Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kongregasyon

Kongregasyon

Isang grupo ng mga taong nagkakatipon para sa isang partikular na layunin o gawain. Sa Bagong Sanlibutang Salin, ang salitang Hebreo na kadalasang isinasalin bilang “kongregasyon” ay qa·halʹ, na nagmula sa isang salitang-ugat na nangangahulugang “tipunin.” (Bil 20:8; Deu 4:10) Malimit itong gamitin may kinalaman sa isang organisadong lupon, anupat masusumpungan sa mga pananalitang “kongregasyon ng Israel” (Lev 16:17; Jos 8:35; 1Ha 8:14), “kongregasyon ng tunay na Diyos” (Ne 13:1), at “kongregasyon ni Jehova” (Bil 20:4; Deu 23:2, 3; 1Cr 28:8; Mik 2:5). Ang qa·halʹ ay tumutukoy sa iba’t ibang uri ng pagtitipon ng mga tao, halimbawa, para sa relihiyosong kadahilanan (Deu 9:10; 18:16; 1Ha 8:65; Aw 22:25; 107:32), para asikasuhin ang mga usaping pambayan (1Ha 12:3), at para sa pakikipagdigma (1Sa 17:47; Eze 16:40). Sa aklat ng Eclesiastes, si Solomon ay ipinakikilala bilang ang “tagapagtipon” (sa Heb., qo·heʹleth). (Ec 1:1, 12) Bilang hari, tinitipon niya ang taong-bayan upang sumamba kay Jehova, anupat ang isang kapansin-pansing halimbawa ay nang tipunin niya sa bagong-tayong templo sa Jerusalem ang kaniyang mga sakop.​—1Ha 8:1-5; 2Cr 5:2-6.

Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang Griego na isinalin bilang “kongregasyon” ay ek·kle·siʹa, na pinagkunan ng salitang Ingles na “ecclesia” at ng salitang Tagalog na “iglesya.” Ang ek·kle·siʹa ay nanggaling sa dalawang salitang Griego, ang ek, nangangahulugang “labas,” at ang ka·leʹo, nangangahulugang “tawagin.” Samakatuwid, tumutukoy ito sa isang grupo ng mga taong tinawag o tinipon, maaaring sa opisyal o sa di-opisyal na paraan. Sa Gawa 7:38, ito ang salitang ginamit upang tukuyin ang kongregasyon ng Israel, at ginamit din ito para sa “kapulungan” na sinulsulan ng panday-pilak na si Demetrio laban kay Pablo at sa mga kasamahan niya sa Efeso. (Gaw 19:23, 24, 29, 32, 41) Gayunman, pinakamadalas itong gamitin upang tukuyin ang kongregasyong Kristiyano. Ikinakapit ito sa kalipunan ng mga kongregasyong Kristiyano (1Co 12:28); sa isang kongregasyon na nasa isang lunsod na gaya ng Jerusalem (Gaw 8:1), Antioquia (Gaw 13:1), o Corinto (2Co 1:1); o sa isang espesipikong grupo na nagtitipon sa isang tahanan (Ro 16:5; Flm 2). Kaayon nito, binabanggit din ang indibiduwal na mga kongregasyong Kristiyano o ‘mga kongregasyon ng Diyos.’ (Gaw 15:41; 1Co 11:16) May ilang bersiyong Ingles na gumamit ng “church” sa mga tekstong tumutukoy sa kongregasyong Kristiyano, gaya sa 1 Corinto 16:19. (AS; KJ) Ngunit yamang ang pagkaunawa ng marami sa “church” ay isang gusali para sa mga relihiyosong serbisyo sa halip na isang kongregasyong nagsasagawa ng pagsamba, ang salin na “church” ay maaaring magbigay ng maling ideya.

Sa Septuagint, ang salitang Griego na ek·kle·siʹa ang kadalasang ginagamit bilang salin ng salitang Hebreo na qa·halʹ, gaya sa Awit 22:22 (21:23, LXX).​—Ihambing ang tlb sa Rbi8.

Ang Kongregasyon ng Israel. Pasimula noong panahon ni Moises, ang bansang Israel ay tinukoy bilang isang kongregasyon. Isinaayos ni Jehova na ang kongregasyong iyon ay mapamahalaan, hindi sa pamamagitan ng demokratikong paraan, ng mga tao, kundi sa pamamagitan ng teokratikong paraan, ng Diyos mismo. Sa layuning iyan, ang bansa ay dinala sa tipang Kautusan. (Exo 19:3-9; 24:6-8) Yamang si Moises ang tagapamagitan ng tipang iyon, maaaring sabihin: “Iniutos ni Moises sa atin ang isang kautusan, isang pag-aari ng kongregasyon ni Jacob.” (Deu 33:4) Si Jehova ang kanilang Hukom, Tagapagbigay-Batas, at Hari. (Isa 33:22) Kaya naman, ang bansang Israel ay isang kongregasyon ng Diyos at maaaring tukuyin bilang ang “kongregasyon ni Jehova.”​—Bil 16:3; 1Cr 28:8.

Kung minsan, ang salitang Hebreo na qa·halʹ (kongregasyon) ay ginagamit kaugnay ng salitang Hebreo na ʽe·dhahʹ (kapulungan). (Lev 4:13; Bil 20:8, 10) Ang ʽe·dhahʹ ay mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “itakda,” sa gayo’y tumutukoy sa isang grupo na nagkatipon ayon sa pinagkasunduan, at malimit itong ikapit sa pamayanan ng Israel, gaya sa pananalitang “kapulungan ng Israel.” (Exo 12:3) Sa bansang Israel, yaong mga aktuwal na kabilang sa Hebreong populasyon ang siyang bumubuo sa kongregasyon (qa·halʹ; Bil 15:15), samantalang waring saklaw naman ng kapulungan (ʽe·dhahʹ) kapuwa ang mga Israelita at ang mga naninirahang dayuhang kasama nila. (Exo 12:19) Kaya naman, sa pinalawak na pagkakapit, waring kabilang sa mga miyembro ng kongregasyon yaong mga tuling naninirahang dayuhan.​—Bil 15:14-16.

Gayunman, may mga hindi pinahihintulutang maging miyembro ng “kongregasyon ni Jehova.” Walang lalaking kinapon o ‘pinutulan ng kaniyang sangkap ng pagkalalaki’ ang makapapasok doon; ang mga anak sa ligaw, mga lalaking Ammonita, at mga lalaking Moabita ay pinagbawalang pumasok doon “maging hanggang sa ikasampung salinlahi.” Ngunit ang mga anak na ipinanganak sa mga Edomita at mga Ehipsiyo “bilang ikatlong salinlahi ay makapapasok sa ganang kanila sa kongregasyon ni Jehova.” (Deu 23:1-8) Ang pagbabawal sa mga anak ng isang anak sa ligaw “hanggang sa ikasampung salinlahi” ay nagtaguyod sa kautusan ni Jehova laban sa pangangalunya. (Exo 20:14) At bagaman ang mga lalaking pinutulan ng kanilang sangkap sa sekso ay pinagbawalang makapasok sa “kongregasyon ni Jehova,” makasusumpong sila ng kaaliwan sa mga salitang iniulat ni Isaias, na matatagpuan sa Isaias 56:1-7. Sabihin pa, ang mga indibiduwal na pinagbawalang makapasok sa “kongregasyon ni Jehova” sa sinaunang Israel ay posibleng makinabang sa mga paglalaan at pagpapala ni Jehova para sa lahat ng mga tao ng mga bansa.​—Gen 22:15-18.

Ang mga indibiduwal na miyembro ng kongregasyon ng Israel ay pinagpapakitaan ng awa kapag nagkasala sila nang di-sinasadya. Ngunit sila’y lilipulin kung magkasala sila nang sinasadya. (Bil 15:27-31) Halimbawa, ang isang indibiduwal ay ihihiwalay mula sa kongregasyon, at papatayin, kung hindi siya magpapadalisay ng kaniyang sarili kapag siya’y marumi sa seremonyal na paraan, kung kumain siya ng karne ng haing pansalu-salo habang nasa gayong kalagayan, kung kumain siya ng taba ng mga handog o kaya’y ng dugo, o kung kumain siya ng mga banal na bagay samantalang siya’y marumi. (Bil 19:20; Lev 7:21-27; 17:10, 14; 22:3) Mayroon ding mga nilipol noon dahil sa pagtatrabaho sa araw ng Sabbath (Exo 31:14), pagbibigay kay Molec ng kanilang supling, pagbaling sa mga espiritista at sa mga manghuhula ng mga pangyayari, ilang uri ng seksuwal na imoralidad, at hindi ‘pagpighati’ sa kanilang sarili sa taunang Araw ng Pagbabayad-Sala.​—Lev 20:1-6, 17, 18; 23:27-30; tingnan din ang Exo 30:31-33; Lev 17:3, 4, 8, 9; 18:29; 19:5-8.

Bagaman mga indibiduwal ang bumubuo sa kongregasyon ng Israel, ang bansa mismo ay binubuo ng mga tribo, mga pamilya, at mga sambahayan. Waring makikita ang kaayusang ito sa insidenteng kinasangkutan ni Acan, sapagkat sa kasong iyon ang Israel ay lumapit kay Jehova, una ay tribu-tribo, pagkatapos ay pami-pamilya, sumunod ay samba-sambahayan, at sa katapus-tapusan ay bawat matipunong lalaki, hanggang sa mapili si Acan bilang ang nagkasala.​—Jos 7:10-19.

Sa Israel, kadalasa’y may responsableng mga indibiduwal na kumakatawan sa bayan. (Ezr 10:14) Kaya naman, “mga pinuno sa mga tribo” ang naghandog matapos maitayo ang tabernakulo. (Bil 7:1-11) Sa katulad na paraan, mga saserdote, mga Levita, at “mga ulo ng bayan” ang nagpatotoo sa “mapagkakatiwalaang kaayusan” sa pamamagitan ng tatak noong mga araw ni Nehemias. (Ne 9:38–10:27) Noong naglalakbay ang Israel sa ilang, may “mga pinuno ng kapulungan, mga tinawag sa kapisanan, mga lalaking bantog,” at 250 sa mga ito ang sumama kina Kora, Datan, Abiram, at On sa pagtitipun-tipon laban kay Moises at kay Aaron. (Bil 16:1-3) Bilang pagsunod sa tagubilin ng Diyos, pumili si Moises ng 70 sa matatandang lalaki ng Israel, na mga opisyal, upang tulungan siyang dalhin ang “pasan ng bayan” na hindi niya kayang balikating mag-isa. (Bil 11:16, 17, 24, 25) Binabanggit ng Levitico 4:15 ang “matatandang lalaki ng kapulungan,” at lumilitaw na ang matatandang lalaki ng bansa, ang mga ulo, mga hukom, at mga opisyal nito ang nagsilbing mga kinatawan ng taong-bayan.​—Bil 1:4, 16; Jos 23:2; 24:1.

Sa ilang, dalawang trumpetang pilak ang ginagamit para sa pagtitipon ng kapulungan at para sa paglikas ng kampo. Kapag parehong pinatunog ang mga trumpetang ito, tutuparin ng kapulungan ang kanilang pakikipagtipanan kay Moises sa pasukan ng tolda ng kapisanan. Kung iisa lamang ang pinatunog, “ang mga pinuno bilang mga ulo ng mga libu-libo ng Israel” ang pupunta roon. (Bil 10:1-4) Kung minsan, mga hari ang tumatawag ng mga pagtitipon. (1Ha 8:5; 2Cr 20:4, 5) Halimbawa, gumamit si Hezekias ng mga mananakbo upang papuntahin sa Jerusalem ang taong-bayan para sa malaking pagdiriwang ng Paskuwa noong kaniyang mga araw.​—2Cr 30:1, 2, 10-13.

Nang maglaon, nagkaroon ng malaking kapangyarihan ang hudisyal na lupong nakilala bilang ang Sanedrin, na binubuo ng 71 miyembro​—ang mataas na saserdote at 70 iba pang pangunahing lalaki ng bansa, “ang kapulungan ng matatandang lalaki.”​—Mat 26:59; Luc 22:66.

Noong panahon ng pagkatapon ng mga Judio sa Babilonya, o di-nagtagal pagkatapos nito, mga sinagoga ang karaniwang ginagamit bilang mga gusaling pinagtitipunan ng mga Judio. Nang maglaon, itinatag ang mga sinagoga sa iba’t ibang lugar. Halimbawa, si Jesus ay nagturo sa sinagoga sa Nazaret. (Luc 4:16-21) Sa totoo, ang mga sinagoga ay mga paaralan kung saan binabasa at itinuturo ang Kasulatan, at ang mga ito ay mga dakong panalanginan at para sa pagbibigay ng papuri sa Diyos.​—Gaw 15:21; tingnan ang SINAGOGA.

Natatangi ang katayuan ng kongregasyon ng Israel. Ipinaalaala sa kanila ni Moises: “Ikaw ay isang banal na bayan kay Jehova na iyong Diyos. Ikaw ang pinili ni Jehova na iyong Diyos upang maging kaniyang bayan, isang pantanging pag-aari, mula sa lahat ng mga bayan na nasa ibabaw ng lupa.” (Deu 7:6) Ngunit dumating ang panahon na ang kongregasyong Judio ay hindi na naging kongregasyon ng Diyos, palibhasa’y itinakwil ng Diyos dahil sa pagtatakwil nito sa kaniyang Anak.​—Gaw 4:24-28; 13:23-29; Mat 21:43; 23:37, 38; Luc 19:41-44.

Ang Kristiyanong Kongregasyon ng Diyos. Bago itinakwil ang bansang Judio at bago nagwakas ang posisyon nito bilang kongregasyon ng Diyos, ipinakilala ni Jesu-Kristo ang kaniyang sarili bilang ang “batong-limpak” na pagtatayuan niya ng tinatawag niyang “aking kongregasyon.” (Mat 16:18) Ito ay ayon sa pagkaunawa ni Pedro, na kausap niya noong pagkakataong iyon, sapagkat nang maglaon ay ipinakilala ng apostol si Jesus bilang ang makasagisag na “bato” na itinakwil ng mga tao ngunit “pinili, mahalaga, sa Diyos” at bilang ang “pundasyong batong-panulok” na mapaglalagakan ng isa ng kaniyang pananampalataya nang walang kabiguan. (1Pe 2:4-6; Aw 118:22; Isa 28:16) Tuwirang ipinakilala ni Pablo si Jesu-Kristo bilang ang pundasyon na pinagtayuan ng kongregasyong Kristiyano. (Efe 2:19-22; 1Co 3:11) At yamang pag-aari ito ni Jehova, angkop itong tawaging “kongregasyon ng Diyos.”​—Gaw 20:28; Gal 1:13.

Si Kristo rin ang ulo ng Kristiyanong kongregasyon (sa Gr., ek·kle·siʹa), na itinatag sa kaniya. Kaya naman sinasabi: “Ipinasakop din niya [ng Diyos] ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kaniyang mga paa, at ginawa siyang ulo sa ibabaw ng lahat ng mga bagay sa kongregasyon, na siyang katawan niya, ang kalubusan niya na pumupuno sa lahat ng mga bagay sa lahat.”​—Efe 1:22, 23; tingnan din ang Col 1:18.

Hinalinhan ng Kristiyanong kongregasyon ng Diyos ang kongregasyon ng Israel noong Pentecostes ng 33 C.E., nang ibuhos ang banal na espiritu sa mga tagasunod ni Jesus sa Jerusalem. Ang unang potensiyal na mga miyembro ng kongregasyong iyon ay pinili di-katagalan pagkatapos mabautismuhan si Jesus, noong pasimula ng kaniyang ministeryo sa lupa. (Gaw 2:1-4; Ju 1:35-43) Mula sa kaniyang unang mga tagasunod, pumili si Jesus ng 12 apostol (Luc 6:12-16), at nang maglaon, pinili niya si Saul ng Tarso, na naging “isang apostol sa mga bansa.” (Gaw 9:1-19; Ro 11:13) Ang 12 tapat na apostol ng Korderong si Jesu-Kristo, kasali na si Matias na pumalit kay Hudas, ang bumubuo sa pangalawahing mga pundasyon ng kongregasyong Kristiyano.​—Gaw 1:23-26; Apo 21:1, 2, 14.

Ang kongregasyong ito ay tinutukoy bilang “ang kongregasyon ng panganay na nakatala sa langit,” na ang hustong bilang, sa ilalim ni Kristo na ulo, ay 144,000. (Heb 12:23; Apo 7:4) Ang mga tinawag na ito ay “binili mula sa sangkatauhan” upang magsagawa ng pantanging gawain dito sa lupa at pagkatapos ay makasama ni Kristo sa langit bilang kaniyang kasintahang babae. Kung paanong may mga kahilingan para maging miyembro ng Hebreong kongregasyon ng Diyos, mayroon ding mga kahilingan para maging miyembro ng Kristiyanong “kongregasyon ng Diyos.” Ang mga miyembro nito ay mga espirituwal na birhen na patuloy na sumusunod sa Kordero, si Jesu-Kristo, saanman siya pumaroon, “at walang nasumpungang kabulaanan sa kanilang mga bibig; sila ay walang dungis.”​—Apo 14:1-5.

Si Jehova ang pumipili sa mga miyembro ng Kristiyanong kongregasyon ng Diyos. (Ro 8:30; 2Te 2:13) Ang unang mga miyembro niyaon ay tinawag mula sa itinakwil na kongregasyong Judio, na tumanggi sa Anak ng Diyos bilang kanilang Mesiyas. Gayunman, pasimula kay Cornelio noong 36 C.E., ang mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano ay tinawag na rin mula sa mga bansa, anupat nasabi ni Pablo: “Walang Judio ni Griego man, walang alipin ni taong laya man, walang lalaki ni babae man; sapagkat kayong lahat ay iisang tao na kaisa ni Kristo Jesus.” (Gal 3:28; Gaw 10:34, 35; Ro 10:12; Efe 2:11-16) Yamang ang tipang Kautusan, na pinamagitanan ni Moises at ginamit sa pangangasiwa sa kongregasyon ng Israel, ay tinupad ni Kristo at inalis na ng Diyos na Jehova (Mat 5:17; 2Co 3:14; Col 2:13, 14), ang mga miyembro ng Kristiyanong kongregasyon ng Diyos ay nakikibahagi sa mga pakinabang na dulot ng bagong tipan na pinamagitanan ng Lalong Dakilang Moises, si Jesu-Kristo. (Mat 26:28; Heb 12:22-24; Gaw 3:19-23) Bukod diyan, kung paanong pinapahiran ng langis ang mga saserdote at mga hari ng Israel noon (Exo 30:22-30; 2Ha 9:6), yaong mga pinili ng Diyos upang maging mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano ay pinapahiran ng banal na espiritu (2Co 1:21, 22; 1Ju 2:20) at inaampon ng Diyos na Jehova bilang kaniyang mga anak.​—Efe 1:5.

Pangunahin na, ang kongregasyong Hebreo ay binubuo ng likas na mga Israelita. Samantala, ang mga miyembro ng pinahirang Kristiyanong kongregasyon ng Diyos ay espirituwal na mga Israelita, na bumubuo sa mga tribo ng espirituwal na Israel. (Apo 7:4-8) Yamang itinakwil ng karamihan sa likas na mga Israelita si Jesu-Kristo, “hindi lahat ng nagmumula sa Israel ay talagang ‘Israel,’⁠” samakatuwid nga, espirituwal na Israel. (Ro 9:6-9) At, hinggil sa Kristiyanong kongregasyon ng Diyos na binubuo ng espirituwal na mga Judio, sinabi ni Pablo: “Siya ay hindi Judio na gayon sa panlabas, ni ang pagtutuli man ay yaong nasa panlabas sa laman. Kundi siya ay Judio na gayon sa panloob, at ang kaniyang pagtutuli ay yaong sa puso sa pamamagitan ng espiritu.”​—Ro 2:28, 29.

Kadalasan, kapag binabanggit ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang “kongregasyon” sa pangkalahatang diwa, ang tinutukoy nito ay ang 144,000 miyembro niyaon, ang mga pinahirang tagasunod ni Kristo maliban kay Jesus. (Efe 5:32; Heb 12:23, 24) Gayunman, ang mga salita ni David na nakaulat sa Awit 22:22 at may-pagkasing ikinapit kay Jesu-Kristo sa Hebreo 2:12 ay nagpapakita na ang terminong “kongregasyon” ay maaaring ikapit na kabilang ang ulo nito, si Jesu-Kristo. Bilang bahagyang pagsipi sa sinabi ni David, ganito ang sabi ng manunulat ng liham sa mga Hebreo: “Sapagkat kapuwa siya na nagpapabanal at yaong mga pinababanal ay nagmumulang lahat sa isa, at sa dahilang ito ay hindi niya [ni Jesu-Kristo] ikinahihiyang tawagin silang ‘mga kapatid,’ gaya ng kaniyang sinasabi: ‘Ipahahayag ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid; sa gitna ng kongregasyon ay pupurihin kita ng awit.’⁠” (Heb 2:11, 12) Tulad ni David, na miyembro ng kongregasyon ng Israel na sa gitna niyaon ay pinuri niya si Jehova, si Jesu-Kristo, sa talatang ito, ay maaaring ituring na miyembro ng espirituwal na kongregasyon, yamang ang ibang kabilang doon ay tinatawag na “mga kapatid” niya. (Ihambing ang Mat 25:39, 40.) Si David ay kabilang sa Israelitang kongregasyon ng Diyos na Jehova, at si Jesu-Kristo ay miyembro rin nito noong siya’y nasa lupa, at nangaral siya sa mga miyembro nito. Isang nalabi ng kongregasyong iyon ang naging bahagi ng kongregasyon ni Jesus.

Ang Pagkakaorganisa sa Kongregasyong Kristiyano. Bagaman itinatag sa iba’t ibang lugar ang mga Kristiyanong kongregasyon ng Diyos, ang mga ito ay hindi nagsasarili. Sa halip, kinikilala nilang lahat ang awtoridad ng Kristiyanong lupong tagapamahala na nasa Jerusalem. Ang lupong tagapamahala na ito ay binubuo ng mga apostol at matatandang lalaki ng kongregasyon sa Jerusalem, anupat wala itong karibal na mga lupon sa ibang dako na naghahangad na pangasiwaan ang kongregasyon. Sa tapat na Kristiyanong lupong tagapamahala na ito noong unang siglo C.E. isinumite ang usapin ng pagtutuli upang maisaalang-alang. Nang makagawa ng pasiya ang lupong tagapamahala ayon sa patnubay ng banal na espiritu, ang pasiyang iyon ay tinanggap at ipinatupad sa lahat ng mga kongregasyong Kristiyano, anupat kusang-loob silang nagpasakop doon.​—Gaw 15:22-31.

Ang lupong Kristiyano sa Jerusalem ay nagsusugo ng mga naglalakbay na kinatawan. Kaya naman, ang kababanggit na pasiya ng lupong tagapamahala ay inihatid ni Pablo at ng iba pa, anupat iniulat: “At habang naglalakbay sila sa mga lunsod ay dinadala nila sa mga naroroon ang mga tuntunin na naipasiya ng mga apostol at ng matatandang lalaki na nasa Jerusalem upang tuparin nila.” Hinggil sa naging epekto nito, sinasabi: “Dahil nga rito, ang mga kongregasyon ay patuloy na napatatag sa pananampalataya at dumami ang bilang sa araw-araw.” (Gaw 16:4, 5) Bago nito, “nang marinig ng mga apostol sa Jerusalem na tinanggap ng Samaria ang salita ng Diyos, isinugo nila sa kanila sina Pedro at Juan; at ang mga ito ay bumaba at nanalangin upang tumanggap sila ng banal na espiritu.”​—Gaw 8:14, 15.

Ang indibiduwal na mga kongregasyon ay nanghawakang mahigpit sa tagubilin ng Kristiyanong lupong tagapamahala, na siyang nangangasiwa sa pag-aatas ng matatandang lalaki. (Tit 1:1, 5) Kaya naman, gaya ng itinagubilin ng Kristiyanong lupong tagapamahala sa ilalim ng impluwensiya ng banal na espiritu, may mga tagapangasiwa at mga katulong nila, mga ministeryal na lingkod, na inatasan para sa bawat kongregasyon. Ang mga lalaking inilagay sa pinagkakatiwalaan at responsableng mga katungkulang ito ay kailangang makaabot sa espesipikong mga kuwalipikasyon. (1Ti 3:1-13; Tit 1:5-9) Ang mga naglalakbay na kinatawan ng lupong tagapamahala, gaya ni Pablo, ay sumusunod kay Kristo at nagpapakita ng mainam na halimbawang matutularan. (1Co 11:1; Fil 4:9) Sa katunayan, lahat niyaong may katungkulan bilang espirituwal na mga pastol ay dapat na maging “mga halimbawa sa kawan” (1Pe 5:2, 3), magpakita ng maibiging pagkabahala para sa mga indibiduwal sa loob ng kongregasyon (1Te 2:5-12), at tumulong sa mga may-sakit sa espirituwal.​—Gal 6:1; San 5:13-16; tingnan ang MATANDANG LALAKI; MINISTRO, LINGKOD; TAGAPANGASIWA.

Kaya naman, kung paanong inorganisa ni Jehova ang kongregasyon ng Israel sa ilalim ng matatandang lalaki, mga ulo, mga hukom, at mga opisyal (Jos 23:2), isinaayos din Niya na mapangasiwaan ang kongregasyong Kristiyano sa pamamagitan ng pag-aatas doon ng matatandang lalaki sa mga posisyong pinagkakatiwalaan. (Gaw 14:23) At, kung paanong may mga panahon na kinatawanan ng responsableng mga lalaki ang buong kongregasyon ng Israel, gaya sa mga hudisyal na bagay (Deu 16:18), isinaayos ng Diyos na ang bawat indibiduwal na kongregasyong Kristiyano ay katawanin din sa mga bagay na iyon ng responsableng mga lalaki na inilagay ng banal na espiritu sa mga posisyong may awtoridad. (Gaw 20:28; 1Co 5:1-5) Gayunman, kung bumangon ang mga suliranin sa pagitan ng mga miyembro ng Kristiyanong kongregasyon ng Diyos, ang mga salita ni Jesu-Kristo na nakaulat sa Mateo 18:15-17 (na binigkas bago itinakwil ni Jehova ang Judiong kongregasyon ng Diyos, at sa gayo’y unang kumakapit dito) ay magsisilbing saligan sa pag-aayos o pag-aasikaso sa gayong mga problema.

Inilagay ng Diyos na Jehova ang mga sangkap sa espirituwal na “katawan” ni Kristo “ayon sa kaniyang kinalugdan.” Ganito ang sabi ni Pablo: “Inilagay ng Diyos ang bawat isa sa mga ito sa kongregasyon, una, mga apostol; ikalawa, mga propeta; ikatlo, mga guro; pagkatapos ay makapangyarihang mga gawa; pagkatapos ay mga kaloob na pagpapagaling; tulong na mga paglilingkod, mga kakayahang manguna, iba’t ibang wika.” Hindi lahat ay gumaganap ng magkakaparehong gawain, ngunit ang lahat ay kailangan ng kongregasyong Kristiyano. (1Co 12:12-31) Ipinaliwanag ni Pablo na kaya inilaan ang mga apostol, mga propeta, mga ebanghelisador, mga pastol, at mga guro para sa kongregasyong Kristiyano ay “upang maibalik sa ayos ang mga banal, ukol sa ministeryal na gawain, ukol sa pagpapatibay sa katawan ng Kristo, hanggang sa makamtan nating lahat ang pagkakaisa sa pananampalataya at sa tumpak na kaalaman sa Anak ng Diyos, upang maging isang tao na husto ang gulang, hanggang sa sukat ng laki na nauukol sa kalubusan ng Kristo.”​—Efe 4:11-16.

Ang kongregasyon ng Israel ay pinaglaanan ng mga batas ng Diyos at ipinaunawa rito na “hindi sa tinapay lamang nabubuhay ang tao kundi sa bawat pananalita sa bibig ni Jehova ay nabubuhay ang tao.” (Deu 8:1-3) Kinilala rin ni Jesu-Kristo na ang tao ay hindi maaaring mabuhay sa tinapay lamang “kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” (Mat 4:1-4) Kaya naman, isinaayos na ang kongregasyong Kristiyano ay tumanggap ng kinakailangan nitong espirituwal na pagkain, anupat binanggit mismo ni Kristo ang “alipin” na sa pamamagitan nito’y ilalaan ang pagkaing iyon sa “mga lingkod ng sambahayan.” Bilang bahagi ng kaniyang hula hinggil sa kaniya mismong pagkanaririto at sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” ipinakita ni Jesus na sa pagdating ng “panginoon,” aatasan nito ang “tapat at maingat na alipin” “sa lahat ng kaniyang mga pag-aari.”​—Mat 24:3, 45-47.

Mahalaga sa kongregasyon ng Israel ang mga pagtitipon para sambahin si Jehova at talakayin ang kaniyang kautusan. (Deu 31:12; Ne 8:1-8) Sa katulad na paraan, ang mga pagpupulong para sambahin si Jehova at pag-aralan ang Kasulatan ay mahalagang pagkakakilanlan ng Kristiyanong kongregasyon ng Diyos. Ang manunulat ng liham sa mga Hebreo ay nagpaalaala sa mga tumanggap ng kaniyang liham na huwag nilang pabayaan ang kanilang pagtitipon. (Heb 10:24, 25) Kabilang sa mga gawain sa mga sinagogang Judio nang maglaon ang pagbabasa at pagtuturo ng Kasulatan, paghahandog ng mga panalangin, at pagbibigay ng papuri sa Diyos. Ang mga gawaing ito ay ipinagpatuloy sa mga dako ng kapulungang Kristiyano, ngunit hindi kasama ang mga ritwal na naparagdag sa mga serbisyo sa sinagoga nang maglaon. Sa sinagoga, walang nakabukod na uring saserdote, anupat ang pakikibahagi sa pagbabasa at pagpapaliwanag sa Kasulatan ay bukás sa kaninumang debotong lalaking Judio. Sa katulad na paraan, sa sinaunang kongregasyong Kristiyano, ang mga miyembro ay hindi pinagpangkat-pangkat bilang klero at lego o sa anupamang kahawig na dibisyon. Sabihin pa, sa kongregasyong Kristiyano man o sa sinagoga, ang mga babae ay hindi nagtuturo at walang awtoridad sa mga lalaki.​—1Ti 2:11, 12.

Ang pagpapanatili ng wastong kaayusan sa mga pagpupulong ng Kristiyanong kongregasyon ng Diyos ay kasuwato ng bagay na si Jehova, na naglaan ng kaayusang pangkongregasyon sa gitna ng mga tagasunod ni Kristo, ay isang “Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.” Nakatulong din ang kaayusang ito upang ang lahat ng mga dumadalo ay makinabang nang husto sa espirituwal.​—1Co 14:26-35, 40; tingnan ang KAPULUNGAN.