Kislev
Pangalan ng ikasiyam na buwang lunar ng mga Judio pagkaraan ng pagkatapon, na pumapatak sa pagitan ng Nobyembre at Disyembre. (Ne 1:1; Jer 36:9; Zac 7:1) Katumbas ito ng ikatlong buwan sa kanilang sekular na kalendaryo.
Ito’y isang buwan ng taglamig, anupat maginaw at maulan. Mababasa natin na si Haring Jehoiakim ay “nakaupo sa bahay na pantaglamig, nang ikasiyam na buwan, at may braserong nagniningas sa harap niya.” (Jer 36:22) Pagkaraan ng pagkatapon, isang kapulungan sa Jerusalem ang iniutos ng saserdoteng si Ezra. Pasimula noong ika-20 araw ng buwan ng Kislev, ang taong-bayan ay nagtipon at “nanatiling nakaupo sa hantad na dako ng bahay ng tunay na Diyos, na nangangatog dahil sa bagay na ito at dahil sa pagbuhos ng ulan.”—Ezr 10:9, 13.
Binanggit sa Juan 10:22 ang Kapistahan ng Pag-aalay na idinaraos noon sa Jerusalem sa panahon ng taglamig. Gaya ng ipinakikita sa Apokripal na aklat ng 1 Macabeo (4:52-59), ang walong-araw na kapistahang ito ay pinasinayaan ni Judas Maccabaeus noong ika-25 araw ng Kislev ng taóng 165 B.C.E. upang gunitain ang muling pag-aalay ng templo sa Jerusalem. Sa ngayon, ang kapistahang ito ay kilala bilang Hanukkah.—Tingnan ang KAPISTAHAN NG PAG-AALAY.