Micmas(h)
[Nakaimbak na [samakatuwid nga, kubling] Dako].
Isang lugar na ipinapalagay na ang makabagong Mukhmas na nasa isang burol na mga 600 m (2,000 piye) ang taas mula sa kapantayan ng dagat at mga 11 km (7 mi) sa HHS ng Jerusalem. Nasa H ito ng Wadi Suweinit (Nahal Mikhmas), ang itinuturing na “banging tawiran ng Micmash.” (1Sa 13:23) Palibhasa’y sumasanib sa Wadi Suweinit ang ibang mga wadi mula sa TK at HK, ang wadi na ito’y nagsisimula sa bulubunduking pook ng Efraim at umaabot hanggang sa Libis ng Jordan.
Tiyak na sa paghahandang palayain ang Israel mula sa kontrol ng mga Filisteo, pumili si Haring Saul ng isang hukbo ng 3,000 lalaki. Mula sa mga ito’y 2,000 ang nagkampong kasama niya sa Micmash at sa bulubunduking pook ng Bethel, ang iba naman ay pumuwesto sa Gibeah kasama ng kaniyang anak na si Jonatan. Nang maglaon, pinabagsak ni Jonatan ang “garison” ng mga Filisteo sa kalapit na Geba (“Gibeah,” Vg). Bilang pagganti, nagtipon ang mga Filisteo ng isang malaking hukbo, pati na ng mga karo at mga mangangabayo. Lumilitaw na dahil dito’y napilitan si Saul na umurong mula sa Micmash tungo sa Gilgal. Palibhasa’y napipighati ng mga Filisteo, maraming Israelita ang nagtago sa mga yungib at sa mga hukay. Ang iba naman ay nanganlong sa S ng Jordan. Nang maglaon, ang pangangalat na ito ng mga mandirigmang Israelita sa harap ng banta ng mga Filisteo ang idinahilan ni Saul kung bakit hindi niya hinintay na si Samuel ang maghandog ng hain. Pagkatapos sawayin ni Samuel dahil sa kaniyang kapangahasan, pumaroon si Saul kay Jonatan sa Geba, kasama ang mas kaunting hukbo ng mga 600 lalaki. (1Sa 13:1-16) Ayon sa 1 Samuel 14:2, maliwanag na inilipat ni Saul ang kaniyang kampo sa Migron malapit sa Gibeah.
Pinasimulan ni Jonatan ang Paglupig sa mga Filisteo. Dahil tatlong pangkat ng mga mananamsam na Filisteo ang lumalabas mula sa kampo ng mga ito sa Micmash at isang hukbo ng mga Filisteo ang lumalabas sa “banging tawiran ng Micmash,” ipinasiya ni Jonatan na tapusin na ang bantang ito. (1Sa 13:16-23) Upang maisagawa ito, tinawid niya ang banging tawiran, na (kung ang Wadi Suweinit) isang malalim na bangin na may napakatatarik na dalisdis sa dakong S ng Geba (Jabaʽ). Dalawang prominenteng burol na may matatarik at mababatong dalisdis ang makikita sa dako kung saan biglang lumiliko ang Wadi Suweinit. Maaaring ang mga ito ang ‘tulad-ngiping malalaking bato’ na pinanganlang Bozez at Sene, at marahil ang tulad-ngiping mga gilid ng mga ito ay hinubog ng erosyon sa loob ng mga 30 siglo. (1Sa 14:1-7) Napakaimposible para sa isang dayuhan na makalabas sa pasikut-sikot na mga gulod, bunton, at matutulis na bato sa wadi. Ngunit lumilitaw na kabisado ito ni Jonatan, palibhasa’y lumaki siya sa teritoryong Benjamita. Habang ang kampo ng kaniyang ama ay nasa Micmash at ang sa kaniya naman ay nasa Geba, tiyak na nagkaroon si Jonatan ng maraming pagkakataon para maging higit na pamilyar sa topograpiya ng lugar.
Si Jonatan at ang kaniyang tagapagdala ng baluti ay nagtungo sa Micmash at pagkatapos ay inilantad nila ang kanilang sarili sa himpilang Filisteo. Nang matanaw sila, sumigaw ang mga Filisteo: “Umahon kayo sa amin, at may isang bagay kaming ipaaalam sa inyo!” Pagkatapos nito, gamit ang kaniyang mga kamay at mga paa, ginapang at inakyat ni Jonatan, kasunod ang kaniyang tagapagdala ng baluti, ang matarik na daanan patungo sa himpilang Filisteo. 1Sa 14:8, 11-14, tlb sa Rbi8.
Magkasama nilang pinabagsak ang mga 20 Filisteo sa distansiyang mga kalahati ng sukat ng lupaing kayang araruhin ng isang pareha ng mga toro sa isang araw.—Dahil sa lindol na pinasapit ng Diyos, na ang mga epekto ay napansin ng mga bantay ni Saul, nagkagulo ang kampo ng mga Filisteo. Pagdating doon ni Saul at ng kaniyang mga tauhan, marami sa mga Filisteo ang nagpatayan na dahil sa kalituhan at ang iba naman ay tumakas. Malamang na bitbit ang mga sandata ng mga Filisteo na nasumpungan nila sa lugar na iyon, tinugis ng hukbo ni Saul ang tumatakas na mga hukbo ng kaaway. Palibhasa’y sumama sa kanila ang mga Israelita na nagtago at yaong mga dating pumanig sa mga Filisteo, “pinagbabagsak nila ang mga Filisteo mula sa Micmash hanggang sa Aijalon.”—1Sa 14:15-23, 31.
Ayon sa 1 Samuel 13:5, ang mga hukbong Filisteo sa Micmash ay may 30,000 karong pandigma. Ang bilang na ito’y di-hamak na mas malaki kaysa sa bilang ng karong pandigma na ginamit sa ibang mga pakikipagbakang militar (ihambing ang Huk 4:13; 2Cr 12:2, 3; 14:9), at mahirap gunigunihin kung paano ginamit ang gayon karaming karong pandigma sa bulubunduking kalupaan. Dahil dito, karaniwang ipinapalagay na ang 30,000 ay isang pagkakamali ng eskriba. Ang Syriac na Peshitta at ang edisyon ni Lagarde ng Griegong Septuagint ay kababasahan ng 3,000, at sinunod ng maraming bersiyon ng Bibliya ang ganitong pagkakasalin. (AT, JB, Mo) Gayunpaman, may iminumungkahi pang mas mabababang bilang.
Pagkaraan ng ilang siglo, binanggit ng hula ni Isaias na sa Micmash ‘ilalapag’ ng nanlulupig na Asiryano “ang kaniyang mga kagamitan.” (Isa 10:24, 28) Pagkabalik ng mga Israelita mula sa pagkatapon sa Babilonya noong 537 B.C.E., lumilitaw na ang Micmas(h) ay muling tinirahan ng mga Benjamita.—Ezr 2:1, 2, 27; Ne 7:31; 11:31.