bilang Maylalang ng lahat ng bagay at Tagatupad ng kaniyang layunin. Tanging ang tunay na Diyos ang lehitimong makapagtataglay ng gayong pangalan.
Tinutulungan nito ang isa na maunawaan ang diwa ng sinabi ni Jehova kay Moises nang maglaon: “Ako ay si Jehova. At nagpakita ako noon kay Abraham, kay Isaac at kay Jacob bilang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ngunit may kinalaman sa aking pangalang Jehova ay hindi ako nagpakilala sa kanila.” (Exo 6:2, 3) Yamang ang pangalang Jehova ay maraming beses nang ginamit ng mga patriyarkang ninunong iyon ni Moises, maliwanag na ang ibig sabihin ng Diyos ay na nagpakilala siya sa kanila sa kapasidad bilang si Jehova sa limitadong paraan lamang. Bilang paglalarawan, hindi masasabi na yaong mga nakakilala sa lalaking si Abram ay talagang nakakilala sa kaniya bilang si Abraham (nangangahulugang “Ama ng Pulutong (Karamihan)”) noong iisa pa lamang ang kaniyang anak, si Ismael. Nang isilang si Isaac at ang iba pang mga anak at magkaroon ng mga supling ang mga ito, naging mas makahulugan ang pangalang Abraham. Sa gayunding paraan, ang pangalang Jehova ay magkakaroon ng mas malawak na kahulugan para sa mga Israelita noong panahong iyon.
Samakatuwid, ang “pagkakilala” ay hindi laging nangangahulugan ng simpleng pagkakilala o pagkakaroon ng kaalaman sa isang bagay o isang indibiduwal. Alam ng mangmang na si Nabal ang pangalan ni David ngunit itinanong pa rin niya, “Sino si David?” anupat sa diwa ay itinatanong niya, “Importanteng tao ba siya?” (1Sa 25:9-11; ihambing ang 2Sa 8:13.) Sa gayunding paraan, sinabi ni Paraon kay Moises: “Sino si Jehova, anupat susundin ko ang kaniyang tinig upang payaunin ang Israel? Hindi ko kilala si Jehova at, isa pa, hindi ko payayaunin ang Israel.” (Exo 5:1, 2) Sa sinabi niyang iyon, maliwanag na ang ibig sabihin ni Paraon ay na hindi niya kilala si Jehova bilang ang tunay na Diyos o bilang may awtoridad sa hari ng Ehipto at sa mga ginagawa nito, ni kilala man niya Siya bilang may kapangyarihan upang ipatupad ang Kaniyang kalooban gaya ng ipinahayag nina Moises at Aaron. Ngunit ngayon ay malalaman ni Paraon at ng buong Ehipto, pati ng mga Israelita, ang tunay na kahulugan ng pangalang iyon, samakatuwid nga, kung sino ang personang kinakatawanan nito. Gaya ng ipinakita ni Jehova kay Moises, ito ang magiging resulta ng pagtupad ng Diyos sa Kaniyang layunin sa Israel, anupat palalayain sila, ibibigay sa kanila ang Lupang Pangako, at sa gayon ay tutuparin ang Kaniyang tipan sa kanilang mga ninuno. Sa ganitong paraan, gaya ng sinabi ng Diyos, “Tiyak na makikilala ninyo na ako ay si Jehova na inyong Diyos.”—Exo 6:4-8; tingnan ang MAKAPANGYARIHAN-SA-LAHAT.
Dahil dito, tama ang sinabi ng Propesor sa Hebreo na si D. H. Weir na yaong mga nagsasabing sa Exodo 6:2, 3 unang isiniwalat ang pangalang Jehova ay “hindi nakapagsuri [sa mga talatang ito] sa liwanag ng iba pang mga kasulatan; disin sana’y napag-unawa nila na ang pangalan dito ay hindi tumutukoy sa dalawang pantig na bumubuo sa salitang Jehova, kundi sa ideyang ipinapahayag nito. Kapag nababasa natin sa Isaias, kab. lii. tal 6, ‘Kaya naman makikilala ng bayan ko ang aking pangalan;’ o sa Jeremias, kab. xvi. tal 21, ‘Makikilala nila na ang aking pangalan ay Jehova;’ o sa Mga Awit, Aw. ix. [10, 16], ‘Sila na nakaaalam ng iyong pangalan ay maglalagak ng kanilang tiwala sa iyo;’ agad nating nakikita na ang pagkakilala sa pangalan ni Jehova ay ibang-iba sa pagkaalam sa apat na titik na bumubuo rito. Ito’y ang pagkakilala sa pamamagitan ng karanasan na si Jehova ay talagang yaong ipinapahayag ng kaniyang pangalan. (Ihambing din ang Isa. xix. 20, 21; Eze. xx. 5, 9; xxxix. 6, 7; Aw. lxxxiii. [18]; lxxxix. [16]; 2 Cr. vi. 33.)”—The Imperial Bible-Dictionary, Tomo I, p. 856, 857.
Alam ng unang mag-asawa. Hindi kay Moises unang isiniwalat ang pangalang Jehova, sapagkat alam iyon ng unang tao. Ang pangalan ay unang lumitaw sa banal na Rekord sa Genesis 2:4 pagkatapos ng ulat tungkol sa mga gawang paglalang ng Diyos, at doon ay ipinakikilala ang Maylalang ng langit at lupa bilang ang “Diyos na Jehova.” Makatuwirang ipalagay na ipinabatid ng Diyos na Jehova kay Adan ang tungkol sa ulat na ito ng paglalang. Hindi binabanggit sa ulat ng Genesis na ginawa niya iyon, ngunit hindi rin naman nito tuwirang sinasabi na isiniwalat ni Jehova kay Adan pagkagising nito kung saan nagmula si Eva. Gayunman, ipinakikita ng mga salita ni Adan pagkatanggap niya kay Eva na ipinagbigay-alam sa kaniya kung paano ginawa ng Diyos si Eva mula sa kaniyang sariling katawan. (Gen 2:21-23) Tiyak na maraming pagtatalastasan noon sa pagitan ni Jehova at ng kaniyang makalupang anak na hindi inilakip sa maikling ulat ng Genesis.
Si Eva ang unang tao na espesipikong iniulat na gumamit sa pangalan ng Diyos. (Gen 4:1) Maliwanag na nalaman niya ang pangalang iyon mula sa kaniyang asawa at ulo, si Adan, anupat nalaman din niya mula kay Adan ang utos ng Diyos may kinalaman sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama (bagaman, muli, hindi tuwirang binabanggit sa ulat na ipinasa ni Adan sa kaniya ang impormasyong ito).—Gen 2:16, 17; 3:2, 3.
Gaya ng ipinakikita sa artikulong ENOS, nang pasimulan ang “pagtawag sa pangalan ni Jehova” noong mga araw ng apo ni Adan na si Enos, hindi iyon ginawa taglay ang pananampalataya ni ayon man sa paraang sinasang-ayunan ng Diyos. Bilang katibayan nito, sa pagitan ni Abel at ni Noe, tanging ang anak ni Jared na si Enoc (hindi si Enos) ang iniulat na ‘lumakad na kasama ng tunay na Diyos’ taglay ang pananampalataya. (Gen 4:26; 5:18, 22-24; Heb 11:4-7) Sa pamamagitan ni Noe at ng kaniyang pamilya, ang kaalaman tungkol sa banal na pangalan ay nakatawid sa panahon pagkaraan ng Baha, nakalampas sa panahon ng pangangalat ng mga tao sa Tore ng Babel, at naipasa sa patriyarkang si Abraham at sa kaniyang mga inapo.—Gen 9:26; 12:7, 8.
Ang Personang Ipinakikilala ng Pangalan. Si Jehova ang Maylalang ng lahat ng bagay, ang dakilang Pinagmulan; samakatuwid, walang sinumang lumalang sa kaniya at wala siyang pasimula. (Apo 4:11) “Ang bilang ng kaniyang mga taon ay hindi masasaliksik.” (Job 36:26) Imposibleng takdaan siya ng edad, sapagkat walang pasimula na mula roo’y masusukat ang haba ng kaniyang pag-iral. Bagaman wala siyang takdang edad, angkop siyang tawaging “ang Sinauna sa mga Araw” yamang napakatagal na panahon na niyang umiiral. (Dan 7:9, 13) Hindi rin siya magkakaroon ng katapusan (Apo 10:6), yamang siya’y walang kasiraan at walang kamatayan. Dahil dito, siya’y tinatawag na “Haring walang hanggan” (1Ti 1:17), anupat para sa kaniya, ang isang libong taon ay gaya ng pagbabantay sa gabi na tumatagal lamang nang ilang oras.—Aw 90:2, 4; Jer 10:10; Hab 1:12; Apo 15:3.
Bagaman hindi siya maaaring takdaan ng panahon, si Jehova ay katangi-tangi sa pagiging isang makasaysayang Diyos, anupat iniuugnay niya ang kaniyang sarili sa espesipikong mga panahon, mga lugar, mga tao, at mga pangyayari. Sa kaniyang mga pakikitungo sa sangkatauhan, kumikilos siya ayon sa isang eksaktong talaorasan. (Gen 15:13, 16; 17:21; Exo 12:6-12; Gal 4:4) Dahil hindi maitatatwa ang kaniyang walang-hanggang pag-iral at ito ang pinakapangunahing katotohanan sa sansinukob, ginamit niya ito sa mga panunumpa, na sinasabi, “Buháy ako,” sa gayo’y ginagarantiyahan na tiyak na matutupad ang kaniyang mga pangako at hula. (Jer 22:24; Zef 2:9; Bil 14:21, 28; Isa 49:18) May mga tao ring nanumpa salig sa katotohanang umiiral si Jehova. (Huk 8:19; Ru 3:13) Mga hangal lamang ang nagsasabi: “Walang Jehova.”—Aw 14:1; 10:4.
Mga paglalarawan sa kaniyang presensiya. Yamang siya ay Espiritu na hindi maaaring makita ng mga tao (Ju 4:24), ang anumang paglalarawan sa kaniyang kaanyuan gamit ang mga terminong nauugnay sa mga tao ay pagtantiya lamang sa kaniyang walang-kahambing na kaluwalhatian. (Isa 40:25, 26) Bagaman hindi nila aktuwal na nakita ang kanilang Maylalang (Ju 1:18), ang ilan sa kaniyang mga lingkod ay binigyan ng kinasihang mga pangitain tungkol sa kaniyang makalangit na mga korte. Ang paglalarawan nila sa kaniyang presensiya ay nagpapakita hindi lamang ng katangi-tanging dangal at kasindak-sindak na karingalan kundi gayundin ng kapayapaan, kaayusan, kagandahan, at kaigayahan.—Exo 24:9-11; Isa 6:1; Eze 1:26-28; Dan 7:9; Apo 4:1-3; tingnan din ang Aw 96:4-6.
Gaya ng mapapansin, ang mga paglalarawang ito ay gumagamit ng mga metapora at mga simili, anupat inihahalintulad ang kaanyuan ni Jehova 1Pe 3:12), gayundin sa kaniyang “bisig” (Eze 20:33), “kanang kamay” (Exo 15:6), at iba pa—maliwanag na kailangan ang gayong mga pananalita upang maunawaan ng mga tao ang paglalarawan. Kung ilalarawan ng Diyos na Jehova ang kaniyang sarili gamit ang mga terminong nauugnay sa mga espiritu, ito’y magiging gaya ng pagtuturo ng pangkolehiyong equation sa algebra sa mga taong pang-elementarya lamang ang nalalaman sa matematika, o gaya ng pagsisikap na ipaliwanag ang mga kulay sa taong ipinanganak na bulag.—Job 37:23, 24.
sa mga bagay na pamilyar sa mga tao, gaya ng mga hiyas, apoy, at bahaghari. Inilalarawan pa nga siya na para bang nagtataglay ng ilang sangkap ng tao. Bagaman ginagawang malaking isyu ng ilang iskolar ang tinatawag nilang mga pananalitang anthropomorphological na matatagpuan sa Bibliya—gaya ng mga pagtukoy sa “mga mata,” “mga tainga,” at “mukha” ng Diyos (Samakatuwid, ang tinatawag na mga anthropomorphism ay hindi dapat unawain nang literal, tulad din ng metaporikong mga paglalarawan sa Diyos bilang “araw,” “kalasag,” o “Bato.” (Aw 84:11; Deu 32:4, 31) Di-tulad ng paningin ng mga tao, ang paningin ni Jehova (Gen 16:13) ay hindi umaasa sa liwanag, at nakikita niya kahit ang mga bagay na ginagawa sa dilim. (Aw 139:1, 7-12; Heb 4:13) Saklaw ng kaniyang paningin ang buong lupa (Kaw 15:3), at hindi siya nangangailangan ng espesyal na kasangkapan upang makita ang lumalaking binhi sa bahay-bata ng isang babae. (Aw 139:15, 16) Hindi rin nakadepende sa mga sound wave sa atmospera ang kaniyang pandinig, sapagkat “naririnig” niya maging ang mga pananalitang tahimik na binibigkas sa puso. (Aw 19:14) Hindi kayang sukatin ng tao ang pagkalawak-lawak na pisikal na uniberso, at hindi rin kayang saklawin o kulungin ng pisikal na mga langit ang dakong tinatahanan ng Diyos, at lalo pa nga ng isang bahay o templo sa lupa. (1Ha 8:27; Aw 148:13) Sa pamamagitan ni Moises, espesipikong binabalaan ni Jehova ang bansang Israel na huwag Siyang igawa ng imahen sa anyo ng tao o ng anumang uri ng nilalang. (Deu 4:15-18) Kaya bagaman iniulat ni Lucas na sinabi ni Jesus na ang pagpapalayas niya ng mga demonyo ay “sa pamamagitan ng daliri ng Diyos,” ipinakikita ng ulat ni Mateo na sinabi ni Jesus na iyon ay sa pamamagitan ng “espiritu ng Diyos,” o ng Kaniyang aktibong puwersa.—Luc 11:20; Mat 12:28; ihambing ang Jer 27:5 at Gen 1:2.
Personal na mga katangiang isinisiwalat ng paglalang. Bago pa man nilalang ni Jehova ang tao, isinisiwalat na ng kaniyang mga gawang paglalang ang ilang aspekto ng kaniyang personalidad. (Ro 1:20) Isinisiwalat ng mismong akto ng paglalang ang kaniyang pag-ibig. Ito’y dahil kumpleto na si Jehova sa ganang sarili, anupat walang anumang kulang sa kaniya. Kaya bagaman lumalang siya ng daan-daang milyong espiritung anak, walang isa man sa mga ito ang makapagdaragdag ng anuman sa kaniyang kaalaman o makapaglalaan ng anumang kanais-nais na kalidad ng emosyon o personalidad na hindi pa niya taglay noon sa napakataas na antas.—Dan 7:9, 10; Heb 12:22; Isa 40:13, 14; Ro 11:33, 34.
Sabihin pa, hindi ito nangangahulugan na hindi nalulugod si Jehova sa kaniyang mga nilalang. Yamang ginawa ang tao “ayon sa larawan ng Diyos” (Gen 1:27), makatuwirang isipin na ang kagalakang nadarama ng isang amang tao dahil sa kaniyang anak, lalo na kung ito’y nagpapakita ng pag-ibig sa magulang at kumikilos nang may karunungan, ay nagpapabanaag ng kagalakan ni Jehova sa kaniyang matatalinong nilalang na umiibig at may-karunungang naglilingkod sa Kaniya. (Kaw 27:11; Mat 3:17; 12:18) Nagmumula ang kalugurang ito, hindi sa anumang materyal o pisikal na pakinabang, kundi sa pagkakitang ang kaniyang mga nilalang ay kusang-loob na nanghahawakan sa kaniyang matuwid na mga pamantayan at nagpapamalas ng kawalang-pag-iimbot at pagkabukas-palad. (1Cr 29:14-17; Aw 50:7-15; 147:10, 11; Heb 13:16) Kabaligtaran nito, ang mga tumatahak sa maling landasin at humahamak sa pag-ibig ni Jehova, anupat nagdudulot ng kadustaan sa kaniyang pangalan at ng matinding pagdurusa sa iba, ay nagpapangyaring ‘masaktan si Jehova sa kaniyang puso.’—Gen 6:5-8; Aw 78:36-41; Heb 10:38.
Nalulugod din si Jehova na gamitin ang kaniyang mga kapangyarihan, iyon man ay sa paglalang o sa iba pang bagay, anupat ang kaniyang mga gawa ay laging may tunay na layunin at mabuting motibo. (Aw 135:3-6; Isa 46:10, 11; 55:10, 11) Bilang ang Bukas-palad na Tagapagbigay ng ‘bawat mabuting kaloob at bawat sakdal na regalo,’ nalulugod siyang pagpalain ang kaniyang tapat na mga anak bilang gantimpala. (San 1:5, 17; Aw 35:27; 84:11, 12; 149:4) Ngunit bagaman isa siyang Diyos na may init at damdamin, maliwanag na ang kaniyang kaligayahan ay hindi nakadepende sa kaniyang mga nilalang, ni isinasakripisyo man niya ang matuwid na mga simulain dahil sa sentimyento.
Nagpakita rin si Jehova ng pag-ibig nang pagkalooban niya ang kaniyang unang espiritung Anak ng pribilehiyong makibahagi sa kaniya sa lahat ng iba pang mga gawang paglalang, kapuwa ng espirituwal at materyal na mga nilalang, anupat pinangyari niyang lubusang mahayag ang bagay na ito na nagdulot naman ng karangalan sa kaniyang Anak. (Gen 1:26; Col 1:15-17) Sa gayon ay hindi siya natakot sa posibilidad na magkaroon ng karibal kundi, sa halip, nagpakita siya ng lubos na pagtitiwala sa kaniyang sariling lehitimong Soberanya (Exo 15:11) at sa pagkamatapat at debosyon ng kaniyang Anak. Binibigyan niya ang kaniyang mga espiritung anak ng may-pasubaling kalayaan sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, anupat kung minsan ay pinahihintulutan pa nga niya silang magmungkahi kung paano maisasagawa ang partikular na mga atas.—1Ha 22:19-22.
Gaya ng itinawag-pansin ng apostol na si Pablo, ang di-nakikitang mga katangian ni Jehova ay isinisiwalat din ng materyal na sangnilalang. (Ro 1:19, 20) Hindi malirip ang kaniyang pagkalawak-lawak na kapangyarihan, anupat ang pagkalalakíng mga galaksi na may bilyun-bilyong bituin ay ‘gawa lamang ng kaniyang mga daliri’ (Aw 8:1, 3, 4; 19:1), at napakasagana ng ipinakikita niyang karunungan anupat kahit pagkatapos ng libu-libong taon ng pagsasaliksik at pag-aaral, ang unawa ng mga tao sa pisikal na paglalang ay isa lamang “bulong” kung ihahambing sa dumadagundong na kulog. (Job 26:14; Aw 92:5; Ec 3:11) Ang paraan ng paglalang ni Jehova sa planetang Lupa ay kinakitaan ng lohikal na pagkakaayos, anupat may sinunod na takdang programa (Gen 1:2-31), kaya naman ang lupa ay tinawag ng mga astronot noong ika-20 siglo na isang hiyas sa kalawakan.
Kung ano ang isiniwalat niya sa tao sa Eden. Anong mga katangian ni Jehova ang nasiwalat sa pakikitungo niya sa kaniyang unang mga anak na tao? Tiyak na si Adan, taglay ang kaniyang kasakdalan, ay sasang-ayon sa sinabi ng salmista nang dakong huli: “Pupurihin kita sapagkat sa kakila-kilabot na paraan ay kamangha-mangha ang pagkakagawa sa akin. Ang iyong mga gawa ay kamangha-mangha, gaya ng lubos na nababatid ng aking kaluluwa.” (Aw 139:14) Mula sa kaniyang sariling katawan—na may napakaraming kakayahan kung ihahambing sa ibang mga makalupang nilalang—hanggang sa mga bagay na nasumpungan niya sa kaniyang kapaligiran, taglay ng tao ang lahat ng dahilan upang makadama ng masidhing paggalang sa kaniyang Maylalang. Bawat bagong ibon, hayop, at isda; bawat naiibang halaman, bulaklak, at punungkahoy; at bawat kaparangan, kagubatan, burol, libis, at batis na nakita ng tao ay nagpakita sa kaniya ng lalim at lawak ng karunungan ng kaniyang Ama at ng pagiging makulay ng personalidad ni Jehova gaya ng mababanaag sa malawak na pagkakasari-sari ng Kaniyang mga gawang paglalang. (Gen 2:7-9; ihambing ang Aw 104:8-24.) Ang lahat ng pandama ng tao—paningin, pandinig, panlasa, pang-amoy, at pandamdam—ay nagpatotoo sa kaniyang bukás na isip na may isang napakabukas-palad at napakamaalalahaning Maylalang.
Hindi rin naman kinaligtaan ang intelektuwal na mga pangangailangan ni Adan, na kailangan niya ng isang makakausap at makakasama, yamang pinaglaanan siya ng kaniyang Ama ng isang matalinong babae na katumbas niya. (Gen 2:18-23) Kapuwa sila maaaring umawit kay Jehova, gaya ng salmista: “Ang lubos na pagsasaya ay nasa iyong mukha; may kaigayahan sa iyong kanang kamay magpakailanman.” (Aw 16:8, 11) Yamang pinag-ukulan sila ng napakalaking pag-ibig, dapat sana’y nakilala nina Adan at Eva na “ang Diyos ay pag-ibig,” ang bukal at sukdulang halimbawa ng pag-ibig.—1Ju 4:16, 19.
Pinakamahalaga sa lahat, inilaan ng Diyos na Jehova sa tao ang espirituwal na mga pangangailangan nito. Bilang Ama ni Adan, isiniwalat ni Jehova ang kaniyang sarili sa kaniyang anak na tao, anupat nakipagtalastasan dito at nagbigay rito ng mga atas ng paglilingkod, na kung lubos nitong susundin ay magsisilbing isang malaking bahagi ng pagsamba ng tao.—Gen 1:27-30; 2:15-17; ihambing ang Am 4:13.
Isang Diyos ng moral na mga pamantayan. Sa simula pa lamang ay nakilala na ng tao si Jehova hindi lamang bilang isang marunong at bukas-palad na Tagapaglaan kundi bilang isa ring Diyos ng moralidad, isa na nanghahawakan sa espesipikong mga pamantayan ng kung ano ang tama at kung ano ang mali hinggil sa pagkilos at pag-uugali. Kung alam ni Adan ang ulat tungkol sa paglalang, gaya ng ipinaliwanag na, tiyak na alam din niya na si Jehova ay may banal na mga pamantayan, sapagkat sinasabi ng ulat tungkol sa Kaniyang mga gawang paglalang na nakita ni Jehova na “iyon ay napakabuti,” samakatuwid, nakatutugon sa kaniyang sakdal na pamantayan.—Gen 1:3, 4, 12, 25, 31; ihambing ang Deu 32:3, 4.
Kung walang mga pamantayan, walang paraan upang matiyak o mapagpasiyahan kung ano ang mabuti at masama o upang masukat at makilala ang mga antas ng katumpakan at kahusayan. May kinalaman dito, ang Encyclopædia Britannica (1959, Tomo 21, p. 306, 307) ay may mahusay na obserbasyon:
“Ang mga nagawa na ng tao [sa pagtatatag ng mga pamantayan] . . . ay napakaliit kung ihahambing sa mga pamantayan sa kalikasan. Ang mga konstelasyon, ang mga orbit ng mga planeta, ang di-nagbabago at normal na mga katangian ng conductivity, ductility, elasticity, hardness, permeability, refractivity, strength, o viscosity ng mga materyales sa kalikasan, . . . o ang istraktura ng mga
selula, ay ilang halimbawa ng kagila-gilalas na mga pamantayan sa kalikasan.”Upang ipakita ang kahalagahan ng gayong mga pamantayan sa materyal na sangnilalang, ang akda ring iyon ay nagsabi: “Sa pamamagitan lamang ng itinakdang mga pamantayan na masusumpungan sa kalikasan kung kaya naging posibleng kilalanin at iklasipika . . . ang maraming uri ng halaman, isda, ibon o hayop. Sa loob ng mga uring ito, ang mga indibiduwal ay nagkakatulad sa kaliit-liitang detalye ng istraktura, gawain at mga kaugalian na katangi-tangi sa bawat uri. [Ihambing ang Gen 1:11, 12, 21, 24, 25.] Kung hindi dahil sa gayong mga pamantayan sa katawan ng tao, hindi malalaman ng mga doktor kung ang isang indibiduwal ay nagtataglay ng partikular na mga sangkap, kung saan hahanapin ang mga iyon . . . Sa katunayan, kung wala ang mga pamantayan sa kalikasan, hindi posibleng magkaroon ng organisadong lipunan, edukasyon at mga doktor; ang bawat isa sa mga ito ay dumedepende sa saligan at mapaghahambing na mga pagkakatulad.”
Nakita ni Adan na napakatatag ng mga gawang paglalang ni Jehova, gaya ng regular na siklo ng araw at gabi, ng tuluy-tuloy at pababang agos ng tubig sa ilog ng Eden dahil sa puwersa ng grabidad, at ng napakaraming iba pang mga bagay na nagpapatotoo na ang Maylalang ng Lupa ay hindi isang Diyos ng kalituhan kundi ng kaayusan. (Gen 1:16-18; 2:10; Ec 1:5-7; Jer 31:35, 36; 1Co 14:33) Tiyak na nakatulong ito sa tao sa pagganap sa kaniyang atas na gawain at mga aktibidad (Gen 1:28; 2:15), anupat nakapagplano at nakapagtrabaho siya nang panatag, malaya sa pagkabalisa at kawalang-katiyakan.
Dahil sa lahat ng ito, hindi dapat pagtakhan ng matalinong tao na si Jehova ay magtatakda ng mga pamantayang gagabay sa paggawi ng tao at sa kaugnayan niya sa kaniyang Maylalang. Ang mismong maririlag na gawa ni Jehova ay nagsilbing parisan kay Adan para sa pagsasaka at pangangalaga sa Eden. (Gen 2:15; 1:31) Natutuhan din ni Adan ang pamantayan ng Diyos para sa pag-aasawa, ang monogamya, at para sa kaugnayang pampamilya. (Gen 2:24) Pantanging idiniin bilang mahalaga sa buhay ang pamantayan ng pagkamasunurin sa mga tagubilin ng Diyos. Yamang sakdal na tao si Adan, sakdal na pagkamasunurin din ang pamantayang itinakda ni Jehova para sa kaniya. Binigyan ni Jehova ang kaniyang makalupang anak ng pagkakataong magpakita ng pag-ibig at debosyon sa pamamagitan ng pagsunod sa Kaniyang utos na huwag kumain mula sa isa sa maraming namumungang punungkahoy sa Eden. (Gen 2:16, 17) Simpleng bagay lamang iyon. Ngunit simple rin naman ang mga kalagayan ni Adan noon, anupat malaya sa kasalimuutan at kalituhang nagsimula noong panahong iyon. Ang karunungan ni Jehova sa paggamit ng simpleng pagsubok na ito ay idiniin ng mga salita ni Jesu-Kristo pagkaraan ng mga 4,000 taon: “Ang taong tapat sa pinakakaunti ay tapat din sa marami, at ang taong di-matuwid sa pinakakaunti ay hindi rin matuwid sa marami.”—Luc 16:10.
Ang pagiging maayos na ito at ang itinakdang mga pamantayan ay hindi makababawas sa kasiyahan ng tao sa buhay kundi makapagdaragdag pa nga rito. Hinggil sa materyal na sangnilalang, ang nabanggit na artikulo sa ensayklopidiya tungkol sa mga pamantayan ay nagsabi: “Ngunit sa kabila ng pagkarami-raming katibayang ito ng mga pamantayan, walang sinumang magsasabi na nakababagot ang kalikasan. Bagaman isa lamang makitid na hanay ng mga wave length ng ispektrum ang pinakapundasyon, halos walang limitasyon ang pagkakasari-sari at mga kombinasyon ng kulay na kasiya-siya sa mata ng tumitingin. Sa katulad na paraan, ang lahat ng kagandahan ng musika ay naririnig ng tainga sa pamamagitan lamang ng isa pang maliit na grupo ng mga frequency.” (Tomo 21, p. 307) Sa gayunding paraan, ang mga kahilingan ng Diyos sa mag-asawang tao ay nagbigay sa kanila ng lahat ng kalayaan na maaaring naisin ng isang pusong matuwid. Hindi sila kinailangang kulungin sa pamamagitan ng napakaraming batas at tuntunin. Ang maibiging halimbawang ipinakita sa kanila ng Maylalang at ang paggalang at pag-ibig nila sa kaniya ay magsasanggalang sa kanila upang hindi sila lumampas sa wastong mga hangganan ng kanilang kalayaan.—Ihambing ang 1Ti 1:9, 10; Ro 6:15-18; 13:8-10; 2Co 3:17.
Samakatuwid, dahil sa kaniya mismong personalidad, sa kaniyang mga daan, at sa kaniyang mga salita, ang Diyos na Jehova, kapuwa noon at ngayon, ang siyang Sukdulang Pamantayan para sa buong sansinukob, anupat siyang katuturan at kabuuan ng lahat ng kabutihan. Kaya naman noong narito sa lupa ang kaniyang Anak, masasabi nito sa isang lalaki: “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang sinumang mabuti, maliban sa isa, ang Diyos.”—Mar 10:17, 18; gayundin ang Mat 19:17; 5:48.
Ipagbabangong-puri ang Kaniyang Soberanya at Pababanalin ang Kaniyang Pangalan. Ang lahat ng bagay na nauugnay sa persona ng Diyos ay banal; ang kaniyang personal na pangalang Jehova ay banal at samakatuwid ay dapat pabanalin. (Lev 22:32) Ang pagpapabanal ay nangangahulugang “gawing banal, ibukod o ituring na sagrado,” at sa gayo’y hindi dapat gamitin bilang isang bagay na pangkaraniwan, o ordinaryo. (Isa 6:1-3; Luc 1:49; Apo 4:8; tingnan ang PAGPAPABANAL.) Dahil sa Personang kinakatawanan nito, ang pangalan ni Jehova ay “dakila at kakila-kilabot” (Aw 99:3, 5), ‘maringal,’ at “di-maabot sa kataasan” (Aw 8:1; 148:13), anupat dapat kasindakan (Isa 29:23).
Nilapastangan ang pangalan. Ipinakikita ng katibayan na gayon ang turing sa banal na pangalan hanggang sa ito’y malapastangan dahil sa mga nangyari sa hardin ng Eden. Kinuwestiyon ng paghihimagsik ni Satanas ang reputasyon ng Diyos. Sa pakikipag-usap niya kay Eva, inangkin ni Satanas na nagsasalita siya para sa Diyos nang sabihin niya sa babae kung ano ang “nalalaman ng Diyos,” samantalang kasabay nito ay naghasik siya ng pag-aalinlangan sa utos ng Diyos, na sinabi kay Adan, may kinalaman sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama. (Gen 3:1-5) Palibhasa’y si Adan ang inatasan ng Diyos at siya ang makalupang ulo na ginamit ng Diyos upang ipabatid sa pamilya ng tao ang Kaniyang mga tagubilin, si Adan ang kinatawan noon ni Jehova sa lupa. (Gen 1:26, 28; 2:15-17; 1Co 11:3) Ang mga naglilingkod na may gayong tungkulin ay sinasabing ‘naglilingkod sa pangalan ni Jehova’ at ‘nagsasalita sa kaniyang pangalan.’ (Deu 18:5, 18, 19; San 5:10) Kaya bagaman nilapastangan ng kaniyang asawang si Eva ang pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng pagsuway, ang paggawa ni Adan ng gayunding bagay ay isang napakatinding kawalang-galang sa pangalang kinakatawanan niya.—Ihambing ang 1Sa 15:22, 23.
Ang pinakamahalagang usapin ay isang usaping moral. Maliwanag na kilala si Jehova ng espiritung anak na naging Satanas bilang isang Diyos ng moral na mga pamantayan, hindi bilang isang personang kapritsoso at pabagu-bago. Kung ang pagkakilala niya kay Jehova ay isang Diyos na nagpapadala sa walang-kontrol at marahas na silakbo ng galit, aasahan lamang niya na lilipulin siya ni Jehova ora mismo dahil sa landasing tinahak niya. Samakatuwid, ang usaping ibinangon ni Satanas sa Eden ay hindi basta pagsubok sa lakas ni Jehova o sa kaniyang kapangyarihang pumuksa. Sa halip, iyon ay isang usaping moral: ang moral na karapatan ng Diyos na humawak ng pansansinukob na soberanya at humiling ng walang-pasubaling pagsunod at debosyon sa lahat ng kaniyang nilalang sa lahat ng dako. Isinisiwalat ito ng paraan ng paglapit ni Satanas kay Eva. (Gen 3:1-6) Gayundin, inilalahad ng aklat ng Job kung paano inilantad ni Jehova sa harap ng lahat ng kaniyang nagkakatipong anghelikong anak ang saklaw ng pagsalansang ng kaniyang Kalaban. Inangkin ni Satanas na ang pagkamatapat ni Job (at, sa di-tuwirang paraan, ng sinuman sa matatalinong nilalang ng Diyos) kay Jehova ay hindi buong-puso, anupat hindi nakasalig sa taimtim na debosyon at tunay na pag-ibig.—Job 1:6-22; 2:1-8.
Dahil dito, ang kuwestiyon hinggil sa katapatan ng matatalinong nilalang ng Diyos ay isang pangalawahin o karagdagang usapin na bumangon mula sa pangunahing usapin hinggil sa karapatan ng Diyos sa pansansinukob na soberanya. Ang mga kuwestiyong ito ay mangangailangan ng panahon upang mapatunayan kung totoo o kasinungalingan ang mga paratang, upang masubok ang saloobin ng puso ng mga nilalang ng Diyos, at sa gayo’y malutas ang usapin nang walang pag-aalinlangan. (Ihambing ang Job 23:10; 31:5, 6; Ec 8:11-13; Heb 5:7-9; tingnan ang KABALAKYUTAN; KATAPATAN.) Dahil dito, hindi kaagad nilipol ni Jehova ang mapaghimagsik na mag-asawa ni ang espiritung anak na nagbangon ng usapin, at sa gayon ay iiral ang dalawang inihulang “binhi,” na kumakatawan sa magkasalungat na panig ng usapin.—Gen 3:15.
Buháy pa ang usaping ito noong narito sa lupa si Jesu-Kristo, at ipinakikita ito ng komprontasyon nila ni Satanas sa ilang pagkatapos ng 40-araw na pag-aayuno ni Jesus. Ang tulad-serpiyenteng mga taktika ng Kalaban ni Jehova noong tinutukso niya ang Anak ng Diyos ay katulad ng pamamaraan niya sa Eden mga 4,000 taon ang kaagahan, at ipinakikita ng pag-aalok ni Satanas kay Jesus ng pamamahala sa makalupang mga kaharian na hindi pa rin nagbabago ang usapin hinggil sa pansansinukob na soberanya. (Mat 4:1-10) Isinisiwalat ng aklat ng Apocalipsis na magpapatuloy ang usapin hanggang sa panahong ideklara ng Diyos na Jehova na sarado na ang kaso (ihambing ang Aw 74:10, 22, 23) at ilapat niya ang matuwid na hatol sa lahat ng mananalansang, anupat sa pamamagitan ng matuwid na pamamahala ng kaniyang Kaharian ay lubusang ipagbabangong-puri ang kaniyang soberanya at sa gayo’y pababanalin ang kaniyang pangalan.—Apo 11:17, 18; 12:17; 14:6, 7; 15:3, 4; 19:1-3, 11-21; 20:1-10, 14.
Bakit ang pagpapabanal sa pangalan ng Diyos ang pinakamahalaga sa lahat?
Ang buong ulat ng Bibliya ay nakasentro sa pagbabangong-puri sa soberanya ni Jehova, at dito ay nahahayag ang pangunahing layunin ng Diyos na Jehova: ang pagpapabanal sa kaniya mismong pangalan. Hinihiling ng gayong pagpapabanal na maalis sa pangalan ng Diyos ang lahat ng kadustaan. Ngunit, higit pa riyan, hinihiling nito na ang pangalang iyon ay parangalan ng lahat ng matatalinong nilalang sa langit at sa lupa bilang sagrado. Nangangahulugan naman ito na kikilalanin nila at igagalang ang posisyon ni Jehova bilang Soberano, na ginagawa iyon nang kusang-loob, anupat nagnanais na paglingkuran siya at nalulugod na gawin ang kaniyang Awit 40:5-10 ay malinaw na nagpapahayag ng gayong saloobin at ng tunay na pagpapabanal sa pangalan ni Jehova. (Pansinin kung paanong sa Heb 10:5-10 ay ikinapit ng apostol kay Kristo Jesus ang ilang bahagi ng awit na ito.)
banal na kalooban, dahil sa pag-ibig sa kaniya. Ang panalangin ni David kay Jehova saSamakatuwid, ang ganap na kaayusan, kapayapaan, at kapakanan ng buong sansinukob at ng lahat ng tumatahan dito ay nakadepende sa pagpapabanal sa pangalan ni Jehova. Ipinakita ito ng Anak ng Diyos, anupat kasabay niyaon ay itinawag-pansin niya ang paraan kung paano isasakatuparan ni Jehova ang kaniyang layunin, nang turuan niya ang kaniyang mga alagad na manalangin sa Diyos: “Pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mat 6:9, 10) Ang pangunahing layuning ito ni Jehova ang pinakasusi upang maunawaan ang dahilan ng mga pagkilos at mga pakikitungo ng Diyos sa kaniyang mga nilalang gaya ng nakasaad sa buong Bibliya.
Sa gayon, mababasa natin na ang bansang Israel, na ang kasaysayan ang bumubuo sa kalakhan ng Bibliya, ay pinili upang maging isang ‘bayang nagtataglay ng pangalan’ ni Jehova. (Deu 28:9, 10; 2Cr 7:14; Isa 43:1, 3, 6, 7) Sa tipang Kautusan ni Jehova sa kanila, idiniin na ang pinakamahalaga ay ang pagbibigay nila ng bukod-tanging debosyon kay Jehova bilang Diyos at ang hindi nila paggamit sa kaniyang pangalan sa walang-kabuluhang paraan, “sapagkat hindi hahayaan ni Jehova na di-naparurusahan ang gumagamit ng kaniyang pangalan sa walang-kabuluhang paraan.” (Exo 20:1-7; ihambing ang Lev 19:12; 24:10-23.) Sa pamamagitan ng pagtatanghal ng kaniyang kapangyarihang magligtas at pumuksa noong palayain niya ang Israel mula sa Ehipto, ang pangalan ni Jehova ay ‘naipahayag sa buong lupa,’ anupat ang kabantugan nito ay nagpauna sa Israel noong pumasok sila sa Lupang Pangako. (Exo 9:15, 16; 15:1-3, 11-17; 2Sa 7:23; Jer 32:20, 21) Gaya nga ng sinabi ng propetang si Isaias: “Gayon mo inakay ang iyong bayan upang gumawa ng isang magandang pangalan para sa iyong sarili.” (Isa 63:11-14) Nang maging mapaghimagsik ang Israel sa ilang, naging maawain si Jehova sa pakikitungo sa kanila at hindi niya sila pinabayaan. Gayunman, isiniwalat niya ang pangunahing dahilan kung bakit niya ginawa ito nang sabihin niya: “Ako ay kumilos alang-alang sa aking sariling pangalan upang hindi ito malapastangan sa paningin ng mga bansa.”—Eze 20:8-10.
Sa buong kasaysayan ng bansang iyon, patuloy na ipinaalaala ni Jehova sa kanila ang kahalagahan ng kaniyang sagradong pangalan. Ang kabiserang lunsod ng Jerusalem, kasama ang Bundok Sion, ang siyang dakong pinili ni Jehova “upang doon ilagay ang kaniyang pangalan, upang patahanin iyon.” (Deu 12:5, 11; 14:24, 25; Isa 18:7; Jer 3:17) Ang templong itinayo sa lunsod na iyon ang naging ‘bahay para sa pangalan ni Jehova.’ (1Cr 29:13-16; 1Ha 8:15-21, 41-43) Ang anumang ginagawa noon sa templong iyon o sa lunsod na iyon, sa ikabubuti man o ikasasama, ay walang pagsalang makaaapekto sa pangalan ni Jehova at pagtutuunan niya ng pansin. (1Ha 8:29; 9:3; 2Ha 21:4-7) Ang paglapastangan sa pangalan ni Jehova roon ay tiyak na magdudulot ng kapuksaan sa lunsod at hahantong sa pagtatakwil sa mismong templo. (1Ha 9:6-8; Jer 25:29; 7:8-15; ihambing ang ginawa at sinabi ni Jesus sa Mat 21:12, 13; 23:38.) Dahil sa mga bagay na ito, nagsumamo sina Jeremias at Daniel para sa kanilang bayan at lunsod na magkaloob nawa si Jehova ng awa at tulong ‘alang-alang sa kaniyang sariling pangalan.’—Jer 14:9; Dan 9:15-19.
Nang ihula ni Jehova na isasauli niya sa Juda ang bayang nagtataglay ng kaniyang pangalan at na lilinisin niya sila, muli niyang nilinaw sa kanila ang pangunahin niyang ikinababahala, sa pagsasabi: “At magmamalasakit ako sa aking banal na pangalan.” “‘Hindi ko ginagawa ito alang-alang sa inyo, O sambahayan ng Israel, kundi alang-alang sa aking banal na pangalan, na nilapastangan ninyo sa gitna ng mga bansa na inyong pinaroonan.’ ‘At tiyak na pababanalin ko ang aking dakilang pangalan, na nilalapastangan . . . ; at makikilala nga ng mga bansa na ako ay si Jehova,’ ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘kapag napabanal ako sa gitna ninyo sa kanilang paningin.’”—Eze 36:20-27, 32.
Ipinakikita ng mga ito at ng iba pang mga kasulatan na hindi labis-labis ang pagpapahalaga ni Jehova sa sangkatauhan. Palibhasa’y makasalanan ang lahat ng tao, makatarungan lamang na karapat-dapat sila sa kamatayan, at maaari lamang silang magtamo ng buhay sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan at awa ng Diyos. (Ro 5:12, 21; 1Ju 4:9, 10) Walang pagkakautang si Jehova sa sangkatauhan, at para sa mga magtatamo ng walang-hanggang buhay, ito ay isang kaloob, hindi kabayarang pinaghirapan. (Ro 5:15; 6:23; Tit 3:4, 5) Totoo, pinagpakitaan niya ng napakasidhing pag-ibig ang sangkatauhan. (Ju 3:16; Ro 5:7, 8) Ngunit salungat sa katotohanan sa Kasulatan at isang kamalian na isiping ang kaligtasan ng mga tao ang siyang pinakamahalagang usapin o na ito ang pamantayan kung saan sinusukat ang katarungan, katuwiran, at kabanalan ng Diyos. Ipinahayag ng salmista ang tamang pangmalas sa mga bagay-bagay nang bumulalas siya taglay ang pagpapakumbaba at pagkamangha: “O Jehova na aming Panginoon, pagkaringal ng iyong pangalan sa buong lupa, ikaw na ang dangal ay isinasalaysay sa ibabaw ng langit! . . . Kapag tinitingnan ko ang iyong langit, ang mga gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inihanda, ano ang taong mortal anupat iniingatan mo siya sa isipan, at ang anak ng makalupang tao anupat pinangangalagaan mo siya?” (Aw 8:1, 3, 4; 144:3; ihambing ang Isa 45:9; 64:8.) Makatuwiran lamang na mas mahalaga ang pagpapabanal sa pangalan ng Diyos na Jehova kaysa sa buhay ng buong sangkatauhan. Kaya naman, gaya ng ipinakita ng Anak ng Diyos, dapat ibigin ng tao ang kaniyang kapuwa-tao gaya ng pag-ibig niya sa kaniyang sarili, ngunit dapat niyang ibigin ang Diyos nang kaniyang buong puso, pag-iisip, kaluluwa, at lakas. (Mar 12:29-31) Nangangahulugan ito na ang pag-ibig sa Diyos na Jehova ay dapat na higit kaysa sa pag-ibig sa mga kamag-anak, mga kaibigan, o sa buhay mismo.—Deu 13:6-10; Apo 12:11; ihambing ang saloobin ng tatlong Hebreo sa Dan 3:16-18; tingnan ang MAPANIBUGHUIN, PANINIBUGHO.
Hindi dapat masamain ng mga tao ang maka-Kasulatang pangmalas na ito sa mga bagay-bagay kundi, sa halip, dapat itong mag-udyok sa kanila na lalo pang pahalagahan ang tunay na Diyos. Yamang maaaring lipulin ni Jehova ang buong makasalanang sangkatauhan kaayon ng kaniyang ganap na katarungan, lalo nitong pinatitingkad ang kadakilaan ng kaniyang awa at di-sana-nararapat na kabaitan sa pagliligtas niya ng ilan sa sangkatauhan ukol sa buhay. (Ju 3:36) Hindi siya nalulugod sa kamatayan ng balakyot (Eze 18:23, 32; 33:11), gayunma’y hindi rin niya pahihintulutang matakasan ng balakyot ang paglalapat ng kaniyang hatol. (Am 9:2-4; Ro 2:2-9) Siya ay mapagtimpi at may mahabang pagtitiis, alang-alang sa kaligtasan ng mga masunurin (2Pe 3:8-10), gayunma’y hindi niya hahayaang magpatuloy magpakailanman ang isang situwasyong nagdudulot ng kadustaan sa kaniyang maringal na pangalan. (Aw 74:10, 22, 23; Isa 65:6, 7; 2Pe 2:3) Siya’y mahabagin at maunawain may kinalaman sa mga kahinaan ng mga tao, anupat pinatatawad “nang sagana” ang mga nagsisisi (Aw 103:10-14; 130:3, 4; Isa 55:6, 7), gayunma’y hindi niya pinalilibre ang mga tao sa mga pananagutang dapat nilang pasanin dahil sa sarili nilang mga pagkilos at sa mga epekto ng mga ito sa kanilang sarili at sa kanilang pamilya. Aanihin nila ang kanilang inihasik. (Deu 30:19, 20; Gal 6:5, 7, 8) Sa gayon, nagpapakita si Jehova ng maganda at sakdal na pagkakatimbang ng katarungan at awa. Yaong mga may wastong pangmalas sa mga bagay-bagay ayon sa isiniwalat sa kaniyang Salita (Isa 55:8, 9; Eze 18:25, 29-31) ay hindi magkakamaling ipagwalang-bahala ang kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan o ‘sumala sa layunin nito.’—2Co 6:1; Heb 10:26-31; 12:29.
Di-nagbabago ang Kaniyang mga Katangian at mga Pamantayan. Gaya ng sinabi ni Jehova sa bayan ng Israel: “Ako ay si Jehova; hindi ako nagbabago.” (Mal 3:6) Sinabi niya ito mga 3,500 taon matapos lalangin ng Diyos ang tao at mga 1,500 taon mula noong gawin niya ang tipang Abrahamiko. Bagaman inaangkin ng ilan na ang Diyos na isiniwalat sa Hebreong Kasulatan ay naiiba sa Diyos na isiniwalat ni Jesu-Kristo at ng mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, ipinakikita ng pagsusuri na walang saligan ang pag-aangking ito. May-kawastuang sinabi ng alagad na si Santiago tungkol sa Diyos: “Sa kaniya ay wala man lamang pagbabago sa pagbaling ng anino.” (San 1:17) Hindi ‘lumambot’ ang personalidad ng Diyos na Jehova sa paglipas ng mga siglo, sapagkat hindi naman ito kailangan. Ang kaniyang kahigpitan ayon sa isiniwalat sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay hindi nabawasan ni sumidhi man ang kaniyang pag-ibig kung ihahambing noong magsimula siyang makitungo sa sangkatauhan sa Eden.
Ang totoo, ang sa wari’y mga pagbabago sa kaniyang personalidad ay iba’t ibang aspekto lamang ng iisa at di-nagbabagong personalidad. Ang mga ito ay resulta ng iba-ibang mga kalagayan at mga tao na pinakitunguhan ng Diyos, anupat nangailangan ng iba’t ibang saloobin o pakikipag-ugnayan. (Ihambing ang Isa 59:1-4.) Hindi si Jehova ang nagbago, kundi sina Adan at Eva; inilagay nila ang kanilang sarili sa posisyon kung saan si Jehova, dahil sa kaniyang di-nagbabago at matuwid na mga pamantayan, ay hindi na maaaring makipag-ugnayan sa kanila bilang mga miyembro ng kaniyang minamahal na pansansinukob na pamilya. Palibhasa’y sakdal, sila ang may lubos na pananagutan sa kanilang sinasadyang pagkakasala (Ro 5:14) at samakatuwid ay hindi na sila saklaw ng awa ng Diyos, bagaman pinagpakitaan sila ni Jehova ng di-sana-nararapat na kabaitan sa pamamagitan ng paglalaan sa kanila ng damit at pagpapahintulot na sila’y mabuhay nang maraming siglo sa labas ng santuwaryo ng Eden at magluwal ng mga supling bago sila tuluyang mamatay dahil sa mga epekto ng kanilang makasalanang landasin. (Gen 3:8-24) Matapos silang palayasin mula sa Eden, lumilitaw na naputol na ang lahat ng pakikipagtalastasan ng Diyos kay Adan at sa kaniyang asawa.
Kung bakit maaari siyang makitungo sa di-sakdal na mga tao. Dahil sa makatarungang mga pamantayan ni Jehova, maaari siyang makitungo sa mga supling nina Adan at Eva sa paraang naiiba sa pakikitungo niya sa kanilang mga magulang. Bakit? Sa dahilang ang mga supling ni Adan ay nagmana ng kasalanan, samakatuwid ay hindi nila sinasadyang maipanganak sila bilang di-sakdal Aw 51:5; Ro 5:12) Dahil dito, may saligan upang pagpakitaan sila ng awa. Ang unang hula ni Jehova (Gen 3:15), na binanggit noong panahong bigkasin ang hatol sa Eden, ay nagpakitang ang paghihimagsik ng kaniyang unang mga anak na tao (pati ng isa sa kaniyang mga espiritung anak) ay hindi naging dahilan upang maghinanakit si Jehova ni pinutol man nito ang daloy ng kaniyang pag-ibig. Sa makasagisag na mga termino, ipinakita ng hulang iyon na itutuwid ang situwasyong nilikha ng paghihimagsik at isasauli ang mga kalagayan sa orihinal na kasakdalan ng mga ito, anupat ang lubos na kahulugan nito ay isiniwalat pagkaraan pa ng ilang milenyo.—Ihambing ang mga sagisag ng “serpiyente,” “babae,” at “binhi” sa Apo 12:9, 17; Gal 3:16, 29; 4:26, 27.
na mga nilalang na may likas na hilig na gumawa ng masama. (Ang mga inapo ni Adan ay pinahintulutang manatili sa lupa sa loob ng libu-libong taon, bagaman sila’y di-sakdal at namamatay, anupat walang kakayahang lumaya mula sa nakamamatay na pagkakahawak ng kasalanan. Ipinaliwanag ng Kristiyanong apostol na si Pablo kung bakit ito pinahihintulutan ni Jehova, sa pagsasabing: “Sapagkat ang sangnilalang ay ipinasakop sa kawalang-saysay, hindi ayon sa sarili nitong kalooban kundi sa pamamagitan niya na nagpasakop nito [samakatuwid nga, ang Diyos na Jehova], salig sa pag-asa na ang sangnilalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos. Sapagkat alam natin na ang buong sangnilalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama hanggang ngayon.” (Ro 8:20-22) Gaya ng ipinakikita sa artikulong PATIUNANG KAALAMAN, PATIUNANG PAGTATALAGA, walang pahiwatig na ginamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan na patiunang alamin ang mga bagay-bagay upang makita kung magkakasala ang unang mag-asawa. Gayunman, nang mangyari na iyon, patiunang itinalaga ni Jehova ang paraan kung paano itutuwid ang maling situwasyon. (Efe 1:9-11) Sa pasimula, ang sagradong lihim na ito ay nakakubli sa makasagisag na hula sa Eden; ngunit nang maglaon, lubusan itong isiniwalat sa katauhan ng bugtong na Anak ni Jehova, na isinugo sa lupa upang siya’y “magpatotoo sa katotohanan” at “sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos ay matikman niya ang kamatayan para sa bawat tao.”—Ju 18:37; Heb 2:9; tingnan ang PANTUBOS.
Samakatuwid, ang pakikitungo at pagpapala ni Jehova sa ilang inapo ng makasalanang si Adan ay hindi indikasyon na nagbago ang Kaniyang mga pamantayan ng sakdal na katuwiran. Kaya naman hindi ito nagpapahiwatig na sinasang-ayunan niya ang kanilang pagiging makasalanan. Palibhasa’y tiyak na matutupad ang mga layunin ni Jehova, ‘tinatawag niya ang mga bagay na wala na para bang ang mga iyon ay umiiral’ (gaya noong bigyan niya si Abram ng pangalang “Abraham,” nangangahulugang “Ama ng Pulutong (Karamihan)” noong wala pang anak sina Abraham at Sara). (Ro 4:17) Yamang alam niya na sa kaniyang takdang panahon (Gal 4:4) ay maglalaan siya ng pantubos, na siyang legal na paraan upang mapatawad ang kasalanan at maalis ang di-kasakdalan (Isa 53:11, 12; Mat 20:28; 1Pe 2:24), si Jehova ay maaaring patuloy na makitungo sa di-sakdal na mga tao at tumanggap ng paglilingkod ng mga ito, na mga nagmana ng kasalanan. Ito’y sapagkat mayroon siyang makatarungang saligan upang sila’y ‘ibilang,’ o ituring, na mga taong matuwid dahil sa pananampalataya nila sa mga pangako ni Jehova at sa magiging katuparan ng mga hulang iyon kay Kristo Jesus bilang ang sakdal na hain para sa mga kasalanan. (San 2:23; Ro 4:20-25) Sa gayon, ang paglalaan ni Jehova ng kaayusan ng pantubos at ng mga pakinabang nito ay isang mariing patotoo hindi lamang ng pag-ibig at awa ni Jehova kundi pati ng pagkamatapat niya sa kaniyang matataas na pamantayan ng katarungan, sapagkat sa pamamagitan ng kaayusan ng pantubos ay ipinakikita niya “ang kaniyang sariling katuwiran sa kasalukuyang kapanahunang ito, upang siya ay maging matuwid kahit ipinahahayag niyang matuwid ang taong [bagaman di-sakdal ay] may pananampalataya kay Jesus.”—Ro 3:21-26; ihambing ang Isa 42:21; tingnan ang IPAHAYAG NA MATUWID.
Kung bakit nakikipaglaban ang ‘Diyos ng kapayapaan.’ Ang sinabi ni Jehova sa Eden na maglalagay siya ng alitan sa pagitan ng binhi ng kaniyang Kalaban at ng binhi ng “babae” ay hindi nangangahulugang nagbago Siya mula sa pagiging ‘Diyos ng kapayapaan.’ (Gen 3:15; Ro 16:20; 1Co 14:33) Ang situwasyon noon ay katulad noong panahong nabubuhay sa lupa ang kaniyang Anak na si Jesu-Kristo, na nagsabi: “Huwag ninyong isipin na pumarito ako upang maglagay ng kapayapaan sa lupa; pumarito ako upang maglagay, hindi ng kapayapaan, kundi ng tabak.” (Mat 10:32-40) Ang ministeryo ni Jesus ay naging dahilan ng mga pagkakabaha-bahagi, kahit sa loob ng mga pamilya (Luc 12:51-53), ngunit ito’y dahil sa panghahawakan niya sa matuwid na mga pamantayan at katotohanan ng Diyos at sa paghahayag niya ng mga ito. Nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi sapagkat pinatigas ng maraming indibiduwal ang kanilang puso laban sa mga katotohanang ito samantalang tinanggap naman ng iba ang mga ito. (Ju 8:40, 44-47; 15:22-25; 17:14) Hindi ito maiiwasan kung itataguyod ang banal na mga simulain; ngunit ang dapat sisihin ay ang mga nagtakwil sa kung ano ang tama.
Gayundin, inihulang magkakaroon ng alitan sapagkat alinsunod sa sakdal na mga pamantayan ni Jehova, hindi maaaring kunsintihin ang mapaghimagsik na landasin ng “binhi” ni Satanas. Ang di-pagsang-ayon ng Diyos sa mga iyon at ang pagpapala niya sa mga nanghahawakan sa matuwid na landasin ay magiging sanhi ng pagkakabaha-bahagi (Ju 15:18-21; San 4:4), gaya sa kaso nina Cain at Abel.—Gen 4:2-8; Heb 11:4; 1Ju 3:12; Jud 10, 11; tingnan ang CAIN.
Ang mapaghimagsik na landasing pinili ng mga tao at ng balakyot na mga anghel ay nagsilbing hamon sa lehitimong soberanya ni Jehova at sa mabuting kaayusan ng buong sansinukob. Upang maharap ang hamong ito, si Jehova ay kinailangang maging “tulad-lalaking mandirigma” (Exo 15:3-7), anupat ipinagtatanggol ang kaniyang mabuting pangalan at matuwid na mga pamantayan, nakikipaglaban para sa mga umiibig at naglilingkod sa kaniya, at naglalapat ng kahatulan sa mga nararapat sa pagkapuksa. (1Sa 17:45; 2Cr 14:11; Isa 30:27-31; 42:13) Hindi siya nag-aatubiling gamitin ang kaniyang walang-kapantay na kapangyarihan, kung minsan ay sa paraang mapangwasak, gaya noong Baha, noong puksain ang Sodoma at Gomorra, at noong iligtas ang Israel mula sa Ehipto. (Deu 7:9, 10) At hindi siya natatakot na ipaalam ang alinmang detalye ng kaniyang matuwid na pakikipagdigma; hindi siya humihingi ng paumanhin, yamang wala naman siyang dapat ikahiya. (Job 34:10-15; 36:22-24; 37:23, 24; 40:1-8; Ro 3:4) Ang paggalang niya sa kaniyang pangalan at sa katuwirang kinakatawanan nito, gayundin ang pag-ibig niya sa mga umiibig sa kaniya, ang nag-uudyok sa kaniya na kumilos.—Isa 48:11; 57:21; 59:15-19; Apo 16:5-7.
Ganitong larawan din ang ipinakikita ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Pinatibay-loob ng apostol na si Pablo ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano sa pagsasabing: “Ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan ang dudurog kay Satanas sa ilalim ng inyong mga paa sa di-kalaunan.” (Ro 16:20; ihambing ang Gen 3:15.) Ipinakita rin niya na matuwid na gantihan ng Diyos ng kapighatian yaong mga pumipighati sa kaniyang mga lingkod, anupat nagpapasapit ng walang-hanggang pagkapuksa sa mga sumasalansang. (2Te 1:6-9) Kasuwato ito ng mga turo ng Anak ng Diyos, na nagbigay-katiyakan sa di-matitinag na determinasyon ng kaniyang Ama na puwersahang wakasan ang lahat ng kabalakyutan at ang mga gumagawa nito. (Mat 13:30, 38-42; 21:42-44; 23:33; Luc 17:26-30; 19:27) Masusumpungan sa aklat ng Apocalipsis ang maraming paglalarawan ng mga pakikipagdigmang awtorisado ng Diyos. Gayunman, kaayon ng karunungan ni Jehova, ang lahat ng ito ay hahantong sa pagtatatag ng isang namamalaging pansansinukob na kapayapaan, na matibay na nakaugat sa katarungan at katuwiran.—Isa 9:6, 7; 2Pe 3:13.
Mga pakikitungo sa Israel sa laman at sa espirituwal na Israel. Sa katulad na paraan, malaki ang pagkakaiba ng nilalaman ng Hebreong Kasulatan at ng Kristiyanong Griegong Kasulatan dahil ang unang nabanggit ay pangunahin nang tumatalakay sa mga pakikitungo ni Jehova sa Israel sa laman, samantalang ang huling nabanggit, sa kalakhang bahagi, ay humantong at naglarawan sa kaniyang mga pakikitungo sa espirituwal na Israel, ang kongregasyong Kristiyano. Kaya sa isang panig, nariyan ang isang bansa na ang milyun-milyong miyembro ay naging kaanib dahil lamang sa kanilang pinagmulan sa laman, anupat binubuo ng mabubuti at masasama. Sa kabilang panig naman, nariyan ang isang espirituwal na bansa na binubuo ng mga taong inilapit sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, mga taong nagpapakita ng pag-ibig sa katotohanan at katuwiran anupat personal at kusang-loob na nag-alay ng kanilang sarili sa paggawa ng kalooban ni Jehova. Dahil dito, makatuwiran lamang na magkaiba ang mga pakikitungo at pakikipag-ugnayan ng Diyos sa dalawang grupo at maaasahang ang unang grupo ay mangangailangan ng mas maraming kapahayagan ng galit at kahigpitan ni Jehova kaysa sa ikalawang grupo.
Gayunman, isang malubhang pagkakamali na waling-halaga ang nakapagpapatibay at nakaaaliw na kaunawaan sa personalidad ng Diyos na Jehova na makikita sa kaniyang mga pakikitungo sa Israel sa laman. Ang mga ito ay nagbibigay ng napakahuhusay na halimbawa na nagpapatunay na si Jehova ang uri ng Personang inilarawan niya kay Moises: “Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan, nag-iingat ng maibiging-kabaitan sa libu-libo, nagpapaumanhin sa kamalian at pagsalansang at kasalanan, ngunit sa anumang paraan ay wala siyang pinaliligtas sa kaparusahan, naglalapat ng kaparusahan sa mga anak at sa mga apo dahil sa kamalian ng mga ama, sa ikatlong salinlahi at sa ikaapat na salinlahi.”—Exo 34:4-7; ihambing ang Exo 20:5.
Bagaman ang pag-ibig, pagtitimpi, at mahabang pagtitiis ni Jehova ay tinitimbangan ng katarungan, ang mga ito pa rin ang namumukod-tanging mga aspekto ng kaniyang personalidad gaya ng isinisiwalat sa kasaysayan ng Israel, isang lubhang pinaborang bansa, na ang karamihan ay naging “matigas ang leeg” at ‘matigas ang puso’ sa harap ng kanilang Maylalang. (Exo 34:8, 9; Ne 9:16, 17; Jer 7:21-26; Eze ) Ang matitinding pagtuligsa at paghatol na paulit-ulit na ipinahayag ni Jehova laban sa Israel sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta ay lalo lamang nagpatingkad sa kadakilaan ng kaniyang awa at sa kamangha-manghang antas ng kaniyang mahabang pagtitiis. Sa katapusan ng mahigit 1,500 taon ng pagtitiis sa kanila, at kahit noong patayin ang kaniya mismong Anak sa sulsol ng relihiyosong mga lider ng bansa, patuloy pa rin silang pinagpakitaan ni Jehova ng pabor sa loob ng tatlo at kalahating taon, anupat may-kaawaang itinuon sa kanila ang pangangaral ng mabuting balita, sa gayo’y pinagkalooban sila ng higit pang pagkakataon upang magtamo ng pribilehiyong maghari kasama ng kaniyang Anak—isang pagkakataon na sinamantala ng libu-libo na nagsisi.— 3:7Gaw 2:1-5, 14-41; 10:24-28, 34-48; tingnan ang PITUMPUNG SANLINGGO.
Maliwanag na ang siniping pananalita ni Jehova may kinalaman sa ‘pagpapasapit ng kaparusahan sa mga inapo ng mga nagkasala’ ang tinutukoy ni Jesu-Kristo nang sabihin niya sa mapagpaimbabaw na mga eskriba at mga Pariseo: “Sinasabi ninyo, ‘Kung kami ay nasa mga araw ng aming mga ninuno, hindi kami magiging kabahagi nila sa dugo ng mga propeta.’ Samakatuwid ay nagpapatotoo kayo laban sa inyong sarili na kayo ay mga anak niyaong mga pumaslang sa mga propeta. Kung gayon nga, punuin ninyo ang panukat ng inyong mga ninuno.” (Mat 23:29-32) Sa kabila ng kanilang pag-aangkin, ipinakita ng mga taong iyon, sa pamamagitan ng kanilang landasin, na sinasang-ayunan nila ang maling mga gawa ng kanilang mga ninuno at na sila ay kabilang din sa ‘mga napopoot kay Jehova.’ (Exo 20:5; Mat 23:33-36; Ju 15:23, 24) Sa gayon, di-tulad ng mga Judiong nagsisi at sumunod sa mga salita ng Anak ng Diyos, sila ay dumanas ng nagkapatung-patong na mga epekto ng kahatulan ng Diyos; naganap ito pagkaraan ng maraming taon, nang ang Jerusalem ay kubkubin at wasakin at ang kalakhang bahagi ng populasyon nito ay mamatay. Maaari sana silang tumakas ngunit pinili nilang huwag samantalahin ang awa ni Jehova.—Luc 21:20-24; ihambing ang Dan 9:10, 13-15.
Ang personalidad niya ay naaninag sa kaniyang Anak. Sa lahat ng aspekto, eksaktong ipinaaninag ni Jesu-Kristo ang magandang personalidad ng kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova, na sa Kaniyang pangalan ay dumating siya. (Ju 1:18; Mat 21:9; Ju 12:12, 13; ihambing ang Aw 118:26.) Sinabi ni Jesus: “Ang Anak ay hindi makagagawa ng kahit isang bagay sa sarili niyang pagkukusa, kundi kung ano lamang ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Sapagkat anumang bagay ang ginagawa ng Isang iyon, ang mga bagay na ito ang ginagawa rin ng Anak sa gayunding paraan.” (Ju 5:19) Dahil dito, makatuwirang isipin na ang ipinakita ni Jesus na kabaitan at habag, kahinahunan at pagmamahal, gayundin ang masidhing pag-ibig sa katuwiran at pagkapoot sa kabalakyutan (Heb 1:8, 9), ay pawang mga katangiang naobserbahan ng Anak sa kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova.—Ihambing ang Mat 9:35, 36 sa Aw 23:1-6 at Isa 40:10, 11; ang Mat 11:27-30 sa Isa 40:28-31 at Isa 57:15, 16; ang Luc 15:11-24 sa Aw 103:8-14; ang Luc 19:41-44 sa Eze 18:31, 32; Eze 33:11.
Samakatuwid, ang bawat taong maibigin sa katuwiran, na bumabasa ng kinasihang Kasulatan at tunay na “nakaaalam” sa lubos na kahulugan ng pangalan ni Jehova (Aw 9:9, 10; 91:14; Jer 16:21), ay magiging lubusang kumbinsido na ang pangalang iyon ay dapat ibigin at pagpalain (Aw 72:18-20; 119:132; Heb 6:10), purihin at dakilain (Aw 7:17; Isa 25:1; Heb 13:15), katakutan at pabanalin (Ne 1:11; Mal 2:4-6; 3:16-18; Mat 6:9), pagkatiwalaan (Aw 33:21; Kaw 18:10), anupat sumasang-ayon sa sinabi ng salmista: “Aawit ako kay Jehova sa buong buhay ko; aawit ako ng papuri sa aking Diyos hangga’t ako ay nabubuhay. Maging kalugud-lugod nawa ang aking pagninilay-nilay tungkol sa kaniya. Ako, sa ganang akin, ay magsasaya kay Jehova. Ang mga makasalanan ay malilipol mula sa lupa; At kung tungkol sa mga balakyot, sila ay mawawala na. Pagpalain mo si Jehova, O kaluluwa ko. Purihin ninyo si Jah!”—Aw 104:33-35.
[Larawan sa pahina 1145]
Pirasong pilak na kababasahan ng pangalan ng Diyos; natagpuan sa Jerusalem at maliwanag na mula noong ikapito o ikaanim na siglo B.C.E.
[Larawan sa pahina 1147]
Ilang bahagi ng Mga Awit, mula sa Dead Sea Scroll. Paulit-ulit na lumilitaw rito ang Tetragrammaton sa naiibang sinaunang mga titik Hebreo
[Mga larawan sa pahina 1151]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ilan lamang sa maraming salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na gumamit sa banal na pangalan
Novum Testamentum Domini Nostri Iesu Christi, isinalin ni Elias Hutter (seksiyong Hebreo); inilathala sa Nuremburg; 1599; Efeso 5:17
The New Testament of Our Lord and Saviour Jesus Christ, isinalin ni John Eliot (wikang Massachuset); inilathala sa Cambridge, Mass.; 1661; Mateo 21:9
An English Version of the New Testament . . . From the Text of the Vatican Manuscript, ni Herman Heinfetter; inilathala sa London; 1864; Marcos 12:29, 30
Sämtliche Schriften des Neuen Testaments, isinalin ni Johann Jakob Stolz (Aleman); inilathala sa Zurich; 1781-1782; Roma 15:11