Melquisedec
[Hari ng Katuwiran].
Hari ng sinaunang Salem at “saserdote ng Kataas-taasang Diyos,” na si Jehova. (Gen 14:18, 22) Siya ang unang saserdote na binanggit sa Kasulatan; hinawakan niya ang katungkulang iyon bago ang 1933 B.C.E. Palibhasa’y hari ng Salem, nangangahulugang “Kapayapaan,” si Melquisedec ay tinukoy ng apostol na si Pablo bilang “Hari ng Kapayapaan” at, batay naman sa kaniyang pangalan, bilang “Hari ng Katuwiran.” (Heb 7:1, 2) Ipinapalagay na ang sinaunang Salem ang pinagmulan ng lunsod ng Jerusalem, at ang pangalan nito ay inilakip sa pangalan ng Jerusalem, na kung minsan ay tinatawag na “Salem.”—Aw 76:2.
Matapos talunin ni Abram (Abraham) si Kedorlaomer at ang kaniyang mga kakamping hari, pumaroon ang patriyarka sa Mababang Kapatagan ng Save o “Mababang Kapatagan ng hari.” Doon ay “naglabas ng tinapay at alak” si Melquisedec at pinagpala si Abraham, na sinasabi: “Pagpalain si Abram ng Kataas-taasang Diyos, ang Maygawa ng langit at lupa; at pagpalain ang Kataas-taasang Diyos, na siyang nagbigay ng iyong mga maniniil sa iyong kamay!” Sa gayon ay binigyan ni Abraham ang haring-saserdote ng “ikasampu ng lahat ng bagay,” samakatuwid nga, ng “mga pangunahing samsam” na nakuha niya sa kaniyang matagumpay na pakikipagdigma laban sa magkakaalyadong hari.—Gen 14:17-20; Heb 7:4.
Lumarawan sa Pagkasaserdote ni Kristo. Sa isang mahalagang Mesiyanikong hula, sinabi ni Jehova sa “Panginoon” ni David bilang Kaniyang Aw 110:1, 4) Dahil sa kinasihang awit na ito, kinilala ng mga Hebreo na hahawakan ng ipinangakong Mesiyas ang katungkulan kapuwa ng saserdote at ng hari. Sa liham ng apostol na si Pablo sa mga Hebreo, tiniyak niya ang pagkakakilanlan ng isa na inihula, anupat tinukoy “si Jesus, na naging isang mataas na saserdote ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec magpakailanman.”—Heb 6:20; 5:10; tingnan ang TIPAN.
ipinanatang sumpa: “Ikaw ay isang saserdote hanggang sa panahong walang takda ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec!” (Tuwirang hinirang. Maliwanag na si Jehova ang humirang kay Melquisedec upang maging saserdote. Nang talakayin ni Pablo ang katayuan ni Jesus bilang dakilang Mataas na Saserdote, sinabi niya na ang isang tao ay hindi tumatanggap ng karangalan “ayon sa kaniyang sariling kagustuhan, kundi tangi lamang kung tinawag siya ng Diyos, na gaya rin ni Aaron.” Ipinaliwanag din niya na “hindi niluwalhati ng Kristo ang kaniyang sarili sa pagiging mataas na saserdote, kundi niluwalhati niyaong nagsalita may kinalaman sa kaniya: ‘Ikaw ang aking anak; ako, ngayon, ako ay naging iyong ama,’” at pagkatapos ay ikinapit ng apostol kay Jesu-Kristo ang makahulang mga salita ng Awit 110:4.—Heb 5:1, 4-6.
‘Tumanggap ng mga ikapu mula kay Levi.’ Ang katayuan ni Melquisedec bilang saserdote ay hindi kaugnay ng pagkasaserdote sa Israel, at gaya ng ipinakikita ng Kasulatan, iyon ay nakahihigit sa Aaronikong pagkasaserdote. Ang isang salik na nagpapahiwatig nito ay ang paggalang na ipinakita kay Melquisedec ni Abraham, ang ninuno ng buong bansang Israel, pati na ng makasaserdoteng tribo ni Levi. Si Abraham, ang “kaibigan ni Jehova,” na naging “ama ng lahat niyaong may pananampalataya” (San 2:23; Ro 4:11), ay nagbigay ng ikasampu, o “ikapu,” sa saserdoteng ito ng Kataas-taasang Diyos. Ipinakita ni Pablo na ang mga Levita ay lumikom ng mga ikapu mula sa kanilang mga kapatid, na lumabas din mula sa mga balakang ni Abraham. Gayunman, itinawag-pansin niya na si Melquisedec “na ang talaangkanan ay hindi matatalunton mula sa kanila ay tumanggap ng mga ikapu mula kay Abraham,” at “sa pamamagitan ni Abraham maging si Levi na tumatanggap ng mga ikapu ay nagbayad ng mga ikapu, sapagkat siya ay nasa mga balakang pa ng kaniyang ninuno nang salubungin siya ni Melquisedec.” Kaya bagaman ang mga Levitikong saserdote ay tumanggap ng mga ikapu mula sa bayan ng Israel, sila naman, na kinatawanan ng kanilang ninunong si Abraham, ay nagbayad ng mga ikapu kay Melquisedec. Bukod diyan, masasabing nakahihigit ang pagkasaserdote ni Melquisedec sapagkat pinagpala niya si Abraham, anupat itinawag-pansin ni Pablo na “ang mababa ay pinagpapala ng mas dakila.” Sa gayong mga kadahilanan, si Melquisedec ay angkop na lumarawan sa dakilang Mataas na Saserdote na si Jesu-Kristo.—Heb 7:4-10.
Walang mga hinalinhan ni mga kahalili. Malinaw na ipinakita ni Pablo na ang kasakdalan ay hindi matatamo sa pamamagitan ng Levitikong pagkasaserdote, sa gayon ay kailangan ang isang saserdote “ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec.” Itinawag-pansin niya na si Kristo ay nagmula sa Juda, isang di-makasaserdoteng tribo, ngunit binanggit niya ang pagkakatulad ni Jesus kay Melquisedec at ipinakita na si Jesus ay naging saserdote “hindi ayon sa kautusan ng isang utos na nakasalig sa laman, kundi ayon sa kapangyarihan ng isang buhay na di-masisira.” Si Aaron at ang kaniyang mga anak ay naging mga saserdote nang walang sumpa, ngunit ang pagkasaserdote ni Kristo ay iginawad sa pamamagitan ng isang sumpa ni Jehova. Gayundin, samantalang ang mga Levitikong saserdote ay namamatay at kinakailangang halinhan, ang binuhay-muling si Jesu-Kristo “palibhasa’y nananatiling buháy magpakailanman ay nagtataglay ng kaniyang pagkasaserdote nang walang mga kahalili” at sa gayon ay magagawa niyang “iligtas nang lubusan yaong mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya ay laging buháy upang makiusap para sa kanila.”—Heb 7:11-25.
Paanong si Melquisedec ay “walang pasimula ng mga araw ni wakas ng buhay”?
Itinampok ni Pablo ang isang namumukod-tanging katotohanan tungkol kay Melquisedec nang sabihin niya: “Sa pagiging walang ama, walang ina, walang talaangkanan, walang pasimula ng mga araw ni wakas ng buhay, kundi ginawang tulad ng Anak ng Diyos, siya ay nananatiling isang saserdote nang walang hanggan.” (Heb 7:3) Tulad ng ibang mga tao, si Melquisedec ay ipinanganak at siya ay namatay. Gayunman, hindi binanggit ang mga pangalan ng kaniyang ama at ina, hindi sinabi kung saang angkan siya nagmula at kung sino ang naging mga supling niya, at walang impormasyon sa Kasulatan tungkol sa pasimula ng kaniyang mga araw o sa wakas ng buhay niya. Kaya si Melquisedec ay angkop na lumarawan kay Jesu-Kristo, na ang pagkasaserdote ay walang wakas. Kung paanong walang binabanggit sa ulat na may hinalinhan si Melquisedec sa pagkasaserdote o na may naging kahalili niya, si Kristo rin ay walang hinalinhang mataas na saserdoteng katulad niya, at ipinakikita ng Bibliya na walang sinumang hahalili sa kaniya. Bukod diyan, bagaman ipinanganak si Jesus sa tribo ni Juda at sa makaharing linya ni David, ang kaniyang pinagmulang angkan sa laman ay walang kinalaman sa kaniyang pagkasaserdote, ni dahil man sa angkang pinagmulan niya bilang tao kung kaya iniatas sa kaniya kapuwa ang katungkulan ng saserdote at ng hari. Ang mga bagay na ito ay resulta ng sumpa ni Jehova sa kaniya.
Ayon sa isang pangmalas na lumilitaw sa mga Targum ng Jerusalem at na tinatanggap ng maraming Judio at ng iba pa, si Melquisedec at ang anak ni Noe na si Sem ay iisa. Si Sem ay buháy pa noon at buháy pa rin nang mamatay ang asawa ni Abraham na si Sara. Gayundin, espesipikong pinagpala ni Noe si Sem. (Gen 9:26, 27) Ngunit ang pag-uugnay na ito ay hindi matiyak. Hindi isiniwalat sa Kasulatan ang nasyonalidad, talaangkanan, at mga supling ni Melquisedec, at may mabuti namang dahilan. Sa ganitong paraan ay maaari siyang lumarawan kay Jesu-Kristo, na sa pamamagitan ng ipinanatang sumpa ni Jehova ay “naging isang mataas na saserdote ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec magpakailanman.”—Heb 6:20.