Nabonido
[mula sa wikang Babilonyo na nangangahulugang “Si Nebo [isang diyos ng Babilonya] ay Dakila”].
Huling kataas-taasang monarka ng Imperyo ng Babilonya; ama ni Belsasar. Salig sa mga tekstong cuneiform, ipinapalagay na namahala siya nang mga 17 taon (556-539 B.C.E.). Mahilig siya sa panitikan, sining, at relihiyon.
Sa kaniyang sariling mga inskripsiyon ay inaangkin ni Nabonido na nagmula siya sa maharlikang angkan. Ang isang tapyas na natagpuan malapit sa sinaunang Haran ay nagpapakita na ang ina o lola ni Nabonido ay isang deboto ng diyos-buwan na si Sin. (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 311, 312) Bilang hari, si Nabonido ay nagpakita ng matinding debosyon sa pagsamba sa diyos-buwan, kapuwa sa Haran at sa Ur, kung saan prominente ang diyos na ito.—LARAWAN, Tomo 2, p. 324.
Itinatala ng mga tapyas na cuneiform ng ikawalong taon ni Nabucodonosor (Nisan 617-Nisan 616 B.C.E.) ang isang Nabu-naʼid bilang ang isa na “namamahala sa lunsod,” at naniniwala ang ilang istoryador na ito rin ang Nabonido na nang maglaon ay naging hari. Gayunman, mangangahulugan ito na napakabata pa ni Nabonido nang ilagay sa gayong administratibong posisyon at lilitaw na napakatanda na niya nang bumagsak ang Babilonya, mga 77 taon pagkaraan nito (539 B.C.E.).
Sa pagtalakay sa mga pangyayari noong ika-20 taon ni Nabucodonosor (Nisan 605-Nisan 604 B.C.E.), inilalarawan ng Griegong istoryador na si Herodotus (I, 74) ang isang kasunduan sa pagitan ng mga Lydiano at mga Medo na ang nagsilbing tagapamagitan ay si “Labynetus na Babilonyo.” Ang Labynetus ay itinuturing na siyang paraan ng pagsulat ni Herodotus ng pangalan ni Nabonido. Nang maglaon, sinasabi ni Herodotus (I, 188) na si Ciro na Persiano ay nakipaglaban sa anak nina Labynetus at Nitocris.
Sa isang aklat ng Yale Oriental Series na pinamagatang Nabonidus and Belshazzar, isinusulong ni Propesor R. P. Dougherty ang ideya na si Nitocris ang anak na babae ni Nabucodonosor at sa gayon, si Nabonidus (Labynetus) ay manugang ni Nabucodonosor. (1929, p. 63; tingnan din ang p. 17, 30.) Batay naman dito, ang “anak” nina Nitocris at Nabonido (Labynetus), na binanggit ni Herodotus, ay ipinapalagay na si Belsasar, na talagang dinigma ni Ciro. Bagaman salig sa maraming panghihinuha, maaaring ipaliwanag ng argumentong ito ang dahilan ng pagluklok ni Nabonido sa trono ng Babilonya. Makakasuwato rin ito ng pagtukoy ng Bibliya kay Nabucodonosor bilang “ama” ng anak ni Nabonido na si Belsasar (Dan 5:11, 18, 22), yamang kung minsan ang terminong “ama” ay nangangahulugang lolo o ninuno. Batay sa pangmalas na ito, si Belsasar ay apo ni Nabucodonosor.—Gayunman, tingnan ang BELSASAR.
Ang pagluklok ni Nabonido sa trono ay kasunod ng pagpaslang kay Labashi-Marduk. Gayunman, sa isa sa mga inskripsiyon ni Nabonido, tinutukoy niya ang kaniyang sarili bilang “ang makapangyarihang kinatawan” nina Nabucodonosor at Neriglissar, anupat ipinahihiwatig na natamo niya ang trono sa lehitimong paraan at na hindi siya nang-agaw ng kapangyarihan.
Sa maraming prisma ay iniuugnay ni Nabonido ang panganay niyang anak, si Belsasar, sa kaniyang sarili sa mga panalangin niya sa diyos-buwan. (Documents From Old Testament Times, inedit ni D. W. Thomas, 1962, p. 73) Ipinakikita ng isang inskripsiyon na noong kaniyang ikatlong taon, bago siya lumabas sa isang kampanya na humantong sa pananakop sa Tema sa Arabia, inatasan ni Nabonido si Belsasar na maging hari sa Babilonya. Ipinahihiwatig ng teksto ring iyon na nagalit kay Nabonido ang mga tao sa kaniyang imperyo dahil iniuukol lamang niya ang kaniyang pagsamba sa diyos-buwan at dahil hindi siya nagpunta sa Babilonya upang ipagdiwang ang kapistahan ng Bagong Taon. Ang dokumentong tinatawag na Nabonidus Chronicle ay nagsasabi na noong ika-7, ika-9, ika-10, at ika-11 taon ng kaniyang paghahari, si Nabonido ay nasa lunsod ng Tema, at sa bawat kaso ay binabanggit ang pananalitang ito: “Ang hari ay hindi dumating sa Babilonya [para sa mga seremonya ng buwan ng Nisanu]; ang (imahen ng) diyos na si Nebo ay hindi dumating sa Babilonya, ang (imahen ng) diyos na si Bel ay hindi lumabas (ng Esagila sa prusisyon), ang kapista[han ng Bagong Taon ay hindi ipinagdiwang].” (Ancient Near Eastern Texts, p. 306) Dahil may mga sira ang teksto, ang rekord ng iba pang mga taon ay hindi kumpleto.
Tungkol sa oasis na lunsod ng Tema ay nakaulat sa ibang teksto: “Pinaganda niya ang bayan, itinayo (roon) [ang kaniyang palasyo] tulad ng palasyo sa
Su·an·na (Babilonya).” (Ancient Near Eastern Texts, p. 313) Lumilitaw na itinayo ni Nabonido ang kaniyang maharlikang tirahan sa Tema, at ipinakikita ng iba pang mga teksto na ang mga pulutong na nakasakay sa kamelyo ay nagdadala roon ng mga panustos mula sa Babilonia. Bagaman hindi binibitiwan ang kaniyang posisyon bilang hari ng imperyo, ipinagkatiwala ni Nabonido kay Belsasar ang pangangasiwa sa pamahalaan ng Babilonya. Yamang ang Tema ay isang salubungang lunsod na nasa sinaunang mga ruta ng mga pulutong na naglalakbay at dito dinadala noon ang ginto at mga espesya na dumaraan sa Arabia, ang interes dito ni Nabonido ay maaaring may kaugnayan sa ekonomiya o maaaring para sa estratehiyang militar. Ipinapalagay rin ng ilan na itinuring niyang makabubuti sa pulitikal na paraan kung pangangasiwaan niya ang mga bagay-bagay sa Babilonya sa pamamagitan ng kaniyang anak. Ang iba pang mga salik, gaya ng kaayaayang klima ng Tema at ng pagiging prominente sa Arabia ng pagsamba sa buwan, ay isinaalang-alang din bilang posibleng mga motibo kung bakit waring mas gusto ni Nabonido ang Tema.Walang makukuhang impormasyon tungkol sa mga gawain ni Nabonido sa pagitan ng kaniyang ika-12 taon at ng kaniyang huling taon. Palibhasa’y inaasahan ni Nabonido ang pagsalakay ng mga Medo at mga Persiano sa ilalim ni Cirong Dakila, nakipag-alyansa siya sa Imperyo ng Lydia at sa Ehipto. Ipinakikita ng Nabonidus Chronicle na nakabalik na si Nabonido sa Babilonya noong taóng sumalakay ang Medo-Persia, samantalang ipinagdiriwang ang kapistahan ng Bagong Taon at dinadala sa lunsod ang iba’t ibang diyos ng Babilonia. May kinalaman sa paglusob ni Ciro, sinasabi ng Chronicle na pagkatapos ng isang tagumpay sa Opis, nabihag niya ang Sippar (mga 60 km [37 mi] sa H ng Babilonya) at “tumakas si Nabonido.” Pagkatapos ay sinundan ito ng ulat ng pananakop ng Medo-Persia sa Babilonya, at sinasabi na pagbalik doon ni Nabonido ay ibinilanggo siya. (Ancient Near Eastern Texts, p. 306) Inilalahad ng mga isinulat ni Berossus, isang Babilonyong saserdote noong ikatlong siglo B.C.E., na lumabas si Nabonido upang makipagbaka sa mga hukbo ni Ciro ngunit natalo siya. Sinasabi pa nito na nanganlong si Nabonido sa Borsippa (sa TTK ng Babilonya) at na, matapos bumagsak ang Babilonya, sumuko si Nabonido kay Ciro at pagkatapos ay ipinatapon siya sa Carmania (sa timugang Persia). Makakatugma ng ulat na ito ang rekord ng Bibliya sa Daniel kabanata 5, na nagpapakitang si Belsasar ang gumaganap na hari sa Babilonya noong panahong bumagsak ito.
Tungkol sa kawalan ng anumang tuwirang pagbanggit kay Nabonido sa kabanata 5 ng Daniel, mapapansin na ang paglalarawan ni Daniel ay tumatalakay sa iilang pangyayari lamang bago bumagsak ang Babilonya, at ang aktuwal na pagguho ng imperyo ay inilalahad sa iilang salita lamang. Gayunman, ang kaniyang pamamahala ay waring tinutukoy sa Daniel 5:7, 16, 29, kung saan inalok ni Belsasar si Daniel na maging ikatlong tagapamahala sa kaharian, anupat ipinahihiwatig na si Nabonido ang una at si Belsasar ang ikalawa. Kaya si Propesor Dougherty ay nagkomento: “Ang ikalimang kabanata ng Daniel ay maituturing na kaayon ng katotohanan sa hindi pagbibigay ng anumang dako kay Nabonido sa salaysay, sapagkat waring hindi siya nagkaroon ng bahagi sa mga pangyayaring naganap nang si Gobryas [na nangunguna sa hukbo ni Ciro] ay pumasok sa lunsod.”—Nabonidus and Belshazzar, p. 195, 196; tingnan din ang p. 73, 170, 181; tingnan ang Dan 5:1, tlb sa Rbi8.
Ano ang aktuwal na nilalaman ng Nabonidus Chronicle?
Ito ay isang piraso ng tapyas na luwad na tinatawag ding “Cyrus-Nabonidus Chronicle” at “The Annalistic Tablet of Cyrus,” at iniingatan ngayon sa British Museum. Pangunahin nang inilalarawan nito ang tampok na mga pangyayari noong naghahari si Nabonido, ang huling kataas-taasang monarka ng Babilonya, lakip ang isang maikling ulat ng pagbagsak ng Babilonya sa mga hukbo ni Ciro. Bagaman walang alinlangang ito ay orihinal na nagmula sa Babilonya at isinulat sa sulat na cuneiform ng Babilonya, sinasabi ng mga iskolar na sumuri sa istilo ng sulat nito na ito ay maaaring mula pa noong panahon ng yugtong Seleucido (312-65 B.C.E.), anupat dalawang siglo o higit pa pagkamatay ni Nabonido. Ipinapalagay ng ilan na malamang na ito’y kopya ng isang mas naunang dokumento. Lubhang niluluwalhati ng kronikang ito si Ciro samantalang minamaliit naman si Nabonido kung kaya ipinapalagay na ito’y isinulat ng isang eskribang Persiano, at sa katunayan ay tinutukoy ito bilang “propagandang Persiano.” Magkagayunman, nadarama ng mga istoryador na ang taglay nitong kaugnay na datos ay mapananaligan.
Bagaman maikli lamang ang Nabonidus Chronicle—ang tapyas ay may sukat na mga 14 na sentimetro (5.5 pulgada) sa pinakamalapad na bahagi nito at mga gayundin ang haba—ito pa rin ang pinakakumpletong rekord na cuneiform tungkol sa pagbagsak ng Babilonya. Sa ikatlo sa apat na tudling nito, pasimula sa linya 5, ang mahahalagang seksiyon ay nagsasabi: “[Ikalabimpitong taon:] . . . Noong buwan ng Tashritu, nang salakayin ni Ciro ang hukbo ng Akkad sa Opis na nasa Tigris, ang mga naninirahan sa Akkad ay naghimagsik, ngunit
pinagpapatay niya (Nabonido) ang nalilitong mga naninirahan doon. Ika-14 na araw, ang Sippar ay nabihag nang walang pagbabaka. Tumakas si Nabonido. Ika-16 na araw, si Gobryas (Ugbaru), gobernador ng Gutium at ang hukbo ni Ciro ay pumasok sa Babilonya nang walang pagbabaka. Pagkatapos ay inaresto si Nabonido sa Babilonya nang bumalik siya (roon). . . . Noong buwan ng Arahshamnu, nang ika-3 araw, pumasok si Ciro sa Babilonya, maliliit na luntiang sanga ang inilatag sa harap niya—ang kalagayan ng ‘Kapayapaan’ (sulmu) ay pinairal sa lunsod.”—Ancient Near Eastern Texts, p. 306.Mapapansin na ang pariralang “Ikalabimpitong taon” ay hindi lumilitaw sa tapyas, yamang ang bahaging iyon ng teksto ay nasira. Ang pariralang ito ay isinisingit ng mga tagapagsalin sapagkat naniniwala sila na ang ika-17 opisyal na taon ng paghahari ni Nabonido ang huling taon niya. Kaya ipinapalagay nila na bumagsak ang Babilonya sa taóng iyon ng kaniyang paghahari at na, kung hindi nasira ang tapyas, ang mga salitang iyon ang makikita sa bahagi na sira na ngayon. Kahit na ang paghahari ni Nabonido ay mas mahaba pa kaysa sa karaniwang inaakala, hindi nito mababago ang kinikilalang petsa na 539 B.C.E. bilang taon ng pagbagsak ng Babilonya, sapagkat may iba pang mga mapagkukunan ng impormasyon na tumutukoy sa taóng iyon. Gayunman, ang salik na ito ay waring nakababawas sa kahalagahan ng Nabonidus Chronicle.
Bagaman wala roon ang taon, naroon naman sa nalalabing teksto ang buwan at araw ng pagbagsak ng lunsod. Sa paggamit ng mga ito, kinakalkula ng sekular na mga kronologo na ang ika-16 na araw ng Tashritu (Tisri) ay pumapatak ng Oktubre 11, sa kalendaryong Julian, at Oktubre 5, sa kalendaryong Gregorian, noong taóng 539 B.C.E. Yamang ang petsang ito ay kinikilala, anupat walang katibayan na salungat dito, ito ay magagamit bilang isang saligang petsa sa pagtutugma ng sekular na kasaysayan sa kasaysayan sa Bibliya.—Tingnan ang KRONOLOHIYA.
Kapansin-pansin na sinasabi ng Chronicle may kinalaman sa gabi ng pagbagsak ng Babilonya: “Ang hukbo ni Ciro ay pumasok sa Babilonya nang walang pagbabaka.” Ito’y malamang na nangangahulugang hindi nagkaroon ng malaking labanan at kaayon ng hula ni Jeremias na ‘ang makapangyarihang mga lalaki ng Babilonya ay titigil sa paglaban.’—Jer 51:30.
Kapansin-pansin din ang maliwanag na mga pagtukoy kay Belsasar sa Chronicle. Bagaman si Belsasar ay hindi espesipikong binanggit, batay sa huling mga bahagi ng Chronicle (tud. II, linya 5, 10, 19, 23), sinasabi ni Sidney Smith, sa kaniyang Babylonian Historical Texts: Relating to the Capture and Downfall of Babylon (London, 1924, p. 100), na ang tudling 1, linya 8, ay nagpapakitang ipinagkatiwala ni Nabonido ang paghahari kay Belsasar, anupat pinaghari niya ito nang kasabay niya. Paulit-ulit na sinasabi ng Chronicle na ang ‘tagapagmanang prinsipe ay nasa Akkad [Babilonia]’ samantalang si Nabonido mismo ay nasa Tema (sa Arabia). Bagaman hindi binabanggit sa Nabonidus Chronicle ang pangalan ni Belsasar ni tinukoy man doon ang kamatayan nito, hindi ito nangangahulugan na mapag-aalinlanganan ang pagiging tumpak ng kinasihang aklat ng Daniel, kung saan ang pangalang Belsasar ay lumilitaw nang walong beses at sa kamatayan nito nagwakas ang detalyadong ulat ng pagbagsak ng Babilonya na inilahad sa kabanata 5. Sa kabilang dako naman, inaamin ng mga eksperto sa cuneiform na ang Nabonidus Chronicle ay napakaikli, at karagdagan pa, gaya ng nabanggit na, ipinapalagay nila na isinulat iyon upang siraan si Nabonido, hindi upang magbigay ng detalyadong kasaysayan. Gaya nga ng sinabi ni R. P. Dougherty sa kaniyang akda na Nabonidus and Belshazzar (p. 200): “Ang ulat ng Kasulatan ay maituturing na nakahihigit sapagkat ginagamit nito ang pangalang Belsasar.”—Amin ang italiko.
Bagaman sirang-sira ang tudling 4 ng Chronicle, ipinapalagay ng mga iskolar batay sa mga nalalabing bahagi nito na ito ay tungkol sa pagkubkob sa Babilonya nang dakong huli na isinagawa ng isang nang-agaw ng kapangyarihan. Inaakala na ang una sa gayong pagkubkob sa Babilonya na kasunod ng kay Ciro ay noong panahon ng pag-aalsa ni Nabucodonosor
III, na nag-angking anak ni Nabonido, si Nidintu-Bel. Natalo siya noong taon ng pagluklok ni Dario I sa pagtatapos ng 522 B.C.E.[Larawan sa pahina 436]
Ang Nabonidus Chronicle, na naglalahad tungkol sa pagbagsak ng Babilonya