Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kinatawan

Kinatawan

[sa Ingles, deputy].

Ang pangunahing kahulugan ng pandiwaring Hebreo na isinaling “kinatawan” (nits·tsavʹ) ay isa na “inilagay,” ‘itinayo,’ o ‘inatasan’ sa pamamagitan ng pagtatalaga upang gumanap sa isang tungkulin. (1Sa 22:9; Exo 7:15; Ru 2:5) Noong panahon ng paghahari ni Solomon (1037-998 B.C.E.), 12 kinatawan ang itinalaga sa matataas na administratibong posisyon. Inatasan silang maghalinhinan sa paglalaan ng pagkain at ng iba pang mga panustos para sa maharlikang sambahayan, isang buwan sa bawat taon.​—1Ha 4:7.

Sa halip na humiling ng isang pangkalahatang buwis na pansuporta sa pamahalaan, mga pagkain ang kinukuha noon mula sa ani ng lupain. Kaya naman ang mga kinatawan ay mga tagapangasiwa ng produksiyon, pag-aani, pag-iimbak, at paghahatid ng buwanang kota, na tone-tonelada ang timbang. (1Ha 4:22, 23) Maaaring naglingkod din ang mga kinatawang ito bilang mga sibil na administrador sa kani-kanilang teritoryo, bukod pa sa kanilang pangangasiwa sa paglalaan ng mga panustos na pagkain.

Patas at makatuwiran ang sistemang ito, sapagkat nang itatag ang mga distrito, waring maingat na isinaalang-alang ang populasyon at ang pagkamabunga ng lupain, sa halip na ibatay lamang sa itinakdang mga hangganan ng mga tribo. Ang siyam sa mga administratibong distrito ay nasa K ng Jordan, at ang tatlo naman ay nasa S. Yamang ang talaan ng mga distrito ay hindi ayon sa pagkakasunud-sunod ng lokasyon, maaaring itinala ang mga ito ayon sa buwan kung kailan maglalaan ng mga panustos ang bawat kinatawan.

Sa tekstong Masoretiko, pitong kinatawan lamang ang tinukoy sa kani-kanilang personal na pangalan; ang limang iba pa ay itinala lamang bilang “anak ni” ganoon-at-ganito. (1Ha 4:8-19) Ang ilang salin naman (AS; AT; 3Ha, Dy; Ro; RS) ay naglagay lamang ng unlaping “Ben” (nangangahulugang “anak ni”) sa pangalan ng ama, gaya ng “Ben-hur,” “Ben-deker,” “Ben-hesed,” “Ben-abinadab,” “Ben-geber.” Upang walang bumangong suliranin na magiging sanhi ng kakapusan, ang 12 kinatawan ay inilagay sa ilalim ng pangangasiwa ng isa sa pangunahing mga prinsipe ni Solomon, “si Azarias na anak ni Natan.”​—1Ha 4:5.

Mayroon ding “mga malaprinsipeng kinatawan” na naglingkod bilang mga kapatas at mga tagapangasiwa ng mga trabahador na ginamit sa pagtatayo noong panahon ng paghahari ni Solomon. Waring ang dalawang ulat hinggil sa mga kinatawang ito, na nasa Unang Hari at Ikalawang Cronica, ay magkaiba lamang sa paraan ng klasipikasyon, anupat ang una ay nagtala ng 3,300 at 550 na may kabuuang 3,850 (1Ha 5:16; 9:23), at ang ikalawa naman ay nagtala ng 3,600 at 250, na may kabuuan din na 3,850. (2Cr 2:18; 8:10) Iminumungkahi ng mga iskolar (sina Ewald, Keil, Michaelis) na ang mga bilang sa Mga Cronica ay tumutukoy sa 3,600 di-Israelita at 250 Israelita, samantalang ang mga bilang naman sa Mga Hari ay tumutukoy sa 3,300 nakabababang kapatas at 550 punong tagapangasiwa, anupat kasama sa huling nabanggit na bilang ang 300 di-Israelita.

Noong panahon ng pamamahala ni Jehosapat, hari ng Juda (936-mga 911 B.C.E.), “isang kinatawan ang hari” sa Edom, na noon ay nasa ilalim ng kontrol ng Juda. (1Ha 22:47) Ipinahihiwatig nito na isang bise-tagapamahala ang inatasan o inaprubahang gumanap bilang kahalili ng hari.

Ang pananalitang “mga kinatawang tagapamahala” (sa Heb., segha·nimʹ, laging ginagamit sa anyong pangmaramihan) ay lumilitaw nang 17 ulit sa Bibliya, halimbawa ay sa Ezra 9:2; Nehemias 2:16; Isaias 41:25; Jeremias 51:23; at Ezekiel 23:6. Tumutukoy ito sa mga nakabababang tagapamahala o mabababang opisyal, na iba pa sa mga taong mahal, mga prinsipe, at mga gobernador. Isinasalin naman ito ng ilang tagapagsalin bilang “mga kinatawan.”​—Mo, Ro.