Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Jezreel

Jezreel

[Ang Diyos ay Maghahasik ng Binhi], Jezreelita.

1. Inapo ni Juda. Posibleng siya ang ninuno ng mga taga-Jezreel (Blg. 3) o ang pangunahing nanirahan doon.​—1Cr 4:1, 3.

2. Anak ng propetang si Oseas sa kaniyang asawang si Gomer. (Os 1:3, 4) Para sa makahulang kahulugan ng “Jezreel,” tingnan ang Blg. 4.

3. Di-matukoy na lunsod sa bulubunduking pook ng Juda, marahil ay itinatag ng Blg. 1. (Jos 15:20, 48, 56) Walang alinlangang ang Jezreel na ito ang bayan ng asawa ni David na si Ahinoam.​—1Sa 25:43; 27:3.

4. Isang lunsod sa hanggahan ng teritoryo ng Isacar. (Jos 19:17, 18) Sa ngayon, ipinapalagay na ang Jezreel ay ang Zerʽin (Tel Yizreʽel), na nasa mga 11 km (7 mi) sa HHS ng Jenin (En-ganim). Makikita sa bandang TS nito ang hugis hating-buwan na tagaytay ng mga burol na batong-apog na ipinapalagay na ang Bundok Gilboa.

Noong huling kalahatian ng ikasampung siglo B.C.E., sa Jezreel nanirahan ang hari ng Israel na si Ahab at ang kahalili niyang si Jehoram, bagaman Samaria ang kabisera ng hilagang kaharian. (1Ha 18:45, 46; 21:1; 2Ha 8:29) Sa ubasan ni Nabot malapit sa palasyo sa Jezreel, binigkas ng propetang si Elias ang hatol ni Jehova laban sa sambahayan ni Ahab. (1Ha 21:17-29) Ang hula ay natupad. Pinatay ni Jehu ang anak ni Ahab na si Haring Jehoram at pagkatapos ay ipinatapon ang bangkay nito sa bukid ni Nabot. Ang asawa ni Ahab na si Jezebel ay naging pagkain ng mga asong ligáw ng Jezreel nang ihulog ito mula sa bintana sa utos ni Jehu. Ang mga ulo ng 70 anak ni Ahab, na pinatay ng kanilang mga tagapag-alaga sa Samaria, ay tinipon sa dalawang bunton sa pintuang-daan ng Jezreel. Walang isa man sa mga bantog na tao, mga kakilala, at mga saserdote ni Ahab sa Jezreel ang nakatakas.​—2Ha 9:22-37; 10:5-11.

Ang Hula ni Oseas. Ang mga salita ni Jehova kay Oseas (1:4) hinggil sa “mga pagbububo ng dugo sa Jezreel” ay hindi dapat unawaing tumutukoy sa pagpuksa ni Jehu sa di-makadiyos na sambahayan ni Ahab. Si Jehu ay ginamit ni Jehova upang ilapat ang Kaniyang kahatulan. Gayunman, maaaring nagkasala rin mismo si Jehu ng pagbububo ng dugo dahil sa maling mga motibo niya nang pahintulutan niyang manatili ang pagsamba sa guya.​—2Ha 10:30, 31.

Ang makahulang pangalang Jezreel, na itinagubilin ni Jehova na itawag ni Oseas sa kaniyang anak kay Gomer, ay tumukoy sa isang panghinaharap na pakikipagsulit sa sambahayan ni Jehu. Ang Diyos ay “maghahasik ng binhi,” anupat pangangalatin niya ito. Nangyari ang pakikipagsulit sa sambahayan ni Jehu nang paslangin ang kaniyang apo sa talampakan na si Zacarias, matapos mamahala nang anim na buwan, at pagkatapos ay agawin ng mamamatay-taong si Salum ang trono. (2Ha 15:8-10) Sa gayo’y nagwakas ang dinastiya ni Jehu. Mga 50 taon pagkaraan nito, noong 740 B.C.E., nang bumagsak sa Asirya ang hilagang kaharian at ipatapon ang mga naninirahan doon, tuluyan nang naputol ang maharlikang pamamahala ng sambahayan ng Israel. Nang panahong iyon, “ang busog ng Israel,” samakatuwid nga, ang militar na lakas nito, ay nabali. Binanggit sa hula na mangyayari ito sa Mababang Kapatagan ng Jezreel, marahil ay dahil doon ganap na nagtagumpay ang mga Asiryano.​—Os 1:4, 5.

Gayunman, sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Oseas, tinukoy rin ni Jehova ang isang kaayaayang kahulugan ng Jezreel. Sa pamamagitan ng muling pagtitipon sa nalabi ng Israel at Juda at pagpapabalik sa kaniyang bayan sa kanilang lupain, si Jehova ay maghahasik ng binhi, anupat pararamihin niya sila roon.​—Os 1:11; 2:21-23; ihambing ang Zac 10:8-10.

5. Ang heograpikong lugar ng Kapatagan ng Jezreel. Kadalasan, ang katawagang ito ay tumutukoy lamang sa mababang kapatagan na bumabagtas nang patimog-silangan mula sa lunsod ng Jezreel sa Isacar hanggang sa Bet-sean sa kanluraning gilid ng Libis ng Jordan. Pero ang katawagang “Libis ng Jezreel” ay ginagamit para tukuyin din ang mababang kapatagan sa K ng Jezreel, ang Kapatagan ng Esdraelon (na anyong Griego ng Hebreong Jezreel). Kaya sa malawak na diwa, kasama sa “Libis ng Jezreel” ang buong kapatagan mula sa Kabundukan ng Carmel hanggang sa Ilog Jordan.

Yamang ang lunsod ng Jezreel (Zerʽin) ay nasa gilid ng isang mabato at palusong na lugar, matatanaw mula rito ang buong silanganing bahagi ng Libis ng Jezreel, na bumabagtas nang halos 19 na km (12 mi) patungong timog-silangan at may lapad na mga 3 km (2 mi). Noong panahon ni Josue, ang kapatagang ito ay kontrolado ng mga Canaanita na may matitibay at lubos na nasasandatahang mga karong pandigma. (Jos 17:16) Sa libis ding ito nasaksihan ni Gideon at ng kaniyang 300 tauhan ang pagliligtas ni Jehova nang ang mga hukbo ng kanilang kaaway na mga Midianita, Amalekita, at mga taga-Silangan ay magpatayan sa kalituhan. (Huk 6:33; 7:12-22) Nang harapin ng hukbong Israelita sa ilalim ng pamumuno ni Haring Saul ang kaaway na mga Filisteo, sila’y nagkampo sa tabi ng bukal na nasa Jezreel (marahil ay ang ʽAin Jalud sa HK tagaytay ng Bundok Gilboa o ang ʽAin el-Meiyiteh sa ibaba ng bayan ng Zerʽin). Pagkatapos nito, mula sa Jezreel ay iniulat na namatay si Saul at ang kaniyang anak na si Jonatan. (1Sa 29:1, 11; 2Sa 4:4) Nang magkagayon, ang Jezreel at ang kapaligiran nito ay naging bahagi ng teritoryong pinamahalaan ng anak ni Saul na si Is-boset. (2Sa 2:8, 9) At noong naghahari si Solomon, kasama sa iniatas sa kinatawan na si Baana ang matabang Kapatagan ng Jezreel.​—1Ha 4:7, 12.