Maniningil ng Buwis
Sa Imperyo ng Roma, mga opisyal ng imperyo ang sumisingil o lumilikom ng buwis na pantao at buwis sa lupa bilang bahagi ng kanilang tungkulin. Ngunit ang awtoridad na maningil ng mga buwis na ipinapataw sa mga kalakal na iniluluwas o inaangkat at sa mga panindang idinaraan ng mga mangangalakal sa isang bayan ay maaaring mabili sa pampublikong subasta. Kaya naman ang karapatang maningil ng gayong mga buwis ay napupunta sa mga taong nag-alok ng pinakamalaking bayad. Sa paniningil nila ng mga buwis, kumikita sila dahil ang mga buwis na nalilikom nila ay lumalabis sa halagang ibinayad nila sa subasta. Ipinagkakatiwala naman ng mga taong ito, kilala bilang mga publican, sa pangalawahing mga kontratista ang karapatang maningil ng buwis sa ilang bahagi ng kanilang teritoryo. Ang pangalawahing mga kontratista naman ay may mga tauhan na personal na naniningil ng mga buwis. Halimbawa, lumilitaw na si Zaqueo ang pinuno noon ng mga maniningil ng buwis sa loob at sa palibot ng Jerico. (Luc 19:1, 2) At si Mateo naman, na tinawag ni Jesus upang maging isang apostol, ay isa sa mga aktuwal na naniningil ng mga buwis, anupat waring ang tanggapan niya ng buwis ay nasa Capernaum o malapit doon.—Mat 10:3; Mar 2:1, 14.
Dahil dito, nagkaroon ng maraming Judiong maniningil ng buwis sa Palestina. Mababa ang tingin sa kanila ng mga kababayan nila, yamang kadalasan ay sumisingil sila nang higit kaysa sa takdang buwis. (Mat 5:46; Luc 3:12, 13; 19:7, 8) Karaniwang iniiwasan naman ng ibang mga Judio na kusang makipagsamahan sa mga maniningil ng buwis at inuuri nila ang mga ito sa mga taong kilala bilang mga makasalanan, kasama na rito ang mga patutot. (Mat 9:11; 11:19; 21:32; Mar 2:15; Luc 5:30; 7:34) Kinaiinisan din nila noon ang mga maniningil ng buwis dahil naglilingkod ang mga ito sa isang banyagang kapangyarihan, sa Roma, at malapitang nakikipag-ugnayan sa mga Gentil na “marurumi.” Kaya naman kapag ang isang “kapatid” na napatunayang isang di-nagsisising manggagawa ng kamalian ay itinuring na gaya ng “maniningil ng buwis,” nangangahulugan iyon ng hindi pagkakaroon ng kusang pakikipagsamahan sa kaniya.—Mat 18:15-17.
Hindi kinunsinti ni Kristo Jesus ang katiwaliang laganap sa gitna ng mga maniningil ng buwis. Ngunit handa siyang tumulong noon sa espirituwal na paraan sa mga nais makinig sa kaniya, kahit pa tinuligsa siya sa paggawa niya nito. (Mat 9:9-13; Luc 15:1-7) Sa isa sa kaniyang mga ilustrasyon, ipinakita ni Jesus na ang maniningil ng buwis na mapagpakumbabang umamin na siya’y makasalanan at nagsisi ay higit na matuwid kaysa sa Pariseo na buong-pagmamapuring minalas ang kaniyang sarili bilang matuwid. (Luc 18:9-14) At ang mapagpakumbaba at nagsising mga maniningil ng buwis (gaya nina Mateo at Zaqueo) ay napahanay na maging mga miyembro ng Kaharian ng langit.—Mat 21:31, 32.