Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kasakdalan

Kasakdalan

Ang mga terminong Hebreo na nagpapahayag ng ideya ng kasakdalan ay hinalaw sa mga pandiwang gaya ng ka·lalʹ (pasakdalin [ihambing ang Eze 27:4]), sha·lamʹ (matapos [ihambing ang Isa 60:20]), at ta·mamʹ (matapos, sumapit sa kasukdulan [ihambing ang Aw 102:27; Isa 18:5]). Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ginagamit din ang mga salitang teʹlei·os (pang-uri), te·lei·oʹtes (pangngalan), at te·lei·oʹo (pandiwa) sa katulad na paraan, anupat nagtatawid ng mga ideyang gaya ng dalhin sa kalubusan, kaganapan, o kahustuhan (Luc 8:14; 2Co 12:9; San 1:4), pagiging husto ang gulang, adulto, o may-gulang (1Co 14:20; Heb 5:14), nakaabot sa angkop o itinakdang layunin, o tunguhin (Ju 19:28; Fil 3:12).

Kahalagahan ng Tamang Pangmalas. Upang maunawaan nang tama ang Bibliya, dapat iwasan ang karaniwang palagay na ang lahat ng bagay na tinatawag na “sakdal” ay sakdal sa ganap na diwa, samakatuwid nga, sa isang antas na walang hangganan o limitasyon. Ang tanging nagtataglay ng kasakdalan sa ganitong ganap na diwa ay ang Maylalang, ang Diyos na Jehova. Dahil dito, masasabi ni Jesus tungkol sa kaniyang Ama: “Walang sinumang mabuti, maliban sa isa, ang Diyos.” (Mar 10:18) Si Jehova ay walang-katulad sa kaniyang kahusayan, karapat-dapat sa lahat ng papuri, namumukod-tangi sa kaniyang mahuhusay na katangian at kapangyarihan, anupat “ang kaniyang pangalan lamang ang di-maabot sa kataasan.” (Aw 148:1-13; Job 36:3, 4, 26; 37:16, 23, 24; Aw 145:2-10, 21) Dinakila ni Moises ang kasakdalan ng Diyos sa pagsasabing: “Sapagkat ipahahayag ko ang pangalan ni Jehova. Iukol ninyo ang kadakilaan sa ating Diyos! Ang Bato, sakdal ang kaniyang gawa, sapagkat ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos ng katapatan, na sa kaniya ay walang masusumpungang kawalang-katarungan; matuwid at matapat siya.” (Deu 32:3, 4) Ang lahat ng daan, salita, at kautusan ng Diyos ay sakdal, dalisay, walang kapintasan o depekto. (Aw 18:30; 19:7; San 1:17, 25) Kailanman ay walang makatuwirang dahilan upang tutulan, punahin, o pintasan Siya o ang kaniyang gawain, kundi sa halip ay papuri ang laging nauukol sa Kaniya.​—Job 36:22-24.

May pasubali ang ibang kasakdalan. Kung gayon, ang kasakdalan ng sinupamang persona o ng alinpamang bagay ay may pasubali, relatibo o hindi ganap. (Ihambing ang Aw 119:96.) Samakatuwid nga, ang isang bagay ay “sakdal” ayon o may kaugnayan sa layunin na itinakda rito ng disenyador o maygawa nito, o sa paggagamitan dito ng tumanggap o gumagamit nito. Batay sa mismong kahulugan ng kasakdalan, kailangan na may isa na magpapasiya kung naabot na ang “pagkakumpleto,” kung ano ang mga pamantayan ng kahusayan, anong mga kahilingan ang kailangang matugunan, at anong mga detalye ang mahalaga. Ang Diyos na Maylalang ang ultimong Tagapagpasiya kung ano ang sakdal, ang Tagapagtakda ng Pamantayan, kaayon ng sarili niyang matuwid na mga layunin at mga kapakanan.​—Ro 12:2; tingnan ang JEHOVA (Isang Diyos ng moral na mga pamantayan).

Bilang halimbawa, ang planetang Lupa ay isa sa mga lalang ng Diyos, at sa pagtatapos ng anim na ‘araw’ ng paglalang ng mga bagay sa lupa, ipinahayag ng Diyos ang mga resulta bilang “napakabuti.” (Gen 1:31) Nakaabot iyon sa kaniyang napakatataas na pamantayan ng kahusayan, samakatuwid, iyon ay sakdal. Gayunman, pagkatapos nito ay inatasan niya ang tao na “supilin iyon” na nangangahulugang lilinangin nila ang lupa at gagawin nilang isang hardin ng Diyos ang buong planeta, hindi lamang ang Eden.​—Gen 1:28; 2:8.

Ang tolda, o tabernakulo, na itinayo sa ilang sa utos ng Diyos at ayon sa mga detalyeng ibinigay niya ay nagsilbing isang sagisag o makahulang modelo ng isang “mas dakila at lalong sakdal na tolda,” na ang Kabanal-banalan niyaon ay ang makalangit na tahanan ni Jehova kung saan pumasok si Kristo Jesus bilang Mataas na Saserdote. (Heb 9:11-14, 23, 24) Sakdal ang makalupang tolda na iyon sa diwa na natugunan nito ang mga kahilingan ng Diyos, anupat tinupad ang itinalagang layunin nito. Subalit nang maisakatuparan na ang layunin ng Diyos hinggil dito, hindi na ito ginamit at hindi na ito umiral. Ito’y sapagkat lubhang nakatataas ang kasakdalang isinasagisag nito.

Ang lunsod ng Jerusalem at ang Sion na burol nito ay tinatawag noon bilang “ang kasakdalan ng kariktan.” (Pan 2:15; Aw 50:2) Hindi ito nangangahulugan na ang bawat kaliit-liitang aspekto ng pisikal na anyo ng lunsod ay lubhang kaakit-akit. Sa halip, ang kasakdalan nito ay may kinalaman sa paggamit dito ng Diyos, yamang ang kagandahan ng lunsod ay resulta ng karilagang ibinigay niya roon, anupat ginawa itong kabisera ng mga haring pinahiran niya at dako ng kaniyang templo. (Eze 16:14) Ang mayamang lunsod ng komersiyo ng Tiro ay inilalarawan naman bilang isang barko na ang mga tagapagtayo, yaong mga nagtataguyod sa materyal na kapakanan ng lunsod, ay ‘nagpasakdal sa kariktan nito,’ anupat pinunô nila ito ng mga produktong luho mula sa maraming lupain.​—Eze 27:3-25.

Kaya naman, sa bawat kaso, kailangang isaalang-alang ang konteksto upang matiyak kung sa anong diwa o kaugnayan tinutukoy ang kasakdalan.

Kasakdalan ng Kautusang Mosaiko. Kabilang sa mga probisyon ng Kautusang ibinigay sa Israel sa pamamagitan ni Moises ang pagtatatag ng isang pagkasaserdote at ang paghahandog ng iba’t ibang haing hayop. Bagaman nagmula ito sa Diyos, at sa gayo’y sakdal, hindi napasakdal ng Kautusan, ng pagkasaserdote nito, ni ng mga hain, yaong mga nasa ilalim ng Kautusan, gaya ng ipinakikita ng kinasihang apostol. (Heb 7:11, 19; 10:1) Sa halip na magdulot ng kalayaan mula sa kasalanan at kamatayan, lalo nitong ginawang hayag ang kasalanan. (Ro 3:20; 7:7-13) Gayunpaman, tinupad ng lahat ng mga paglalaang ito mula sa Diyos ang layuning itinalaga niya para sa mga ito; ang Kautusan ay nagsilbing isang “tagapagturo” upang akayin ang mga tao tungo kay Kristo, anupat naging isang sakdal na “anino ng mabubuting bagay na darating.” (Gal 3:19-25; Heb 10:1) Ang Judiong mataas na saserdote ang siyang inatasan ng Kautusan upang mangasiwa sa mga kaayusan sa paghahain at siyang pumapasok sa Kabanal-banalan sa Araw ng Pagbabayad-Sala taglay ang haing dugo. Kaya naman, nang banggitin ni Pablo ang tungkol sa “kawalang-kakayahan sa Kautusan, palibhasa’y mahina ito dahil sa laman” (Ro 8:3), maliwanag na ang tinutukoy niya ay ang kawalang-kakayahan ng makalamang Judiong mataas na saserdote na “iligtas nang lubusan” yaong mga pinaglilingkuran niya, gaya ng ipinaliliwanag ng Hebreo 7:11, 18-28. Bagaman napanatili ng bayan ang isang tamang katayuan sa harap ng Diyos dahil sa paghahandog ng mga hain sa pamamagitan ng Aaronikong pagkasaserdote, hindi nito lubusan o ganap na inalis sa kanila ang kamalayan sa pagiging makasalanan. Tinukoy ito ng apostol na si Pablo sa pagsasabing hindi “kayang pasakdalin [ng mga haing pambayad-sala] yaong mga lumalapit,” samakatuwid nga, kung tungkol sa kanilang budhi. (Heb 10:1-4; ihambing ang Heb 9:9.) Hindi kayang ilaan ng mataas na saserdote ang pantubos na halagang kailangan para sa isang tunay na katubusan mula sa kasalanan. Tanging ang namamalaging makasaserdoteng paglilingkod at mabisang hain ni Kristo ang makagagawa nito.​—Heb 9:14; 10:12-22.

Ang Kautusan ay “banal,” “mabuti,” “mainam” (Ro 7:12, 16), at sinumang lubusang makapamumuhay ayon sa sakdal na Kautusang ito ay makapagpapatunay na siya’y isang taong sakdal, karapat-dapat sa buhay. (Lev 18:5; Ro 10:5; Gal 3:12) Sa dahilan ngang ito, ang Kautusan ay nagdulot ng kahatulan, sa halip na buhay, hindi dahil sa masama ang Kautusan kundi dahil sa di-sakdal at makasalanan yaong mga nasa ilalim nito. (Ro 7:13-16; Gal 3:10-12, 19-22) Lalong inihayag ng sakdal na Kautusan ang kanilang di-kasakdalan at pagkamakasalanan. (Ro 3:19, 20; Gal 3:19, 22) Sa bagay na ito, ipinakilala rin ng Kautusan si Jesus bilang Mesiyas, sapagkat siya lamang ang nakapag-ingat ng Kautusan sa lahat ng paraan, anupat pinatunayan ang kaniyang sarili bilang isang taong sakdal.​—Ju 8:46; 2Co 5:21; Heb 7:26.

Ang Kasakdalan ng Bibliya. Ang Sagradong Kasulatan ay isang sakdal na mensahe mula sa Diyos, dalisay at totoo. (Aw 12:6; 119:140, 160; Kaw 30:5; Ju 17:17) Bagaman maliwanag na nagkaroon ng ilang pagkakaiba mula sa orihinal na mga sulat dahil sa libu-libong taon ng pagkopya, walang alinlangan na ang mga pagkakaibang ito ay lubhang maliliit, anupat kahit hindi lubusang walang-kapintasan ang ating mga kopya at mga salin sa kasalukuyan, walang-kapintasan naman ang mensahe mula sa Diyos na itinatawid ng mga ito.

Maaaring masumpungan ng mga indibiduwal na mas mahirap basahin ang Bibliya kaysa sa ibang aklat, anupat nangangailangan ng higit na pagsisikap at konsentrasyon, at baka matuklasan nila na marami silang hindi naiintindihan. Posibleng igiit ng ilang taong mapamuna na upang maging sakdal ang Bibliya, dapat ay hindi ito kakikitaan ng mga tila pagkakaiba o di-pagkakasuwato, ayon sa pamantayan nila. Gayunman, ang mga bagay na ito ay hindi nakababawas sa kasakdalan ng Sagradong Kasulatan. Ang tunay na panukat ng kasakdalan nito ay ang pag-abot nito sa mga pamantayan ng kahusayan na itinakda ng Diyos na Jehova, ang pagtupad nito sa layuning itinalaga niya, bilang tunay na Awtor, para rito, at gayundin ang pagiging malaya nito sa kabulaanan, bilang ipinahayag na Salita ng Diyos ng katotohanan. Idiniin ng apostol na si Pablo ang kasakdalan ng “banal na mga kasulatan” sa pagsasabing: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.” (2Ti 3:15-17) Ang nagawa ng Hebreong Kasulatan para sa bansang Israel noong sinunod nila ang mga iyon, ang nagawa ng nakumpletong Kasulatan para sa kongregasyong Kristiyano noong unang siglo, at ang magagawa ng Bibliya para sa mga tao sa kasalukuyan, ay nakakukumbinsing patotoo na taglay nito ang mga katangian bilang isang mahusay na instrumento ng Diyos upang maisakatuparan ang kaniyang layunin.​—Ihambing ang 1Co 1:18.

Ang pinakadiwa ng buong Kasulatan, at ng mga turo ng Anak ng Diyos, ay nagpapakita na pangunahing nakasalalay sa puso ng indibiduwal ang pagtatamo ng unawa sa mga layunin ng Diyos, ang paggawa ng kaniyang kalooban, at ang pagkakamit ng kaligtasan tungo sa buhay. (1Sa 16:7; 1Cr 28:9; Kaw 4:23; 21:2; Mat 15:8; Luc 8:5-15; Ro 10:10) Natatangi ang Bibliya sa kakayahan nitong “umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso,” anupat isinisiwalat kung ano talaga ang taong iyon. (Heb 4:12, 13) Mula sa Kasulatan, malinaw na ang kaalaman tungkol sa Diyos ay hindi niya ginawang isang bagay na matatamo nang walang kahirap-hirap. (Ihambing ang Kaw 2:1-14; 8:32-36; Isa 55:6-11; Mat 7:7, 8.) Maliwanag din na pinangyari ng Diyos na ang kaniyang mga layunin ay maisiwalat sa mga mapagpakumbaba at maitago sa mga palalo, sapagkat ‘ang paggawa nang gayon ay siyang naging paraan na sinang-ayunan niya.’ (Mat 11:25-27; 13:10-15; 1Co 2:6-16; San 4:6) Kaya naman, bagaman ang mga indibiduwal na may mga pusong hindi tumutugon sa mensahe ng Bibliya ay nakasusumpong ng mga bagay sa Kasulatan na sa kanilang opinyon ay nagbibigay-matuwid sa kanilang pagtanggi sa mensahe, pagsaway, at disiplina nito, hindi ito nagpapakita na may anumang di-kasakdalan ang Bibliya. Sa halip, inilalarawan nito ang maka-Kasulatang mga puntong katatalakay lamang at sa gayo’y ipinakikita ang kasakdalan ng Bibliya sa pangmalas ng Awtor nito, na ang pangmalas ang siyang tanging pinakamahalaga. (Isa 29:13, 14; Ju 9:39; Gaw 28:23-27; Ro 1:28) Pinatutunayan ng paglipas ng panahon at ng pagsubok na ang mga bagay na may kaugnayan sa Salita at daan ng Diyos, na itinuturing ng marurunong sa sanlibutan bilang “mangmang” o “mahina,” ay may nakahihigit na karunungan at lakas kung ihahambing sa mga teoriya, pilosopiya, at mga pangangatuwiran ng mga taong naninirang-puri rito.​—1Co 1:22-25; 1Pe 1:24, 25.

Ang isang mahalagang kahilingan upang maunawaan at mapahalagahan ang sakdal na Salita ng Diyos ay ang pagkakaroon ng pananampalataya. Baka nadarama ng isang indibiduwal na may mga detalye at paliwanag na dapat sana ay nasa Bibliya, upang isiwalat ng mga ito kung bakit sa ilang espesipikong kaso ay sumang-ayon o di-sumang-ayon ang Diyos, o kung bakit niya ginawa ang isang partikular na pagkilos, at posible rin na madama ng indibiduwal na ang ibang mga detalyeng nasa Bibliya ay hindi naman kailangan. Subalit dapat niyang matanto na kung ang Bibliya ay isusunod sa mga pamantayan o panuntunan ng tao, gaya ng sarili niyang pamantayan, hindi na ito maituturing na sakdal ayon sa pangmalas ng Diyos. Upang ilantad ang kabulaanan ng gayong saloobin, sinabi ni Jehova na ang kaniyang mga kaisipan at mga lakad ay nakahihigit kaysa roon sa mga tao, at tiniyak niya na ang kaniyang salita ay “magtatagumpay” sa pagtupad ng kaniyang layunin. (Isa 55:8-11; Aw 119:89) At iyan ang ibig sabihin ng kasakdalan, gaya ng ipinakikita ng mga katuturang ibinigay sa pasimula ng artikulong ito.

Kasakdalan at Malayang Kalooban. Ang nabanggit na impormasyon ay tumutulong sa atin na maunawaan kung paano nagawang maging masuwayin ng sakdal na mga nilalang ng Diyos. Ang pagsasabing hindi ito kasuwato ng kasakdalan ay pagwawalang-bahala sa kahulugan ng terminong ito, anupat inihahalili ang personal na ideya na salungat sa katotohanan. Ang matatalinong nilalang ng Diyos ay pinagkalooban ng kakayahan at kalayaang magpasiya, ang pribilehiyo at pananagutang gumawa ng personal na desisyon hinggil sa landasing tatahakin nila. (Deu 30:19, 20; Jos 24:15) Maliwanag na ganito ang kalagayan ng unang mag-asawa, sa gayo’y maaaring subukin ang kanilang debosyon sa Diyos. (Gen 2:15-17; 3:2, 3) Bilang kanilang Maylikha, alam ni Jehova kung ano ang ibig niya mula sa kanila, at mula sa Kasulatan, maliwanag na ang ibig niya ay hindi pagsunod na awtomatiko at halos mekanikal, kundi pagsamba at paglilingkod na nagmumula sa mga puso’t isip na inuudyukan ng tunay na pag-ibig. (Ihambing ang Deu 30:15, 16; 1Cr 28:9; 29:17; Ju 4:23, 24.) Kung walang kakayahang pumili si Adan at ang kaniyang asawa sa bagay na ito, hindi sana sila nakaabot sa mga kahilingan ng Diyos at hindi sana sila naging ganap at sakdal ayon sa kaniyang mga pamantayan.

Dapat tandaan na ang kasakdalan, kung mga tao ang pinag-uusapan, ay isang kasakdalang may pasubali, anupat nalilimitahan ng pagiging tao ng isa. Bagaman si Adan ay nilalang na sakdal, hindi siya maaaring lumampas sa mga hangganang itinakda sa kaniya ng kaniyang Maylalang; hindi siya maaaring kumain ng lupa, graba, o kahoy nang hindi dumaranas ng masasamang epekto; kung tubig ang lalanghapin niya sa halip na hangin, malulunod siya. Sa katulad na paraan, kung pakakainin niya ang kaniyang isip at puso ng maling mga kaisipan, aakay ito sa pag-iisip ng maling mga pagnanasa at sa dakong huli ay magdudulot ito ng kasalanan at kamatayan.​—San 1:14, 15; ihambing ang Gen 1:29; Mat 4:4.

Maliwanag na mahahalagang salik ang personal na kalooban at pagpili ng isang nilalang. Kung igigiit natin na ang isang taong sakdal ay hindi maaaring tumahak sa maling landasin kapag may usaping moral na kasangkot, hindi ba dapat din nating ikatuwiran na ang isang di-sakdal na nilalang ay hindi maaaring tumahak sa tamang landasin kapag may gayong usaping moral na kasangkot? Ngunit may mga di-sakdal na nilalang na pumipili ng tamang landasin sa mga usaping moral na nagsasangkot ng pagkamasunurin sa Diyos, anupat pinipili pa nga nilang dumanas ng pag-uusig sa halip na lumihis sa gayong landasin; samantala, ang iba ay nagpapakasasa sa paggawa niyaong nalalaman nilang mali. Kung gayon, hindi lahat ng maling pagkilos ay dahil sa di-kasakdalan ng tao. Mahahalagang salik ang kalooban at pagpili ng isang indibiduwal. Sa gayunding paraan, hindi ang kasakdalan bilang tao ang tanging garantiya na kikilos nang tama ang unang tao, kundi sa halip ay ang paggamit niya ng kaniyang malayang kalooban at pagpili na inudyukan ng pag-ibig para sa kaniyang Diyos at sa kung ano ang tama.​—Kaw 4:23.

Ang unang makasalanan at ang hari ng Tiro. Sabihin pa, bago magkasala at maging di-sakdal ang tao, mayroon nang nagkasala at naging di-sakdal sa dako ng mga espiritu, gaya ng isinisiwalat ng mga salita ni Jesus sa Juan 8:44 at ng ulat sa kabanata 3 ng Genesis. Ang panambitang nakaulat sa Ezekiel 28:12-19, bagaman patungkol sa taong “hari ng Tiro,” ay maliwanag na may pagkakatulad sa landasing tinahak ng espiritung anak ng Diyos na unang nagkasala. Ang pagmamapuri ng “hari ng Tiro,” ang paggawa niyang ‘diyos’ sa kaniyang sarili, ang pagtawag sa kaniya bilang isang “kerubin,” at ang pagbanggit sa “Eden, na hardin ng Diyos,” ay tiyak na katugma ng impormasyon sa Bibliya tungkol kay Satanas na Diyablo, na nagmalaki, iniuugnay sa serpiyente sa Eden, at tinatawag na “diyos ng sistemang ito ng mga bagay.”​—1Ti 3:6; Gen 3:1-5, 14, 15; Apo 12:9; 2Co 4:4.

Ang di-ipinakilalang hari ng Tiro, na tumatahan sa lunsod na nag-aangking “sakdal sa kariktan,” ay “puspos ng karunungan at sakdal [pang-uring nauugnay sa Heb. na ka·lalʹ] sa kagandahan,” at “walang pagkukulang [sa Heb., ta·mimʹ]” sa kaniyang mga lakad mula nang siya’y lalangin hanggang sa ang kalikuan ay masumpungan sa kaniya. (Eze 27:3; 28:12, 15) Maaaring ang panambitan sa Ezekiel ay nagkaroon ng una o tuwirang pagkakapit sa linya ng mga tagapamahala ng Tiro sa halip na sa isang espesipikong hari. (Ihambing ang hulang ipinatungkol laban sa di-ipinakilalang “hari ng Babilonya” sa Isa 14:4-20.) Kung magkagayon, maaaring ang tinutukoy ay ang naunang landasin ng pagkakaibigan at pakikipagtulungan ng mga tagapamahala ng Tiro noong panahon ng mga paghahari nina David at Solomon, nang mag-abuloy pa nga ang Tiro para sa pagtatayo ng templo ni Jehova sa Bundok Moria. Kung gayon, sa pasimula ay walang masusumpungang pagkukulang sa saloobin ng mga opisyal ng Tiro may kinalaman sa Israel na bayan ni Jehova. (1Ha 5:1-18; 9:10, 11, 14; 2Cr 2:3-16) Gayunman, ang sumunod na mga hari ay lumihis sa ‘walang-pagkukulang’ na landasing ito, at ang Tiro ay hinatulan ng mga propeta ng Diyos na sina Joel at Amos, gayundin si Ezekiel. (Joe 3:4-8; Am 1:9, 10) Bukod sa maliwanag na pagkakatulad ng landasin ng “hari ng Tiro” at niyaong sa pangunahing Kalaban ng Diyos, inilalarawan din ng hulang ito kung paano maaaring gamitin sa limitadong mga diwa ang “kasakdalan” at “kawalang-pagkukulang.”

Paano matatawag na “walang pagkukulang” ang di-sakdal na mga lingkod ng Diyos?

Pinatunayan ng matuwid na si Noe na siya’y “walang pagkukulang sa gitna ng kaniyang mga kapanahon.” (Gen 6:9) Si Job naman ay “walang kapintasan at matuwid.” (Job 1:8) Mayroon ding katulad na mga pananalitang ginamit hinggil sa iba pang mga lingkod ng Diyos. Yamang lahat ay mga inapo ng makasalanang si Adan at samakatuwid ay mga makasalanan, maliwanag na ang mga lalaking iyon ay “walang pagkukulang” at “walang kapintasan” sa diwa na nakaaabot sila nang lubusan sa mga kahilingan ng Diyos para sa kanila, mga kahilingang nagsaalang-alang sa kanilang di-kasakdalan at kawalang-kakayahan. (Ihambing ang Mik 6:8.) Kung paanong ang isang magpapalayok ay hindi aasa ng parehong kalidad kapag humuhubog siya ng isang plorera mula sa karaniwang luwad kaysa kung humuhubog siya ng plorerang yari sa espesyal at mainam na luwad, isinasaalang-alang din ng mga kahilingan ni Jehova ang kahinaan ng di-sakdal na mga tao. (Aw 103:10-14; Isa 64:8) Bagaman nakagagawa sila ng mga pagkakamali dahil sa di-kasakdalan ng kanilang laman, ang mga taong tapat na iyon ay nagpakita ng “pusong sakdal [sa Heb., sha·lemʹ]” kay Jehova. (1Ha 11:4; 15:14; 2Ha 20:3; 2Cr 16:9) Sa gayon, hanggang sa abot ng kanilang makakaya, ang kanilang debosyon ay kumpleto, ganap, anupat nakatutugon sa mga kahilingan ng Diyos para sa kanila. Yamang ang Diyos na siyang Hukom ay nalugod sa kanilang pagsamba, walang katuwiran ang sinumang tao o espiritung nilalang na hanapan ng pagkakamali ang kanilang paglilingkod sa Kaniya.​—Ihambing ang Luc 1:6; Heb 11:4-16; Ro 14:4; tingnan ang JEHOVA (Kung bakit maaari siyang makitungo sa di-sakdal na mga tao).

Kinikilala ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang likas na di-kasakdalan ng sangkatauhang nagmula kay Adan. Ipinakikita ng Santiago 3:2 na ang isang tao ay magiging “taong sakdal, na may kakayahang rendahan . . . ang kaniyang buong katawan,” kung kaya niyang rendahan ang kaniyang dila at hindi matisod sa salita; ngunit kung tungkol dito, “tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit.” (Ihambing ang San 3:8.) Gayunpaman, ipinakikita ng Kasulatan na may relatibong mga kasakdalan na maaaring makamit ng mga taong makasalanan. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kaya nga dapat kayong magpakasakdal, kung paanong ang inyong makalangit na Ama ay sakdal.” (Mat 5:48) Dito, ang tinutukoy niya ay hinggil sa pag-ibig at pagkabukas-palad. Ipinakita niya na ang basta ‘pag-ibig sa mga umiibig sa iyo’ ay isang pag-ibig na di-kumpleto at may depekto. Kaya naman dapat pasakdalin, o lubusin, ng kaniyang mga tagasunod ang kanilang pag-ibig sa pamamagitan ng pag-ibig din sa kanilang mga kaaway, anupat tinutularan ang halimbawa ng Diyos. (Mat 5:43-47) Sa katulad na paraan, ang kabataang lalaki na nagtanong kay Jesus kung paano magtatamo ng buhay na walang hanggan ay sinabihan na ang kaniyang pagsamba, bagaman may kalakip nang pagkamasunurin sa mga utos ng Kautusan, ay kulang pa rin ng ilang mahahalagang salik. Kung ‘ibig niyang maging sakdal,’ ang kaniyang pagsamba ay dapat niyang lubusin (ihambing ang Luc 8:14; Isa 18:5) sa pamamagitan ng pagtupad sa mga aspektong ito.​—Mat 19:21; ihambing ang Ro 12:2.

Ipinakikita ng apostol na si Juan na ang pag-ibig ng Diyos ay pinasasakdal sa mga Kristiyanong nananatiling kaisa Niya, na tumutupad sa salita ng kaniyang Anak at nag-iibigan sa isa’t isa. (1Ju 2:5; 4:11-18) Ang gayong sakdal na pag-ibig ay nagwawaksi ng takot, anupat nagkakaloob ng “kalayaan sa pagsasalita.” Dito, ipinakikita ng konteksto na ang tinutukoy ni Juan ay ang “kalayaan sa pagsasalita sa Diyos,” gaya sa panalangin. (1Ju 3:19-22; ihambing ang Heb 4:16; 10:19-22.) Ang isa na nakararanas ng lubusang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos ay makalalapit sa kaniyang makalangit na Ama nang may pagtitiwala, anupat sa kaniyang puso ay hindi nakadaramang hinatulan siya na parang isang mapagpaimbabaw o di-sinang-ayunan. Alam niya na tinutupad niya ang mga utos ng Diyos at na ginagawa niya ang nakalulugod sa kaniyang Ama, at sa gayo’y malaya siyang gumawa ng mga kapahayagan at pakiusap kay Jehova. Hindi siya nakadarama na para siyang hinihigpitan ng Diyos sa kung ano ang pribilehiyo niyang sabihin o hilingin. (Ihambing ang Bil 12:10-15; Job 40:1-5; Pan 3:40-44; 1Pe 3:7.) Hindi siya pinipigilan ng malagim na pagkatakot; sa “araw ng paghuhukom,” wala siyang nalalamang ‘itim na marka’ laban sa kaniya ni mayroon man siyang mga bagay na ibig itago. (Ihambing ang Heb 10:27, 31.) Kung paanong ang isang bata ay hindi natatakot humingi ng anuman mula sa kaniyang maibiging mga magulang, gayundin naman, ang Kristiyanong may pag-ibig na ganap na nalinang ay nakatitiyak na “anumang bagay ang hingin natin ayon sa kaniyang kalooban, tayo ay pinakikinggan niya. Karagdagan pa, kung alam nating pinakikinggan niya tayo may kinalaman sa anumang ating hinihingi, alam natin na tatanggapin natin ang mga bagay na hiningi yamang hiningi natin sa kaniya ang mga iyon.”​—1Ju 5:14, 15.

Kung gayon, hindi iwinawaksi ng “sakdal na pag-ibig” na ito ang lahat ng uri ng takot. Hindi nito inaalis ang mapagpitagang pagkatakot sa Diyos bilang kaniyang mga anak, na udyok ng paggalang sa kaniyang posisyon, kapangyarihan, at katarungan. (Aw 111:9, 10; Heb 11:7) Hindi rin naman nito inaalis ang normal na pagkatakot na nag-uudyok sa isang tao na umiwas sa panganib o protektahan ang kaniyang buhay hangga’t maaari, ni inaalis nito ang takot na dulot ng biglaang pagkadama ng pangamba.​—Ihambing ang 1Sa 21:10-15; 2Co 11:32, 33; Job 37:1-5; Hab 3:16, 18.

Karagdagan pa, ang lubos na pagkakaisa ay natatamo sa pamamagitan ng “sakdal na bigkis” ng pag-ibig, anupat pinangyayari na ang mga Kristiyano ay “mapasakdal . . . sa isa.” (Col 3:14; Ju 17:23) Ngunit maliwanag na ang kasakdalan ng pagkakaisang ito ay mayroon ding pasubali at hindi nangangahulugang mawawala na ang lahat ng pagkakaiba ng personalidad, gaya ng indibiduwal na mga abilidad, ugali, at budhi. Gayunman, kapag nakamtan ito, ang kalubusan nito ay umaakay sa nagkakaisang pagkilos, paniniwala, at turo.​—Ro 15:5, 6; 1Co 1:10; Efe 4:3; Fil 1:27.

Ang Kasakdalan ni Kristo Jesus. Ipinanganak si Jesus bilang isang sakdal na tao​—banal, walang kasalanan. (Luc 1:30-35; Heb 7:26) Sabihin pa, ang kaniyang pisikal na kasakdalan noon ay hindi walang hangganan kundi nalilimitahan ng kaniyang pagiging tao. Nakaranas siya ng pagkapagod, pagkauhaw, at pagkagutom, at siya’y isang mortal. (Mar 4:36-39; Ju 4:6, 7; Mat 4:2; Mar 15:37, 44, 45) Layunin ng Diyos na Jehova na gamitin ang kaniyang Anak bilang kaniyang Mataas na Saserdote alang-alang sa sangkatauhan. Bagaman si Jesus ay isang taong sakdal, kinailangan siyang “pasakdalin” (sa Gr., te·lei·oʹo) para sa posisyong iyon, upang lubusang makatugon sa mga kahilingang itinakda ng kaniyang Ama, at makaabot sa itinalagang layunin o tunguhin. Ayon sa mga kahilingan, kailangang siya’y maging “tulad ng kaniyang ‘mga kapatid’ sa lahat ng bagay,” anupat nagbabata ng pagdurusa, natututo ng pagkamasunurin sa ilalim ng pagsubok, na gagawin din ng kaniyang “mga kapatid” o mga sumusunod sa kaniyang yapak. Sa gayon, magagawa niyang “makiramay sa ating mga kahinaan, [bilang] isa na sinubok sa lahat ng bagay tulad natin, ngunit walang kasalanan.” (Heb 2:10-18; 4:15, 16; 5:7-10) Karagdagan pa, pagkatapos ng kaniyang kamatayan bilang isang sakdal na hain at ng kaniyang pagkabuhay-muli, kailangan siyang tumanggap ng imortal na buhay bilang espiritu sa langit, sa gayo’y ‘pinasasakdal magpakailanman’ para sa kaniyang makasaserdoteng katungkulan. (Heb 7:15–8:4; 9:11-14, 24) Sa katulad na paraan, lahat niyaong mga maglilingkod kasama ni Kristo bilang mga katulong na saserdote ay ‘pasasakdalin,’ samakatuwid nga, dadalhin sa makalangit na tunguhing inaabot nila at pinagtawagan sa kanila.​—Fil 3:8-14; Heb 12:22, 23; Apo 20:6.

Ang “Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya.” Si Jesus ay tinatawag na “Punong Ahente [Punong Lider] at Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya.” (Heb 12:2) Totoo na bago dumating si Jesu-Kristo, ang pananampalataya ni Abraham ay “napasakdal” sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa ng pananampalataya at pagkamasunurin, anupat nakamit niya ang pagsang-ayon ng Diyos at naging isang partido sa isang pinanumpaang tipan sa Diyos. (San 2:21-23; Gen 22:15-18) Ngunit ang pananampalataya ng lahat ng taong may pananampalataya na nabuhay bago ang ministeryo ni Jesus sa lupa ay di-kumpleto, o di-sakdal, sa diwang hindi nila naunawaan ang mga hulang noo’y hindi pa natutupad tungkol sa kaniya bilang Binhi at Mesiyas ng Diyos. (1Pe 1:10-12) Sa pamamagitan ng kaniyang kapanganakan, ministeryo, kamatayan, at pagkabuhay-muli tungo sa makalangit na buhay, ang mga hulang ito ay natupad, at tumibay ang pundasyon ng pananampalataya kay Kristo, pundasyong pinunan ng mga pangyayari sa kasaysayan. Sa gayon, ang pananampalataya sa pinasakdal na diwang ito ay “dumating” sa pamamagitan ni Kristo Jesus (Gal 3:24, 25), na napatunayang ang “lider” (AT), “tagapanguna” (Mo), o Punong Ahente ng ating pananampalataya. Mula sa kaniyang posisyon sa langit, patuloy siyang naging Tagapagpasakdal ng pananampalataya ng kaniyang mga tagasunod, sa pamamagitan ng pagbubuhos sa kanila ng banal na espiritu noong Pentecostes at sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pagsisiwalat na unti-unting pumuno at nagpasulong sa kanilang pananampalataya.​—Gaw 2:32, 33; Heb 2:4; Apo 1:1, 2; 22:16; Ro 10:17.

‘Hindi Mapasakdal Nang Bukod sa Atin.’ Matapos niyang repasuhin ang rekord ng mga taong tapat noong yugto bago ang panahong Kristiyano mula kay Abel patuloy, sinabi ng apostol na wala sa mga ito ang “nagkamit ng katuparan ng pangako, yamang patiunang nakita ng Diyos ang isang bagay na mas mabuti para sa atin, upang hindi sila mapasakdal nang bukod sa atin.” (Heb 11:39, 40) Maliwanag na ang “atin” dito ay tumutukoy sa mga pinahirang Kristiyano (Heb 1:2; 2:1-4), “mga kabahagi sa makalangit na pagtawag” (Heb 3:1) na para sa kanila ay “pinasinayaan [ni Kristo ang] isang bago at buháy na daan” tungo sa banal na dako ng makalangit na presensiya ng Diyos. (Heb 10:19, 20) Kabilang sa makalangit na pagtawag na iyon ang paglilingkod bilang makalangit na mga saserdote ng Diyos at ni Kristo sa loob ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo. Binibigyan din sila ng “kapangyarihang humatol.” (Apo 20:4-6) Kung gayon, makatuwiran nga na ang makalangit na buhay at mga pribilehiyong tinatanggap ng mga tinawag ay ang “isang bagay na mas mabuti” na patiunang nakita ng Diyos para sa mga pinahirang Kristiyano na iyon. (Heb 11:40) Gayunman, ang pagsisiwalat sa kanila kapag kumilos na sila mula sa langit kasama ni Kristo upang puksain ang balakyot na sistema ang siyang magbubukas ng daan upang mapalaya sa pagkaalipin sa kasiraan yaong mga nasa sangnilalang na umaabot sa “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Ro 8:19-22) Ipinakikita ng Hebreo 11:35 na ang mga taong tapat bago ang panahong Kristiyano ay nag-ingat ng integridad sa ilalim ng pagdurusa “upang sila ay makapagkamit ng mas mabuting pagkabuhay-muli,” anupat maliwanag na mas mabuti iyon kaysa sa “pagkabuhay-muli” ng “mga patay” na binanggit sa pasimula ng talata, mga taong binuhay-muli ngunit muling namatay. (Ihambing ang 1Ha 17:17-23; 2Ha 4:17-20, 32-37.) Samakatuwid, para sa mga taong tapat na ito bago ang panahong Kristiyano, ang ‘pagpapasakdal’ sa kanila ay tiyak na may kaugnayan sa kanilang pagkabuhay-muli, o pagpapanumbalik sa buhay, at pagkatapos niyaon, sa kanilang ‘paglaya sa pagkaalipin sa kasiraan’ sa pamamagitan ng paglilingkod ng pagkasaserdote ni Kristo Jesus at ng kaniyang mga katulong na saserdote sa panahon ng Milenyong Paghahari.

Ang Panunumbalik ng Sangkatauhan sa Kasakdalan sa Lupa. Ayon sa panalanging, “Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa,” nakatakdang maranasan ng planetang ito ang buong puwersa at epekto ng pagpapatupad ng mga layunin ng Diyos. (Mat 6:10) Pupuksain ang balakyot na sistemang nasa ilalim ng kontrol ni Satanas. Lahat ng kapintasan at depekto ay aalisin mula sa mga makaliligtas na patuloy na sumusunod at nagpapakita ng pananampalataya, anupat ang mga nakaligtas ay makaaabot sa mga pamantayan ng Diyos sa kahusayan, pagiging kumpleto, at malusog. Batay sa Apocalipsis 5:9, 10, maliwanag na kabilang dito ang pagpapasakdal ng mga kalagayan sa lupa at ng mga taong nilalang. Sinasabi roon na ang mga taong ‘binili para sa Diyos’ (ihambing ang Apo 14:1, 3) ay magiging “isang kaharian at mga saserdote sa ating Diyos, at mamamahala sila bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.” Sa ilalim ng tipang Kautusan, tungkulin ng mga saserdote na magsilbing kinatawan ng mga tao sa harap ng Diyos sa paghahandog ng mga hain. Inatasan din silang magbantay sa pisikal na kalusugan ng bansa, anupat nanunungkulan sa paglilinis niyaong mga nadungisan, at humahatol kapag may mga gumaling mula sa ketong. (Lev 13-15) Higit pa rito, mga saserdote ang may pananagutang tumulong sa mental at espirituwal na pagpapatibay at kalusugan ng taong-bayan. (Deu 17:8-13; Mal 2:7) Yamang ang Kautusan ay may “anino ng mabubuting bagay na darating,” maaasahan na ang makalangit na pagkasaserdote sa ilalim ni Kristo Jesus na maglilingkod sa panahon ng kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari (Apo 20:4-6) ay gaganap ng gayunding gawain.​—Heb 10:1.

Ginagarantiyahan ng makahulang larawang nasa Apocalipsis 21:1-5 na mararanasan ng tinubos na sangkatauhan ang pag-aalis ng mga luha, pagdadalamhati, kirot, at kamatayan. Sa pamamagitan ni Adan, ang kasalanan, at ang ibinunga nitong pagdurusa at kamatayan, ay pumasok sa lahi ng tao (Ro 5:12), at tiyak na kabilang ang mga ito sa “mga dating bagay” na nakatakdang lumipas. Kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, at bilang “huling kaaway, ang kamatayan ay papawiin” sa pamamagitan ng pamamahala ng Kaharian ni Kristo. (Ro 6:23; 1Co 15:25, 26, 56) Para sa masunuring sangkatauhan, mangangahulugan ito ng panunumbalik sa sakdal na kalagayang tinamasa noon ng tao sa Eden. Sa gayon, mararanasan na ng mga tao hindi lamang ang kasakdalan sa pananampalataya at pag-ibig kundi kasakdalan din sa diwa na mawawala na ang kasalanan. Lubusan at walang-pagkukulang na silang makatutugon sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos para sa mga tao. Ang hula sa Apocalipsis 21:1-5 ay may kaugnayan din sa Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, yamang ang “Bagong Jerusalem,” na ang ‘pagbabang galing sa langit’ ay iniuugnay sa pag-aalis ng mga kapighatian ng sangkatauhan, ay ipinakikita bilang ang “kasintahang babae,” o niluwalhating kongregasyon, ni Kristo, samakatuwid, yaong mga bumubuo sa maharlikang pagkasaserdote ng Milenyong Paghahari ni Kristo.​—Apo 21:9, 10; Efe 5:25-32; 1Pe 2:9; Apo 20:4-6.

Magkakaroon ng pasubali ang kasakdalan ng sangkatauhan, anupat malilimitahan ng kanilang pagiging tao. Gayunman, yaong mga nagtatamo nito ay magkakaroon ng kakayahang tamasahin ang buhay sa lupa sa pinakalubusang antas. “Ang lubos na pagsasaya ay nasa . . . mukha [ni Jehova],” at ang ‘pagtotolda ng Diyos sa sangkatauhan’ ay nagpapakitang ang tinutukoy ay ang masunuring sangkatauhan, yaong mga binabalingan ng mukha ni Jehova nang may pagsang-ayon. (Aw 16:11; Apo 21:3; ihambing ang Aw 15:1-3; 27:4, 5; 61:4; Isa 66:23.) Gayunman, ang kasakdalan ay hindi nangangahulugan na mawawala na ang pagkakasari-sari, gaya ng madalas ipalagay ng mga tao. Halimbawa, ang mga hayop, na produkto ng ‘sakdal na gawa’ ni Jehova (Gen 1:20-24; Deu 32:4), ay kakikitaan ng malawak na pagkakasari-sari. Gayundin naman, ang kasakdalan ng planetang Lupa ay hindi magiging salungat sa pagkakaroon ng pagkakasari-sari, pagbabagu-bago, o pagkakaiba-iba, kaya naman magkakaroon pa rin ng payak at masalimuot, simple at magarbo, maasim at matamis, magaspang at makinis, mga pastulan at mga kakahuyan, mga bundok at mga libis. At magkakaroon pa rin ng nakapagpapasiglang kasariwaan ng maagang tagsibol, ng init ng tag-araw at ng bughaw na kalangitan nito, ng kagandahan ng makulay na taglagas, at ng dalisay na kagandahan ng kalalagpak na niyebe. (Gen 8:22) Samakatuwid, ang sakdal na mga tao ay hindi magtataglay ng iisang personalidad, talento, at abilidad. Hindi ito ang tunay na kahulugan ng kasakdalan, gaya ng ipinakikita ng mga katuturang ibinigay sa pasimula ng artikulong ito.