Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Memfis

Memfis

Isa sa mga kabisera ng sinaunang Ehipto, iniuugnay sa mga guho ng Mit Rahiney, mga 23 km (14 na mi) sa T ng Cairo, sa K panig ng Ilog Nilo. Sa loob ng mahabang panahon, ang Memfis ang pinakamahalagang lunsod sa “Mababang Ehipto” (samakatuwid nga, ang pook ng Delta at isang maliit na bahagi sa dakong T nito).

Sa Oseas 9:6 ang lunsod ay tinatawag na Moph sa tekstong Hebreo (isinasaling “Memphis” sa karamihang salin sa Ingles). Sa ibang talata ay tinutukoy ito ng Hebreong Noph.​—Isa 19:13; Jer 2:16; 44:1; 46:14, 19; Eze 30:13, 16.

Kasaysayan. Ayon sa alamat na isinalaysay ng Griegong istoryador na si Herodotus (II, 99), ang Memfis ay itinatag ng isang tagapamahala na nagngangalang Menes; gayunman, walang katibayan ng kasaysayan ang natuklasan para sa diumano’y tagapagtatag na ito ng “Unang Dinastiya” ng mga tagapamahalang Ehipsiyo.

Ang heograpikong lokasyon ng Memfis ay angkop na angkop para sa isang kabiserang lunsod ng lupaing ito ng Nilo. Palibhasa’y bahagya lamang na nasa timog ng pinakapuno ng Delta (samakatuwid nga, ang dako kung saan nagsasanga-sanga ang Ilog Nilo), makokontrol nito hindi lamang ang pook ng Delta sa dakong hilaga kundi gayundin ang mga dumaraan sa Nilo. Dahil sa disyerto at mga bundok ay mahirap puntahan ang lunsod mula sa K, at ang Nilo mismo at ang mga burol sa ibayo nito ay nagsilbing proteksiyon mula sa S. Sa gayon, ang Memfis, na nasa hanggahan sa pagitan ng Mataas (timugan) at Mababang (hilagaang) Ehipto, ang may hawak ng pinakasusi sa buong Ehipto noong sinaunang panahon, gaya rin sa ngayon ng makabagong Cairo na nasa isang kalapit na lokasyon.

Komersiyo. Ang lunsod na ito ay isang malaking sentro ng komersiyo sa buong kasaysayan nito, anupat humina lamang pagkatapos ng pananakop ng Gresya nang ang Alejandria sa hilagaang baybayin ang maging pinakamaunlad na daungan ng bansa. Ayon sa ilang istoryador, napabantog ang Memfis dahil sa paggawa nito ng kristal, anupat ang Roma ang pangunahing umaangkat ng mga paninda nito. Nagtanim din ng mga punong akasya sa lugar na iyon upang magsuplay ng kahoy para sa paggawa ng muwebles, mga barko para sa hukbong-dagat ng Ehipto, at mga sandata sa militar.

Pulitika. Gayundin kung tungkol sa pulitika, ang Memfis ay naging lubhang prominente, lalo na noong yugto na tinatawag ng mga Ehiptologo na “Matandang Kaharian” at hanggang sa “Kalagitnaang Kaharian.” Naniniwala ang karamihan sa mga istoryador na ang sentro ng pamahalaan ng pinakamaaagang dinastiya ay nasa Memfis, bagaman marahil ay inilipat sa Thebes (No-amon sa Bibliya, mga 480 km [300 mi] sa dako pang T) nang ilang panahon. Malamang na nasa Memfis pa ang kabisera nang si Abraham ay dumalaw sa Ehipto at magkaroon ng masamang karanasan dahil sa Paraong namamahala noon.​—Gen 12:10-20.

Waring ipinakikita ng katibayan sa Bibliya na noong panahon ng pakikipamayan ng mga Israelita sa Ehipto, ang kabisera ng Ehipto ay nasa Mababang (Hilagaang) Ehipto na mula roon ay madaling mararating ang lupain ng Gosen, kung saan nananahanan ang mga Israelita. (Gen 47:1, 2; tingnan ang GOSEN Blg. 1.) Ang pakikipagtagpo ni Moises kay Paraon ‘sa tabi ng Ilog Nilo’ ay waring sumusuporta sa bagay na ang kabisera ay nasa Memfis sa halip na nasa ibaba sa pook ng Delta (gaya ng iminumungkahi ng ilan), sapagkat ang Nilo ay nahahati sa ilang sanga pagdating sa Delta.​—Exo 7:15.

Dahil sa pagiging prominente nito, ang Memfis ay lumilitaw sa ilang hula may kinalaman sa Ehipto. Sa Jeremias 2:16, tinukoy ng propeta ang Nop (Memfis) at Tapanes (isang lunsod sa pook ng Delta) bilang “nanginginain sa [Israel] sa tuktok ng ulo,” samakatuwid nga, nananamsam sa Israel at sa wari ay kinakalbo ito. Nangahulugan ito ng kahihiyan para sa nag-aangking bayan ng Diyos, kasabay ng dalamhati. (Ihambing ang 2Ha 2:23; Isa 22:12.) Sa kaso kapuwa ng hilagang kaharian ng Israel at ng timugang kaharian (Juda), ang Ehipto, na dito ay kinakatawanan ng Memfis at Tapanes, ay napatunayang hindi maaasahan para sa tulong at suporta, at kasabay nito ay handa itong magsamantala sa katipang bayan ng Diyos para sa pansariling kapakinabangan.​—Os 7:11; Isa 30:1-3; 2Ha 23:31-35.

Relihiyon. Ang Memfis ay isang sentro ng relihiyon at kaalaman sa Ehipto, ngunit noong ikawalong siglo B.C.E., inihula ni Isaias na ang ipinagmamalaking karunungan ng mga prinsipe (marahil ay makasaserdoteng mga prinsipe) ng Nop (Memfis) ay mabibigo at ang Ehipto ay maililigaw. (Isa 19:13) Maliwanag na ang gayong mga tagapayo ay nagtaguyod ng huwad na pagkadama ng katiwasayan sa Ehipto may kinalaman sa mapanalakay na kapangyarihan ng Asirya.

Ang mga bantayog ng paghahari sa Ehipto ng Etiopeng si Haring Tirhaka ay natagpuan sa Memfis. Bagaman nakaligtas si Tirhaka sa kaniyang pakikipagsagupaan sa Asiryanong si Haring Senakerib sa Canaan (732 B.C.E.; 2Ha 19:9), nang maglaon ay pinangalat ng anak ni Senakerib na si Esar-hadon ang hukbong Ehipsiyo, anupat sapilitang pinaurong ang mga ito sa Memfis. Ang sariling ulat ni Esar-hadon hinggil sa sumunod na labanan ay kababasahan: “Pinangunahan ko ang pagkubkob sa Memfis, ang maharlikang tirahan niya [ni Tirhaka], at nilupig ito sa loob ng kalahating araw sa pamamagitan ng malalaking hukay sa lupa, mga sira sa pader at mga hagdanang pansalakay; winasak ko (ito), giniba (ang mga pader nito) at sinunog ito.” (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 293) Lumilitaw na pagkalipas ng ilang taon ay nabawi ng mga hukbo ng Ehipto ang Memfis, anupat nagsagawa ng lansakang pagpatay sa garison ng mga Asiryano. Ngunit si Ashurbanipal, anak ni Esar-hadon, ay humayo patungong Ehipto at itinaboy ang mga tagapamahala mula sa Memfis at pinaatras sa Nilo (patimog).

Nang humina ang Asirya noong huling bahagi ng ikapitong siglo B.C.E., ang Memfis ay nabalik sa ilalim ng ganap na kontrol ng Ehipto. Kasunod ng pagtitiwangwang sa Juda ng Babilonyong si Haring Nabucodonosor noong 607 B.C.E., ang lumilikas na mga Judio ay tumakas patungong Ehipto, anupat nanirahan sa Memfis at sa iba pang mga lunsod. (Jer 44:1) Sa pamamagitan ng kaniyang mga propetang sina Jeremias at Ezekiel, hinatulan sila ni Jehova ng kasakunaan at inihula na sasaktan ni Nabucodonosor ang Ehipto ng isang mapangwasak na dagok, anupat ang Memfis (Nop) ang makararanas ng buong puwersa ng pagsalakay. (Jer 44:11-14; 46:13, 14, 19; Eze 30:10-13) Ang mga Babilonyong sasalakay sa Memfis ay buong-pagtitiwalang lulusob sa lunsod samantalang araw na araw.​—Eze 30:16.

Ang Memfis ay muli na namang dumanas ng matinding pagkatalo sa mga kamay ng Persianong si Haring Cambyses noong 525 B.C.E., anupat magmula noon ay naging sentro ng nasasakupan ng isang Persianong satrapa. Ang lunsod ay hindi na kailanman lubusang nakabawi mula sa mga epekto ng pananakop na ito. Sa pagbangon ng Alejandria sa ilalim ng mga Ptolemy, ang Memfis ay unti-unting humina at pagsapit ng ikapitong siglo ng Karaniwang Panahon ay naging malalawak na guho.

Kabilang ang Memfis sa mga pangunahing sagradong lunsod ng sinaunang Ehipto, kasama ng kalapit na On (Heliopolis). (Gen 41:50) Ang mga dambana na inialay sa diyos na si Ptah at sa sagradong toro na si Apis ay may pantanging kahalagahan. Ang diyos na si Ptah, ayon sa “teolohiya ng Memfis” na kinatha ng mga saserdote ng Memfis, ay ang manlalalang (kahati niya sa karangalang ito ang ibang mga diyos na gaya nina Thoth, Ra, at Osiris), at ang kaniyang mitolohikal na gawain ay lumilitaw na itinulad sa aktuwal na papel ng Paraon sa mga gawain ng mga tao. Inilalarawan ng klasikal na mga istoryador na ang templo ni Ptah sa Memfis ay pinalalaki at pinagaganda sa pana-panahon. Napapalamutian ito ng pagkalaki-laking mga estatuwa.

Ang torong Apis, isang buháy na toro na may pantanging tanda, ay inaalagaan sa Memfis at sinasamba bilang ang pagsasaanyong-laman ng diyos na si Osiris, bagaman sa ilang alamat ay iniuugnay rin ito sa diyos na si Ptah. Kapag namatay ito, isang pangmadlang pagdadalamhati ang isinasagawa, at binibigyan ang toro ng isang kahanga-hangang libing sa kalapit na Saqqara. (Nang ang libingan doon ay buksan noong ika-19 na siglo, natagpuan ng mga imbestigador ang mga embalsamadong katawan ng mahigit sa 60 toro at baka.) Ang pagpili ng isang bagong torong Apis at ang pagluluklok nito sa trono sa Memfis ay isang seremonyang ganito rin karangya. Maaaring naimpluwensiyahan ng pagsambang ito ang mapaghimagsik na mga Israelita sa kanilang ideya na sambahin si Jehova sa pamamagitan ng isang ginintuang guya. (Exo 32:4, 5) Ang pagsamba sa banyagang diyosa na si Astarte ay naging prominente rin sa Memfis, at may mga templo para sa mga diyos at mga diyosa ng Ehipto na gaya nina Hathor, Amon, Imhotep, Isis, Osiris-Sokar, Anubis, at iba pa. Ang buong hanay na ito ng mga sinaunang bathala at ang kanilang mga idolo ay nakatalagang puksain ayon sa hatol ng Diyos.​—Eze 30:13.

Maharlikang mga dakong libingan. Ang katibayan ng kahalagahan ng Memfis noong nakalipas ay makikita sa malalawak na libingan malapit sa sinaunang lokasyon, anupat ang mga lugar na ito ay kinatatayuan ng mga 20 piramide o maharlikang bantayog na libingan. Ang pagiging prominente ng Memfis bilang isang maharlikang dakong libingan ay walang alinlangang ipinahihiwatig ng hula ni Oseas laban sa walang-pananampalatayang Israel noong ikawalong siglo B.C.E., sa pagsasabing “titipunin sila ng Ehipto; ang Memfis naman ang maglilibing sa kanila.” (Os 9:6) Kabilang sa mga piramide na matatagpuan sa Saqqara, malapit sa Memfis, ay ang Step Pyramid na itinayo ni Haring Djoser (“Ikatlong Dinastiya”), na itinuturing na ang pinakamatandang walang-suhay na kayariang bato na natuklasan. Sa mas dako pang KHK ng Memfis ay naroon ang lalo pang higit na kahanga-hangang mga piramide ng Giza at ang Great Sphinx. Sa ngayon tanging ang mga libingang ito at ang katulad na mga kayariang bato ang nalalabing palatandaan ng nakalipas na kaluwalhatian ng Memfis sa relihiyon. Gaya ng inihula, ang lunsod ay naging “isang bagay lamang na panggigilalasan.”​—Jer 46:19.