Musika
Isa sa mga kaloob ng Diyos na magagamit ng tao upang papurihan at pasalamatan ang kaniyang Maylalang at upang ipahayag ang kaniyang damdamin, ang kaniyang lungkot at saya. Noon, ang pag-awit ay partikular na naging prominente sa pagsamba sa Diyos na Jehova, ngunit gumanap din ng mahalagang papel ang musikang tugtugin, o instrumental. Hindi lamang ito isinaliw sa awit ng mga manganganta kundi pinaganda rin nito ang kanilang pag-awit. Kaya naman hindi kataka-taka na mula sa pasimula hanggang sa katapusan nito, maraming pagtukoy sa Bibliya kapuwa sa musikang awitin at sa musikang tugtugin, anupat ang mga ito ay maaaring mayroon o walang kaugnayan sa tunay na pagsamba.—Gen 4:21; 31:27; 1Cr 25:1; Apo 18:22.
Kasaysayan. Sa Bibliya, ang unang pagtukoy sa musika ay nang panahon bago ang Baha, noong ikapitong salinlahi mula kay Adan: “[Kay Jubal] nagpasimula ang lahat niyaong humahawak ng alpa at ng pipa.” Maaaring inilalarawan nito ang pagkakaimbento ng unang mga panugtog o marahil ay ang pagtatatag pa nga ng isang uri ng propesyon ng mga manunugtog.—Gen 4:21.
Noong panahon ng mga patriyarka, waring naging mahalagang bahagi ng buhay nila ang musika, kung ibabatay sa pagnanais ni Laban na mamaalam kay Jacob at sa kaniyang mga anak na babae nang may awitan at tugtugan. (Gen 31:27) Nagkaroon ng awitan na may kasaliw na tugtugan nang ipagdiwang ang pagkaligtas sa Dagat na Pula at ang matagumpay na pagbabalik ni Jepte, ni David, at ni Saul mula sa pakikipagbaka.—Exo 15:20, 21; Huk 11:34; 1Sa 18:6, 7.
Sa dalawang okasyon na dinala ang Kaban patungo sa Jerusalem, kasama noon ang mga manganganta at mga manunugtog. (1Cr 13:8; 15:16) Noong mga huling taon ng buhay ni David, pinatnubayan ni Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang mga propetang sina Natan at Gad, ang pagtatatag ng organisasyong pangmusika para sa santuwaryo.—1Cr 23:1-5; 2Cr 29:25, 26.
Sa templo ni Solomon lubusang gumana ang organisasyong pangmusika na sinimulan ni David. Makikita ang karingalan at pagkakasari-sari ng musika noong ialay ang templo sa dahilang ang mga manunugtog pa lamang ng trumpeta ay 120 na. (2Cr 5:12, 13) Ngunit nang magpabaya ang bansa sa kanilang katapatan kay Jehova, naapektuhan ang lahat ng aspekto ng tunay na pagsamba, pati na ang musika. Gayunman, nang isagawa ng mga haring sina Hezekias at Josias ang kanilang mga reporma, at nang bumalik ang mga Judio mula sa pagkatapon sa Babilonya, gumawa ng mga pagsisikap upang muling itatag ang kaayusan sa musika na sinabi ni Jehova na nais niya. (2Cr 29:25-28; 35:15; Ezr 3:10) Nang maglaon, noong pasinayaan ni Nehemias ang pader ng Jerusalem, nakaragdag nang malaki sa kagalakan ng okasyon ang mga Levitang mang-aawit na sinaliwan ng lahat ng iba’t ibang uri ng panugtog. (Ne 12:27-42) Bagaman wala nang sinasabi pa ang Kasulatan tungkol sa musika may kaugnayan sa pagsamba sa templo pagkaraan ng panahon ni Nehemias, binabanggit naman sa ibang mga rekord, gaya ng Talmud, na ang musika ay ginagamit sa templo hanggang noong wasakin ang Jerusalem noong 70 C.E.
Gaano karami ang mga tauhan na naglaan ng musika sa templo sa Jerusalem?
Kaugnay ng mga paghahanda para sa templo ni Jehova, ibinukod ni David ang 4,000 Levita para sa paglilingkod bilang mga mang-aawit at mga manunugtog. (1Cr 23:4, 5) Sa mga ito, 288 ang “sinanay sa pag-awit kay Jehova, ang lahat ay mga bihasa.” (1Cr 25:7) Ang buong kaayusan ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng tatlong mahuhusay na manunugtog, sina Asap, Heman, at Jedutun (lumilitaw na nagngangalan ding Etan). Yamang ang bawat isa sa mga lalaking ito ay inapo ng isa sa tatlong anak ni Levi na sina Gersom (ninuno ni Asap), Kohat (ninuno ni Heman), at Merari (ninuno ni Jedutun), kung gayon, nagkaroon ng kinatawan ang tatlong pangunahing Levitang pamilya sa organisasyong pangmusika ng templo. (1Cr 6:16, 31-33, 39-44; 25:1-6) Ang mga anak ng tatlong lalaking ito ay may kabuuang bilang na 24, na pawang kabilang sa nabanggit na 288 dalubhasang manunugtog. Sa pamamagitan ng palabunutan, bawat anak ay inatasang maging ulo ng isang pangkat ng mga manunugtog. Sa ilalim ng kaniyang pangunguna, mayroon pang 11 “bihasa,” na pinili naman mula sa sarili niyang mga anak gayundin sa iba pang mga Levita. Sa ganitong paraan, ang 288 ([1 + 11] × 24 = 288) bihasang Levitang manunugtog, tulad ng mga saserdote, ay pinagbukud-bukod sa 24 na grupo. Kung hahati-hatiin sa gayong paraan ang lahat ng natitirang 3,712 “nag-aaral,” sa katamtaman ay madaragdagan ng mga 155 ang bawat isa sa 24 na pangkat, anupat nangangahulugang sa bawat “bihasa” ay may nakaatas na mga 13 Levita sa iba’t ibang yugto ng edukasyon at pagsasanay sa musika. (1Cr 25:1-31) Yamang mga saserdote ang mga manunugtog ng trumpeta, magiging karagdagan pa sila sa bilang ng mga Levitang manunugtog.—2Cr 5:12; ihambing ang Bil 10:8.
Musikang Tugtugin, o Instrumental. Kaunting-kaunting impormasyon ang ibinibigay ng Bibliya may kinalaman sa hugis o kayarian ng mahigit sa isang dosenang iba’t ibang panugtog na binabanggit nito. Dahil dito, ang pangunahing pinagbabatayan ng karamihan sa mga iskolar ay ang mga natuklasan ng mga arkeologo tungkol sa mga panugtog na ginagamit sa makabagong-panahong mga bansa na nasa palibot. Gayunman, maaaring hindi laging mapagkakatiwalaan ang giyang ito, yamang noon, waring mas mahusay ang Israel sa musika kung ihahambing sa kaniyang mga kalapit na bayan. Karagdagan pa, iniuugnay ng ilan ang iba’t ibang panugtog sa Kasulatan sa mga panugtog na ginagamit sa makabagong panahon sa Gitnang Silangan, mga panugtog na diumano’y may sinaunang pinagmulan. Ngunit ito man ay pala-palagay lamang.
Ang mga panugtog sa Bibliya ay maaaring pagpangkat-pangkatin gaya ng sumusunod:
De-kuwerdas: alpa, laud, sitara.
Hinihipan: gaita, (posibleng) nehilot, pipa, plawta, tambuli, trumpeta.
Pinupukpok: simbalo, sistro, tamburin.
Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang indibiduwal na mga artikulo tungkol sa nabanggit na mga panugtog.
Walang dahilan upang maniwala na hindi pulido ang disenyo, pagkakayari, o tunog ng mga panugtog noon sa Israel. Sinasabi ng Bibliya na ang mga alpa at mga panugtog na de-kuwerdas para sa templo ay gawa sa pinakapiling kahoy ng algum na inangkat pa mula sa ibang lugar; ang mga trumpeta naman ay yari sa pilak. (1Ha 10:11, 12; Bil 10:2) Walang alinlangan na ang pinakabihasang mga manggagawa ang ginamit sa paggawa ng mga panugtog sa templo.
Kapuwa ang Kasulatan at ang di-Biblikal na mga manuskritong ginawa bago ang Karaniwang Panahon ay nagpapatotoo sa kalidad ng mga panugtog na iyon, gayundin sa kahusayan ng mga manunugtog na Israelita. Sinasabi sa Dead Sea Scrolls na may mga trumpeta na tinakdaan ng sari-sari at masasalimuot na hudyat na patutunugin nang “waring sa pamamagitan ng iisang bibig.” Mangangailangan ito hindi lamang ng dalubhasang mga manunugtog kundi ng mga panugtog din na maaaring itono upang magkatugma-tugma. Ipinakikita ng kinasihang ulat na naging napakaayos ng musika noong pasinayaan ang templo ni Solomon: ‘Ang [isang daan at dalawampung] mga manunugtog ng trumpeta at ang mga mang-aawit ay nagkaisa sa pagpaparinig ng isang tunog.’—2Cr 5:12, 13.
Apat na uri ng panugtog lamang ang tiyakang itinatala ng Bibliya bilang bahagi ng orkestra ng templo: trumpeta, alpa, panugtog na de-kuwerdas (sa Heb., neva·limʹ), at simbalo. Bagaman tila hindi ito kumpletong orkestra kung ibabatay sa makabagong mga pamantayan, hindi naman ito nilayong maging isang symphony orchestra, kundi bilang saliw lamang sa pag-awit sa templo. Ang gayong kombinasyon ng mga panugtog ay angkop na angkop sa ganitong layunin.—2Cr 29:25, 26; Ne 12:27, 41, 42.
Tungkol sa mga panahon ng pagpapatunog sa sagradong mga panugtog na ito, binabanggit ng Kasulatan ang sumusunod may kaugnayan sa mga trumpeta: “Sa araw ng inyong pagsasaya at sa inyong mga kapanahunan ng pista at sa mga pasimula ng inyong mga buwan, hihipan ninyo ang mga trumpeta sa harap ng inyong mga handog na sinusunog at ng inyong mga haing pansalu-salo.” (Bil 10:10) Nang maitatag na ang organisasyong pangmusika ng templo, malamang na inilakip sa mga trumpeta ang iba pang mga panugtog sa panahon ng gayong mga kapistahan at sa iba pang pantanging mga okasyon. Ang konklusyong ito, gayundin ang pamamaraang sinunod hinggil sa musika, ay waring ipinahihiwatig ng pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari na inilarawang naganap nang isauli ni Haring Hezekias ang mga sagradong paglilingkod matapos niyang linisin ang templo: “Nang sandaling pasimulan ang handog na sinusunog, ang awit kay Jehova ay nagsimula at gayundin ang mga trumpeta, sa ilalim nga ng pangunguna ng mga panugtog ni David na hari ng Israel. At ang buong kongregasyon ay yumuyukod habang ang awit ay umaalingawngaw at ang mga trumpeta ay tumutunog nang malakas—ang lahat ng ito ay hanggang sa matapos ang handog na sinusunog.” (2Cr 29:27, 28) Ang bagay na ang mga trumpeta ay nasa ‘ilalim ng pangunguna ng mga panugtog ni David’ ay waring nangangahulugan na ang tunog na nalikha ng mga manunugtog ng trumpeta ay nagsilbing kapupunan ng ibang mga panugtog sa halip na mangibabaw sa mga iyon. Ang buong kalipunan ng mga manunugtog ay nakaposisyon “sa dakong silangan ng altar.”—2Cr 5:12.
Musikang Inaawit. Mga lalaking Levita lamang ang mga mang-aawit noon sa templo. Hindi Ec 2:8) na walang mga babaing mang-aawit sa koro. Palibhasa’y pinagbabawalan ang mga babae na pumasok man lamang sa ilang bahagi ng templo, talagang imposibleng magkaroon sila ng anumang opisyal na posisyon doon.—2Cr 5:12; Ne 10:39; 12:27-29.
kailanman sinasabi sa Kasulatan na nagkaroon ng mga babaing manganganta sa templo. Malinaw na ipinakikita ng isa sa mga Targum (tungkol saItinuring na napakahalaga ang pag-awit sa templo. Makikita ito sa maraming pagtukoy ng Kasulatan sa mga mang-aawit at sa ‘pagpapalaya sa kanila mula sa tungkulin’ na karaniwan sa ibang mga Levita upang lubusan nilang maiukol ang kanilang sarili sa kanilang paglilingkod. (1Cr 9:33) Ang pagtatala sa kanila nang bukod sa gitna niyaong mga bumalik mula sa Babilonya ay nagdiriin sa kahalagahan ng pagpapatuloy nila bilang isang pantanging pangkat ng mga Levita. (Ezr 2:40, 41) Maging ang awtoridad ng Persianong hari na si Artajerjes (Longimanus) ay ginamit para sa kanilang kapakanan, anupat pinalibre sila, kasama ng iba pang mga pantanging pangkat, mula sa ‘buwis, tributo, at singil.’ (Ezr 7:24) Nang maglaon, iniutos ng hari na dapat magkaroon ng “takdang paglalaan para sa mga mang-aawit ayon sa pangangailangan sa bawat araw.” Bagaman si Artajerjes ang kinikilalang nagbigay ng utos na ito, malamang na si Ezra ang nagpalabas niyaon salig sa kapangyarihang ipinagkaloob sa kaniya ni Artajerjes. (Ne 11:23; Ezr 7:18-26) Sa gayon, mauunawaan natin kung bakit tinutukoy ng Bibliya ang mga mang-aawit bilang isang pantanging kalipunan, anupat binabanggit “ang mga mang-aawit at ang mga Levita,” bagaman mga Levita rin sila.—Ne 7:1; 13:10.
Bukod sa pagsamba sa templo, may iba pang mga mang-aawit, kapuwa mga lalaki at mga babae, na binabanggit sa Kasulatan. Halimbawa, nariyan ang mga mang-aawit na lalaki at babae na tinutustusan noon ni Solomon sa kaniyang korte; gayundin ang mga 200 mang-aawit na lalaki’t babae na bumalik mula sa Babilonya, bukod pa sa mga Levitang manunugtog. (Ec 2:8; Ezr 2:65; Ne 7:67) Ang mga di-Levitang mang-aawit na ito, na karaniwan sa Israel, ay ginagamit noon hindi lamang upang higit na mapasigla ang iba’t ibang masasayang okasyon kundi upang umawit din ng mga panambitan sa mga panahon ng pamimighati. (2Sa 19:35; 2Cr 35:25; Jer 9:17, 20) Waring ang kaugalian ng pag-upa ng propesyonal na mga manunugtog sa mga panahon ng kagalakan at ng kalungkutan ay nagpatuloy hanggang noong panahong naririto si Jesus sa lupa.—Mat 11:16, 17.
Bagaman ang musika ay hindi gaanong prominente sa Kristiyanong Griegong Kasulatan kung ihahambing sa maraming pagtukoy rito sa Hebreong Kasulatan, binigyang-pansin din naman ito sa bahaging iyon ng Kasulatan. Sa Griegong Kasulatan, ang musikang tugtugin may kaugnayan sa tunay na pagsamba ay sa makasagisag na diwa lamang binabanggit (Apo 14:2); gayunman, waring ang pag-awit ay pangkaraniwan sa gitna ng mga lingkod ng Diyos. Halimbawa, si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay umawit ng mga papuri pagkatapos ng Hapunan ng Panginoon. (Mar 14:26) Inilahad ni Lucas ang pag-awit nina Pablo at Silas sa loob ng bilangguan, at pinasigla ni Pablo ang kaniyang mga kapananampalataya na umawit ng mga awit ng papuri kay Jehova. (Gaw 16:25; Efe 5:18, 19; Col 3:16) Ang pananalita naman ni Pablo sa 1 Corinto 14:15 may kinalaman sa pag-awit ay waring nagpapahiwatig na isa itong regular na bahagi ng pagsambang Kristiyano. Nang itala ni Juan ang kaniyang kinasihang pangitain, sinabi niya na ang iba’t ibang makalangit na nilalang ay umaawit sa Diyos at kay Kristo.—Apo 5:8-10; 14:3; 15:2-4.
Katangian ng Musika sa Bibliya. Dahil mas mataas ang antas ng moralidad ng mga Israelita at mas mahusay ang kanilang panitikan, gaya ng makikita sa mga tula at prosa ng Hebreong Kasulatan, malamang na ang musika ng sinaunang Israel ay nakahihigit din kaysa sa musika ng mga bansang kapanahon nito. Walang alinlangan na ang inspirasyon sa musika ng Israel ay lubhang mas marangal kaysa sa inspirasyon sa musika ng karatig na mga bansa. Kapansin-pansin ang isang Asiryanong bahorelyebe kung saan ipinakikita si Haring Senakerib na sumisingil kay Haring Hezekias ng tributo na binubuo kapuwa ng mga lalaki at mga babaing manunugtog.—Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 288.
Matagal nang naniniwala ang ilan na ang musika ng mga Hebreo ay puro melodya at walang armonya. Gayunman, ang pagiging prominente ng alpa at ng iba pang mga panugtog na de-kuwerdas sa Israel ay lubusang nagpapabulaan sa palagay na ito. Mahirap isipin na ang isang manunugtog ay gagamit ng isang panugtog na maraming kuwerdas at hindi niya mapapansin na kaayaaya ang kombinasyon ng partikular na mga tono o na ang isang espesipikong serye ng mga nota gaya sa isang arpeggio ay nakalilikha ng kaayaayang tunog. Si Curt Sachs, isang may-kabatirang mapagkukunan ng impormasyon hinggil sa kasaysayan ng musika, ay nagsabi: “Hindi kapani-paniwala ang malalim-ang-pagkakaugat na maling akala na ang armonya at polyphony [kombinasyon ng dalawa o higit pang mga bahagi ng musika o mga boses] ay pantanging pag-aari ng Edad-Medyang Kanluran at makabagong Kanluran.” Sinabi pa niya na kahit sa mga primitibong kultura, maraming halimbawa ng musika sa mga interval na kinta, kwarta, tersera gayundin sa mga oktaba ang masusumpungan, at na sa gitna ng mga
taong ito, pati na sa ilang tribong Pygmy, ang nagpapang-abot na antiphony (halinhinang pag-awit ng dalawang pangkat ng mga manganganta) ay nauwi sa regular na pag-awit sa istilong canon.Batay sa isang pambuong-daigdig na pananaliksik, iniharap ni Sachs ang konklusyon na “ang mga koro at mga orkestra na nauugnay sa Templo sa Jerusalem ay nagpapahiwatig ng mataas na pamantayan ng edukasyon, kasanayan, at kaalaman sa musika.” Nagpatuloy siya: “Mahalagang kilalanin na ang musika ng sinaunang Kanluraning Silangan ay ibang-iba sa inaakala ng mga mananalaysay ng ikalabinsiyam na siglo. . . . Bagaman hindi natin alam kung ano ang tunog ng sinaunang musikang iyan, mayroon tayong sapat na katibayan hinggil sa kapangyarihan, dignidad, at kagalingan niyaon.”—The Rise of Music in the Ancient World: East and West, 1943, p. 48, 101, 102.
Isang kahawig na konklusyon ang ipinahihiwatig ng Kasulatan. Bilang halimbawa, ang pananalitang “Sa [Para sa] tagapangasiwa” (NW; AT) ay mahigit sa 30 ulit na lumilitaw sa mga superskripsiyon ng Mga Awit. (Aw 11, at iba pa) Ang ibang mga salin naman ay kababasahan ng “tagapangasiwa ng koro” (Kx; JB; Mo; RS), “Pangulong Manunugtog” (AS), “Punong Manunugtog” (KJ; Le; Ro), at “Tagapangasiwa ng Banda” (Fn). Waring ang terminong Hebreo ay tumutukoy sa isa na sa paanuman ay nangangasiwa sa paraan ng pag-awit, sa pagsasaayos nito, sa pag-eensayo at pagsasanay sa mga Levitang mang-aawit, o sa opisyal na pag-awit dito. Marahil ay ipinatutungkol ito sa pinuno ng bawat isa sa 24 na grupo ng mga manunugtog sa santuwaryo, o maaaring isa sa mahuhusay na manunugtog, yamang sinasabi ng ulat na sila ay ‘gaganap bilang mga tagapangasiwa.’ (1Cr 15:21; 25:1, 7-31) Sa mga 20 iba pang Awit, mas espesipiko pa ang pagtukoy ng mga superskripsiyon sa “mga tagapangasiwa”: “Sa tagapangasiwa ng mga panugtog na de-kuwerdas,” “Sa tagapangasiwa sa mababang oktaba,” at iba pa. (Aw 4, 12, at iba pa; tingnan ang SEMINIT.) Karagdagan pa, tinutukoy rin ng Kasulatan ang “mga ulo ng mga mang-aawit,” “mga bihasa,” at mga “nag-aaral.” Ang mga ito ay pawang nagpapatotoo sa isang mataas na pamantayan ng musika.—Ne 12:46; 1Cr 25:7, 8.
Waring ang karamihan sa mga panggrupong pag-awit sa Israel noon ay sa istilong antiphony, anupat maaaring dalawang kalahati ng koro ang naghahalinhinan sa pag-awit ng magkakatulad na mga linya, o isang soloista at isang sumasagot na koro ang naghahalinhinan. Sa Kasulatan, lumilitaw na tinutukoy ito bilang ‘pagtugon.’ (Exo 15:21; 1Sa 18:6, 7) Ang ganitong uri ng pag-awit ay ipinahihiwatig ng mismong pagkakasulat ng ilan sa mga awit, gaya ng Awit 136. Ang paglalarawan sa dalawang malalaking koro ng pasasalamat noong panahon ni Nehemias at sa bahaging kanilang ginampanan noong pasinayaan ang pader ng Jerusalem ay nagpapahiwatig na ganitong istilo ng pag-awit ang ginawa nila.—Ne 12:31, 38, 40-42; tingnan ang AWIT.
Ang chanting naman ay masasabing nasa pagitan ng pag-awit at ng pagsasalita. Ang tono nito ay halos hindi nagbabago at paulit-ulit, anupat ritmo ang idiniriin. Bagaman popular pa rin ang chanting sa ilan sa mga pangunahing relihiyon ng daigdig, sa Bibliya, waring ginagamit lamang ito sa mga panambitan, gaya noong si David ay manambitan dahil sa pagkamatay ng kaniyang kaibigang si Jonatan at ni Haring Saul. (2Sa 1:17; 2Cr 35:25; Eze 27:32; 32:16) Tanging sa panambitan o panaghoy mas magandang gamitin ang istilong chanting sa halip na ang melodya ng musika o ang modulasyon at pagdiriin ng karaniwang pagsasalita.—Tingnan ang PANAMBITAN.