Kapalaluan
[sa Ingles, haughtiness].
Mapanghamak na pagmamapuri; pagmamataas. Ang kapalaluan ay kabaligtaran ng kapakumbabaan. Ang mga salitang Griego at Hebreo na isinaling “palalo” at “kapalaluan” ay may pangunahing kahulugan na pinagtitinging “mataas,” “dakila,” “matayog,” “marilag,” ang sarili. Kapag ang isang tao ay palalo, itinuturing niyang siya ay nakahihigit, o nakatataas sa kaniyang kapuwa. Dahil dito, kadalasan nang hinahangad ng gayong tao ang paggalang at atensiyon na higit kaysa sa nararapat at wala siyang galang at pakundangan sa iba.
Isang Kalagayan ng Puso. Ang kapalaluan ay isang masamang katangian na hindi lamang basta sa isip nagmumula. Binanggit ito ni Jesu-Kristo kasama ng pagpaslang, pagnanakaw, pamumusong, at ng iba pang masasamang gawa at sinabi niya na “mula sa loob, mula sa puso ng mga tao,” lumalabas ang gayong mga bagay. (Mar 7:21, 22) Si Maria na ina ni Jesus sa lupa ay nagsabi tungkol kay Jehova: “Pinangalat niya ang mga palalo sa hinahangad ng kanilang mga puso.” (Luc 1:51) Namanhik naman si David kay Jehova, na sinasabi: “Ang aking puso ay hindi naging palalo.”—Aw 131:1; Isa 9:9; Dan 5:20.
Kahit ang isang tao na naglilingkod sa Diyos nang may mapagpakumbabang puso ay maaaring maging palalo dahil sa pagtatamo ng kayamanan o ng kapangyarihan o dahil sa kaniyang kagandahan, tagumpay, karunungan o papuri ng iba. Ang isang halimbawa nito ay si Haring Uzias ng Juda. Siya ay mahusay na namahala at nagtamasa ng pagpapala ni Jehova sa loob ng maraming taon. (2Cr 26:3-5) Subalit sinasabi ng rekord ng Bibliya: “Gayunman, nang siya ay malakas na, ang kaniyang puso ay nagpalalo hanggang sa naging sanhi pa nga ng kapahamakan, anupat gumawi siya nang di-tapat laban kay Jehova na kaniyang Diyos at pumasok sa templo ni Jehova upang magsunog ng insenso sa ibabaw ng altar ng insenso.” (2Cr 26:16) Si Uzias ay nagmataas anupat nagsagawa siya ng tungkulin ng saserdote, isang pribilehiyo na maliwanag na hindi ibinigay ng Diyos sa mga hari ng Israel, sa gayo’y ibinubukod ang pagkahari sa pagkasaserdote.
Noong isang pagkakataon, sa loob ng maikling panahon, ang mabuting si Haring Hezekias ay naging palalo sa kaniyang puso, at maliwanag na nahawahan niya ng kaniyang kapalaluan ang pinamamahalaan niyang bayan. Naging dakila siya sa kaniyang pamamahala dahil sa pagpapala ni Jehova, ngunit hindi niya napag-unawa na sa Diyos dapat mapunta ang lahat ng kapurihan. Ganito ang isinulat ng mananalaysay tungkol sa kaniya: “Ngunit si Hezekias ay hindi gumanti nang ayon sa pakinabang na isinagawa sa kaniya, sapagkat ang kaniyang puso ay nagpalalo at nagkaroon ng galit laban sa kaniya at laban sa Juda at Jerusalem.” Mabuti na lamang at nakapanumbalik siya mula sa mapanganib na saloobing ito. Nagpapatuloy ang ulat: “Gayunman, si Hezekias ay nagpakumbaba dahil sa kapalaluan ng kaniyang puso, siya at ang mga tumatahan sa Jerusalem, at ang galit ni Jehova ay hindi dumating sa kanila nang mga araw ni Hezekias.”—2Cr 32:25, 26; ihambing ang Isa 3:16-24; Eze 28:2, 5, 17.
Sinasalansang ng Diyos ang Kapalaluan. Ang mga palalo ay hindi lamang nakayayamot para sa mga taong matapat kundi, mas maselan pa rito, sila ay sinasalansang din ng Diyos na Jehova. (San 4:6; 1Pe 5:5) Isang kamangmangan at kasalanan ang kapalaluan (Kaw 14:3; 21:4), at ang mga palalo ay ibinababa ni Jehova. (2Sa 22:28; Job 10:16; 40:11; Aw 18:27; 31:18, 23; Isa 2:11, 17) Kung hindi iiwan ng isa ang kapalaluan, tiyak na magdudulot ito ng pagkapuksa. Ang sinaunang bansa ng Moab, na nagmataas laban sa Diyos at sa kaniyang bayan, ay pinawi noon. (Isa 16:6; 25:10, 11; Jer 48:29) Maging ang sampung-tribong kaharian ng Israel ay hindi pinaligtas nang maging palalo at walang-pakundangan ito sa puso.—Isa 9:8-12.
Pagbabantay Laban sa Kapalaluan. Ang isang tao kung gayon ay dapat na mag-ingat nang husto upang huwag makapasok sa kaniyang puso ang kapalaluan. Lalo na siyang dapat na maging mapagbantay Kaw 16:18) Kung hahayaan niyang tumubo ang kapalaluan, maaari siyang kontrolin nito sa kalaunan hanggang sa ituring siya ni Jehova na kabilang sa mga ibinigay Niya sa isang di-sinang-ayunang kalagayan ng isip at karapat-dapat sa kamatayan. (Ro 1:28, 30, 32) Ang gayong pag-iingat ay lalo nang angkop “sa mga huling araw,” kung kailan, gaya ng ibinabala ng apostol, ang kapalaluan ay magiging isa sa mga pagkakakilanlang katangian ng mga tao sa mga panahong mapanganib na iyon.—2Ti 3:1, 2.
kapag nagkakamit siya ng tagumpay sa anumang pagsisikap o kapag binigyan siya ng isang mas mataas o mas mabigat na posisyon. Dapat na lagi niyang isaisip na “ang pagmamapuri ay nauuna sa pagbagsak, at ang palalong espiritu bago ang pagkatisod.” (Bukod dito, dapat iwasan ng taong nagnanais magkamit ng pagsang-ayon ng Diyos ang labis na pagpuri, na maaaring maglinang ng kapalaluan sa iba. Sinasabi ng kawikaan: “Ang matipunong lalaking labis na mapamuri sa kaniyang kasamahan ay naglalatag lamang ng lambat para sa kaniyang mga hakbang.” (Kaw 29:5) Ang isa na labis na mapamuri ay hindi lamang nagdudulot ng kapahamakan sa kaniyang kasamahan (“ang bibig na labis na mapamuri ay nagpapangyari ng pagbagsak”; Kaw 26:28) kundi naiwawala rin niya ang pagsang-ayon ng Diyos. Maingat na iniwasan ng apostol na si Pablo ang labis na pagpuri at ang kapalaluan.—1Te 2:5, 6.