Manuskrito ng Bibliya, Mga
Bagaman nakahihigit sa tao ang pinagmulan ng nilalaman ng Banal na Kasulatan, ang pagsulat at preserbasyon nito ay isinagawa ng mga tao. Sinimulan itong tipunin ni Moises sa ilalim ng pagkasi ng Diyos noong 1513 B.C.E., at isinulat ng apostol na si Juan ang huling bahagi nito pagkaraan ng mahigit 1,600 taon. Noong una, ang Bibliya ay hindi iisang aklat lamang, ngunit sa paglipas ng panahon, kinailangang igawa ng mga kopya ang iba’t ibang aklat nito. Halimbawa, pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya, nagkaroon ng gayong pangangailangan sapagkat hindi lahat ng pinalayang mga Judio ay bumalik sa lupain ng Juda. Sa halip, marami ang namayan sa ibang mga lugar, at nagsulputan ang mga sinagoga sa malawak na teritoryo ng mga Judiong nasa Pangangalat. Ang mga eskriba ay naghanda ng mga kopya ng Kasulatan na kailangan sa mga sinagogang ito kung saan nagtitipon ang mga Judio upang makinig sa pagbasa ng Salita ng Diyos. (Gaw 15:21) Nang maglaon, sa gitna ng mga tagasunod ni Kristo, nagpagal ang maiingat na tagakopya upang makagawa ng mga kopya ng kinasihang mga sulat para sa kapakinabangan ng dumaraming mga kongregasyong Kristiyano upang ang mga iyon ay mailibot at maipabasa sa iba’t ibang kongregasyon.—Col 4:16.
Bago nauso ang pag-iimprenta gamit ang isahang tipong letra (mula noong ika-15 siglo C.E.), ang orihinal na mga sulat ng Bibliya at pati ang mga kopya ng mga iyon ay sulat-kamay lamang. Kaya naman tinawag ang mga ito na mga manuskrito (sa Latin, manu scriptus, “isinulat ng kamay”). Ang isang manuskrito ng Bibliya ay sulat-kamay na kopya ng Kasulatan, buo man o ilang bahagi lamang, anupat naiiba sa kopya na inimprenta. Ang mga manuskrito ng Bibliya ay pangunahin nang nasa anyong balumbon at codex.
Mga Materyales. Ang mga manuskrito ng Kasulatan ay maaaring katad, papiro, o vellum. Halimbawa, ang kilaláng Dead Sea Scroll of Isaiah ay isang balumbong katad. Ang papiro, isang uri ng papel na gawa sa ubod ng isang halamang-tubig, ay ginamit para sa mga manuskrito ng Bibliya sa orihinal na mga wika at para sa mga salin nito hanggang noong mga ikaapat na siglo C.E. Noong panahong iyon, sinimulan itong halinhan ng vellum, isang pinong klase ng pergamino na karaniwan nang gawa sa balat ng guya, kordero, o kambing, anupat isa itong pagsulong sa sinaunang paggamit ng balat ng hayop bilang materyales na mapagsusulatan. Ang mga manuskritong gaya ng bantog na Codex Sinaiticus (Sinaitic Manuscript) at Codex Vaticanus (Vatican Manuscript No. 1209) na mula noong ikaapat na siglo C.E. ay mga codex na pergamino, o vellum.
Ang palimpsest (sa Lat., palimpsestus; sa Gr., pa·limʹpse·stos, nangangahulugang “kinayod muli”) ay isang manuskrito na doo’y inalis o kinayod ang mas naunang sulat upang muli itong masulatan. Ang isang kilaláng palimpsest ng Bibliya ay ang Codex Ephraemi Syri rescriptus ng ikalimang siglo C.E. Kung ang mas naunang sulat (ang sulat na kinayod) sa palimpsest ang siyang mahalaga, kadalasa’y mababasa ng mga iskolar ang binurang sulat na iyon sa pamamagitan ng teknikal na mga pamamaraan gaya ng paggamit ng kemikal na mga reagent at potograpiya. Ang ilang manuskrito ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay mga lectionary, mga piniling bahagi ng Bibliya na binabasa sa mga relihiyosong serbisyo.
Mga Istilo ng Pagsulat. Ang mga manuskrito ng Bibliya na isinulat sa Griego (mga salin man ng Hebreong Kasulatan, o mga kopya ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, o pareho) ay maaaring uriin, o klasipikahin, ayon sa istilo ng pagsulat, na nakatulong din sa pagpepetsa sa mga ito. Ang mas matandang istilo (ginamit partikular na hanggang noong ikasiyam na siglo C.E.) ay ang manuskritong uncial, na isinusulat gamit ang hiwa-hiwalay na malalaking titik. Sa ganitong istilo, karaniwan nang walang puwang sa pagitan ng mga salita at halos walang bantas at tuldik. Ang Codex Sinaiticus ay manuskritong uncial. Noong ikaanim na siglo, nagsimulang magkaroon ng pagbabago sa istilo ng pagsulat, anupat nang bandang huli ay nabuo (noong ikasiyam na siglo C.E.) ang manuskritong cursive, o minuscule, na isinusulat gamit ang maliliit na titik, na ang marami ay isinusulat nang kabit-kabit. Ang karamihan ng umiiral na mga manuskrito ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay may sulat na cursive. Nanatiling popular ang mga manuskritong cursive hanggang noong magsimula ang pag-iimprenta.
Mga Tagakopya. Sa abot ng alam natin ngayon, wala nang sulat-kamay na orihinal na manuskrito ng Bibliya ang umiiral. Gayunman, ang Bibliya ay naingatan sa tumpak at mapananaligang anyo sapagkat ang mga tagakopya ng Bibliya, sa pangkalahatan, palibhasa’y kinikilala nilang kinasihan ng Diyos ang Kasulatan, ay naging metikuloso sa kanilang paggawa ng mga kopyang manuskrito ng Salita ng Diyos.
Ang mga taong kumopya ng Hebreong Kasulatan noong mga araw ng ministeryo ni Jesu-Kristo sa lupa at sa loob ng maraming siglo bago ang panahong iyon ay tinawag na mga eskriba (sa Heb., soh·pherimʹ). Kabilang sa unang mga eskriba si Ezra, na tinukoy sa Kasulatan bilang “isang dalubhasang tagakopya.” (Ezr 7:6) Bagaman sinadya ng mas huling mga eskriba na gumawa ng ilang pagbabago sa tekstong Hebreo, ang mga iyon ay nakita ng humaliling mga eskriba, ang mga Masorete, at itinala nila sa Masora, o mga nota sa mga gilid ng Hebreong tekstong Masoretiko na kanilang ginawa.
Ang mga tagakopya ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay lubha ring nagpakaingat upang makopya nang tumpak ang teksto ng Kasulatan.
Paano tayo nakatitiyak na hindi nabago ang Bibliya?
Bagaman naging maingat ang mga tagakopya ng mga manuskrito ng Bibliya, nakapasok sa teksto ang ilang maliliit na pagkakamali ng mga eskriba at ang ilang pagbabago na ginawa nila. Sa kabuuan, ang mga ito ay hindi mahalaga at hindi nakaaapekto sa pangkalahatang integridad ng Bibliya. Ang mga ito ay nakita at iwinasto sa pamamagitan ng maingat na iskolastikong pagsusuri o mapanuring paghahambing-hambing sa maraming umiiral na manuskrito at sinaunang bersiyon. Sinimulan ang mapanuring pag-aaral sa tekstong Hebreo ng Kasulatan noong papatapos na ang ika-18 siglo. Inilathala ni Benjamin Kennicott sa Oxford (noong 1776-1780) ang nilalaman ng mahigit sa 600 Masoretikong manuskritong Hebreo, at inilathala naman ng Italyanong iskolar na si Giambernardo de Rossi sa Parma ang mga paghahambing ng 731 manuskrito noong 1784 hanggang 1798. Gumawa rin ng mga master text ng Hebreong Kasulatan ang Alemang iskolar na si Baer at, nang bandang huli, si C. D. Ginsburg. Noong 1906, inilabas ng iskolar sa Hebreo na si Rudolf Kittel ang unang edisyon ng kaniyang Biblia Hebraica (Ang Bibliyang Hebreo), kung saan naglaan siya ng isang tekstuwal na pagsusuri sa pamamagitan ng mga talababa, na naghahambing sa maraming manuskritong Hebreo ng tekstong Masoretiko. Ang saligang teksto na ginamit niya ay ang teksto ni Ben Chayyim. Ngunit nang makuha niya ang mas matatanda at mas mahuhusay na tekstong Masoretiko ng mga Ben Asher, sinikap ni Kittel na makagawa ng isang bago at naiibang ikatlong edisyon, na tinapos naman ng kaniyang mga kasamahan pagkamatay niya.
Ang ika-7, ika-8, at ika-9 na edisyon ng Biblia Hebraica (1951-1955) ang nagsilbing saligang teksto sa pagsasalin ng Hebreong Kasulatan tungo sa Ingles sa New World Translation of the Holy Scriptures na unang inilathala noong 1950-1960. Nang lumabas ang isang bagong edisyon ng tekstong Hebreo, ang Biblia Hebraica Stuttgartensia, may petsang 1977, ito naman ang ginamit upang rebisahin ang impormasyon sa mga talababa ng New World Translation na inilathala noong 1984.
Ang unang inimprentang edisyon ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay yaong lumitaw sa Complutensian Polyglott (sa Griego at Latin) ng 1514-1517. Pagkatapos, noong 1516, inilathala ng iskolar na Olandes na si Desiderius Erasmus ang kaniyang unang edisyon ng isang Griegong master text ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Marami itong mali, ngunit pinahusay ang teksto nito sa apat na sunud-sunod na edisyon mula 1519 hanggang 1535. Nang maglaon, ang tagapaglimbag at patnugot na taga-Paris na si Robert Estienne, o Stephanus, ay naglabas ng ilang edisyon ng Griegong “Bagong Tipan,” na pangunahin nang ibinatay sa teksto ni Erasmus, ngunit may kalakip na mga pagwawasto batay sa Complutensian Polyglott at sa 15 mas huling manuskrito. Ang ikatlong edisyon ng tekstong Griego ni Stephanus (inilabas noong 1550), sa diwa, ang naging “Received Text” (tinawag na textus receptus sa Latin), na ginamit para sa maraming maagang bersiyon sa Ingles, kabilang na ang King James Version ng 1611.
Ang isang natatanging teksto nitong nakalipas na mga panahon ay ang Griegong master text na inihanda ni J. J. Griesbach, na gumamit ng mga materyal na tinipon ng iba ngunit nagbigay-pansin din sa mga pagsipi sa Bibliya ng sinaunang mga manunulat na gaya ni Origen. Bukod pa riyan, pinag-aralan ni Griesbach ang teksto ng iba’t ibang bersiyon, gaya ng Armeniano, Gothic, at Philoxenian. Sa kaniyang pangmalas, ang umiiral na mga manuskrito ay bumubuo ng tatlong pamilya, o grupo, ang Byzantine, Western, at Alexandrian, anupat mas pabor siya sa mga teksto ng huling nabanggit. Inilabas ang mga edisyon ng kaniyang Griegong master text sa pagitan ng 1774 at 1806, at inilathala naman ang kaniyang pangunahing edisyon ng buong tekstong Griego noong 1796-1806. Ang teksto ni Griesbach ang ginamit para sa saling Ingles ni Sharpe noong 1840 at ito rin ang tekstong Griego na inilimbag sa The Emphatic Diaglott, ni Benjamin Wilson, noong 1864.
Ang isang Griegong master text ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na malawakang tinanggap ay yaong ginawa noong 1881 ng mga iskolar ng Cambridge University na sina B. F. Westcott at F. J. A. Hort. Ito ay resulta ng 28-taóng independiyenteng pagpapagal, bagaman regular silang nagsasanggunian. Tulad ni Griesbach, hinati-hati nila ang mga manuskrito ayon sa mga pamilya o grupo at pangunahin nilang sinangguni ang tinagurian nilang “neutral text,” kabilang na rito ang bantog na Sinaitic Manuscript at ang Vatican Manuscript No. 1209, parehong mula noong ikaapat na siglo C.E. Bagaman kumbinsido na sina Westcott at Hort kapag ang mga manuskritong ito ay magkasuwato at lalo na kapag sinusuportahan ang mga ito ng iba pang mga manuskritong uncial, hindi pa rin sila nakontento sa gayong pangmalas. Isinaalang-alang nila ang bawat
posibleng salik upang malutas ang mga problemang dulot ng nagkakasalungatang mga teksto; at kapag parehong makatuwiran ang dalawang teksto, ipinakikita rin nila iyon sa kanilang master text. Ang teksto nina Westcott at Hort ang pangunahing ginamit sa pagsasalin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan tungo sa Ingles sa New World Translation. Gayunman, kinonsulta rin ng New World Bible Translation Committee ang iba pang mahuhusay na tekstong Griego, gaya ng tekstong Griego ni Nestle (1948).Hinggil sa kasaysayan ng teksto ng Kristiyanong Griegong Kasulatan at sa mga resulta ng makabagong tekstuwal na pananaliksik, si Propesor Kurt Aland ay sumulat: “Masasabi nang tiyakan, salig sa 40-taóng karanasan at taglay ang mga resultang ibinunga ng pagsusuri . . . sa mga manuskrito sa 1,200 bahagi na pinag-aralan: Ang teksto ng Bagong Tipan ay buong-kahusayang naitawid, mas tumpak kaysa sa iba pang mga akda na ginawa noong sinaunang mga panahon; ang posibilidad na may matatagpuan pang mga manuskrito na magdudulot ng malaking pagbabago sa teksto nito ay zero.”—Das Neue Testament—zuverlässig überliefert (Ang Bagong Tipan—May-Katumpakang Naitawid), Stuttgart, 1986, p. 27, 28.
Ang mga teksto ng umiiral na mga manuskrito ng Kristiyanong Kasulatan (sa Griego at iba pang mga wika) ay may pagkakaiba-iba. Maaasahan namang magkakaroon ng mga pagkakaiba-iba dahil sa di-kasakdalan ng tao at dahil sa paulit-ulit na pagkopya sa mga manuskrito, lalo na ng maraming di-propesyonal na tagakopya. Kung ang ilang manuskrito ay may iisang ninunong manuskrito, nagmula marahil sa isang partikular na rebisyon ng naunang mga teksto, o ginawa sa isang partikular na lugar, malamang na magkakaroon ang mga ito ng magkakaparehong kaibahan sa teksto, at sa gayo’y masasabi na ang mga ito ay kabilang sa iisang pamilya, o grupo. Salig sa pagkakahawig ng gayong mga pagkakaiba, sinikap ng mga iskolar na klasipikahin ang mga teksto ayon sa mga grupo, o mga pamilya, anupat lumaki ang bilang ng mga ito sa paglipas ng panahon, hanggang sa magkaroon ng mga tekstong Alexandrian, Western, Eastern (Syriac at Caesarean), at Byzantine, na kinakatawanan ng iba’t ibang manuskrito o ng iba’t ibang bersiyon na matatagpuan sa maraming manuskrito. Ngunit sa kabila ng mga pagkakaiba na partikular na makikita sa iba’t ibang pamilya ng manuskrito (at ng mga pagkakaiba-iba sa loob ng bawat grupo), ang Kasulatan ay nakarating sa atin nang halos walang ipinagkaiba sa orihinal na kinasihang mga akda. Sa pangkalahatan, ang mga pagkakaiba-iba sa teksto ay hindi nakaaapekto sa mga turo ng Bibliya. At sa pamamagitan ng iskolastikong mga pagsusuri, naiwasto ang mga pagkakamaling may anumang kahalagahan, kung kaya sa ngayon ay taglay natin ang isang tunay at mapananaligang teksto.
Mula nang ilabas nina Westcott at Hort ang kanilang pinahusay na tekstong Griego, maraming mapanuring edisyon ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang inilabas. Natatangi sa mga ito ang The Greek New Testament na inilathala ng United Bible Societies at nasa ikatlong edisyon na ngayon. Ang pananalita rito ay katulad na katulad niyaong sa ika-26 na edisyon ng tinatawag na tekstong Nestle-Aland, na inilathala noong 1979 sa Stuttgart, Alemanya.—Tingnan ang KRISTIYANONG GRIEGONG KASULATAN.
Mga Manuskrito ng Hebreong Kasulatan. Posibleng mga 6,000 manuskrito ng buo o ilang bahagi ng Hebreong Kasulatan ang umiiral sa ngayon at matatagpuan sa iba’t ibang aklatan. Ang karamihan ay kababasahan ng tekstong Masoretiko at nagmula noong ikasampung siglo C.E. o pagkatapos nito. Sinikap ng mga Masorete (noong ikalawang kalahatian ng unang milenyo C.E.) na itawid nang tumpak ang tekstong Hebreo at wala silang anumang binago sa pananalita ng mismong teksto. Gayunman, upang maingatan ang tradisyonal na bigkas ng tekstong puro katinig, nag-imbento sila ng isang sistema ng paglalagay ng mga tuldok-patinig at tuldik. Bukod pa rito, sa kanilang Masora, o mga panggilid na nota, itinawag-pansin nila ang anumang kakatwa sa teksto at itinala nila ang mga pagtutuwid na ipinapalagay nilang kailangan. Ang tekstong Masoretiko ang lumilitaw sa inimprentang mga Bibliyang Hebreo sa makabagong panahon.
Ang nasirang mga manuskrito ng Hebreong Kasulatan na ginamit sa mga sinagogang Judio ay hinahalinhan ng beripikadong mga kopya, at ang nasirang mga manuskrito naman ay itinatago sa isang genizah (isang silid-imbakan o bodega sa sinagoga). Kapag napuno na iyon, ang mga manuskrito ay kinukuha at pormal na ibinabaon sa lupa. Tiyak na maraming sinaunang manuskrito ang naglaho sa ganitong paraan. Ngunit ang mga nakaimbak sa genizah ng sinagoga sa Matandang Cairo ay naingatan, malamang na dahil iyon ay napapaderan at nalimutan na sa loob ng maraming siglo. Pagkatapos ng pagkukumpuni sa sinagoga noong 1890 C.E., muling sinuri ang mga manuskrito sa genizah nito, at mula roon, ang halos kumpletong mga manuskrito ng Hebreong Kasulatan at ang napakaraming piraso nito (ang ilan ay sinasabing mula pa noong ikaanim na siglo C.E.) ay nakarating sa iba’t ibang aklatan.
Ang isa sa pinakamatatandang umiiral na piraso ng manuskrito na naglalaman ng mga talata ng Bibliya ay ang Nash Papyrus, na natagpuan sa Ehipto Deuteronomio, kabanata 5 at 6.
at iniingatan sa Cambridge, Inglatera. Maliwanag na bahagi ito ng isang koleksiyon ng mga tagubilin; ito’y nagmula noong ikalawa o unang siglo B.C.E., binubuo lamang ng apat na piraso na may 24 na linya ng tekstong bago ang panahong Masoretiko, at naglalaman ng Sampung Utos at ng ilang talata ngMula noong 1947, maraming Biblikal at di-Biblikal na mga balumbon ang natagpuan sa iba’t ibang lugar sa K ng Dagat na Patay, at ang mga ito ay tinatawag na Dead Sea Scrolls. Pinakamahalaga sa mga ito ang mga manuskritong natuklasan sa ilang yungib sa Wadi Qumran (Nahal Qumeran) at sa kapaligiran nito. Ang mga ito ay tinatawag ding mga teksto ng Qumran at maliwanag na dating pag-aari ng isang relihiyosong komunidad ng mga Judio na nakasentro sa kalapit na Khirbet Qumran (Horvat Qumeran). Ang unang tuklas dito ay ilang bangang luwad na naglalaman ng sinaunang mga manuskrito, na nasumpungan ng isang Bedouin sa isang yungib na mga 15 km (9.5 mi) sa T ng Jerico. Ang isa sa mga ito ay ang napabantog na Dead Sea Scroll of Isaiah (1QIsa), isang balumbong katad na napreserbang mabuti at naglalaman ng buong aklat ng Isaias, maliban sa ilang bahagi na kulang. (LARAWAN, Tomo 1, p. 322) Ito ay kakikitaan ng sulat Hebreo na ginamit bago ang panahong Masoretiko at ipinapalagay na ginawa noong pagtatapos ng ikalawang siglo B.C.E. Samakatuwid, mas matanda ito nang mga isang libong taon kaysa sa pinakamatandang umiiral na manuskrito ng tekstong Masoretiko. Ngunit bagaman may ilang pagkakaiba ito sa tekstong Masoretiko sa pagbaybay at pagkakaayos ng balarila, hindi ito naiiba kung tungkol sa doktrina. Kabilang sa mga dokumentong natuklasan sa kapaligiran ng Qumran ang mga piraso ng mahigit sa 170 balumbon, anupat ang mga pirasong ito ay bahagi ng lahat ng aklat ng Hebreong Kasulatan maliban sa Esther, at ang ilang aklat ay may mahigit sa isang kopya. Ang manuskritong mga balumbon at mga pirasong ito ay ipinapalagay na mula noong mga 250 B.C.E. hanggang noong mga kalagitnaan ng unang siglo C.E., at kakikitaan ng higit sa isang uri ng tekstong Hebreo, gaya niyaong ginamit sa tekstong Masoretiko o sa Griegong Septuagint. Patuloy pa ring pinag-aaralan ang mga materyal na ito.
Ang isang natatanging vellum ng manuskritong Hebreo ng Hebreong Kasulatan ay ang Cairo Karaite Codex of the Prophets. Mayroon itong Masora at mga tuldok-patinig, at ipinakikita sa colophon nito na natapos itong gawin ng kilaláng Masorete na si Moses ben Asher ng Tiberias noong mga 895 C.E. Ang isa pang mahalagang manuskrito (916 C.E.) ay ang Petersburg Codex of the Latter Prophets. Ang Aleppo Sephardic Codex, na dating iniingatan sa Aleppo, Sirya, at ngayo’y nasa Israel, ay dating naglalaman ng buong Hebreong Kasulatan. Ang orihinal na teksto nito na puro katinig ay iwinasto, binantasan, at nilagyan ng Masora ni Aaron ben Asher, anak ni Moses ben Asher, noong mga 930 C.E. Ang pinakamatandang pinetsahang manuskrito ng kumpletong Hebreong Kasulatan sa Hebreo ay ang Leningrad Manuscript No. B 19A, na iniingatan sa Public Library sa St. Petersburg, Russia. Kinopya ito noong 1008 C.E. “mula sa iwinastong mga aklat na inihanda at nilagyan ng mga nota ni Aaron ben Moses ben Asher na guro.” Ang isa pang natatanging manuskritong Hebreo ay isang codex ng Pentateuch na iniingatan sa British Library (Codex Oriental 4445), na naglalaman ng Genesis 39:20 hanggang Deuteronomio 1:33 (maliban sa Bil 7:46-73 at 9:12–10:18, na wala roon o maaaring idinagdag ng ibang tagakopya nang bandang huli) at malamang na ginawa noong ikasampung siglo C.E.
Maraming manuskrito ng Hebreong Kasulatan ng Bibliya ang isinulat sa Griego. Ang isang natatanging manuskrito ay nasa koleksiyon ng Fouad Papyri (Inventory Number 266, pag-aari ng Société Egyptienne de Papyrologie, Cairo), na naglalaman ng ilang bahagi ng Genesis at ng ikalawang kalahatian ng Deuteronomio batay sa salin ng Septuagint. Ginawa ito noong unang siglo B.C.E. at makikita sa iba’t ibang talata nito ang banal na pangalan na nakasulat sa parisukat na mga titik Hebreo kasama ng tekstong Griego. Ang ilang piraso ng Deuteronomio, kabanata 23 hanggang 28, ay makikita sa Rylands Papyrus iii. 458 ng ikalawang siglo B.C.E., na iniingatan sa Manchester, Inglatera. Ang isa pang pangunahing manuskrito ng Septuagint ay naglalaman ng mga piraso ng Jonas, Mikas, Habakuk, Zefanias, at Zacarias. Sa balumbong katad na ito, ipinapalagay na ginawa noong pagtatapos ng unang siglo C.E., ang banal na pangalan ay kinakatawanan ng Tetragrammaton na nakasulat sa sinaunang mga titik Hebreo.—Tingnan ang apendise ng Rbi8, p. 1562-1564.
Mga Manuskrito ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang Kristiyanong Kasulatan ay isinulat sa Koine. Bagaman wala nang orihinal na sulat-kamay na manuskrito nito ang umiiral sa ngayon, ayon sa isang kalkulasyon ay may umiiral pang mga 5,000 kopyang manuskrito ng Kasulatang ito sa Griego, buo man o ilang bahagi lamang.
Mga manuskritong papiro. Kabilang sa mga codex na papiro na natagpuan sa Ehipto noong mga 1930 ang napakahahalagang papiro ng Bibliya, anupat noong 1931 ay ipinatalastas na nabili na ang mga ito. Ang ilan sa mga Griegong codex na ito (pinetsahan ng mula ikalawa hanggang ikaapat na siglo C.E.) ay binubuo ng mga bahagi ng walong aklat ng Hebreong Kasulatan (Genesis, Mga Bilang,
Deuteronomio, Isaias, Jeremias, Ezekiel, Daniel, at Esther), at tatlo ang naglalaman ng ilang bahagi ng 15 aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang karamihan sa mga papirong ito ng Kasulatan ay binili ng isang Amerikanong kolektor ng mga manuskrito, si A. Chester Beatty, at iniingatan ngayon sa Dublin, Ireland. Ang iba naman ay naging pagmamay-ari ng University of Michigan at ng iba pa.Ang internasyonal na simbolo para sa mga papiro ng Bibliya ay isang malaking titik “P” na sinusundan ng maliit na numerong nakaangat. Ang Chester Beatty Papyrus No. 1 (P45) ay binubuo ng mga bahagi ng 30 pilyego mula sa isang codex na malamang na dati’y mga 220 pilyego. Ang P45 ay naglalaman ng mga bahagi ng apat na Ebanghelyo at ng aklat ng Mga Gawa. Ang Chester Beatty Papyrus No. 3 (P47) ay isang pira-pirasong codex ng Apocalipsis na may sampung pilyego na medyo sira na. Pinaniniwalaan na ang dalawang papirong ito ay mula noong ikatlong siglo C.E. Lubhang katangi-tangi ang Chester Beatty Papyrus No. 2 (P46) na pinaniniwalaang mula noong mga 200 C.E. Mayroon itong 86 na pilyegong medyo sira mula sa isang codex na malamang na dati’y may 104 na pilyego, at naglalaman pa rin ito ng siyam sa kinasihang mga liham ni Pablo: Roma, Hebreo, Unang Corinto, Ikalawang Corinto, Efeso, Galacia, Filipos, Colosas, at Unang Tesalonica. Kapansin-pansin na kasama sa sinaunang codex na ito ang liham sa mga Hebreo. Yamang hindi binanggit sa liham ang pangalan ng sumulat nito, tinututulan ng ilan ang pagtukoy kay Pablo bilang manunulat nito. Ngunit yamang ang liham na ito ay kabilang sa P46 na maliwanag na pantanging binubuo ng mga liham ni Pablo, ipinahihiwatig nito na noong mga 200 C.E., tinatanggap ng unang mga Kristiyano ang Hebreo bilang isang kinasihang akda ng apostol na si Pablo. Kabilang din sa codex na iyon ang liham sa mga taga-Efeso, sa gayo’y pinabubulaanan din ang mga argumento na diumano’y hindi si Pablo ang sumulat ng liham na ito.
Sa John Rylands Library, sa Manchester, Inglatera, may isang maliit na piraso ng papiro ng Ebanghelyo ni Juan (ilang talata ng kabanata 18) na itinala sa katalogo bilang Rylands Papyrus 457. Ang internasyonal na simbolo para rito ay P52. Ito ang pinakamatandang umiiral na piraso ng manuskrito ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, anupat isinulat noong unang kalahatian ng ikalawang siglo, posibleng noong mga 125 C.E., mga 25 taon lamang pagkamatay ni Juan. Yamang maliwanag na noong panahong iyon ay may kopya ng Ebanghelyo ni Juan na ginagamit sa Ehipto (ang lugar kung saan natuklasan ang piraso), ipinakikita nito na ang mabuting balita ayon kay Juan ay talagang isinulat noong unang siglo C.E. at ni Juan mismo, hindi ng isang di-kilalang manunulat noong huling bahagi ng ikalawang siglo C.E., pagkamatay ni Juan, gaya ng dating inaangkin ng ilang kritiko.
Ang pinakamahalagang dagdag sa koleksiyon ng mga papiro ng Bibliya mula nang matuklasan ang Chester Beatty Papyri ay ang Bodmer Papyri, inilathala sa pagitan ng 1956 at 1961. Partikular na natatangi ang Papyrus Bodmer 2 (P66) at Papyrus Bodmer 14, 15 (P75), kapuwa isinulat noong mga 200 C.E. Ang Papyrus Bodmer 2 ay naglalaman ng malaking bahagi ng Ebanghelyo ni Juan, samantalang ang Papyrus Bodmer 14, 15 ay kababasahan ng malaking bahagi ng Lucas at Juan at may tekstong kahawig na kahawig ng Vatican Manuscript No. 1209.
Mga manuskritong “vellum.” Ang mga manuskrito ng Bibliya na isinulat sa vellum ay naglalaman kung minsan kapuwa ng Hebreo at Kristiyanong Griegong Kasulatan ng Bibliya, bagaman ang ilan ay naglalaman lamang ng Kristiyanong Kasulatan.
Ang Codex Bezae, na may simbolong titik “D,” ay isang mahalagang manuskrito ng ikalimang siglo C.E. Bagaman hindi alam kung saang lugar ito nagmula, nakuha ito sa Pransiya noong 1562. Naglalaman ito ng mga Ebanghelyo, aklat ng Mga Gawa, at ng ilan pang talata, at ito’y isang manuskritong uncial, na isinulat sa Griego sa mga pahina sa kaliwa at kahanay ng tekstong Latin sa mga pahina sa kanan. Ang codex na ito ay iniingatan sa Cambridge University sa Inglatera, anupat ipinagkaloob ito ni Theodore Beza sa institusyong iyon noong 1581.
Ang Codex Claromontanus (D2) ay isinulat din sa Griego at Latin sa magkatapat na mga pahina, Griego sa kaliwa at Latin naman sa kanan. Naglalaman ito ng kanonikal na mga liham ni Pablo, kasama na ang Hebreo, at ipinapalagay na ito’y mula noong ikaanim na siglo. Iniulat na natagpuan ito sa monasteryo ng Clermont, Pransiya, at napunta kay Theodore Beza, ngunit ngayo’y iniingatan sa Bibliothèque Nationale sa Paris.
Kabilang sa mas bagong-tuklas na mga manuskritong vellum ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang Codex Washingtonianus I, na naglalaman ng mga Ebanghelyo sa wikang Griego (sa karaniwang kaayusang Kanluran: Mateo, Juan, Lucas, at Marcos). Ito ay nakuha noong 1906 sa Ehipto at iniingatan sa Freer Gallery of Art, Washington, D.C. Ang internasyonal na simbolo ng codex na ito ay “W,” at ipinapalagay na isinulat ito noong ikalimang siglo C.E., bagaman lumilitaw na dahil sa pagkasira, ang isang bahagi ng Juan ay hinalinhan noong ikapitong siglo C.E. Ang Codex Washingtonianus II, na may simbolong “I,” ay matatagpuan din sa Freer Collection at naglalaman ng mga bahagi ng kanonikal
na mga liham ni Pablo, kasama na ang Hebreo. Pinaniniwalaang isinulat ang codex na ito noong ikalimang siglo C.E.Hebreo at Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang pinakamahalaga at pinakakumpletong umiiral na mga manuskrito ng Bibliya sa Griego ay isinulat sa vellum gamit ang mga titik na uncial.
Vatican Manuscript No. 1209. Ang Vatican Manuscript No. 1209 (Codex Vaticanus), na may internasyonal na simbolong “B,” ay isang codex na uncial na mula noong ikaapat na siglo C.E., posibleng ginawa sa Alejandria, at dating naglalaman ng buong Bibliya sa Griego. Nang dakong huli, binakat ng isang tagapagwasto ang mga titik, marahil ay dahil lumabo na ang orihinal na sulat, ngunit nilaktawan niya ang mga titik at mga salita na iniisip niyang mali. Malamang na ang codex na ito ay dating may mga 820 pilyego, anupat 759 na lamang ang natitira. Ang kalakhang bahagi ng Genesis ay wala na, gayundin ang isang bahagi ng Mga Awit, ang Hebreo 9:14 hanggang 13:25, at ang buong Una at Ikalawang Timoteo, Tito, Filemon, at Apocalipsis. Ang Codex Vaticanus ay iniingatan sa Vatican Library sa Roma, Italya, at pinaniniwalaang naroon na mula pa noong ika-15 siglo. Gayunman, naging napakahigpit ng mga awtoridad ng Vatican Library sa pagpapahintulot sa mga iskolar na suriin ang manuskrito at noon lamang 1889-1890 sila naglathala ng isang kumpletong potograpikong kopya ng buong codex.
Sinaitic Manuscript. Ang Sinaitic Manuscript (Codex Sinaiticus) ay mula rin noong ikaapat na siglo C.E., ngunit maaaring mas matanda nang kaunti ang Codex Vaticanus. Ang Sinaitic Manuscript ay may simbolong א (alep, unang titik sa alpabetong Hebreo), at bagaman maliwanag na dati itong naglalaman ng buong Bibliya sa Griego, nawala na ang isang bahagi ng Hebreong Kasulatan nito. Gayunman, naroroon pa rin ang buong Kristiyanong Griegong Kasulatan. Malamang na ang codex na ito ay orihinal na binubuo ng di-kukulangin sa 730 pilyego, bagaman ang kabuuan o mga bahagi lamang ng 393 ang beripikadong umiiral sa ngayon. Natuklasan ito (ang isang bahagi noong 1844 at ang isa naman noong 1859) ng iskolar ng Bibliya na si Konstantin von Tischendorf sa Monasteryo ng St. Catherine sa Bundok Sinai. Ang 43 pilyego ng codex na ito ay iniingatan sa Leipzig, ang ilang bahagi ng tatlong pilyego ay nasa St. Petersburg, Russia, at ang 347 pilyego ay iniingatan sa British Library sa London. Iniulat na 8 hanggang 14 na pilyego pa ang natuklasan sa monasteryo ring iyon noong 1975.
Alexandrine Manuscript. Ang Alexandrine Manuscript (Codex Alexandrinus), na may simbolong titik “A,” ay isang Griegong manuskritong uncial na naglalaman ng kalakhang bahagi ng Bibliya, kasama ang aklat ng Apocalipsis. Sa posibleng 820 orihinal na pilyego nito, 773 ang naingatan. Karaniwan nang ipinapalagay na ang codex na ito ay mula noong unang kalahatian ng ikalimang siglo C.E.; iniingatan din ito sa British Library.—LARAWAN, Tomo 2, p. 336.
Codex Ephraemi Syri rescriptus. Ang Codex Ephraemi Syri rescriptus (Codex Ephraemi), na may internasyonal na simbolong titik “C,” ay ipinapalagay rin na mula noong ikalimang siglo C.E. Isinulat ito sa vellum gamit ang mga uncial na Griego at isa itong codex na muling sinulatan, o isang manuskritong palimpsest. Inalis ang orihinal na tekstong Griego, at ang ilang pilyego ay sinulatan ng mga diskurso ni Ephraem Syrus (ang Siryano) sa wikang Griego. Malamang na ginawa ito noong ika-12 siglo nang magkaroon ng kakapusan sa vellum. Gayunman, ang pinatungang teksto ay nabasa na. Bagaman maliwanag na ang “C” ay dating naglalaman ng buong Kasulatan sa Griego, 209 na pilyego na lamang ang natitira, anupat ang 145 nito ay bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Samakatuwid, ang codex na ito ay naglalaman na lamang ng ilang bahagi ng mga aklat ng Hebreong Kasulatan at ilang bahagi ng lahat ng aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan maliban sa Ikalawang Tesalonica at Ikalawang Juan. Iniingatan ito sa Bibliothèque Nationale sa Paris.
Pagkamapananaligan ng Teksto ng Bibliya. Lalong natatampok ang pagiging mapananaligan ng Bibliya kapag inihambing ito sa klasikal na mga akdang sekular, yamang napakakaunti lamang ng umiiral na manuskrito ng mga iyon at walang isa man sa mga iyon ang orihinal at sulat-kamay na manuskrito. Bagaman mga kopya lamang ang mga iyon na ginawa maraming siglo pagkamatay ng mga awtor, ang gayong huling mga kopya ay tinatanggap ng makabagong-panahong mga iskolar bilang sapat na katibayan ng autentisidad ng teksto.
Ang umiiral na mga manuskritong Hebreo ng Kasulatan ay ginawa nang buong ingat. Tungkol sa teksto ng Hebreong Kasulatan, sinabi ng iskolar na si W. H. Green: “Hindi kalabisang sabihin na walang ibang sinaunang akda ang naitawid sa atin nang may gayong katumpakan.” (Archaeology and Bible History, ni J. P. Free, 1964, p. 5) Ang yumaong iskolar ng teksto ng Bibliya na si Sir Frederic Kenyon ay nagbigay ng ganitong katiyakan sa introduksiyon ng kaniyang pitong tomo na pinamagatang The Chester Beatty Biblical Papyri: “Ang una at pinakamahalagang konklusyong mabubuo batay sa pagsusuri sa mga ito [sa mga papiro] ay ang kasiya-siyang konklusyon na pinagtitibay ng mga ito ang saligang kawastuan ng umiiral na mga teksto. Walang kapansin-pansin o malaking pagkakaiba ang makikita alinman sa Luma o sa Bagong Tipan. Walang mahahalagang talata ang inalis o idinagdag, at walang mga pagkakaiba ang nakaaapekto sa mahahalagang katotohanan o mga doktrina. Ang mga pagkakaiba-iba sa teksto ay nakaaapekto sa maliliit na bagay lamang, gaya ng pagkakasunud-sunod ng mga salita o eksaktong mga salitang ginamit. . . . Ngunit ang pangunahing kahalagahan ng mga ito ay ang kanilang pagpapatunay sa integridad ng ating umiiral na mga teksto, sa pamamagitan ng ebidensiyang may mas maagang petsa kaysa sa dati nang taglay. Sa gayong aspekto, ang mga ito ay isang tuklas na may makasaysayang kahalagahan.”—London, 1933, Fasciculus I, p. 15.
Tungkol naman sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, sinabi ni Sir Frederic Kenyon: “Ang pagitan ng mga petsa ng orihinal na komposisyon at ng pinakasinaunang umiiral na ebidensiya ay napakaliit anupat sa katunayan ay hindi na mahalaga, at ang huling saligan para sa anumang pag-aalinlangan na nakarating sa atin ang Kasulatan gaya ng pagkakasulat dito noon ay napawi na ngayon. Kapuwa ang autentisidad at ang pangkalahatang integridad ng mga aklat ng Bagong Tipan ay maituturing na ganap nang napatunayan.”—The Bible and Archæology, 1940, p. 288, 289.
Maraming siglo na ang nakararaan, si Jesu-Kristo, “ang saksing tapat at totoo” (Apo 3:14), ay paulit-ulit at mariing nagpatotoo sa pagiging tunay ng Hebreong Kasulatan, gaya rin ng ginawa ng kaniyang mga apostol. (Luc 24:27, 44; Ro 15:4) Ang umiiral na sinaunang mga bersiyon, o mga salin, ay higit pang nagpapatunay sa kawastuan ng nilalaman ng naingatang Hebreong Kasulatan. Ang mga manuskrito at mga bersiyon ng Kristiyanong Griegong Kasulatan naman ay nagbibigay ng di-matututulang patotoo sa kamangha-manghang preserbasyon at tumpak na pagtatawid ng bahaging iyon ng Salita ng Diyos. Kaya naman isang tunay at lubos na mapananaligang teksto ng Bibliya ang taglay natin sa ngayon. Buong-linaw na pinatototohanan ng isang masusing pagsusuri sa naingatang mga manuskrito ng Banal na Kasulatan ang matapat na preserbasyon nito at ang pagiging namamalagi nito, anupat nagiging mas makahulugan ang kinasihang pananalita: “Ang luntiang damo ay natuyo, ang bulaklak ay nalanta; ngunit kung tungkol sa salita ng ating Diyos, iyon ay mananatili hanggang sa panahong walang takda.”—Isa 40:8; 1Pe 1:24, 25.
[Larawan sa pahina 299]
Ang Sinaitic Manuscript, ng ikaapat na siglo C.E., na naglalaman ng malaking bahagi ng Bibliya sa Griego