Jubileo
Ang taon na kasunod ng bawat siklo ng pitong yugto na tigpipitong taon, anupat binibilang mula noong pumasok ang Israel sa Lupang Pangako. Ang salitang Hebreo na yoh·velʹ (o, yo·velʹ) ay nangangahulugang “sungay ng barakong tupa,” at tumutukoy ito sa pagpapatunog sa sungay ng barakong tupa sa ika-50 taóng iyon upang maghayag ng paglaya sa buong lupain.—Lev 25:9, 10, tlb sa Rbi8; tingnan ang SUNGAY, TAMBULI.
Pasimula sa panahon ng pagpasok sa Lupang Pangako, bibilang ang bansang Israel ng anim na taon kung kailan maaaring hasikan, sakahin, at pag-anihan ang lupain; ngunit ang ikapitong taon ay magiging taon ng sabbath, kung kailan dapat hayaang di-natatamnan ang lupain. Sa ikapitong taon ay walang gagawing paghahasik o pagpungos. Hindi maaaring gapasin kahit ang sumibol mula sa mga butil na natapon noong pag-aani ng nakaraang taon, at hindi dapat tipunin ang mga ubas mula sa di-napungusang mga punong ubas. Ang mga butil at mga bunga na kusang tumubo ay maaaring kunin ng may-ari, ng kaniyang mga alipin, ng mga upahang trabahador, ng mga naninirahang dayuhan, at ng mga dukha. Pinahintulutan ding kumain mula roon ang mga alagang hayop at ang mababangis na hayop. (Lev 25:2-7; Exo 23:10, 11) Pito sa tigpipitong-taóng yugtong ito (7 × 7 = 49) ang bibilangin, at ang kasunod na taon, ang ika-50, ay magiging taon ng Jubileo.
May pagkakahawig ang Jubileo sa taon ng sabbath. Muli, magkakaroon ng lubusang kapahingahan ang lupain. Gayunding mga tuntunin ang ikinakapit sa ani ng lupain. (Lev 25:8-12) Nangangahulugan ito na ang ani ng ika-48 taon ng bawat 50-taóng siklo ang siyang pangunahing pagkukunan ng pagkain para sa taóng iyon at para sa kasunod na yugto na mahigit nang kaunti sa dalawang taon, hanggang sa pag-aani ng ika-51 taon, o ang taóng kasunod ng Jubileo. Dahil sa pantanging pagpapala ni Jehova sa ikaanim na taon, ang lupain ay nagluluwal ng ani na makapaglalaan ng sapat na pagkain para sa taon ng Sabbath. (Lev 25:20-22) Sa katulad na paraan, ang Diyos ay naglalaan ng sagana at sapat na ani sa ika-48 taon upang matustusan ang bansa sa taon ng Sabbath, sa kasunod na Jubileo, at sa susunod pang taon hanggang sa panahon ng pag-aani, kung tutuparin ng mga Judio ang kaniyang Kautusan.
Sa diwa, ang Jubileo ay isang buong taon ng kapistahan, isang taon ng paglaya. Kung ipangingilin ito ng Israel, maipakikita nila na mayroon silang pananampalataya sa kanilang Diyos na si Jehova at magiging isang panahon ito ng pagpapasalamat at kaligayahan dahil sa kaniyang mga paglalaan.
Sa ikasampung araw ng ikapitong buwan (sa buwan ng Tisri), sa Araw ng Pagbabayad-Sala, pinatutunog ang tambuli (shoh·pharʹ, o sho·pharʹ, isang nakakurbang sungay ng hayop), sa gayon ay naghahayag ng paglaya sa buong lupain. Nangangahulugan ito ng kalayaan para sa mga aliping Hebreo, na marami sa kanila ay napilitang ipagbili ang kanilang sarili dahil sa pagkakautang. Karaniwan na, ipinagkakaloob lamang ang gayong paglaya pagsapit ng ikapitong taon ng pagkaalipin (Exo 21:2), ngunit ang Jubileo ay naglalaan ng paglaya kahit doon sa mga hindi pa nakapaglingkod nang anim na taon. Lahat ng minanang lupaing pag-aari na naipagbili (kadalasa’y dahil sa pagbagsak ng kabuhayan) ay ibinabalik, at bawat tao ay bumabalik sa kaniyang pamilya at sa pag-aari ng kaniyang mga ninuno. Walang pamilya ang dapat mabaon sa karalitaan. Bawat pamilya ay dapat magkaroon ng dangal at paggalang ng iba. Kahit ang taong lumustay ng mga pag-aari niya ay hindi permanenteng mawawalan ng kaniyang mana para sa mga kaapu-apuhan niya. Tutal, si Jehova ang tunay na may-ari ng lupain, at, sa pangmalas ni Jehova, ang mga Israelita mismo ay mga naninirahang dayuhan at mga nakikipamayan. (Lev 25:23, 24) Kung tutuparin ng bansa ang mga kautusan ng Diyos, mangyayari ang sinabi niya, “Walang sinuman ang dapat maging dukha sa gitna mo.”—Lev 25:8-10, 13; Deu 15:4, 5.
Dahil sa kautusan ng Jubileo, walang bahagi ng lupain ang maaaring ipagbili nang panghabang-panahon. Itinakda ng Diyos na kung ipagbibili ng isang tao ang alinmang lupain mula sa kaniyang minanang pag-aari, ang presyo ng pagbebenta nito ay tatayahin alinsunod sa bilang ng mga taóng natitira hanggang sa Jubileo. Gayunding halaga ang susundin kung ang minanang lupain ay tutubusin ng Lev 25:15, 16, 23-28) Kapit ang tuntuning ito sa mga bahay na nasa mga pamayanang walang pader, na itinuring na lantad na lupain; ngunit ang mga bahay na nasa mga lunsod na may pader ay hindi kabilang sa mga ari-ariang isasauli sa Jubileo. Gayunman, hindi ito kapit sa mga bahay ng mga Levita, na ang tanging pag-aari ay ang mga bahay at mga pastulan sa palibot ng mga lunsod ng mga Levita. Ang mga bahay ng mga ito ay isinasauli sa Jubileo; hindi naman maaaring ipagbili ang pastulan ng mga lunsod ng mga Levita.—Lev 25:29-34.
may-ari nito. Samakatuwid, sa diwa, kapag ibinenta ang lupain, ang ibinebenta lamang ay ang karapatang gamitin ang lupain at ang ani mula rito sa loob ng mga taóng natitira hanggang sa taon ng Jubileo. (Higit na mapahahalagahan ang kahanga-hangang probisyon ng taon ng Jubileo kung isasaalang-alang ang mga kapakinabangang dulot nito hindi lamang sa indibiduwal na mga Israelita kundi lalo na ang epekto nito sa buong bansa. Kapag may-kawastuang tinutupad ang kaayusan ng Jubileo, sa taon ng Jubileo ay naisasauli ang bansa sa lubos at wastong teokratikong kalagayang nilayon at itinatag ng Diyos noong pasimula. May matibay na saligan ang pamahalaan. Laging matatag ang ekonomiya ng bansa, at hindi magkakaroon ng malulubhang pagkakautang ang bansa. (Deu 15:6) Ang Jubileo ay nagdulot ng matatag na batayan ng halaga ng lupa at hinadlangan nito ang pagkabaon ng mga mamamayan nito sa utang at ang bunga niyaon na huwad na kasaganaan na nagiging sanhi naman ng pagbaba ng halaga ng salapi, pagkaunti ng suplay nito at pagtaas ng halaga ng bilihin, at pagbagsak ng negosyo.
Kapag sinusunod ang kautusan ng Jubileo, iniingatan nito ang bansa upang huwag itong malugmok sa malungkot na kalagayang nakikita natin ngayon sa maraming lupain, kung saan halos dalawang uri lamang ang mga tao, ang napakayaman at ang napakadukha. Ang mga pakinabang na dulot nito sa indibiduwal ay nagpatibay sa bansa, sapagkat walang sinuman ang kakapusin sa oportunidad at magiging di-produktibo dahil sa masamang kalagayan ng ekonomiya, sa halip, ang lahat ay makapag-aabuloy ng kanilang talino at kakayahan para sa kapakanan ng bansa. Habang inilalaan ni Jehova ang mga pagpapala ng ani ng lupa lakip ang inilaang edukasyon, ang Israel, kung masunurin, ay magtatamasa ng sakdal na pamamahala at kasaganaan na tanging ang tunay na teokrasya lamang ang makapaglalaan.—Isa 33:22.
Binabasa ang Kautusan sa harap ng bayan kapag mga taon ng Sabbath, lalo na sa panahon ng Kapistahan ng mga Kubol, o ng Pagtitipon ng Ani. (Deu 31:10-12) Kaya naman, dapat sana’y higit silang napalapit kay Jehova at naingatan nila ang kanilang kalayaan. Binabalaan ni Jehova ang mga Israelita na daranas sila ng kapahamakan kung magiging masuwayin sila at paulit-ulit nilang ipagwawalang-bahala ang kaniyang mga kautusan (kasama na yaong mga may kinalaman sa mga taon ng Sabbath at Jubileo).—Lev 26:27-45.
Kung pasisimulan ang pagbilang ng mga taon mula sa pagpasok ng mga Israelita sa Lupang Pangako, ang kanilang unang taon ng Jubileo ay nagsimula noong Tisri ng 1424 B.C.E. (Lev 25:2-4, 8-10) Sa pagitan ng pagpasok sa Lupang Pangako noong 1473 B.C.E. at ng pagbagsak ng Jerusalem noong 607 B.C.E., 17 Jubileo ang kinailangang ipinagdiwang ng mga Israelita. Ngunit isang malungkot na komentaryo sa kanilang kasaysayan ang hindi nila pagpapahalaga kay Jehova bilang kanilang Hari. Nang bandang huli ay nilabag nila ang kaniyang mga utos, pati na ang mga kautusan ng Sabbath, at naiwala nila ang mga pagpapalang isinaayos niya para sa kanila. Ang pagkabigo nilang sumunod sa Diyos ay nagdulot ng kadustaan sa kaniya sa harap ng mga bansa sa daigdig at nakahadlang sa pagtatamasa nila ng kahusayan ng kaniyang teokratikong pamahalaan.—2Cr 36:20, 21.
Makasagisag na Kahulugan. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay may mga di-tuwirang pagtukoy sa kaayusan ng Jubileo. Sinabi ni Jesu-Kristo na dumating siya upang “mangaral ng pagpapalaya sa mga bihag.” (Luc 4:16-18) Nang maglaon, ganito ang sinabi niya may kinalaman sa paglaya mula sa pagkaalipin sa kasalanan: “Kung palalayain kayo ng Anak, kayo ay talagang magiging malaya.” (Ju 8:36) Dahil ang pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano ay ipinahayag na matuwid para sa buhay at inianak bilang mga anak ng Diyos pasimula noong Pentecostes ng 33 C.E., nang maglaon ay naisulat ng apostol na si Pablo: “Ang kautusan ng espiritung iyon na nagbibigay ng buhay kaisa ni Kristo Jesus ay nagpalaya na sa iyo mula sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.” (Ro 8:2) Sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, ang iba rin naman, gaya ng ipinahihiwatig sa Roma 8:19-21, ay “palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan” at, matapos nilang patunayan ang kanilang pagkamatapat kay Jehova sa ilalim ng pagsubok, sila ay “magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” Palalayain sila mula sa minanang kasalanan at mula sa kamatayang dulot nito. Ang lupa ay muling ipagkakatiwala sa mga tunay na mananamba, upang pangalagaan ito kasuwato ng orihinal na layunin ni Jehova para sa sangkatauhan.—Apo 21:4; Gen 1:28; Isa 65:21-25.