Kumandante ng Militar
Ang salitang Griego na khi·liʹar·khos (chiliarch) ay nangangahulugang “kumandante ng 1,000 kawal.” Maliban sa pagkagamit nito sa Apocalipsis, tumutukoy ito sa isang tribune ng Romanong militar. May anim na tribune sa bawat hukbong Romano. Gayunman, hindi hinati-hati ang hukbo sa ilalim ng anim na iba’t ibang kumandante; sa halip, ang bawat tribune ay nangangasiwa sa buong hukbo sa loob ng isang kanim ng taon. Sa bawat yugto na dalawang buwan, dalawang tribune ang nagsasalitan sa paglilingkod araw-araw.—Tingnan ang HUKBO, I (Romano).
Malaking awtoridad ang ipinagkaloob sa gayong kumandante ng militar. Humihirang at nag-aatas siya ng mga senturyon. Nangangasiwa siya sa mga paglilitis ng mga hukumang-militar at maaari siyang maglapat ng kaparusahang kamatayan.
Mayroon siyang lupon ng mga tagapaglingkod na nagsisilbing mga katulong. Ang kaniyang ranggo ay makikilala sa kaniyang pananamit: isang purpurang guhit sa kaniyang toga at isang gintong singsing ng karangalan. Dati, ang mga tribune na ito ay inihahalal ng taong-bayan; nang maglaon, ang Senado at ang iba pang mga tauhang sibil at militar ang nagkaroon ng pangunahing pananagutan sa pag-aatas sa kanila. Karaniwan na, ang kahilingan para rito ay sampung taóng paglilingkod sa hukbong panlupa o limang taon sa hukbong mangangabayo. Pinahintulutan ni Augusto ang mga anak ng mga senador na magsimula bilang mga tribune. Inireserba naman ni Tiberio sa kaniyang sarili ang karapatan ng pag-aatas sa kanila.Noong pagdiriwang ng kaarawan ni Herodes, kabilang ang mga kumandanteng ito sa mga panauhing pandangal na pinalugdan ng mananayaw na si Salome. Sa harap ng gayong mga taong may ranggo, napilitan si Herodes na tuparin ang kaniyang sumpa at sa gayon ay iniutos na pugutan ng ulo si Juan na Tagapagbautismo. (Mar 6:21-26) Isang kumandante ng militar (chiliarch) ang kasama ng mga sundalong umaresto kay Jesus.—Ju 18:12.
Noong mga 56 C.E., si Claudio Lisias ang kumandante ng militar ng garison sa Jerusalem. Siya ang nagligtas kay Pablo kapuwa mula sa mga mang-uumog at mula sa nagkakagulong Sanedrin at siya rin ang sumulat ng isang liham ng paliwanag para kay Gobernador Felix nang ipuslit si Pablo sa Cesarea. (Gaw 21:30–24:22) May ilang kumandante ng militar na naroroon nang humarap si Pablo kay Herodes Agripa II.—Gaw 25:23.
Binabanggit din sa pangitain ni Juan, sa aklat ng Apocalipsis, ang “mga kumandante ng militar” bilang kasama sa mga lalapatan ng Diyos ng hatol.—Apo 6:15; 19:18.