Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mapanibughuin, Paninibugho

Mapanibughuin, Paninibugho

Ayon sa pagkakagamit sa Bibliya, ang “paninibugho” ay maaaring isang positibo o isang negatibong katangian o emosyon. (Kaw 14:30; Zac 1:14) Ang pangngalang Hebreo na qin·ʼahʹ ay may iba’t ibang kahulugan gaya ng “paghingi ng bukod-tanging debosyon; hindi pagpapahintulot na magkaroon ng kaagaw; sigasig; pag-aalab; paninibugho [matuwid o makasalanan]; pagkainggit.” Ang Griegong zeʹlos ay may kahawig na kahulugan.​—2Co 11:2; 12:20.

Ang Paninibugho ni Jehova. Inilalarawan ni Jehova ang kaniyang sarili bilang isang “Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon.” (Exo 20:5, tlb sa Rbi8; Deu 4:24; 5:9; 6:15) Sinasabi rin niya: “Si Jehova, na ang pangalan ay Mapanibughuin, siya ay isang mapanibughuing Diyos.” (Exo 34:14) Ano ang dahilan at uri ng kaniyang paninibugho? Hindi iyon ang mainggitin at makasariling paninibugho ng mga tao. Iyon ay paninibugho, sigasig o pag-aalab para sa kaniyang banal na pangalan, anupat may kinalaman doon, siya mismo ang nagsabi: “Ako ay magpapakita ng bukod-tanging debosyon para sa aking banal na pangalan.”​—Eze 39:25.

Para sa kaniyang pangalan. Kapag isinaalang-alang ng isa kung ano ang isinasagisag ng pangalan ng Diyos, magiging malinaw kung bakit siya ‘humihingi ng bukod-tanging debosyon.’ (Eze 5:13) Ang kaniyang pangalan ay kumakatawan sa lahat ng tama at matuwid. Siya ay banal, malinis, matuwid, at matapat sa sukdulang antas. (Isa 6:3; Apo 4:8; 16:5) Ang kaniyang soberanya ay mahalaga sa pag-iral ng sansinukob, at ang katapatan sa kaniyang soberanya at mga batas ay kailangan upang maging maayos at mapayapa ang buong sangnilalang. (Kaw 29:2; 1Co 14:33) Samakatuwid, ang kaniyang paninibugho ay dalisay at malinis at para sa ikabubuti ng kaniyang mga nilalang, yamang ang kanilang debosyon ay hindi naman nagdudulot sa kaniya ng anumang pakinabang, palibhasa’y siya ang Maylalang, Tagapaglaan, at Tagapagbigay ng lahat ng mabubuting bagay. (Job 41:11; Aw 145:16; Ro 11:35; San 1:17; Apo 4:11) Ngunit dahil sa debosyon niya sa katuwiran, ang kaniyang puso ay napasasaya taglay ang maibiging pagpapahalaga, kapag ang kaniyang mga lingkod ay naninindigan sa katuwiran at nag-uukol ng bukod-tanging debosyon sa kaniya.​—Kaw 23:15, 16; 27:11.

Yaong mga naglilingkod sa Diyos ay makaaasang itatatag niya ang katuwiran, yamang nagtitiwala sila sa sigasig niya para sa kaniyang pangalan. Ipinakita niya ang kaniyang sigasig sa pamamagitan ng kaniyang mga pakikitungo sa sinaunang Israel, at sinasabi niya sa atin ang tungkol sa pagpuksa sa makalupang mga pamahalaan at pagtatatag ng pamahalaan ng Prinsipe ng Kapayapaan sa pamamagitan ng katarungan at katuwiran, na sinasabi: “Ang mismong sigasig ni Jehova ng mga hukbo ang gagawa nito.”​—Isa 9:6, 7; Zef 3:8, 9.

Para sa katuwiran. May kaugnayan sa kaniyang pag-ibig sa katuwiran at sa paghingi niya ng bukod-tanging debosyon, si Jehova ay walang itinatangi. Binabalaan ni Moises ang katipang bayan ng Diyos, ang Israel, na kung pababayaan ninuman ang tipan, “ang galit ni Jehova at ang kaniyang pag-aalab ay uusok laban sa taong iyon, . . . at papawiin nga ni Jehova ang kaniyang pangalan mula sa silong ng langit.” (Deu 29:19-21) Dahil sa pag-aapostata, pagsamba sa mga idolo, at imoralidad ng lunsod ng Jerusalem, sinabi ng Diyos na hahatulan niya ito at ibibigay niya rito “ang dugo ng pagngangalit at paninibugho.” (Eze 16:38; 23:25) Naganap ito nang wasakin ng mga Babilonyo ang lunsod at ang templo na doo’y inilagay ang pangalan ni Jehova, ang pangalan na labis nilang siniraang-puri. Gayunpaman, hindi pinangibabawan o pinawi ng kaniyang paninibugho ang mga layunin niya at ang awa niya, sapagkat iniligtas ni Jehova ang isang nalabi upang bumalik at muling itayo ang templo.

Para sa kaniyang bayan. Dahil sa pag-ibig niya sa kaniyang bayan at dahil taglay nila ang kaniyang banal na pangalan, si Jehova ay mapanibughuin para sa kanila taglay ang maalab na sigasig. Kung paanong may-paninibughong ipinagsasanggalang ng asawang lalaki ang kaniyang asawang babae bilang mahalaga sa kaniya, sa gayunding paraan, sinabi ni Jehova: “Siya na humihipo sa inyo ay humihipo sa itim ng aking mata.” (Zac 2:8) Kaya naman dahil sa mapaminsalang mga gawa ng mga bansa laban sa kaniyang bayan, inihula ng Diyos: “Ako ay maninibugho para sa Sion ng matinding paninibugho, at ako ay maninibugho para sa kaniya taglay ang matinding pagngangalit,” at gayundin, na siya ay magiging masigasig alang-alang sa kaniyang lupain at mahahabag sa kaniyang bayan.​—Zac 8:2; 1:14; Joe 2:18.

Pagpukaw kay Jehova sa paninibugho. Sa kaniyang paghingi ng bukod-tanging debosyon, si Jehova ay hindi isa na malilibak. (Gal 6:7) Ang sinuman sa kaniyang mga lingkod na tumatangging mag-ukol sa kaniya ng buong-pusong debosyon, anupat hindi umiibig sa kaniya nang buong puso, pag-iisip, kaluluwa, at lakas, ay nagsisikap na maglingkod sa dalawang panginoon. Ipinaliwanag ni Jesus na ang resulta ng landasing ito ay kapaha-pahamak, sapagkat iibigin ng gayong tao ang isang panginoon at hahamakin naman niya ang ikalawa. (Mat 6:24) ‘Pinupukaw sa paninibugho’ ng gayong tao si Jehova. (Deu 32:16; 1Ha 14:22) Sa isang pangitaing ibinigay kay Ezekiel, ipinakita ni Jehova sa kaniya ang isang “sagisag ng paninibugho,” maliwanag na isang idolatrosong sagisag, sa pintuang-daan patungo sa templo. (Eze 8:3, 5) Dahil tinalikuran ng Juda ang bukod-tanging debosyon sa kaniya, nagningas ang paninibugho ni Jehova laban sa kanila.

Sinabi ng apostol na si Pablo sa mga Kristiyano: “Hindi kayo maaaring makibahagi sa ‘mesa ni Jehova’ at sa mesa ng mga demonyo. O ‘pinupukaw ba natin si Jehova sa paninibugho’? Hindi tayo mas malakas kaysa sa kaniya, hindi ba?” (1Co 10:21, 22; Deu 32:21) Itinawag-pansin niya na kung sinasadya ng isang Kristiyano na mamihasa sa kasalanan pagkatapos niyang tanggapin ang tumpak na kaalaman sa katotohanan, ang tanging maaasahan niya ay paghuhukom at isang “maapoy na paninibugho na lalamon doon sa mga sumasalansang.”​—Heb 10:26, 27.

Si Jesu-Kristo. Yamang mas matalik ang kaugnayan ng Anak ng Diyos sa kaniyang Ama kaysa sa sinupaman sa Kaniyang mga nilalang, at dahil higit siyang may kakayahang tumulad sa Kaniya at magsiwalat sa iba tungkol sa Kaniya, masasabi ni Jesus: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Ju 14:9; Mat 11:27; Ju 1:18) Dahil dito, ang kaniyang sigasig at paninibugho para sa katuwiran at sa pangalan ng kaniyang Ama ay higit sa taglay ng lahat ng iba pa. (Heb 1:9; Aw 45:7) Sa lahat ng pagkakataon ay nag-uukol siya ng bukod-tanging debosyon kay Jehova. (Mat 4:10; Ju 8:29) Noong narito siya sa lupa, ang kaniyang puso ay nagningas sa sigasig, o sa paninibugho, dahil ang pangalan ni Jehova ay sinisiraang-puri ng maibigin-sa-salaping mga mangangalakal sa templo. (Ju 2:13-17) Kung paanong tinupad niya roon ang hula sa Awit 69:9, “Inuubos ako ng sigasig para sa iyong bahay,” makatitiyak din ang kaniyang mga tagasunod na magpapakita siya ng sigasig upang lubusang itatag ang walang-hanggang katuwiran, katarungan, at paggalang sa pangalan at soberanya ni Jehova bilang katuparan ng hula sa Awit 45:3-6.

Ang mga Mananamba ng Diyos na may Bukod-tanging Debosyon. Ang lahat ng naging tunay na mananamba ng Diyos ay nagpakita ng sigasig sa paglilingkod sa kaniya at ng paninibugho para sa kaniyang pangalan. Ang propetang si Elias, na gumawa ng makapangyarihang mga gawa upang maibaling ang marami sa Israel mula sa huwad na pagsamba tungo sa pagsamba kay Jehova, ay nagsabi: “Lubos akong naging mapanibughuin para kay Jehova na Diyos ng mga hukbo.” (1Ha 19:10, 14) Nagpakita si Pinehas ng debosyong nakalulugod sa Diyos at dahil sa kaniyang sigasig ay nailigtas niya ang Israel mula sa pagkalipol nang patayin niya ang isang pinuno ng Israel na nagparumi sa kampo nang magpasok ito roon ng maruming pagsamba kay Baal na may kasamang pagsamba sa ari ng lalaki. Ito ay sa dahilang, bilang isang Israelita at saserdote, ‘hindi pinahintulutan ni Pinehas na magkaroon ng kaagaw’ si Jehova.​—Bil 25:11; ihambing ang 2Ha 10:16.

Ang kongregasyong Kristiyano ay dapat magbantay taglay ang gayunding paninibugho, upang walang maruming bagay ang sumibol bilang isang “ugat na nakalalason” na lilikha ng kaguluhan at magpaparungis sa marami. (Heb 12:15) Kung may sinumang tiwali na makapupuslit sa loob at magtatangkang magparungis sa iba, ang kongregasyon ay dapat na ‘magpakita ng kasigasigan, anupat pinawawalang-sala ang sarili nito sa harap ni Jehova taglay ang pagkagalit at sigasig.’ Dapat nilang ‘alisin ang taong balakyot mula sa gitna nila.’​—1Co 5:4, 5, 13; 2Co 7:11, 12.

Dahil dito, ang mga Kristiyano ay kailangang magpakita ng “makadiyos na paninibugho” alang-alang sa mga kapuwa Kristiyano. Samakatuwid nga, dapat silang maging maningas sa pagnanais na gawin ang lahat ng magagawa nila sa pagtulong sa isa’t isa na mag-ingat ng bukod-tanging debosyon sa Diyos at manatiling masunurin kay Kristo. Inihalintulad ng apostol na si Pablo ang kaniyang espirituwal na mga kapatid sa isang birheng ipinakipagtipan kay Kristo bilang Kaniyang kasintahang babae na mapapangasawa. May-paninibugho niya silang ipinagsanggalang upang maingatan silang walang dungis para kay Kristo. (2Co 11:2; ihambing ang Apo 19:7, 8.) Ang kaniyang sigasig para sa kanila ay ipinahihiwatig ng maraming kapahayagan sa mga liham niya sa kongregasyon sa Corinto at sa mga iba pa. At ang paninibugho naman ni Kristo mismo para sa kaniyang “kasintahang babae” (Apo 21:9) ay makikita sa kaniyang matitinding pananalita sa mga kongregasyon gaya ng nakaulat sa Apocalipsis, kabanata 1 hanggang 3.

Pagpukaw sa paninibugho sa wastong paraan. Pinagpakitaan ni Jehova ng awa ang bansang Israel nang ang Mesiyas ay itakwil ng lahat, maliban ng isang nalabi. Ang nalabi ng nananampalatayang mga Judio ang naging pasimula ng kongregasyong Kristiyano; naroon na ngayon ang pabor ni Jehova sa halip na sa itinakwil na bansang Judio. Ipinakita ni Jehova ang pagbabagong ito sa pakikitungo sa pamamagitan ng mga tanda at mga palatandaan at makapangyarihang mga gawa. (Heb 2:3, 4) Binuksan niya ang daan upang ang mga Gentil ay tumanggap ng kaniyang pabor. Ngunit hindi niya lubusang ‘pinagsarhan ng pinto’ ang Israel. Gaya ng itinatawag-pansin ng Kasulatan: “Natisod ba sila [ang lahat ng mga Israelita] kung kaya sila tuluyang nabuwal? Huwag nawang mangyari iyan! Ngunit dahil sa kanilang maling hakbang ay may kaligtasan ang mga tao ng mga bansa, upang pukawin sila sa paninibugho.” (Ro 11:11) Maraming siglo bago nito, iyon ang sinabi ni Jehova na kaniyang gagawin, na nagbunga naman ng kaligtasan para sa ilan. (Deu 32:21; Ro 10:19) Palibhasa’y marubdob na hinahangad ng apostol na si Pablo ang ikabubuti ng kaniyang mga kapuwa Israelita, sinunod niya ang simulaing ito, na sinasabi: “Yamang ako, sa katunayan, ay isang apostol sa mga bansa, niluluwalhati ko ang aking ministeryo, kung sa anumang paraan ay magagawa kong pukawin sa paninibugho yaong mga sarili kong laman at mailigtas ang ilan sa kanila.”​—Ro 11:13, 14; 10:1.

Maling Sigasig. Maaaring taimtim ang isang tao sa kaniyang sigasig, o paninibugho, para sa isang partikular na adhikain ngunit maaaring mali iyon at di-kalugud-lugod sa Diyos. Ganiyan ang marami sa mga Judio noong unang siglo. Sinikap nilang magkamit ng katuwiran sa pamamagitan ng sarili nilang mga gawa sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. Ngunit ipinakita ni Pablo na ang kanilang sigasig ay mali dahil sa kawalan ng tumpak na kaalaman. Kaya naman hindi nila tinanggap ang tunay na katuwiran na nagmumula sa Diyos. Kailangan nilang makita ang kanilang kamalian at kailangan silang bumaling sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo upang tumanggap sila ng katuwiran at kalayaan mula sa paghatol ng Kautusan. (Ro 10:1-10) Si Saul ng Tarso ay isa sa gayong uri ng mga tao yamang labis-labis noon ang kaniyang sigasig para sa Judaismo, anupat kaniyang “pinag-uusig ang kongregasyon ng Diyos at winawasak iyon.” Ubod-ingat niyang tinutupad ang Kautusan bilang “isa na napatunayang walang kapintasan.” (Gal 1:13, 14; Fil 3:6) Gayunman, mali ang kaniyang paninibugho para sa Judaismo. Ngunit dahil taimtim ang kaniyang puso, pinagpakitaan siya ni Jehova ng di-sana-nararapat na kabaitan sa pamamagitan ni Kristo anupat ibinaling Niya siya sa tunay na pagsamba.​—1Ti 1:12, 13.

Paninibugho at Inggit. Ang isang taong may di-wastong paninibugho ay naghihinala sa iba nang walang sapat na dahilan o naghihinanakit kapag ibinigay sa iba yaong iniisip niyang dapat na sa kaniya ibinigay. Ang isang taong mainggitin naman, dahil sa pagiging di-kontento, ay nagnanasa o nag-iimbot sa mabuting kalagayan at mga tagumpay ng iba. Kadalasan, mula sa konteksto ay matitiyak kung sa anong diwa ginagamit sa Bibliya ang mga salitang Hebreo na karaniwang isinasalin bilang “mapanibughuin” o “paninibugho” at kung minsan ay “inggit.” Totoo rin ito kung tungkol sa salitang Griego para sa “paninibugho,” bagaman ang wikang Griego ay mayroon ding hiwalay na salita, phthoʹnos, para sa “inggit.”

Sa kongregasyon ng Corinto noong unang siglo, may nakapasok na ambisyosong mga tao na nagtutuon ng pansin sa kanilang sarili, naghahambog tungkol sa mga tao, at lumilikha ng hidwaan sa kongregasyon. Ang kongregasyon ay nahati-hati sa mga paksiyon na may-paninibughong nananalig, dumadakila, at sumusunod sa mga tao. Itinawag-pansin ni Pablo na ang gayong paninibugho ay makalaman, hindi espirituwal. (1Co 3:3; 2Co 12:20) Ipinaliwanag niya na ang makadiyos na pag-ibig ay hindi mapanibughuin sa di-wastong paraan, kundi sa halip, ito ay nagtitiwala at umaasa, anupat laging kumikilos para sa kapakanan ng iba.​—1Co 13:4, 5, 7.

Ang uri ng paninibugho na tinuligsa ni Pablo sa kongregasyon ng Corinto ay hindi matuwid. Hindi ito ukol sa kapakanan ng bukod-tanging debosyon kay Jehova. Sa halip, ito ay isang anyo ng idolatriya at nagmumula sa mga demonyo, at sanhi ito ng inggit at hidwaan. Paulit-ulit na nagbababala ang Bibliya laban dito, anupat ipinakikitang nakaaapekto ito sa mismong puso. Ang kapatid sa ina ni Jesus na si Santiago ay sumulat: “Kung kayo ay may mapait na paninibugho at hilig na makipagtalo sa inyong mga puso, huwag kayong magyabang at magsinungaling laban sa katotohanan. Hindi ito ang karunungan na bumababa mula sa itaas, kundi yaong makalupa, makahayop, makademonyo. Sapagkat kung saan may paninibugho at hilig na makipagtalo, naroon ang kaguluhan at bawat buktot na bagay.”​—San 3:14-16; Ro 13:13; Gal 5:19-21.

Ang maling uri ng paninibugho ay may masamang epekto sa pisikal na kalusugan ng isa, sapagkat “ang pusong mahinahon ay buhay ng katawan, ngunit ang paninibugho ay kabulukan ng mga buto.” (Kaw 14:30) Ang paninibugho ay resulta ng pagkikimkim ng hinala o hinanakit. Maaari itong maging higit na mapaminsala kaysa sa pagngangalit o galit sapagkat maaaring mas malalim ang pagkakaugat nito, mas nagtatagal at pabalik-balik, at mas mahirap pahupain. Kadalasan, binabale-wala nito ang matinong pag-iisip. (Kaw 27:4) At dahil sa paninibugho ng isang lalaki na makatuwiran lamang na magngalit sa isa na nangalunya sa kaniyang asawa, siya ay hindi tatanggap ng anumang pagdadahilan o pantubos!​—Kaw 6:32-35.

Ang maling uri ng paninibugho ay maaaring umakay sa isang tao na magkasala sa Diyos, gaya ng ginawa ng sampung kapatid sa ama ni Jose. (Gen 37:11; Gaw 7:9) Maaari itong humantong sa kamatayan ng isang indibiduwal at ng iba pa na nasasangkot, gaya ng nangyari kina Datan at Abiram at sa mga miyembro ng kanilang mga sambahayan. (Aw 106:16, 17) Mas malala pa rito, dahil sa paninibugho, ang di-sumasampalatayang mga Judio ay gumawa ng malulubhang krimen laban sa mga apostol, bukod pa sa pamumusong at tangkang pagpaslang.​—Gaw 13:45, 50; 14:19.

Paninibugho ng Asawa. Mabuti ang paninibugho ng isang tao sa kaniyang asawa kung ito ay wastong paninibugho, samakatuwid nga, sigasig para sa kapakanan at kabutihan ng kabiyak. Ngunit ang di-wastong paninibugho, o paghihinala nang walang saligan, ay mali at di-maibigin, at maaari itong makasira sa pag-aasawa.​—1Co 13:4, 7.

Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, may probisyon para sa mga kaso ng paninibugho kung pinaghihinalaan ng asawang lalaki ang kaniyang asawang babae ng lihim na pangangalunya. Kung wala ang kahilingang dalawang saksi na magpapatunay sa akusasyon upang makakilos ang mga taong hukom at mailapat nila ang hatol na kamatayan, itinakda ng Kautusan na ang mag-asawa ay dapat humarap sa kinatawan ni Jehova, ang saserdote. Ang pagkilos na ito ay katumbas ng paghiling kay Jehova na ibigay ang kaniyang hatol, yamang siya ang nakababatid ng buong katotohanan. Kung nangalunya ang babae, tatanggapin nito, bilang tuwirang kaparusahan mula kay Jehova, ang pagkawala ng kakayahan nitong magkaanak. Ngunit kung walang saligan ang paninibugho ng asawang lalaki, dapat niyang kilalanin na walang pagkakasala ang kaniyang asawa sa pamamagitan ng pagsiping niya rito upang ito ay magkaanak.​—Bil 5:11-31.

Binababalaan ang mga Lingkod ng Diyos Laban sa Pagpapaligsahan. Ang pagpapaligsahan o kompetisyon, na karaniwang-karaniwan sa kasalukuyang sistema ng mga bagay, ay hindi nararapat. Ang manunulat ng aklat ng Eclesiastes ay nagsabi: “Nakita ko mismo ang lahat ng pagpapagal at ang lahat ng kahusayan sa paggawa, na iyon ay nagbubunga ng pagpapaligsahan [sa Heb., qin·ʼathʹ] sa isa’t isa; ito rin ay walang kabuluhan at paghahabol sa hangin.”​—Ec 4:4; ihambing ang Gal 5:26.

Kung ang lingkod ng Diyos ay mapanibughuin sa mga tagumpay, mga pag-aari, o mga nagagawa ng iba, maaaring tubuan siya ng inggit at kaimbutan, anupat baka mainggit pa nga siya sa mga taong masasama ngunit nananagana. Nagbababala ang Kasulatan laban dito; bagaman sa wari’y matagal silang nananagana, tatanggap sila ng mabilis na paghatol sa takdang panahon ng Diyos, gaya ng nasusulat: “Huwag kang mag-init dahil sa mga manggagawa ng kasamaan. Huwag kang mainggit sa mga gumagawa ng kalikuan. Sapagkat gaya ng damo ay mabilis silang malalanta.” (Aw 37:1, 2) Ang pagkainggit sa mga tulad nila ay maaaring umakay sa isang tao na tularan ang kanilang mararahas na lakad, na karima-rimarim kay Jehova.​—Kaw 3:31, 32; 23:17; 24:1, 19; ihambing ang Aw 73:2, 3, 17-19, 21-23.