Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapanganakan

Kapanganakan

Ang salitang Hebreo na ya·ladhʹ ay nangangahulugang “magsilang; manganak; magluwal; maging anak si.” (Gen 4:1, 2; 16:15; 30:39; 1Cr 1:10) Nauugnay ito sa yeʹledh (“bata” [Gen 21:8]), sa moh·leʹdheth (pinanganakan; tahanan; mga kamag-anak [Gen 31:13, tlb sa Rbi8]), at sa toh·le·dhohthʹ (kasaysayan; kasaysayang pinanggalingan; mga pinagmulan; talaangkanan [Gen 2:4, tlb sa Rbi8; Mat 1:1, tlb sa Rbi8]). Ang terminong Hebreo na chil (o, chul), bagaman pangunahing ginagamit may kinalaman sa pagkakaroon ng mga kirot ng pagdaramdam, ay ginagamit sa Job 39:1 at Kawikaan 25:23 upang tumukoy sa panganganak. (Ihambing ang Isa 26:17, 18; tingnan ang KIROT NG PAGDARAMDAM, MGA.) Ang terminong Griego na gen·naʹo naman ay nangangahulugang “maging anak si; magkaanak ng; magluwal; maipanganak.” (Mat 1:2; Luc 1:57; Ju 16:21; Mat 2:1) Ang tiʹkto ay isinasaling “magsilang.”​—Mat 1:21.

May “panahon ng kapanganakan,” ang sabi ni Solomon, at karaniwan na, sa mga tao ay nangyayari ito mga 280 araw pagkaraan ng paglilihi. (Ec 3:2) Para sa mga magulang, kadalasang ang araw ng pagsilang ng kanilang sanggol ay may kaakibat na malaking pagsasaya, bagaman para sa indibiduwal, ayon sa marunong na si Haring Solomon, kung sa buong buhay ng isang tao ay gumawa siya ng mabuti at nagkaroon siya ng mabuting pangalan sa harap ng Diyos, ang araw ng kaniyang kamatayan ay mas mabuti kaysa sa araw ng kaniyang kapanganakan.​—Luc 1:57, 58; Ec 7:1.

Mula pa noong unang mga panahon, ang mga komadrona ay tumutulong na sa panganganak. Isang uri ng tuntungang paanakan ang ginagamit bilang pantulong sa ina at bilang pantulong din sa komadrona sa pagpapaanak. Maaaring ito ay dalawang bato o laryo kung saan yumuyukyok o tumitingkayad ang ina kapag nanganganak. (Exo 1:16) Ang salitang Hebreo na isinaling “tuntungang panganakan” sa Exodo (ʼov·naʹyim) ay nauugnay sa salitang Hebreo para sa “bato” at maliban dito ay minsan na lamang muling lumilitaw sa Bibliya (Jer 18:3), kung saan isinasalin naman ito bilang “mga gulong ng magpapalayok.” Ganito ang sabi ng The International Standard Bible Encyclopedia: “Ang salitang ito ay ginagamit sa dalawang tekstong iyon sa doblihang anyo, anupat walang alinlangang tumutukoy sa bagay na ang gulong ng magpapalayok ay binubuo ng dalawang lapad na bilog, at nagpapahiwatig na ang tuntungang paanakan ay doblihan din.” (Tomo 1, 1979, p. 516) Pinatototohanan ng sinaunang hieroglyphics na ang gayong mga tuntungang panganakan ay ginamit noon sa Ehipto.

Bagaman sa isang makasagisag na diwa, binabanggit sa Ezekiel 16:4 ang mga bagay na ginagawa pagkapanganak ng ina, na kadalasa’y mga komadrona ang gumagawa. Ang talimpusod ay pinuputol at ang sanggol ay hinuhugasan, kinukuskusan ng asin, at saka binabalot ng mga pambilot na tali. Maaaring ginamit ang asin upang matuyo ang balat at maging mahigpit at banát. Kapag ang sanggol ay binalot ng mga pambilot na tali mula sa ulo hanggang sa paa, gaya ng ginawa kay Jesus (Luc 2:7), ito ay nagmimistulang momya at dahil dito ay napananatiling mainit at tuwid ang katawan nito; sinasabing sa pagbibigkis ng mga tali mula sa ilalim ng baba paikot sa tuktok ng ulo ay nasasanay ang sanggol na huminga sa mga butas ng ilong nito. Ang ganitong pag-aalaga sa mga bagong-silang na sanggol ay nagmula pa noong sinaunang panahon, sapagkat pamilyar si Job sa mga pambilot na tali.​—Job 38:9.

Matapos maasikaso ang dagliang mga pangangailangan ng ina at ng sanggol, ang sanggol ay inihaharap sa ama nito, o ipinatatalastas ang balita tungkol sa kapanganakan nito, at kinikilala ng ama na anak niya ito. (Jer 20:15) Gayundin naman, kapag ang isang alilang babae ay nagkaanak sa asawa ng kaniyang baog na among babae bilang kahalili nito, ang supling ay kinikilalang pag-aari ng among babae. (Gen 16:2) Maliwanag na ito ang ibig sabihin ni Raquel nang hilingin niya na ang kaniyang aliping babae na si Bilha ay ‘magsilang sa ibabaw ng aking mga tuhod’ upang ‘magkaroon siya ng mga anak mula sa kaniya.’ (Gen 30:3) Hindi ito nangangahulugan na ang sanggol ay literal na isisilang sa ibabaw ng mga tuhod ni Raquel, kundi na maaari niya itong kalungin sa kaniyang mga tuhod na para bang ito ay sarili niyang anak.​—Ihambing ang Gen 50:23.

Alinman sa pagkapanganak sa sanggol o kapag tinuli ito, pagkaraan ng walong araw, ang sanggol ay pinapangalanan ng isa sa mga magulang. Kung hindi sila magkasundo, ang pangalang ipinasiya ng ama ang masusunod. (Gen 16:15; 21:3; 29:32-35; 35:18; Luc 1:59-63; 2:21) Ang sanggol ay karaniwang pinasususo ng ina (Gen 21:7; Aw 22:9; Isa 49:15; 1Te 2:7), bagaman kung minsan ay waring gumagamit ng ibang mga babae. (Exo 2:7) Kadalasan ay hindi inaawat sa suso ang bata hangga’t wala pa itong dalawa o tatlong taóng gulang o higit pa. Waring si Isaac ay limang taóng gulang nang awatin sa suso; at sa kaniyang kaso, ang kaganapang ito ay ipinagdiwang at ipinagpiging.​—Gen 21:8; 1Sa 1:22, 23.

Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ang isang babaing nagsilang ng isang batang lalaki ay marumi sa seremonyal na paraan sa loob ng 7 araw, bukod pa sa karagdagang 33 araw na kahilingan para sa kaniyang pagpapadalisay. Kung ang batang isinilang ay babae, ang ina ay ituturing na marumi sa loob ng 14 na araw, anupat hinihiling naman ang 66 na araw pa para sa pagpapadalisay. Sa katapusan ng yugto ng pagpapadalisay, isang handog na sinusunog at isang handog ukol sa kasalanan ang ihahain para sa kaniya: isang batang barakong tupa at isang batu-bato o isang inakáy na kalapati, o dalawang batu-bato o dalawang inakáy na kalapati, ayon sa kakayahan ng mga magulang. (Lev 12:1-8; Luc 2:24) Kung ang anak na lalaki ay panganay, kailangan siyang tubusin sa pamamagitan ng pagbabayad ng limang siklong pilak ($11).​—Bil 18:15, 16; tingnan ang PANGANAY.

Sa Kasulatan, maraming ulit na ginagamit sa makasagisag na diwa ang mga terminong may kinalaman sa likas na panganganak. (Aw 90:2; Kaw 27:1; Isa 66:8, 9; San 1:15) Angkop na inilalarawan ng tindi ng mga hapdi ng pagdaramdam ang di-matatakasang paghihirap na dulot ng ibang mga bagay. (Aw 48:6; Jer 13:21; Mik 4:9, 10; Gal 4:19; 1Te 5:3) Sa espirituwal na diwa, sinabi ni Jesus na ang isa ay dapat na ‘maipanganak sa tubig at espiritu’ upang makapasok sa Kaharian. Nasasangkot dito ang pagiging bautisado sa tubig at inianak ng espiritu ng Diyos, sa gayon ay nagiging isang anak ng Diyos na may pag-asang makibahagi sa makalangit na Kaharian. (Ju 3:3-8; 2Co 5:17; 1Pe 1:3, 23) Sa makasagisag na pananalita, inilalarawan ng Apocalipsis ang ‘pagsilang ng isang anak na lalaki, isang lalaki,’ sa langit pagkatapos ng isang yugto ng matinding paghihirap.​—Apo 12:1-5.