Kristiyano
Ang anyong Latin ng terminong Griego na Khri·sti·a·nosʹ, na tatlong ulit lamang masusumpungan sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ay tumutukoy sa mga tagasunod ni Kristo Jesus, ang mga tagapagtaguyod ng Kristiyanismo.—Gaw 11:26; 26:28; 1Pe 4:16.
“Sa Antioquia [Sirya] unang tinawag na mga Kristiyano ang mga alagad sa pamamagitan ng patnubay mula sa Diyos.” (Gaw 11:26) Kung gayon, posible na ang pangalang ito ay ginagamit na noon pa mang taóng 44 C.E. nang maganap ang mga pangyayaring binanggit sa konteksto, bagaman hindi iyan matitiyak kung balarila lamang ng pariralang ito ang pagbabatayan; ipinapalagay ng ilan na ito’y noong mas dakong huli pa. Anuman ang naging kalagayan, pagsapit ng mga 58 C.E., sa lunsod ng Cesarea, ang terminong ito ay kilalang-kilala na at ginamit pa nga maging ng mga pampublikong opisyal, sapagkat noong panahong iyon ay sinabi ni Haring Herodes Agripa II kay Pablo: “Sa maikling panahon ay mahihikayat mo akong maging Kristiyano.”—Gaw 26:28.
Kapag tinutukoy ng mga manunulat ng Bibliya ang kanilang mga kapananampalataya o inilalarawan ang mga tagasunod ni Kristo, gumagamit sila ng mga pananalitang gaya ng “mga mananampalataya sa Panginoon,” “mga kapatid” at “mga alagad” (Gaw 5:14; 6:3; 15:10), “mga pinili” at “mga tapat” (Col 3:12; 1Ti 4:12), “mga alipin ng Diyos” at “mga alipin ni Kristo Jesus” (Ro 6:22; Fil 1:1), “mga banal,” “kongregasyon ng Diyos,” at “mga tumatawag sa Panginoon.” (Gaw 9:13; 20:28; 1Co 1:2; 2Ti 2:22) Ang mga terminong ito na may doktrinal na kahulugan ay pangunahin nang ginamit bilang mga katawagan sa loob ng kongregasyon. Sa mga tagalabas, ang Kristiyanismo ay tinukoy bilang ang “Daan” (Gaw 9:2; 19:9, 23; 22:4), at tinawag naman ito ng mga kalaban bilang ang “sekta ng mga Nazareno” o ang “sektang ito.”—Gaw 24:5; 28:22.
Sa Antioquia ng Sirya unang nakilala bilang mga Kristiyano ang mga tagasunod ni Kristo. Malayong mangyari na ang mga Judio ang unang tumawag na “mga Kristiyano” (Griego) o “mga Mesiyanista” (Hebreo) sa mga tagasunod ni Jesus, sapagkat itinakwil nila si Jesus bilang ang Mesiyas, o Kristo. Kaya naman maliwanag na hindi nila siya kikilalanin bilang ang Pinahiran, o Kristo, sa pamamagitan ng pagtawag na “mga Kristiyano” sa kaniyang mga tagasunod. Ipinapalagay ng ilan na maaaring binansagan silang mga Kristiyano ng mga pagano bilang paghamak o panlilibak, subalit ipinakikita ng Bibliya na ito’y isang pangalang ibinigay ng Diyos; sila ay “tinawag na mga Kristiyano . . . sa pamamagitan ng patnubay mula sa Diyos.”—Gaw 11:26.
Sa tekstong ito, ang pandiwang Griego na khre·ma·tiʹzo ay karaniwan nang isinasalin lamang bilang “tinawag,” at ganito ang masusumpungan sa Gawa 11:26 sa karamihan ng mga salin. Gayunman, sinasabi ng ilang salin na may kinalaman ang Diyos sa pagpili sa pangalang “Kristiyano.” Kapansin-pansin sa bagay na ito ang Bagong Sanlibutang Salin, ang Young’s Literal Translation, at ang The Simple English Bible. Ang Young’s ay kababasahan ng ganito: “Ang mga alagad din ay unang tinawag ng Diyos sa Antioquia bilang mga Kristiyano.”
Ang salitang Griego na khre·ma·tiʹzo, gaya ng pagkakagamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ay laging iniuugnay sa isang bagay na sobrenatural, tila-orakulo, o mula sa Diyos. Sa Griegong diksyunaryo ng Exhaustive Concordance of the Bible ni Strong (1890, p. 78), binibigyang-katuturan ito bilang “bumigkas ng orakulo . . . samakatuwid nga, ipahayag mula sa Diyos.” Ganito naman ang ibinigay na kahulugan ng Greek and English Lexicon ni Edward Robinson (1885, p. 786): “Sinalita may kaugnayan sa tugon ng Diyos, orakulo, kapahayagan, magbigay ng tugon, magsalita bilang isang orakulo, magbabala mula sa Diyos.” Ayon sa Greek-English Lexicon of the New Testament ni Thayer (1889, p. 671): “magbigay ng utos o payo ng Diyos, magturo ng mula sa langit . . . mautusan, mapayuhan, matagubilinan ng Diyos . . . maging tagapagsalita ng mga pagsisiwalat ng Diyos, palaganapin ang mga utos ng Diyos.” Ganito naman ang sinabi ni Thomas Scott sa kaniyang Explanatory Notes (1832, Tomo III, p. 419) hinggil sa tekstong ito: “Ipinahihiwatig ng salita na isinagawa ito sa pamamagitan ng pagsisiwalat mula sa Diyos: sapagkat karaniwan nang ganito ang kahulugan nito sa Bagong Tipan, at isinasalin ito bilang ‘binabalaan mula sa Diyos’ o ‘binabalaan ng Diyos,’ kahit na sa Griego ay walang salita para sa DIYOS.” May kinalaman sa Gawa 11:26, sinasabi naman ng Commentary ni Clarke: “Ang salita [na khre·ma·tiʹsai] sa aming karaniwang teksto, na isinasalin namin bilang tinawag, ay nangangahulugan sa Bagong Tipan ng magtalaga, magbabala, o humirang, sa utos ng Diyos. Sa ganitong diwa ginamit ang salita, Mat. ii. 12 . . . Samakatuwid, kung ang pangalan ay ibinigay sa pamamagitan ng pagtatalaga ng Diyos, malamang na sina Saul at Bernabe ang tinagubilinang magbigay nito; at na, samakatuwid, ang pangalang Kristiyano ay mula sa Diyos.”—Tingnan ang Mat 2:12, 22; Luc 2:26; Gaw 10:22; Ro 7:3, Int; Heb 8:5; 11:7; 12:25, kung saan lumilitaw ang pandiwang Griegong ito.
Tinutukoy ng Kasulatan si Jesu-Kristo bilang ang Kasintahang Lalaki, ang Ulo at Asawang Lalaki ng kaniyang mga pinahirang tagasunod. (2Co 11:2; Efe 5:23) Angkop naman, kung paanong ang isang asawang babae ay nagagalak na tanggapin ang pangalan ng kaniyang asawang lalaki, ang uring “kasintahang babae” na ito ni Kristo ay nalulugod ding tumanggap ng isang pangalan na nagpapakilala sa mga miyembro nito bilang pag-aari ni Kristo. Sa ganitong paraan, ang unang-siglong mga Kristiyanong ito ay madaling nakilala ng mga nagmamasid sa kanila, hindi lamang sa pamamagitan ng kanilang gawain kundi sa pamamagitan din ng kanilang pangalan, bilang lubhang naiiba sa mga nagsasagawa ng Judaismo; sila noon ay isang lumalagong samahan kung saan walang Judio ni Griego man kundi ang lahat ay iisa sa ilalim ng kanilang Ulo at Lider, si Jesu-Kristo.—Gal 3:26-28; Col 3:11.
Ang Kahulugan ng Pagiging Isang Kristiyano. Ipinaaabot ni Jesus ang paanyaya na maging tagasunod niya, sa pagsasabing: “Kung ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy akong sundan.” (Mat 16:24) Yaong mga tunay na Kristiyano ay lubusang nananampalataya na si Jesu-Kristo ang pantanging Pinahiran at bugtong na Anak ng Diyos, ang Ipinangakong Binhi na naghain ng kaniyang buhay-tao bilang pantubos, na binuhay-muli at dinakila sa kanan ni Jehova, at tumanggap ng awtoridad upang manupil sa kaniyang mga kaaway at ipagbangong-puri ang soberanya ni Jehova. (Mat 20:28; Luc 24:46; Ju 3:16; Gal 3:16; Fil 2:9-11; Heb 10:12, 13) Itinuturing ng mga Kristiyano ang Bibliya bilang ang kinasihang Salita ng Diyos, ang ganap na katotohanan, anupat kapaki-pakinabang sa pagtuturo at pagdidisiplina sa tao.—Ju 17:17; 2Ti 3:16; 2Pe 1:21.
Higit pa sa basta pagpapahayag ng pananampalataya ang hinihiling sa mga tunay na Kristiyano. Mahalaga na ang paniniwala ay maipakita sa pamamagitan ng mga gawa. (Ro 10:10; San 2:17, 26) Palibhasa’y ipinanganak na makasalanan, yaong mga nagiging Kristiyano ay nagsisisi, nanunumbalik, nag-aalay ng kanilang buhay kay Jehova, upang sumamba at maglingkod sa kaniya, at pagkatapos ay nagpapabautismo sa tubig. (Mat 28:19; Gaw 2:38; 3:19) Dapat nilang panatilihing malinis ang kanilang sarili mula sa pakikiapid, idolatriya, at pagkain ng dugo. (Gaw 15:20, 29) Hinuhubad nila ang lumang personalidad kasama na rito ang mga silakbo ng galit, malaswang pananalita, pagsisinungaling, pagnanakaw, paglalasing, at “mga bagay na tulad ng mga ito,” at iniaayon nila ang kanilang buhay sa mga simulain ng Bibliya. (Gal 5:19-21; 1Co 6:9-11; Efe 4:17-24; Col 3:5-10) “Huwag magdusa ang sinuman sa inyo,” ang sulat ni Pablo sa mga Kristiyano, “bilang isang mamamaslang o magnanakaw o manggagawa ng kasamaan o bilang isang mapakialam sa mga bagay-bagay ng ibang tao.” (1Pe 4:15) Ang mga Kristiyano ay dapat na maging mabait at makonsiderasyon, mahinahong-loob at may mahabang pagtitiis, anupat maibiging nagpipigil ng sarili. (Gal 5:22, 23; Col 3:12-14) Pinaglalaanan at pinangangalagaan nila ang mga sariling kanila at iniibig nila ang kanilang kapuwa gaya ng kanilang sarili. (1Ti 5:8; Gal 6:10; Mat 22:36-40; Ro 13:8-10) Ang pangunahing katangian na pagkakakilanlan ng mga tunay na Kristiyano ay ang namumukod-tanging pag-ibig nila sa isa’t isa. “Sa ganito,” ang sabi ni Jesus, “malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”—Ju 13:34, 35; 15:12, 13.
Tinutularan ng mga tunay na Kristiyano ang halimbawa ni Jesus bilang ang Dakilang Guro at Tapat na Saksi ni Jehova. (Ju 18:37; Apo 1:5; 3:14) “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa” ang utos ng Lider nila. (Mat 28:19, 20) Sa pagsasagawa nito, ang mga Kristiyano ay ‘nagpapatotoo nang hayagan at sa bahay-bahay,’ anupat hinihimok ang mga tao saanman na tumakas mula sa Babilonyang Dakila at maglagak ng kanilang pag-asa at pagtitiwala sa Kaharian ng Diyos. (Gaw 5:42; 20:20, 21; Apo 18:2-4) Sa totoo, ito ay mabuting balita, subalit ang paghahayag ng ganitong mensahe ay nagdudulot ng malaking pag-uusig at pagdurusa sa mga Kristiyano, gaya ng naranasan ni Jesu-Kristo. Hindi nakahihigit sa kaniya ang kaniyang mga tagasunod; sapat nang sila’y maging tulad niya. (Mat 10:24, 25; 16:21; 24:9; Ju 15:20; 2Ti 3:12; 1Pe 2:21) Kung ang isa ay “nagdurusa bilang isang Kristiyano, huwag siyang mahiya, kundi patuloy niyang luwalhatiin ang Diyos sa pangalang ito,” ang payo ni Pedro. (1Pe 4:16) Ibinibigay ng mga Kristiyano kay “Cesar” ang mga bagay na nauukol sa nakatataas na mga awtoridad ng sanlibutang ito—karangalan, paggalang, buwis—ngunit kasabay nito’y nananatili silang hiwalay sa mga bagay-bagay ng sanlibutang ito (Mat 22:21; Ju 17:16; Ro 13:1-7), at dahil dito’y napopoot sa kanila ang sanlibutan.—Ju 15:19; 18:36; 1Pe 4:3, 4; San 4:4; 1Ju 2:15-17.
Mauunawaan natin kung bakit ang mga taong may gayon na lamang kataas na mga simulain sa moral at integridad, at may nakapupukaw-damdaming mensahe na ipinahayag nang buong kasigasigan at pagkatahasan, ay mabilis na nakatawag-pansin Gaw 13:14–14:26; 16:11–18:17) Iniwan ng libu-libo ang kanilang huwad na mga relihiyosong organisasyon, buong-pusong yumakap sa Kristiyanismo, at masigasig na nagsagawa ng gawaing pangangaral bilang pagtulad kay Kristo Jesus at sa mga apostol. Dahil naman dito, sila’y naging mga tudlaan ng pagkapoot at pag-uusig, na pangunahin nang sulsol ng mga lider ng huwad na relihiyon at ng mga pulitikal na tagapamahala na tumanggap ng maling impormasyon. Ang kanilang lider na si Jesu-Kristo, ang Prinsipe ng Kapayapaan, ay pinatay dahil sa paratang na sedisyon; ang mga Kristiyano naman na maibigin sa kapayapaan ay inaakusahan ng ‘panggugulo sa ating lunsod,’ ‘pagtitiwarik sa tinatahanang lupa,’ at pagiging mga tao na ‘sa lahat ng dako ay pinagsasalitaan ng masama.’ (Gaw 16:20; 17:6; 28:22) Noong panahong isulat ni Pedro ang kaniyang unang liham (mga 62-64 C.E.), waring ang gawain ng mga Kristiyano ay kilalang-kilala na sa mga lugar na gaya ng “Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia.”—1Pe 1:1.
noong unang siglo. Halimbawa, ang mga paglalakbay ni Pablo bilang misyonero ay nagmistulang isang apoy sa kaparangan na kumalat at nagpalagablab ng mga lunsod—Antioquia sa Pisidia, Iconio, Listra, Derbe, at Perga noong unang paglalakbay niya; Filipos, Tesalonica, Berea, Atenas, at Corinto naman noong ikalawa—anupat dahil dito ang mga tao ay natigilan, nag-isip, at nanindigan, alinman sa tinanggap nila ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos o tinanggihan iyon. (Patotoo ng mga Di-Kristiyano. Kinilala rin ng sekular na mga manunulat ng unang dalawang siglo ang pag-iral at impluwensiya ng unang mga Kristiyano sa kanilang paganong daigdig. Halimbawa, si Tacitus, isang Romanong istoryador na ipinanganak noong mga 55 C.E., ay bumanggit ng usap-usapan na nagpaparatang na si Nero ang may kagagawan ng pagsunog sa Roma (64 C.E.), at pagkatapos ay sinabi niya: “Sa gayon, upang patigilin ang usap-usapan, itinuro ni Nero bilang mga salarin, at pinarusahan nang may sukdulang kalupitan, ang isang grupo ng mga tao, na kinamuhian dahil sa kanilang mga kabuktutan [ayon sa pangmalas ng mga Romano sa mga bagay-bagay], at binansagan ng taong-bayan bilang mga Kristiyano. . . . Una, inaresto ang mga nag-aangking miyembro ng sekta; sumunod, depende sa kanilang mga salaysay, marami ang hinatulan, hindi naman talaga dahil sa bintang na panununog kundi dahil sa diumano’y pagkamuhi nila sa lahi ng tao. At sila ay namatay na inaalipusta: sinusuutan sila ng mga balat ng mababangis na hayop at niluluray ng mga aso hanggang sa mamatay; o ibinibitin sila sa mga krus, at, kapag nagdilim na ay sinisilaban sila upang magsilbing mga ilaw sa gabi.” (The Annals, XV, XLIV) Si Suetonius, isa pang Romanong istoryador na ipinanganak noong huling bahagi ng unang siglo C.E., ay naglahad ng mga pangyayaring naganap noong panahon ng paghahari ni Nero, anupat kaniyang sinabi: “Pinatawan ng kaparusahan ang mga Kristiyano, isang grupo ng mga tao na nalulong sa isang bago at mapaminsalang pamahiin.”—The Lives of the Caesars (Nero, XVI, 2).
Si Flavius Josephus, sa kaniyang Jewish Antiquities (XVIII, 64 [iii, 3]), ay bumanggit ng ilang pangyayari sa buhay ni Jesus, anupat idinagdag niya: “At ang tribo ng mga Kristiyano, na tinawag ayon sa kaniyang pangalan, ay hindi pa rin naglalaho hanggang sa araw na ito [mga 93 C.E.].” Nang mapaharap sa ‘suliranin tungkol sa mga Kristiyano,’ si Pliny na Nakababata, gobernador ng Bitinia noong 111 o 112 C.E., ay sumulat kay Emperador Trajan, anupat kaniyang binalangkas ang mga pamamaraang ginagamit niya at humingi ng payo. “Personal ko silang tinatanong kung sila ay mga Kristiyano,” ang sulat ni Pliny. Kapag umamin sila, sila ay pinarurusahan. Gayunman, ang iba ay “nagkakaila na sila ay mga Kristiyano o naging mga Kristiyano.” Nang ilagay sa pagsubok, ang mga ito ay hindi lamang naghandog ng mga haing pagano kundi kanila pa ngang “nilait ang pangalan ni Kristo: walang isa man sa mga bagay na ito, sa pagkaunawa ko, ang maipagagawa sa sinumang tunay na Kristiyano.” Sa sagot ni Trajan sa sulat na ito, pinapurihan niya si Pliny sa paraan ng pag-aasikaso nito sa usapin: “Tama ang ginagawa mong pamamaraan . . . sa iyong pagsisiyasat sa mga kaso ng mga taong pinararatangan na mga Kristiyano.”—The Letters of Pliny, X, XCVI, 3, 5; XCVII, 1.
Ang unang-siglong Kristiyanismo ay walang mga templo, hindi nagtayo ng mga altar, hindi gumamit ng mga krusipiho, at walang itinaguyod na mga klerigong may pantanging kasuutan at de-titulo. Ang unang mga Kristiyano ay hindi nagdiwang ng mga kapistahan ng estado at tumanggi sa lahat ng paglilingkod militar. “Ipinakikita ng isang maingat na pag-aaral sa lahat ng makukuhang impormasyon na hanggang noong panahon ni Marcus Aurelius [na namahala noong 161-180 C.E.], walang Kristiyano ang naging kawal; at walang kawal, pagkatapos na maging Kristiyano, ang nanatili sa paglilingkod militar.”—The Rise of Christianity, ni E. Barnes, 1947, p. 333.
Gayunpaman, gaya ng binanggit sa sulat ni Pliny, hindi lahat ng nagtaglay ng pangalang Kristiyano ay gayon at di-nakipagkompromiso nang ilagay sa pagsubok. Gaya ng inihula, kumikilos na ang espiritu ng apostasya bago pa natulog sa kamatayan ang mga apostol. (Gaw 20:29, 30; 2Pe 2:1-3; 1Ju 2:18, 19, 22) Sa loob ng isang yugto na wala pang 300 taon, ang bukid ng trigo ng Kristiyanismo ay napuno ng mga panirang-damo ng apostatang mga antikristo hanggang sa puntong ang balakyot na si Constantinong Dakila (na idinawit mismo sa pagpatay sa di-kukulangin sa pito sa kaniyang malalapít na kaibigan at kamag-anak) ay gumanap ng mahalagang papel sa mga pangyayaring humantong sa pagkabuo ng isang relihiyon ng estado na diumano’y “Kristiyanismo.”