Kesil, Konstelasyon ng
[sa Heb., kesilʹ, “hangal”].
Bagaman ang salitang ito ay ginamit nang maraming ulit sa saligang diwa nito na “hangal” (ihambing ang Aw 49:10; 92:6; Kaw 1:22), gayunma’y ipinahihiwatig ng konteksto sa apat na talata (Job 9:9; 38:31; Am 5:8; at Isa 13:10 [dito ay nasa anyong pangmaramihan]) na ginamit ito upang tumukoy sa isang kalipunan o grupo ng mga bituin.
Ang terminong ito ay karaniwang itinuturing na kumakapit sa Orion, tinatawag ding ang mangangaso, isang napakaprominenteng konstelasyon na kinaroroonan ng higanteng mga bituin na Betelgeuse at Rigel. Isinalin ng Latin na Vulgate ang kesilʹ bilang “Orion” sa Job 9:9 at Amos 5:8. Tinutularan ng karamihan sa mga salin ang Latin na Vulgate sa pangmalas nito na ang kesilʹ ay tumutukoy sa Orion. Ang sinaunang mga bersiyong Targum at Syriac ay kababasahan ng “higante,” at katumbas ito ng pangalang Arabe para sa konstelasyon ng Orion, gabbar, o “isa na malakas” (katumbas sa Hebreo, gib·bohrʹ).
Ang terminong ito ay ginagamit sa Amos 5:8 may kaugnayan sa pagsaway sa Israel dahil hindi nito hinanap ang tunay na Diyos na si Jehova, ang Maylikha ng mga konstelasyon sa langit. Sa Isaias 13:9, 10, kung saan ginamit ang pangmaramihang kesi·leh·hemʹ (ang kanilang mga konstelasyon ng Kesil), inilalarawan ang “araw ni Jehova,” kung kailan ang mga maniniil na mapagmapuri at palalo ay ibababa at ang mga bagay sa kalangitan ay hindi na magbibigay ng kanilang liwanag.