Ministro, Lingkod
Ito ang mga salin sa Tagalog ng terminong Ingles na “minister” na isinalin naman mula sa salitang Hebreo na mesha·rethʹ at sa Griegong di·aʹko·nos. Ang terminong Hebreo ay isang anyong pandiwari ng pandiwang sha·rathʹ, nangangahulugang “magsilbi sa” o “maglingkod sa” isang nakatataas, at ginagamit ito sa sekular o sa relihiyosong diwa. (Gen 39:4; Deu 10:8) May kinalaman sa salitang di·aʹko·nos, ganito ang isinulat ni D. Edmond Hiebert sa Bibliotheca Sacra: “Ipinapalagay na ang terminong ito ay isang tambalan ng pang-ukol [na di·aʹ], na nangangahulugang ‘dumaraan,’ at ng pangngalan [na koʹnis], ‘alabok,’ kung kaya ang termino ay tumutukoy sa isa na nagmamadaling dumaraan sa alikabok upang magsagawa ng kaniyang paglilingkod. Ngunit ang iminumungkahing pinagmulang ito ay hindi karaniwang tinatanggap sa ngayon. Mas malamang na ang pandiwang ugat ay [di·eʹko], ‘magtungo sa isang lugar mula sa ibang lugar,’ kahawig ng pandiwang [di·oʹko], ‘magmadaling sumunod, tumugis.’ Samakatuwid, ang pinakaugat na ideya ay isa na masipag at matiyagang nagsisikap upang maglingkod alang-alang sa iba.”—1983, Tomo 140, p. 153.
Sa Hebreo at sa Griego, ang mga salitang ito at ang kaugnay na mga anyo ng mga ito ay ikinakapit kapuwa sa lalaki at sa babae. (2Sa 13:17, 18; 1Ha 1:4, 15; 2Co 3:6; Ro 16:1) Si Josue ay naging lingkod (o, tagapaglingkod) ni Moises “mula sa kaniyang pagkabinata.” (Bil 11:28; Jos 1:1, tlb sa Rbi8) Ang tagapaglingkod ni Eliseo ay tinawag na kaniyang lingkod at tagapagsilbi. (2Ha 4:43; 6:15) Ang mga hari at mga prinsipe ay may kani-kanilang tagapaglingkod o mga lingkod (2Cr 22:8; Es 2:2; 6:3), anupat ang ilan sa kanila ay nagsisilbi sa mga maharlikang mesa.—1Ha 10:4, 5; 2Cr 9:3, 4.
Mga Anghelikong Lingkod ni Jehova. Lumalang ang Diyos na Jehova ng sampu-sampung milyong anghel, anupat ang lahat ng mga ito ay pawang nasa ilalim ng kontrol niya, at walang alinlangang tinatawag niya sila ayon sa kanilang mga pangalan, gaya ng ginagawa niya sa di-mabilang na mga bituin. (Aw 147:4) Naglilingkod ang mga ito sa kaniya bilang kaniyang mga lingkod, o ministro, anupat ginagawa ang kalooban niya sa sansinukob. (Aw 103:20, 21) Tungkol kay Jehova, sinabi ng salmista na ginagawa niyang “mga espiritu ang kaniyang mga anghel, lumalamong apoy naman ang kaniyang mga lingkod.” (Aw 104:4) Ang mga ito ay inilalarawan bilang “mga espiritung ukol sa pangmadlang paglilingkod, na isinugo upang maglingkod doon sa mga magmamana ng kaligtasan.” (Heb 1:13, 14) May mga anghel na naglingkod kay Jesu-Kristo sa ilang, matapos niyang biguin ang mga pagsisikap ni Satanas na ilihis siya mula sa pagsunod kay Jehova (Mat 4:11); isang anghel din ang nagpakita, anupat pinatibay siya nito noong nananalangin siya sa Getsemani. (Luc 22:43) Sa pangitain ng propetang si Daniel, kung saan may “isang gaya ng anak ng tao” na binigyan ng pamamahalang namamalagi nang walang takda sa lahat ng mga bayan at mga wika, milyun-milyong anghel ang ipinakikitang naglilingkod sa palibot ng trono ng Sinauna sa mga Araw.—Dan 7:9-14.
Ang Tribo ni Levi. Pagkatapos iligtas ni Jehova ang mga Israelita mula sa Ehipto, at nang organisahin ang bansa sa ilalim ng tipang Kautusan, pinili niya ang mga lalaki na mula sa tribo ni Levi bilang kaniyang pantanging mga lingkod. (Bil 3:6; 1Cr 16:4) Ang iba sa kanila, ang pamilya ni Aaron, ay mga saserdote. (Deu 17:12; 21:5; 1Ha 8:11; Jer 33:21) May iba’t ibang tungkulin ang mga Levita sa kanilang paglilingkod; sila’y mga tagapag-ingat ng santuwaryo at ng lahat ng mga kagamitan nito, mga lingkod sa pag-awit, at iba pa.—Bil 3:7, 8; 1Cr 6:32.
Mga Propeta. Bukod sa lahat ng mga lalaki na mula sa tribo ni Levi, gumamit din si Jehova ng iba pa upang maglingkod sa kaniyang bayang Israel sa isang pantanging paraan. Ito ang mga propeta, na naglingkod bilang mga indibiduwal na itinalaga at inatasan ni Jehova. Ang ilan sa mga ito ay mula rin sa linya ng angkan ng mga saserdote, ngunit marami ang mula sa ibang mga tribo ng Israel. (Tingnan ang PROPETA.) Sila’y mga mensahero ni Jehova; isinusugo sila upang babalaan ang bansa kapag lumilihis ito mula sa Kautusan, at sinisikap nilang panumbalikin ang mga hari at ang bayan sa tunay na pagsamba. (2Cr 36:15, 16; Jer 7:25, 26) Ang kanilang mga hula ay nakatulong, nagpatibay-loob, at nagpalakas sa mga taong may matuwid na puso, lalo na sa mga panahon ng espirituwal at moral na kabulukan, at noong mga panahong ang Israel ay pinagbabantaan ng mga kaaway sa palibot nila.—2Ha 7; Isa 37:21-38.
Ang kanilang mga hula ay tumuturo rin kay Jesu-Kristo at sa Mesiyanikong Kaharian. (Apo 19:10) Nagsagawa si Juan na Tagapagbautismo ng isang namumukod-tanging gawain, anupat pinanumbalik niya ‘ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso naman ng mga anak sa mga ama’ habang inihahanda niya ang daan para sa kinatawan ni Jehova, ang Panginoong Jesu-Kristo. (Mal 4:5, 6; Mat 11:13, 14; Luc 1:77-79) Hindi lamang sa kanilang mga kapanahon naglingkod ang mga propeta, sapagkat ganito ang isinulat ng apostol na si Pedro sa mga Kristiyano: “Isiniwalat sa kanila na, hindi sa kanilang sarili, kundi sa inyo, ipinaglilingkod nila ang mga bagay na sa ngayon ay ipinatalastas sa inyo sa pamamagitan niyaong mga nagpahayag ng mabuting balita sa inyo taglay ang banal na espiritu na ipinadala mula sa langit. Sa mismong mga bagay na ito ay nagnanasang magmasid ang mga anghel.”—1Pe 1:10-12.
Si Jesu-Kristo. Si Jesu-Kristo ang pangunahing lingkod, o ministro (di·aʹko·nos), ni Jehova. Siya ay “naging lingkod niyaong mga tuli alang-alang sa pagkamatapat ng Diyos, upang tiyakin ang mga pangako na Kaniyang binitiwan sa kanilang mga ninuno,” gayundin, “upang luwalhatiin ng mga bansa ang Diyos dahil sa kaniyang awa.” Kaya naman “sa kaniya ilalagak ng mga bansa ang kanilang pag-asa.”—Ro 15:8-12.
Kay Jehova mismo nagmula ang atas ni Jesus. Nang iharap niya ang kaniyang sarili upang magpabautismo, “ang langit ay nabuksan,” ang sabi ng ulat, “at nakita niyang [ni Juan na Tagapagbautismo] bumababa na tulad ng isang kalapati ang espiritu ng Diyos na lumalapag sa kaniya [kay Jesus]. Narito! May tinig din mula sa langit na nagsabi: ‘Ito Mat 3:16, 17) Bago naging tao si Jesus, naglilingkod na siya kay Jehova sa loob ng di-mabilang na panahon, ngunit sa pagkakataong iyon ay pumasok siya sa isang bagong paglilingkod. Pinatunayan ni Jesus na siya nga ay lingkod, o ministro, ng Diyos, anupat naglingkod siya sa Diyos at sa kaniyang kapuwa. Kaya naman, sa sinagoga sa kaniyang sariling bayan ng Nazaret, kinuha ni Jesus ang balumbon ng Isaias at binasa ang sa ngayon ay kabanata 61, mga talata 1 at 2: “Ang espiritu ng Soberanong Panginoong Jehova ay sumasaakin, sa dahilang pinahiran ako ni Jehova upang maghayag ng mabuting balita sa maaamo. Isinugo niya ako upang bigkisan ang may pusong wasak, upang maghayag ng paglaya sa mga bihag at ng lubos na pagkakadilat ng mga mata sa mga bilanggo; upang ihayag ang taon ng kabutihang-loob ni Jehova.” Pagkatapos ay sinabi niya sa mga nagkakatipon, “Ngayon ay natutupad ang kasulatang ito na karirinig lamang ninyo.”—Luc 4:16-21.
ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.’” (Nang mangaral si Pedro sa unang Gentil na nakumberte, si Cornelio, inilarawan niya ang landasin ni Jesus noong panahon ng tatlo at kalahating taóng ministeryo nito sa lupa, anupat itinawag-pansin niya kay Cornelio si “Jesus na mula sa Nazaret, kung paanong pinahiran siya ng Diyos ng banal na espiritu at kapangyarihan, at lumibot siya sa lupain na gumagawa ng mabuti at pinagagaling ang lahat niyaong mga sinisiil ng Diyablo; sapagkat ang Diyos ay sumasakaniya.” (Gaw 10:38) Literal na naglakad si Jesus sa buong teritoryong iniatas sa kaniya sa paglilingkod niya kay Jehova at sa mga tao. Hindi lamang iyan, kundi aktuwal niyang ibinigay ang kaniya mismong kaluluwa bilang pantubos para sa iba. Sinabi niya: “Ang Anak ng tao ay dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.”—Mat 20:28.
Mga Ministrong Kristiyano. Sa kaniyang ministeryal na gawain, nagsama si Jesus ng maraming iba pa, mga apostol at mga alagad, na sinanay niya upang ipagpatuloy ang gayunding ministeryal na gawain. Isinugo niya muna ang 12, pagkatapos ay ang 70 iba pa. Sumakanila rin ang aktibong puwersa ng Diyos, anupat nakapagsagawa sila ng maraming himala. (Mat 10:1, 5-15, 27, 40; Luc 10:1-12, 16) Ngunit ang pangunahing gawain na dapat nilang isagawa noon ay ang pangangaral at pagtuturo ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Sa katunayan, ang pinakalayunin ng mga himala ay ang makapagbigay ng pangmadlang katibayan na sila’y inatasan at sinasang-ayunan ni Jehova.—Heb 2:3, 4.
Sinanay ni Jesus ang kaniyang mga alagad kapuwa sa pamamagitan ng salita at ng halimbawa. Hindi lamang siya nagturo nang hayagan kundi maging sa mga pribadong tahanan, anupat tuwirang dinadala sa mga tao ang mabuting balita. (Mat 9:10, 28; Luc 7:36; 8:1; 19:1-6) Batay sa mga ulat na ibinigay ng mga manunulat ng mga Ebanghelyo, maliwanag na naroroon ang mga alagad ni Jesus sa maraming pagkakataon na siya’y nagpatotoo sa iba’t ibang uri ng tao, sapagkat nakatala ang mismong mga pag-uusap nila. Ayon sa aklat ng Mga Gawa, sinunod ng kaniyang mga alagad ang halimbawang iyan, anupat dumadalaw sila sa bahay-bahay upang ipahayag ang mensahe ng Kaharian.—Gaw 5:42; 20:20; tingnan ang MANGANGARAL, PANGANGARAL (“Sa Bahay-bahay”).
Binanggit ni Jesus sa kaniyang mga alagad kung ano ang kahulugan ng pagiging isang tunay na lingkod, o ministro, ng Diyos, sa pagsasabing: “Ang mga hari ng mga bansa ay namamanginoon sa kanila, at yaong mga nagtataglay ng awtoridad sa kanila ay tinatawag na mga Tagapagpala. Gayunman, hindi kayo dapat magkagayon. Kundi siya na pinakadakila sa inyo ay maging gaya ng pinakabata, at ang gumaganap bilang pinuno ay maging gaya ng isang naglilingkod. Sapagkat sino ang mas dakila, ang nakahilig sa mesa o ang naglilingkod? Hindi ba ang nakahilig sa mesa?” Pagkatapos ay ginamit niya ang sarili niyang landasin at paggawi bilang halimbawa at nagpatuloy sa pagsasabi: “Ngunit ako ay nasa gitna ninyo na gaya niyaong naglilingkod.” (Luc 22:25-27) Nang pagkakataong iyon, mariin niyang itinanghal ang mga simulaing ito, pati na ang kapakumbabaan, sa pamamagitan ng paghuhugas sa mga paa ng mga alagad.—Ju 13:5.
Itinawag-pansin pa ni Jesus sa kaniyang mga alagad na ang tunay na mga lingkod, o ministro, ng Diyos ay hindi tumatanggap ng labis na mapamuring relihiyosong mga titulo para sa kanilang sarili, ni iginagawad man nila ito sa iba. “Kayo, huwag kayong patawag na Rabbi, sapagkat iisa ang inyong guro, samantalang lahat kayo ay magkakapatid. Isa pa, huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinuman sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Isa na makalangit. Ni huwag kayong patawag na ‘mga lider,’ sapagkat ang inyong Lider ay iisa, ang Kristo. Ngunit ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod [o, ministro] ninyo. Sinumang nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa, at sinumang nagbababa ng kaniyang sarili ay itataas.”—Mat 23:8-12.
Ang mga pinahirang tagasunod ng Panginoong Jesu-Kristo ay tinutukoy bilang ‘mga ministro ng mabuting balita,’ gaya ni Pablo (Col 1:23); sila rin ay “mga ministro ng isang bagong tipan,” yamang mayroon silang pakikipagtipan sa Diyos na Jehova, anupat si Kristo ang Tagapamagitan. (2Co 3:6; Heb 9:14, 15) Sa ganitong paraan, sila ay mga ministro ng Diyos at ni Kristo. (2Co 6:4; 11:23) Ang kuwalipikasyon nila ay nagmumula sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, hindi sa sinumang tao o organisasyon. Ang katibayan ng kanilang ministeryo ay hindi nakasulat sa isang papel o sertipiko, gaya ng isang liham ng rekomendasyon o awtoridad. Ang kanilang “liham” ng rekomendasyon ay masusumpungan sa mga taong tinuruan at sinanay nila upang maging mga ministro ni Kristo, tulad nila. Tungkol sa bagay na ito, sinabi ng apostol na si Pablo: “Kami ba, marahil, tulad ng ilang tao, ay nangangailangan ng mga liham ng rekomendasyon sa inyo o mula sa inyo? Kayo mismo ang aming liham, nakasulat sa aming mga puso at nakikilala at binabasa ng buong sangkatauhan. Sapagkat nahahayag kayo bilang isang liham ni Kristo na isinulat namin bilang mga ministro, isinulat hindi sa pamamagitan ng tinta kundi sa pamamagitan ng espiritu ng isang Diyos na buháy, hindi sa mga tapyas na bato, kundi sa mga tapyas na laman, sa mga puso.” (2Co 3:1-3) Dito, ipinakikita ng apostol ang pag-ibig, pagkamalapít, magiliw na pagmamahal at pagmamalasakit ng ministrong Kristiyano sa kaniyang mga pinaglilingkuran, yamang sila’y ‘nakasulat sa puso’ ng ministro.
Kaya naman pagkaakyat ni Kristo sa langit, nagbigay siya ng “mga kaloob na mga tao” sa kongregasyong Kristiyano. Kabilang sa mga ito ang mga apostol, mga propeta, mga ebanghelisador, mga pastol, at mga guro, na ibinigay “upang maibalik sa ayos ang mga banal, ukol sa ministeryal na gawain, ukol sa pagpapatibay sa katawan ng Kristo.” (Efe 4:7-12) Ang kanilang kuwalipikasyon bilang mga ministro ay nagmula sa Diyos.—2Co 3:4-6.
Ang Pagsisiwalat o Apocalipsis na ibinigay sa apostol na si Juan ay naglalarawan ng “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” Di-tulad ng mga pinahirang kapatid ni Jesu-Kristo, ang mga ito ay hindi tinutukoy na kabilang sa bagong tipan at sa gayo’y mga ministro nito; gayunpaman, sila’y ipinakikitang may malinis na katayuan sa harap ng Diyos at “nag-uukol sila sa kaniya ng sagradong paglilingkod araw at gabi sa kaniyang templo.” Sa gayo’y naglilingkuran sila at wastong matatawag na mga ministro, o lingkod, ng Diyos. Gaya ng ipinakikita kapuwa ng pangitain sa Apocalipsis at ni Jesus mismo (sa pamamagitan ng ilustrasyon), sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo sa kaniyang maluwalhating trono, magkakaroon ng gayong mga tao na maibigin ding maglilingkod sa mga kapatid ni Jesu-Kristo, anupat tutulong, mag-aasikaso, at aalalay sa mga ito.—Apo 7:9-15; Mat 25:31-40.
Mga Ministeryal na Lingkod sa Kongregasyon. Pagkatapos itala ang mga kahilingan para sa mga maglilingkod bilang “mga tagapangasiwa” (e·piʹsko·poi) sa mga kongregasyon, itinala naman ng apostol na si Pablo ang mga kahilingan para sa mga aatasan bilang “mga ministeryal na lingkod” (di·aʹko·noi). (1Ti 3:1-10, 12, 13) Sa ibang mga talata, ang salitang Griego na di·aʹko·nos ay isinasalin lamang bilang “lingkod” (Mat 20:26; 22:13). Yamang ang lahat ng Kristiyano ay “mga lingkod” (mga ministro) ng Diyos, maliwanag na ang terminong di·aʹko·noi dito ay may isang partikular na diwa, isa na may kaugnayan sa kaayusan at istraktura ng kongregasyon. Kaya naman may dalawang grupo ng mga lalaki na gumaganap ng mga katungkulan sa kongregasyon: ang “mga tagapangasiwa,” o “matatandang lalaki,” at ang “mga ministeryal na lingkod.” Sa bawat kongregasyon, karaniwan nang may ilang tagapangasiwa at ministeryal na lingkod.—Fil 1:1; Gaw 20:17, 28.
Ang talaan ng mga kahilingan para sa mga ministeryal na lingkod kung ihahambing sa talaan ng mga kahilingan para sa mga tagapangasiwa, gayundin ang mga katawagan para sa dalawang posisyong ito, ay nagpapahiwatig na ang mga ministeryal na lingkod ay hindi inatasan ng pananagutang magturo o magpastol (yamang ang isang pastol ay isang tagapangasiwa ng mga tupa). Ang kakayahang magturo ay hindi isang kahilingan sa kanilang atas. Ang mismong katawagang di·aʹko·nos ay nagpapahiwatig na ang mga lalaking ito ay naglilingkod bilang mga katulong ng lupon ng mga tagapangasiwa sa kongregasyon, anupat ang pangunahing pananagutan nila ay ang pag-aasikaso sa mga bagay-bagay na walang kaugnayan sa pagpapastol upang maituon ng mga tagapangasiwa ang kanilang panahon at atensiyon sa gawaing pagtuturo at pagpapastol.
Ang isang halimbawa ng simulaing umuugit sa kaayusang ito ay masusumpungan sa ginawa ng mga apostol nang bumangon ang mga suliranin may kinalaman sa araw-araw na pamamahagi (sa literal, ang paglilingkod, di·a·ko·niʹa) ng panustos na pagkain sa mga Kristiyanong nangangailangan sa Jerusalem. Pagkatapos sabihing hindi ‘kalugud-lugod para sa kanila na iwanan ang salita ng Diyos’ upang magpakaabala sa pag-aasikaso sa mga suliranin hinggil sa materyal na pagkain, tinagubilinan ng mga apostol ang mga alagad na “humanap kayo sa ganang inyo ng pitong lalaking may patotoo mula sa gitna ninyo, puspos ng espiritu at karunungan, upang maatasan namin sila sa mahalagang gawaing ito; ngunit iuukol namin ang aming sarili sa pananalangin at sa ministeryo [di·a·ko·niʹai] ng salita.” (Gaw 6:1-6) Iyan ang simulain; ngunit hindi naman nangangahulugan na ang pitong lalaking pinili, sa kasong ito, ay hindi kuwalipikado bilang “matatandang lalaki” (pre·sbyʹte·roi), sapagkat hindi ito isang normal o pangkaraniwang situwasyon kundi isang pantanging suliranin na bumangon, isang maselang suliranin bunga ng pagkadama na may diskriminasyon dahil sa nasyonalidad. Yamang apektado ang buong kongregasyong Kristiyano, ito ay isang suliranin na nangangailangan ng “espiritu at karunungan,” kaya naman maaaring ang pitong lalaking pinili, sa katunayan, ay “matatandang lalaki” sa espirituwal na diwa. Ngunit noong panahong iyon ay pansamantala silang gaganap ng isang iniatas na gawaing karaniwang ginagampanan ng “mga ministeryal na lingkod.” Iyon ay isang gawaing “mahalaga” ngunit hindi kasinghalaga ng “ministeryo ng salita.”
Sa pagkilos na ito, ang mga apostol ay nagpakita ng wastong pangmalas sa mga bagay-bagay, at maaasahan na ang mga lupon ng mga tagapangasiwa sa mga kongregasyong nabuo sa labas ng Jerusalem ay susunod sa halimbawa nila sa pag-aatas ng mga tungkulin sa “mga ministeryal na lingkod.” Walang alinlangan na maraming mas pisikal, rutin, o mekanikal na bagay ang kinakailangang asikasuhin noon, marahil ay kabilang dito ang pagbili ng materyales para sa pagkopya ng Kasulatan o maging ang pagkopya mismo.
Ang mga kuwalipikasyong dapat matugunan ng mga ministeryal na lingkod ay nagsilbing mga pamantayan na nagsasanggalang sa kongregasyon laban sa anumang lehitimong akusasyon hinggil sa pagpili nito ng mga lalaki para sa partikular na mga tungkulin, sa gayo’y napananatili nito ang matuwid na katayuan sa Diyos at ang isang malinis na reputasyon sa mga tagalabas. (Ihambing ang 1Ti 3:10.) Ang mga kuwalipikasyong ito ay umuugit sa moralidad, paggawi, at espirituwalidad at, kung susundin ang mga ito, ang mga lalaking mapipiling maglingkod ay makatuwiran, matatapat, maiingat, at maaasahan. Yaong mga naglilingkod sa mahusay na paraan ay magtatamo para sa kanilang sarili ng “isang mainam na katayuan at malaking kalayaan sa pagsasalita sa pananampalataya may kaugnayan kay Kristo Jesus.”—1Ti 3:13.
Makalupang mga Tagapamahala. Pinahihintulutan ng Diyos ang mga pamahalaan ng sanlibutang ito na kumilos hanggang sa panahong itinakda niya para wakasan ang mga pamahalaang ito, at pagkatapos nito ay mamamahala ang Kaharian ni Kristo nang hindi matututulan. (Dan 2:44; Apo 19:11-21) Sa panahon ng kanilang ipinahintulot na pamamahala, nagsasagawa sila ng maraming serbisyo para sa mga tao, gaya ng pagpapagawa ng mga lansangan, pagpapatakbo ng mga paaralan, pulisya at kagawaran ng pamatay-sunog, at iba pang mga serbisyo. Mayroon din silang mga batas ukol sa pagpaparusa sa mga magnanakaw, mamamaslang, at iba pang mga manlalabag-batas. Samakatuwid, habang isinasagawa nila ang mga serbisyong ito at makatarungang ipinatutupad ang mga batas na ito, sila ay mga “ministro” (di·aʹko·noi) ng Diyos. Kung may sinuman, kahit na isang Kristiyano, na lalabag sa gayong mga batas, ang kaparusahang tatanggapin niya sa mga kamay ng pamahalaan ay sa di-tuwirang paraan nagmula sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay laban sa lahat ng kabalakyutan. Gayundin, kapag ipinagsasanggalang ng pamahalaan ang isang Kristiyano mula sa mga manlalabag-batas, gumaganap ito bilang ministro ng Diyos. Nangangahulugan ito na kung aabusuhin ng tagapamahala ang kaniyang awtoridad at kikilos siya laban sa Diyos, siya ay mananagot at magsusulit sa Diyos. Kung gigipitin ng gayong balakyot na tagapamahala ang isang Kristiyano na labagin ang kautusan ng Diyos, hindi nga siya kumikilos bilang ministro ng Diyos at siya ay tatanggap ng kaparusahan mula sa Diyos.—Ro 13:1-4.
Mga Bulaang Ministro. May mga taong nag-aangking mga ministro ng Diyos ngunit mga mapagpaimbabaw, anupat sa totoo’y mga ministro ni Satanas na lumalaban sa Diyos. Kinailangang makipaglaban ng apostol na si Pablo sa gayong mga bulaang ministro na nanggugulo sa kongregasyon sa Corinto. Tungkol sa kanila ay sinabi niya: “Ang gayong mga tao ay mga bulaang apostol, mapanlinlang na mga manggagawa, na nag-aanyong mga apostol ni Kristo. At hindi kataka-taka, sapagkat si Satanas mismo ay laging nag-aanyong isang anghel ng liwanag. Kaya nga hindi malaking bagay kung ang kaniyang mga ministro rin ay laging nag-aanyong mga ministro ng katuwiran. Ngunit ang kanilang wakas ay magiging ayon sa kanilang mga gawa.”—2Co 11:13-15.
Ang paglitaw ng gayong mga bulaang ministro ay maraming ulit na inihula sa Kasulatan. Sinabi ni Pablo sa mga tagapangasiwa ng kongregasyon sa Efeso na pag-alis niya, papasok sa gitna ng kongregasyon ang mapaniil na mga lobo at hindi makikitungo nang magiliw sa kawan; magsasalita sila ng mga bagay na pilipit at ilalayo ang mga alagad upang pasunurin sa kanila. (Gaw 20:29, 30) Sa kaniyang mga liham, nagbabala rin si Pablo laban sa gayong apostatang mga ministro (2Te 2:3-12; 1Ti 4:1-5; 2Ti 3:1-7; 4:3, 4); inilarawan sila ni Pedro (2Pe 2:1-3); at inihula mismo ni Jesu-Kristo ang kanilang pag-iral at pagkapuksa (Mat 13:24-30, 36-43).—Tingnan ang TAONG TAMPALASAN.