Korona
Isang kagayakan sa ulo, maaaring simple o marangya, na isinusuot ng mga taong may karangalan, gaya ng mga hari, mga reyna, iba pang mga tagapamahala, mga saserdote, at mga indibiduwal na pantanging pinararangalan o ginagantimpalaan. Pagkatapos ng Baha, ang mga korona ay ginamit bilang mga sagisag ng awtoridad, dignidad, kapangyarihan, karangalan, at gantimpala.
Maliwanag na ang sinaunang anyo ng korona ay yaong diadema (sa Heb., neʹzer), isang simpleng pamigkis na malamang ay unang ginamit upang huwag lumugay ang mahabang buhok ng may-suot nito. Gayunman, ginamit din ito bilang maharlikang putong maging ng mga taong may maiikling buhok. Ang gayong maninipis na pamigkis ay nakalarawan sa mga eskultura sa Ehipto, Nineve, at Persepolis. Nang maglaon, ipinakita ang pagkakaiba ng mga may-karangalan sa pamamagitan ng paggamit ng mga diademang may iba’t ibang kulay at uri ng pagkakahabi o disenyo. Ang ilan sa mga pamigkis na ito ay mga 5 sentimetro (2 pulgada) ang lapad at gawa sa lino, seda, at maging sa pilak at ginto. Kung minsan ay isinusuot ang diadema sa ibabaw ng isang gora. Mayroon ding mga radiated diadem (may mga tulis sa buong palibot ng pamigkis at nakausling gaya ng mga sinag), at may mga diademang kinabitan ng mahahalagang bato.
Ang salitang Hebreo na neʹzer, bukod sa kahulugan nito na “diadema” (2Cr 23:11), ay maaaring tumukoy sa isang bagay na pinili, inihiwalay, o inialay, gaya sa kaso ng punong saserdote na may “tanda ng pag-aalay, ang pamahid na langis ng kaniyang Diyos.” (Lev 21:10-12; ihambing ang Deu 33:16, tlb sa Rbi8.) Dahil sa saligang kahulugan na ito, may mga pagkakataong isinalin ng Bagong Sanlibutang Salin ang neʹzer bilang “tanda ng pag-aalay,” may kaugnayan sa laminang ginto na nasa turbante ng mataas na saserdote ng Israel. Nakasulat sa laminang ginto na ito ang mga salitang “Ang kabanalan ay kay Jehova.”—Exo 29:6; 39:30, tlb sa Rbi8; Lev 8:9.
Ang mga haring Hebreo, gaya ni Saul, ay nagsuot ng mga diadema bilang sagisag ng maharlikang pamamahala. (2Sa 1:10) Gayunman, ang pangunahing salitang Hebreo na tumutukoy sa korona sa karaniwang diwa at kadalasang isinasalin bilang “korona” ay ʽata·rahʹ, mula sa ʽa·tarʹ, na nangangahulugang “palibutan.” (Ihambing ang Aw 5:12.) Hindi ito laging tumutukoy sa isang diadema. Ang korona (ʽata·rahʹ) na kinuha ni David bilang gantimpala sa pakikidigma niya laban sa mga Ammonita sa Raba ay dating nasa ulo ng idolong si Malcam. Hindi isiniwalat ang anyo ng koronang ito, ngunit “ang bigat niyaon ay isang talento na ginto [mga 34 na kg; 92 lb t], at iyon ay may mahahalagang bato.” “Iyon ay napasaulo ni David,” anupat posibleng sumandali niyang ipinatong ang mabigat na koronang ito sa kaniyang ulo, marahil upang ipahiwatig ang kaniyang tagumpay laban sa huwad na bathalang ito.—1Cr 20:2; tingnan ang MOLEC.
Gawa sa dalisay na ginto ang ilang korona (Aw 21:3); bilang karagdagan, ang iba naman ay kinakabitan ng mahahalagang bato. (2Sa 12:30) Kung minsan, pinagsasama-sama ang ilang pamigkis, o mga diadema, at waring ganito ang karaniwang anyo ng isang “maringal na korona.” (Job 31:36) Ang pananalitang “maringal na korona” sa Zacarias 6:14 ay, sa literal, “mga korona” sa Hebreo, ngunit may kasama itong pandiwa na nasa pang-isahang bilang. Kaya, lumilitaw na ito ay nasa pangmaramihang bilang na nagpapahiwatig ng kadakilaan o karingalan.
May kinalaman sa di-tapat na si Zedekias, ang huling hari ng Juda, iniutos ni Jehova: “Hubarin mo ang turbante, at alisin mo ang korona.” Maaaring tumutukoy ito sa isang makaharing turbante na pinapatungan ng isang ginintuang korona. (Ihambing ang Aw 21:3; Isa 62:3.) Parehong inalis ang dalawang sagisag na ito ng aktibong maharlikang kapangyarihan, at ipinahiwatig ng utos ng Diyos na ang aktibong pamamahala sa “trono ni Jehova” (1Cr 29:23) ay ipagpapaliban hanggang sa pagdating ng Mesiyanikong Hari ng Diyos.—Eze 21:25-27; Gen 49:10.
Isang “maharlikang putong” ng Imperyo ng Persia ang binanggit sa Esther 1:11; 2:17; 6:6-10. Sa ulat na ito, ang salitang Hebreo para sa “putong” (keʹther) ay nagmula sa ka·tharʹ (palibutan). (Ihambing ang Huk 20:43.) Hindi inilarawan ng Bibliya ang Persianong “maharlikang putong,” bagaman ang monarkang Persiano mismo ay karaniwang nagsusuot ng putong na binubuo ng isang gorang matigas, marahil ay yari sa tela o pelus, na may asul at puting pamigkis sa palibot nito, anupat sa katunayan, ang pamigkis na iyon ay isang diadema.
Nang pagkaisahin ang Mataas at Mababang Ehipto sa ilalim ng iisang monarka, naging isang pinagsamang korona ang maharlikang putong ng Ehipto. Ang korona ng Mababang Ehipto (isang lapad na gorang pula na patulis ang likod at may isang bahaging nakausli na kurbado ang dulo at nakaungos nang pahilis patungo sa harapan) ay ipinatong sa korona ng Mataas na Ehipto (isang gorang bilog, mataas, puti at papatulis na may globito sa dulo). Kadalasa’y makikita ang uraeus (ang sagradong aspid ng Ehipto) sa harap ng korona. Ang maharlikang putong ng hari ng Asirya, na inilarawan bilang isang mataas na mitra, ay kadalasang napapalamutian ng mga pigurang gaya ng mga bulaklak at nakaayos sa mga pamigkis na seda o lino. Hugis-balisungsong ito na kahawig ng makabagong gora na fez, bagaman mas mataas ito. Mas simple naman ang mga koronang Griego at Romano; kung minsan, ang mga ito ay mga radiated diadem o kaya ay nasa anyong mga putong na dahon.
Binanggit ni Jehova ang mga lalaking naglalagay ng mga pulseras sa mga kamay ni Ohola at ni Oholiba at ng “magagandang korona” sa mga ulo ng mga ito. (Eze 23:36, 42) Nitong nakalipas na mga siglo, ang mararangal at mayayamang babaing Arabe ay nagsusuot (sa palibot ng kanilang mga gorang hugis-bobida) ng mga korona na pabilog na ginto at may mga hiyas. Maaaring isang kahawig na uri ng putong ang isinuot ng ilang babae noong sinaunang panahon.
Ang salitang Griego na steʹpha·nos ay isinasalin bilang “korona.” Bilang panlilibak sa maharlikang katayuan ni Kristo at malamang ay upang dagdagan din ang kaniyang matinding paghihirap, naglikaw ang mga kawal na Romano ng isang koronang tinik at ipinatong ito sa ulo ni Jesus. (Mat 27:29; Mar 15:17; Ju 19:2) May iba’t ibang mungkahi hinggil sa halamang ginamit. Gayunman, hindi sinabi ng mga manunulat ng Ebanghelyo ang pangalan ng halamang iyon.
Noon, mga putong na dahon o bulaklak ang ginagamit may kaugnayan sa mga palaro. (2Ti 2:5) Ang mga nagwagi sa mga palarong Griego ay binibigyan ng mga korona o mga putong na kadalasa’y gawa sa mga dahon ng mga punungkahoy. Halimbawa, tumatanggap ng koronang gawa sa laurel ang mga nagtagumpay sa Palarong Pythian; tumatanggap naman ng mga koronang yari sa mga dahon ng ligáw na olibo ang mga nagwagi sa Palarong Olympian; at binibigyan ng mga koronang gawa sa pino o tuyong seleri ang mga nagwagi sa Palarong Isthmian (ginaganap noon malapit sa Corinto).
Makasagisag na Paggamit. Ang asawang babaing may kakayahan ay itinuturing na isang “korona sa nagmamay-ari sa kaniya,” dahil ang kaniyang mabuting paggawi ay nagdudulot ng karangalan sa asawa niya, anupat itinataas ito sa pagtingin ng iba. (Kaw 12:4) Ang makasagisag na babaing Sion ay magiging isang “korona ng kagandahan” sa kamay ni Jehova, anupat posibleng ipinahihiwatig nito na siya ay produkto ng Kaniyang pagkakagawa na iniaangat ng kamay, wika nga, upang mamasdan siya ng iba nang may paghanga.—Isa 62:1-3.
Dahil sa ministeryo ni Pablo at niyaong mga kasamahan niya sa paglalakbay, naitatag ang isang kongregasyong Kristiyano sa Tesalonica, na ikinasaya ni Pablo bilang isang “koronang ipinagbubunyi,” anupat naging isa ito sa mga pangunahing sanhi ng kaniyang kagalakan.—1Te 2:19, 20; ihambing ang Fil 4:1.
Ang ulong may uban ay tulad ng isang maluwalhating “korona ng kagandahan kapag ito ay nasusumpungan sa daan ng katuwiran,” anupat isang uri ng buhay na ginugol sa pagkatakot kay Jehova at naging maganda sa Kaniyang pangmalas at marapat sa paggalang ng lahat ng tao bilang isang uliran. (Kaw 16:31; tingnan ang Lev 19:32.) Ang karunungan, tulad ng isang korona, ay dumadakila sa may-ari nito at gumaganyak ng paggalang sa kaniya. (Kaw 4:7-9) Si Jesu-Kristo, na ginawang “mas mababa nang kaunti kaysa sa mga anghel,” ay “pinutungan [o, kinoronahan] ng kaluwalhatian at karangalan [bilang isang makalangit na espiritung nilalang na itinaas nang lubhang mas mataas kaysa sa mga anghel] dahil sa pagdurusa ng kamatayan.” (Heb 2:5-9; Fil 2:5-11) Sa langit, tatanggapin ng mga pinahirang tagasunod ni Jesus bilang gantimpala sa kanilang katapatan ang “di-kumukupas na korona ng kaluwalhatian,” “isa na walang kasiraan.” (1Pe 5:4; 1Co 9:24-27; 2Ti 4:7, 8; Apo 2:10) Ngunit ang kawalang-katapatan na nagiging sanhi upang maiwala ng isa ang mga kapakanan ng Kaharian sa lupa ay nangangahulugan din na maiwawala niya ang makalangit na korona. Kaya naman ipinaalaala ng niluwalhating si Jesu-Kristo: “Patuloy mong panghawakang mahigpit ang iyong taglay, upang walang sinumang kumuha ng iyong korona.”—Apo 3:11.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang Griego na di·aʹde·ma ay isinasalin ng makabagong mga tagapagsalin bilang “diadema.” Lagi itong ginagamit bilang sagisag ng makaharing dignidad, tunay man o inaangkin lamang. Ang “malaking dragon na kulay-apoy” (si Satanas na Diyablo) ay may diadema sa bawat isa sa pitong ulo nito. (Apo 12: 3, 9) Isang diadema ang nakagayak sa bawat isa sa sampung sungay ng makasagisag na “mabangis na hayop” na may pitong ulo at umaahon mula sa “dagat.” (Apo 13:1) Ang isa na tinatawag na Tapat at Totoo, samakatuwid nga, si Jesu-Kristo, ay may “maraming diadema” sa kaniyang ulo, anupat ang mga ito ay nanggaling kay Jehova, ang marapat na Pinagmumulan ng awtoridad at kapangyarihan. (Apo 19:11-13; 12:5, 10) Gayundin sa Apocalipsis 6:2 at 14:14, inilalarawan si Jesu-Kristo bilang may suot na korona (steʹpha·nos).