Karpintero
Isang artisano, bihasang manggagawa, o manggagawa sa kahoy. Ang terminong Hebreo na cha·rashʹ ang karaniwang itinatawag sa isang “manggagawa,” “bihasang manggagawa,” o “tagapagtayo,” na gumagamit ng iba’t ibang materyales gaya ng kahoy, metal, o bato. (2Ha 12:11; 2Cr 24:12; Exo 28:11; 1Cr 14:1) Ang katumbas nito sa Griego ay teʹkton, na isinalin bilang “karpintero” sa Mateo 13:55 at Marcos 6:3.
Upang maitayo ang pagkalaki-laking arka ayon sa parisang ibinigay ni Jehova, maraming gawaing pagkakarpintero na kinailangang isagawa si Noe at ang kaniyang tatlong anak.—Gen 6:14-16.
Noon, ang mga karpintero sa Israel ay inuupahan upang magtayo ng mga bahay at, nang maglaon, ng mga istraktura na gaya ng mga sinagoga. Bagaman ang kalakhang bahagi ng mga gusali ay yari sa bato o lupa, gumamit din ng kahoy, halimbawa ay sa mga biga at mga pinto. Ang ilan sa mga bagay na ginagawa ng mga karpintero noong panahon ng Bibliya ay mga muwebles, gaya ng mga mesa, mga tuntungan, at mga bangkô. Maraming kagamitan gaya ng mga araro at mga panggiik na kareta ang sa kabuuan o sa ilang bahagi ay yari sa kahoy. (2Sa 24:22) Nang itayo ang tabernakulo at gawin ang mga kagamitan nito, pantanging pinatnubayan ng Diyos na Jehova sina Bezalel at Oholiab. Pinahusay ng kaniyang espiritu ang kakayahan ng mga ito upang makagawa sila ng pinakamaiinam na obra sa kahoy, at pati na sa iba pang materyales. (Exo 31:2-11) May mga dalubhasang manggagawa sa kahoy na dinala noon mula sa Tiro para sa pagtatayo ng bahay ni David. (2Sa 5:11) Gumamit si Zerubabel ng mga karpintero nang itayo ang ikalawang templo sa Jerusalem.—Ezr 3:7.
Si Jesus ay hindi lamang tinawag na “anak ng karpintero” (Mat 13:55) kundi tinawag din siyang “karpintero.” (Mar 6:3) Yamang kadalasa’y itinuturo ng isang amang Hebreo sa kaniyang anak na lalaki ang hanapbuhay niya, tiyak na natuto si Jesus ng pagkakarpintero mula sa kaniyang ama-amahang si Jose.