Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kabayo

Kabayo

[sa Heb., sus; reʹkhev (mga kabayong pangkaro); reʹkhesh (pulutong ng mga kabayo; mga kabayong panghatid-sulat); sa Gr., hipʹpos].

Noong sinasaway Niya si Job, inilarawan ni Jehova, na lumalang sa kabayo, ang ilan sa pangunahing katangian ng hayop na ito: ang pambihirang lakas nito, ang pagsingasing ng ilong nito, ang pagdamba nito sa lupa dahil sa pagkainip, ang pananabik nito sa pagbabaka, at ang kawalang-sindak nito sa taginting ng mga sandata. (Job 39:19-25) Noon pa man, ang pamilyar na hayop na ito ay malapít na iniugnay sa tao, na gumagamit ng renda at panghagupit upang kontrolin ito.​—Aw 32:9; Kaw 26:3; San 3:3.

Ginamit sa Militar. Bukod sa ginamit ito ng mga hari, mga prinsipe, at mga opisyal ng estado, at gayundin sa mabibilis na sistema ng komunikasyon (2Sa 15:1; Ec 10:7; Es 6:7, 8; 8:14; Jer 17:25; 22:4), ang pangunahing gamit sa kabayo noong sinaunang mga panahon ay sa pakikipagdigma.​—Kaw 21:31; Isa 5:28; Jer 4:13; 8:16; 46:4, 9.

Gayunman, ang mga kabayo ay hindi angkop gamitin sa pakikidigma sa bulubundukin at baku-bakong kalupaan. (Am 6:12) Kaya naman nang talunin ni Haring Ahab ng Israel ang hukbo ng Sirya, nagdahilan ang mga lingkod ni Ben-hadad na ang Diyos ng Israel ay “isang Diyos ng mga bundok” at hindi ng mga kapatagan, kung saan nakalalamang ang mga kabayo at mga karo. Sa kabila nito, binigyan din ni Jehova ang Israel ng tagumpay sa kapatagan.​—1Ha 20:23-29.

Ang kabayo ay isang nakasisindak na bahagi ng epektibong hukbong pandigma. Ang ingay pa lamang ng napakaraming kabayo at mga karo ay sapat na upang pumukaw ng takot at magpulasan ang isang hukbo sa pag-aakalang mas marami ang kanilang kalaban. (2Ha 7:6, 7) Ang kapangyarihang militar ng Ehipto, Asirya, Babilonia, Medo-Persia, at ng iba pang mga bansa ay nakadepende sa mga kabayo. (Isa 31:1, 3; Jer 6:22, 23; 50:35, 37, 41, 42; 51:27, 28; Eze 23:5, 6, 23; 26:7, 10, 11; Na 3:1, 2; Hab 1:6, 8) Malimit makita sa mga sinaunang bantayog ang mga kabayong nasasakbatan ng mga kabisada, mga renda, mga palamuti sa ulo, mga telang pansiya, at iba pang dekorasyon.

Gayunman, ang mga Israelita, na piling bayan ng Diyos noong sinaunang mga panahon, ay hindi dapat tumulad sa mga Ehipsiyo at sa ibang mga bansang kapanahon nila na nanalig sa mga kabayo at mga karo para sa kaligtasan at kasarinlan. Ang mga hari ng Israel ay pinagbawalang magparami ng mga kabayo para sa kanilang sarili. (Deu 17:15, 16) Sa halip na magtiwala sa kapangyarihang militar, mga kabayo, at mga karo, ang mga Israelita ay dapat umasa sa tulong ni Jehova, at hindi sila dapat matakot sa mga kasangkapang pandigma ng kanilang mga kalaban.​—Deu 20:1-4; Aw 20:7; 33:17; Os 1:7.

Isinaisip ni Haring David ng Israel ang pagbabawal ni Jehova laban sa pagpaparami ng mga kabayo. Nang magtagumpay siya laban kay Hadadezer ng Zoba, makapagdaragdag sana si David ng maraming kabayo sa kaniyang hukbo. Sa halip ay kumuha lamang siya ng inakala niyang sapat para sa kaniyang pangangailangan at iniutos niyang pilayin ang iba.​—2Sa 8:3, 4; 1Cr 18:3, 4; ihambing ang Jos 11:6, 9; tingnan ang GATIL SA LIKURAN NG BINTI.

Mula kay Solomon Hanggang sa Pagbabalik Mula sa Pagkatapon. Gayunman, ang anak at kahalili ni David na si Solomon ay nagsimulang magtipon ng libu-libong kabayo. (1Ha 4:26 [dito ang “apatnapung libong kuwadra ng mga kabayo” ay karaniwang ipinapalagay na isang pagkakamali ng eskriba para sa “apat na libo”]; ihambing ang 2Cr 9:25.) Tumanggap si Haring Solomon ng mga kabayo mula sa Ehipto at sa iba pang mga lupain (2Cr 9:28), at kasama ang mga kabayo sa mga kaloob na dinadala ng mga nagnanais makarinig ng kaniyang karunungan. (1Ha 10:24, 25; 2Cr 9:23, 24) Ikinuwadra ang mga hayop na ito sa pantanging mga lunsod ng karo at gayundin sa Jerusalem. (1Ha 9:17-19; 10:26) Ang sebada at dayaming kinakain ng mga kabayo ay galing sa mga kinatawang naglalaan ng pagkain sa maharlikang sambahayan.​—1Ha 4:27, 28.

Noong naghahari si Solomon, ang mga mangangalakal ng hari ay nag-angkat ng mga kabayo at mga karo. Ang halaga ng isang kabayo ay 150 pirasong pilak ($330, kung ang mga pirasong pilak ay siklo), at ang halaga ng isang karo ay 600 pirasong pilak (mga $1,320, kung siklo).​—1Ha 10:28, 29; 2Cr 1:16, 17.

Nang maglaon, ang mga hari ng Juda at ng Israel ay gumamit ng mga kabayo sa pakikipagdigma. (1Ha 22:4; 2Ha 3:7) Hinggil sa Juda, sinabi ng propetang si Isaias na ang lupain ay napuno ng mga kabayo. (Isa 2:1, 7) Sa Israel, bagaman may mga panahong nabawasan nang husto ang bilang ng mga kabayo dahil sa tagtuyot, taggutom, at mga pagkatalo sa digmaan (1Ha 17:1; 18:1, 2, 5; 2Ha 7:13, 14; 13:7; Am 4:10), sa mga kabayo pa rin inilagak ng mga tao ang kanilang pagtitiwala at sa Ehipto sila umasa para sa tulong na pangmilitar. (Isa 30:16; 31:1, 3) Nag-alay pa nga ng mga kabayo sa paganong kulto ng araw ang balakyot na mga hari ng Juda, anupat dinala nila ang mga ito sa loob ng sagradong bakuran ng templo ni Jehova. (2Ha 23:11) Ang huling hari ng Juda, si Zedekias, ay naghimagsik laban kay Haring Nabucodonosor ng Babilonya at pagkatapos ay nagsugo siya sa Ehipto para humingi ng mga kabayo at tulong na pangmilitar. (2Cr 36:11, 13; Eze 17:15) Dahil dito, yumaon ang Juda sa pagkatapon bilang katuparan ng hula.​—Eze 17:16-21; Jer 52:11-14.

Ang mga kabayo ay kasama sa mga hayop na gagamiting transportasyon ng nakapangalat na bayan ng Diyos pabalik sa Jerusalem. (Isa 66:20) Kaya naman kapansin-pansin na sa unang katuparan ng mga hula ng pagsasauli, ang bumalik na mga Judio ay nag-uwi ng 736 na kabayo.​—Ezr 2:1, 66; Ne 7:68.

Makatalinghagang Paggamit. Sa Kasulatan, ang kabayo ay paulit-ulit na binanggit sa makatalinghagang mga tagpo. Ang mapangalunyang mga anak ng walang-pananampalatayang Jerusalem ay inihalintulad sa “mga kabayong pinananaigan ng seksuwal na pagnanasa.” (Jer 5:7, 8) Ang di-tapat na Jerusalem ay nagpatutot sa mga tagapamahala ng mga bansang pagano, anupat ninasa niya ang mga ito nang may kahalayan gaya ng mga babaing pag-aari niyaong mga may labis-labis na seksuwal na kakayahan, na inihalintulad naman sa mga lalaking kabayo. (Eze 23:20, 21) Ang sutil at di-nagsisising saloobin ng isang apostatang bayan ay inihambing sa mapusok na pagdaluhong ng kabayo sa pagbabaka nang di-isinasaalang-alang ang mga kahihinatnan.​—Jer 8:6.

Ang pantanging atensiyon at mga palamuting iginagayak sa isang maharlikang kabayong pandigma ay ginamit upang lumarawan sa pagbabaling ni Jehova ng kaniyang pansin sa kaniyang nagsisising bayan, anupat gagawin niya silang tulad ng isang matagumpay na kabayong pandigma.​—Zac 10:3-6.

Sa pamamagitan ng propetang si Joel, inihula ni Jehova ang isang nakapipighating salot na sasapit sa mga nag-aangking kaniyang bayan ngunit sa totoo ay mga apostata. Inilarawan niya ang lumalamong mga peste bilang may “anyo ng mga kabayo.” (Joe 2:1-4) Tumanggap ang apostol na si Juan ng katulad na pangitain tungkol sa isang malaking salot ng balang, anupat ang mga balang ay “kahalintulad ng mga kabayong nakahanda sa pakikipagbaka.”​—Apo 9:7.

Nakakita rin si Juan ng mga hukbong mangangabayo na may bilang na dalawang laksa ng mga laksa (200,000,000) na binigyan ng kapangyarihang maglapat ng mapamuksang mga kahatulan ng Diyos. Ang mga kabayo ay may nakamamatay na kapangyarihan kapuwa sa kanilang mga ulo at mga buntot. Maliwanag na ang lahat ng mga kabayong ito ay nasa ilalim ng pangunguna ng apat na anghel na dating nakagapos sa Ilog Eufrates.​—Apo 9:14-19.

Ang di-nakikitang makalangit na kasangkapang pandigma ni Jehova ay kinakatawanan ng maaapoy na kabayo at karo. (2Ha 2:11, 12) Noong isang pagkakataon, ipinanalangin ni Eliseo na madilat nawa ang mga mata ng kaniyang natatakot na tagapaglingkod upang makita nito na “ang bulubunduking pook ay punô ng mga kabayo at mga pandigmang karo ng apoy sa buong palibot ni Eliseo” na magsasanggalang sa kaniya laban sa nakapalibot na mga hukbo ng mga Siryanong isinugo upang bumihag sa kaniya.​—2Ha 6:17.

Pagkaraan ng ilang siglo, tumanggap si Zacarias ng isang pangitain tungkol sa apat na karo. Sa unang karo ay may mga kabayong pula, sa ikalawa ay may mga kabayong itim, sa ikatlo ay may mga kabayong puti, at sa ikaapat ay may mga kabayong batik-batik, na may iba’t ibang kulay. Ipinakilala ang mga ito bilang “ang apat na espiritu sa langit.”​—Zac 6:1-8; tingnan din ang Zac 1:8-11.

Ang hula ni Zacarias tungkol sa mga nagsasagawa ng paglilingkod militar laban sa Jerusalem ay nagpapakita na ililigtas ni Jehova ang kaniyang bayan at pupuksain niya ang mga kaaway at ang kanilang mga kabayo. (Zac 14:12-15; tingnan din ang Eze 38 at 39.) Ang isa sa magagandang resulta nito ay na hindi na gagamitin ang kabayo sa pakikipagdigma. Sa halip, gagamitin ito sa ikaluluwalhati ng Diyos, gaya ng ipinahihiwatig ng mga salitang: “Mapapasa mga kampanilya ng kabayo ‘Ang kabanalan ay kay Jehova!’⁠” (Zac 14:20; ihambing ang Exo 28:36, 37.) Ang paglipol sa karong pandigma at sa kabayo ay nagpapahiwatig din ng pagsasauli ng kapayapaan.​—Zac 9:10.

Sa makasagisag na pangitain ng apostol na si Juan, ang niluwalhating si Jesu-Kristo ay ipinakitang nakasakay sa isang kabayong puti at may kasamang hukbo na ang mga miyembro ay pawang nakaupo sa mga kabayong puti. Isiniwalat kay Juan ang pangitaing ito upang ipakita na matuwid at makatarungan ang digmaang ipakikipagbaka ni Kristo laban sa lahat ng kaaway para sa kaniyang Diyos at Ama, si Jehova. (Apo 19:11, 14) Mas maaga rito, ang pagkilos ni Kristo bilang hari at ang mga kapahamakang kasunod niyaon ay inilarawan ng iba’t ibang mangangabayo at ng mga kabayong sinasakyan nila.​—Apo 6:2-8.