Kalawakan
May kinalaman sa ikalawang yugto, o “araw,” ng paglalang, sinasabi ng Genesis 1:6-8: “At sinabi ng Diyos: ‘Magkaroon ng kalawakan [sa Heb., ra·qiʹaʽ; sa Ingles, expanse] sa pagitan ng mga tubig at mahiwalay ang tubig sa tubig.’ Nang magkagayon ay pinasimulang gawin ng Diyos ang kalawakan at pinaghiwalay ang tubig na mapapasailalim ng kalawakan at ang tubig na mapapasaibabaw ng kalawakan. At nagkagayon nga. At pinasimulan ng Diyos na tawaging Langit ang kalawakan.” Nang maglaon, sinasabi ng rekord na lumitaw ang mga tanglaw sa “kalawakan ng langit,” at nang maglaon pa ay sinasabi nito na nagkaroon ng mga lumilipad na nilalang na lumilipad sa itaas ng lupa “sa ibabaw ng kalawakan ng langit.”—Gen 1:14, 15, 17, 20.
Ginamit ng Griegong Septuagint ang salitang ste·reʹo·ma (nangangahulugang “isang matibay at solidong kayarian”) upang isalin ang Hebreong ra·qiʹaʽ, at ginamit naman ng Latin na Vulgate ang terminong Latin na firmamentum, na nagpapahiwatig din ng isang bagay na solido at matibay. Sinunod ito ng King James Version, ng Revised Standard Version, at ng marami pang iba anupat isinalin ang ra·qiʹaʽ sa pamamagitan ng salitang “firmament” (papawirin). Gayunman, sa panggilid na impormasyon ng King James Version, ibinibigay nito ang isa pang salin na “expansion” (paglawak), at ang ibinibigay naman ng American Standard Version sa talababa nito ay “expanse” (kalawakan). Sinusuportahan ng iba pang mga salin ang gayong pagkakasalin—“expanse” (Ro; Fn; Yg; An; NW); “expansión” (VM [Kastila]); “étendue [lawak o kalawakan]” (Segond; Ostervald [Pranses]).
Sinisikap ipakita ng ilan na kalakip sa sinaunang konseptong Hebreo hinggil sa sansinukob ang ideya ng isang solidong balantok na nakaarko sa ibabaw ng lupa, na may mga butas na mapaglalagusan ng ulan samantalang ang mga bituin naman ay nakapirme sa loob ng solidong balantok na ito, anupat may mga dayagram ng gayong konsepto sa mga diksyunaryo ng Bibliya at sa ilang salin ng Bibliya. Sa pagkokomento sa saloobing ito, ang The International Standard Bible Encyclopaedia ay nagsasabi: “Ngunit ang ganitong palagay ay sa katunayan higit na nakasalig sa mga ideyang laganap sa Europa noong Panahon ng Kadiliman kaysa sa alinmang aktuwal na pananalita sa L[umang] T[ipan].”—Inedit ni J. Orr, 1960, Tomo I, p. 314.
Bagaman totoo na ang salitang-ugat (ra·qaʽʹ) na pinagkunan ng ra·qiʹaʽ ay karaniwang ginagamit sa diwa ng “pagpukpok” sa isang bagay na solido, sa pamamagitan man ng kamay, ng paa, o ng anumang kasangkapan (ihambing ang Exo 39:3; Eze 6:11), sa ilang kaso ay hindi makatuwirang alisin ang posibilidad na maaaring gamitin sa makasagisag na paraan ang salitang iyon. Kaya naman sa Job 37:18 ay itinatanong ni Elihu tungkol sa Diyos: “Mapupukpok [tar·qiʹaʽ] mo bang kasama niya ang kalangitan na sintigas ng salaming binubo?” Yamang ang salitang “kalangitan” dito ay nanggaling sa isang salita (shaʹchaq) na isinasalin ding “manipis na alikabok” o “ulap” (Isa 40:15; Aw 18:11), hindi literal na pagpukpok sa isang solidong balantok sa langit ang tinutukoy, at dahil sa tulad-hanging katangian niyaong ‘pinupukpok,’ maliwanag na makasagisag lamang na inihahambing ng manunulat ng Bibliya ang kalangitan sa isang salaming metal na ang mukha ay pinakinang anupat nagniningning.—Ihambing ang Dan 12:3.
Kaya gayundin may kinalaman sa “kalawakan” na nalikha noong ikalawang “araw” ng paglalang, walang solidong substansiya ang inilalarawang pinukpok kundi, sa halip, isang nakapagitnang espasyo, o dibisyon, ang nilalang sa pagitan ng tubig na tumatakip sa lupa at ng iba pang tubig na nasa ibabaw ng lupa. Sa gayon ay inilalarawan nito ang paggawa sa atmosperikong kalawakan na bumabalot sa lupa at ipinahihiwatig nito na may panahon noon na walang malinaw na dibisyon o nakapagitnang espasyo kundi, sa halip, ang buong globo ay dating nababalot ng singaw ng tubig. Kasuwato rin ito ng panghihinuha ng mga siyentipiko hinggil sa maaagang yugto noong unti-unting nagkakaanyo ang planetang ito at ng pangmalas na may panahon noon na ang lahat ng tubig sa lupa ay nasa atmospera sa anyong singaw dahil sa napakatinding init ng ibabaw ng lupa noong panahong iyon.
Hindi inisip ng mga Hebreong manunulat ng Bibliya na ang kalangitan ay orihinal na yari sa pinakinang na metal at maliwanag itong makikita sa babalang ibinigay sa Israel sa pamamagitan ni Moises na, sakaling sumuway sila sa Diyos, “Ang iyong kalangitan na nasa itaas ng iyong ulo ay magiging tanso nga, at ang lupa na nasa ilalim mo ay magiging bakal,” sa gayon ay inilalarawan sa pamamagitan ng metapora ang mga epekto ng matinding init at malubhang tagtuyot sa kalangitan at sa lupain ng Israel.—Deu 28:23, 24.
Sa katulad na paraan, maliwanag na ang sinaunang mga Hebreo ay walang paganong konsepto hinggil sa pag-iral ng literal na “mga bintana” na nasa arko ng kalangitan at dinaraanan ng ulan pababa sa lupa. Sa Job 36:27, 28, tumpak na tumpak at makasiyensiya ang sinabi ng manunulat ng Job nang sipiin niya si Elihu sa paglalarawan nito sa proseso kung paano namumuo ang mga ulap-ulan: “Sapagkat pinaiilanlang niya ang mga patak ng tubig; ang mga iyon ay nasasala bilang ulan para sa kaniyang manipis na ulap, anupat ang mga ulap [shecha·qimʹ] ay pumapatak, ang mga iyon ay tumutulo nang sagana sa sangkatauhan.” Sa gayunding paraan, ang pananalitang “mga pintuan ng tubig [ʼarub·bothʹ] sa langit” ay malinaw na isang makasagisag na pananalita.—Ihambing ang Gen 7:11; 2Ha 7:1, 2, 19; Mal 3:10; tingnan din ang Kaw 3:20; Isa 5:6; 45:8; Jer 10:13.
Sa kaniyang pangitain hinggil sa makalangit na mga kaayusan, inilalarawan ni Ezekiel ang “wangis ng isang kalawakan na gaya ng kislap ng kasindak-sindak na yelo” na nasa itaas ng mga ulo ng apat na nilalang na buháy. Ang ulat na ito ay punung-puno ng makasagisag na mga pananalita.—Eze 1:22-26; 10:1.
Bagaman sa pormasyon ng kalawakan, o atmospera, na bumabalot sa lupa ay walang naganap na ‘pagpukpok’ sa isang bagay na solidong gaya ng isang metalikong substansiya, gayunma’y dapat tandaan na ang halu-halong gas na bumubuo sa atmospera ng planetang Lupa ay kasintunay ng lupa at tubig at may bigat sa ganang sarili (bukod pa sa pagkakaroon nito ng tubig at pagkarami-raming partikula ng mga solidong materyales, gaya ng alikabok). Tinatayang ang kabuuang bigat ng hangin na bumabalot sa lupa ay mahigit sa 5,200,000,000,000,000 metriko tonelada. (The World Book Encyclopedia, 1987, Tomo 1, p. 156) Ang presyon ng hangin sa kapantayan ng dagat ay mga 1 kg bawat sentimetro kuwadrado (15 lb bawat pulgada kuwadrado). Nagsisilbi rin itong pansalag upang ang karamihan sa mga bulalakaw na tumatama sa makapal na balot ng hangin na nakapalibot sa lupa ay masunog at maglaho dahil sa pagkiskis sa atmospera. Kaya naman ang puwersang ipinahihiwatig ng salitang Hebreo na ra·qiʹaʽ ay tunay na kasuwato ng mga bagay na alam na.
Sa Mga Awit, sinasabing isinasaysay ng “kalawakan,” pati ng “langit,” ang mga gawa ng Diyos at ang papuri sa kaniya.—Aw 19:1.