Kaloob, Regalo
Mula pa noong sinaunang panahon, ang pagbibigay ng mga regalo ay isang mahalagang bahagi na ng pang-araw-araw na buhay. Ang matanda nang lingkod ni Abraham ay nagbigay ng mga kaloob na alahas kay Rebeka nang makakita ito ng katibayan na si Rebeka ang itinalaga ni Jehova upang maging asawa ni Isaac. (Gen 24:13-22) Pagkatapos, nang matanggap nito ang pagsang-ayon nina Laban at Betuel sa pag-aasawa, nagbigay ang lingkod ni Abraham ng karagdagang mga kaloob kay Rebeka at ng “mga piling bagay sa kapatid nito at sa ina nito.” (Gen 24:50-53) Nang maglaon, ibinigay ni Abraham kay Isaac ang lahat ng kaniyang pag-aari, ngunit nagbigay siya ng mga kaloob sa mga anak ng kaniyang mga babae at pinayaon niya sila.—Gen 25:5, 6; ihambing ang 2Cr 21:3.
Maaaring isang kaugalian noong panahon ng mga patriyarka na magbigay ng mga kaloob sa mga dumaranas ng kapighatian. Nang baligtarin ni Jehova ang bihag na kalagayan ni Job, ang kaniyang mga kapatid na lalaki, mga kapatid na babae, at mga dating kakilala ay dumating hindi lamang upang aliwin siya kundi nagbigay rin sa kaniya ang bawat isa sa kanila ng “isang piraso ng salapi at ang bawat isa ng isang gintong singsing.”—Job 42:10, 11.
Nagbibigay ng mga Kaloob Upang Makatanggap ng mga Pakinabang. Noon, kadalasan nang nagbibigay ng mga kaloob ang isa upang matamo ang isang bagay na ninanais niya. Naghanda si Jacob ng isang kahanga-hangang kaloob na mga alagang hayop para kay Esau upang makasumpong siya ng lingap sa paningin ng kaniyang kapatid. (Gen 32:13-18; 33:8) Ang pagpupumilit ni Jacob na tanggapin ni Esau ang kaloob na ito ay higit na mauunawaan kung isasaalang-alang na, ayon sa kaugalian sa Silangan, ang pagtanggi ng isang tao sa kaloob ay nagpapahiwatig na hindi siya magpapakita ng lingap. (Gen 33:10) Gayundin, upang matamo ang kabutihang-loob ng mabagsik na administrador ng pagkain sa Ehipto (na sa totoo ay ang sarili nilang kapatid na si Jose), sinunod ng mga anak ni Jacob ang mungkahi ng kanilang ama na magdala ng kaloob na pinakamaiinam na produkto ng lupain. (Gen 42:30; 43:11, 25, 26) Nagpadala si Haring Asa ng regalong pilak at ginto kay Ben-hadad upang hikayatin itong sirain ang pakikipagtipan nito kay Baasa na hari ng Israel.—1Ha 15:18, 19.
May kinalaman sa mga pakinabang sa nagbibigay, sinasabi ng kawikaan: “Ang kaloob ng isang tao ay nagbubukas ng maluwang na daan para sa kaniya, at dadalhin siya nito maging sa harap ng mga taong dakila.” (Kaw 18:16) Ang kaloob ay maaaring sumupil ng galit, ngunit hindi nito mapahuhupa ang pagngangalit ng isang matipunong lalaki laban sa isa na nangalunya sa kaniyang asawa, gaano man kalaking regalo ang ibigay ng mangangalunya.—Kaw 21:14; 6:32-35.
Mga Kaloob sa mga Hari, mga Propeta, at Iba pa. May mga pahiwatig na kaugalian noon ng mga makikipagkita sa hari ang magdala ng mga kaloob. Ang “mga walang-kabuluhang lalaki” na walang paggalang kay Saul ay tinukoy na hindi nagdala ng anumang kaloob sa kaniya. Si Solomon ay binibigyan noon ng napakaraming kaloob niyaong mga dumarating mula sa malalayong lupain upang marinig ang kaniyang karunungan. Ang mga astrologong dumalaw upang makita ang “isa na ipinanganak na hari ng mga Judio” ay sumunod lamang sa kaugaliang ito nang magbigay sila ng mga kaloob sa batang si Jesus. (1Sa 10:27; 1Ha 10:10, 24, 25; Mat 2:1, 2, 11; tingnan din ang 2Ha 20:12; 2Cr 17:5.) Sa katulad na paraan, kung minsan ay nagdadala ng kaloob yaong mga sumasangguni sa isang propeta. (1Sa 9:7; 2Ha 8:8, 9) Ngunit ang mga propeta ng Diyos ay hindi umaasa o naghahangad ng kaloob kapalit ng kanilang mga paglilingkod, gaya ng ipinakikita ng pagtanggi ni Elias na tumanggap ng “isang kaloob na pagpapala” mula sa kamay ni Naaman.—2Ha 5:15, 16.
Kadalasan, bilang gantimpala ay binibigyan ng mga kaloob yaong mga matagumpay na nakatupad ng isang partikular na atas. (2Sa 18:11; Dan 2:6, 48; 5:16, 17, 29) Ayon sa Kautusan, ang aliping pinalaya ay hindi dapat payaunin na walang dala kundi dapat itong tumanggap ng kaloob, anumang mula sa kawan, sa giikan, at sa panlangis at pang-alak na pisaan. (Deu 15:13, 14) Gayundin, ang mga okasyong may malaking pagsasaya ay maaaring may kasamang pagbibigayan ng mga regalo.—Es 9:20-22; ihambing ang Apo 11:10.
May Kaugnayan sa Santuwaryo. Kinuha ng Diyos ang mga Levita bilang kaloob para sa sambahayan ni Aaron, bilang mga ibinigay kay Jehova upang magsagawa ng paglilingkod sa santuwaryo. (Bil 18:6, 7) Gayundin, ang mga Gibeonita at ang iba pa na ginawang mga lingkod sa santuwaryo ay tinawag na mga Netineo, nangangahulugang “Mga Ibinigay.” (Jos 9:27; 1Cr 9:2; Ezr 8:20) Karagdagan pa, ang mga abuloy para sa pagsasagawa ng paglilingkod sa santuwaryo at gayundin ang mga hain ay tinutukoy bilang mga kaloob.—Exo 28:38; Lev 23:37, 38; Bil 18:29; Mat 5:23, 24; Luc 21:1.
Dahil si Jehova ang Maylalang, pag-aari niya ang lahat ng bagay. Samakatuwid, kapag may nagbibigay ng materyal na mga bagay sa ikasusulong ng tunay na pagsamba, ibinabalik lamang ng nagbibigay ang isang bahagi niyaong dati na niyang tinanggap mula sa Diyos.—Aw 50:10; 1Cr 29:14.
Payo May Kinalaman sa mga Kaloob. Yamang ang mga kaloob na ibinigay bilang suhol ay maaaring sumira ng puso at magbaluktot ng katarungan, ipinapayo ng Kasulatan na kapootan ng isa ang gayong mga kaloob. Hinahatulan ang mga humahabol sa mga kaloob. (Deu 16:19, 20; Ec 7:7; Kaw 15:27; Isa 1:23; tingnan ang SUHOL.) Bukod diyan, ang “taong naghahambog dahil sa isang kaloob na bulaan,” anupat hindi tinutupad ang kaniyang ipinaghahambog, ay inihahambing sa maninipis na ulap at sa hanging walang ulan. (Kaw 25:14) Maaaring marami ang kasamahan ng taong nagbibigay ng mga kaloob, ngunit ang kaniyang pagbibigay ay hindi garantiya ng namamalaging pagkakaibigan.—Kaw 19:6.
Mariing hinahatulan ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang ilang kaugalian may kaugnayan sa pagbibigay ng mga kaloob. Hinatulan ni Jesus ang mga eskriba at mga Pariseo dahil sa paglabag nila sa utos na parangalan ang ama at ang ina. Ayon sa kanila, kung sasabihin ng isang tao na ang kaniyang materyal na mga pag-aari ay isang kaloob na inialay sa Diyos, malaya na siya sa obligasyong gamitin ang mga iyon upang tulungan ang kaniyang mga magulang, bagaman maaari pa rin niyang personal na gamitin ang mga iyon. (Mat 15:1-6; tingnan ang KORBAN.) Hindi kapuri-puri ang pagbibigay kung ang isa ay umaasa ng kagantihan. (Luc 6:30-36; 14:12-14) Upang maging kalugud-lugod kay Jehova, ang pagbibigay ay dapat gawin nang walang pag-iimbot at walang pagpaparangya.—Mat 6:2-4; 1Co 13:3.
Pagbibigay ng mga Kristiyano. Ang unang mga Kristiyano ay nagbigay ng mga kaloob, o mga abuloy, alang-alang sa kanilang nagdarahop na mga kapatid. (Ro 15:26; 1Co 16:1, 2) Gayunman, ang lahat ng gayong kaloob ay kusang-loob, gaya ng ipinahihiwatig ng mga salita ni Pablo: “Gawin ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya niya sa kaniyang puso, hindi mabigat sa loob o sa ilalim ng pamimilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.” (2Co 9:7) Bukod diyan, tinulungan nila yaong mga lubusang nag-uukol ng kanilang sarili sa ministeryong Kristiyano, gaya ng apostol na si Pablo. Ngunit bagaman lubhang pinahalagahan ni Pablo ang mga kaloob na ipinadala sa kaniya ng kaniyang mga kapatid, hindi siya naghangad ng kaloob.—Fil 4:15-17.
Ang mga Kristiyano ay maaaring magbigay ng mga bagay na mas mahalaga kaysa sa materyal na mga regalo. Maaari nilang ibigay ang kanilang panahon at mga kakayahan upang palakasin at patibayin ang iba sa mental at espirituwal na paraan, na siyang nagdudulot ng higit na kaligayahan. Ang pinakadakilang kaloob na maaaring ibigay ng isang tao sa iba ay ang unawa sa Salita ng Diyos, sapagkat maaari nitong akayin ang tumatanggap nito tungo sa buhay na walang hanggan.—Ju 6:26, 27; 17:3; Gaw 20:35; 2Co 12:15; Apo 22:17; tingnan ang KALOOB NG AWA, MGA.