Mapang-abusong Pananalita
Ang orihinal na salitang Griego na bla·sphe·miʹa at ang pandiwang bla·sphe·meʹo ay pangunahin nang tumutukoy sa mapanirang-puri at mapang-abusong mga salita.—Tingnan ang PAMUMUSONG.
Gaya ng ipinakikita ng sumusunod na mga teksto at ng nakapalibot na mga talata, noong panahong ibayubay siya, si Kristo ay pinagwikaan ng mapang-abusong pananalita ng mga nagdaraan, na nagsabi, “Bah! Ikaw na diumano’y tagapagbagsak ng templo at tagapagtayo nito sa tatlong araw, iligtas mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng pagbaba mula sa pahirapang tulos.” Gayunding pananalita ang sinabi ng isa sa mga manggagawa ng kasamaang nasa tabi niya. (Mar 15:29, 30; Mat 27:39, 40; Luc 23:39) Si Pablo at ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano ay naging tampulan ng gayong pananalita ng mga taong hindi nakauunawa sa kanilang layunin, mensahe, at budhing Kristiyano (Gaw 18:6; Ro 3:8; 14:16; 1Co 10:30; 1Pe 4:4), ngunit sila mismo ay ‘hindi dapat magsalita nang nakapipinsala tungkol sa kaninuman,’ at sa kanilang paggawi ay hindi sila nagbigay ng makatuwirang dahilan upang mapagsalitaan nang may pang-aabuso ang kanilang gawain o mensahe. (Efe 4:31; Col 3:8; 1Ti 6:1; Tit 2:5; 3:2; ihambing ang 2Pe 2:2.) Kahit ang mga anghel ay “hindi naghaharap ng akusasyon . . . sa mapang-abusong mga salita, at hindi nila ito ginagawa dahil sa paggalang kay Jehova.” (2Pe 2:11) Ngunit gayong uri ng pananalita ang maaasahan mula sa mga nagpapakasasa sa mahalay na paggawi, sa mga mapagmapuri at may sakit sa isip may kinalaman sa mga pagtatanong at mga debate, at sa mga nagwawalang-halaga o walang-galang sa mga inatasan ng Diyos.—1Ti 6:4; 2Pe 2:10-12; Jud 8-10.
Ang salitang ga·dhaphʹ sa Hebreong Kasulatan ay may gayunding kahulugan. Bagaman maliwanag na orihinal itong tumutukoy sa marahas na pisikal na pananakit, ginagamit ito sa makasagisag na paraan upang mangahulugang “magsalita nang may pang-aabuso,” samakatuwid nga, manakit sa pamamagitan ng mapandustang mga salita. (Bil 15:30; 2Ha 19:6; Eze 20:27) Sa ulat kung saan ang anak ng isang babaing Israelita ay sinasabing ‘lumapastangan’ sa pangalan ni Jehova (Lev 24:11, 16), ang salitang Hebreo na na·qavʹ, pangunahin nang nangangahulugang “ulusin; butasin” (2Ha 12:9; 18:21), ay may diwa ng pamumusong. Sa mga kasong ito, ang tinutukoy ay mabagsik o magaspang na pananalita, na nakatuon laban sa Diyos na Jehova mismo o laban sa kaniyang bayan. Ipinakikita ng pagsusuri sa konteksto kung anong uri ng “mapang-abusong pananalita” ang binabanggit.—Tingnan ang PANLALAIT; SUMPA Blg. 2 at 3.