Nasasakupang Distrito
[sa Ingles, jurisdictional district].
Isang administratibong dibisyon ng isang pinamamahalaang lupain na nasa ilalim ng kontrol ng pamahalaang sentral. (Es 1:16; 2:3, 18) Bumabanggit ang Bibliya ng mga nasasakupang distrito may kaugnayan sa Israel, Babilonya, at Medo-Persia. (1Ha 20:14-19; Es 1:1-3; Dan 3:1, 3, 30) Ang salitang Hebreo at Aramaiko para sa “nasasakupang distrito” (medhi·nahʹ) ay nagmula sa pandiwang salitang-ugat na din, nangangahulugang “humatol.”
Si Daniel na propeta ay ginawang tagapamahala sa buong nasasakupang distrito ng Babilonya, marahil ay ang pangunahing distrito na kinabibilangan ng lunsod ng Babilonya. (Dan 2:48) Ang kaniyang tatlong kasamahang Hebreo, sina Sadrac, Mesac, at Abednego, ay inatasan ding maglingkod sa mga administratibong tungkulin sa distritong ito. (Dan 2:49; 3:12) Waring ang Elam ay isa pang nasasakupang distrito ng Babilonya. (Dan 8:2) Posibleng dahil nanirahan sa nasasakupang distrito ng Babilonya, ang nakabalik na mga Judiong tapon ay tinatawag na “mga anak ng nasasakupang distrito.” (Ezr 2:1; Ne 7:6) O, maaaring ang katawagang ito ay tumutukoy sa kanila bilang mga tumatahan sa Medo-Persianong nasasakupang distrito ng Juda.—Ne 1:3.
Kahit man lamang noong panahon ng paghahari ni Ahasuero (Jerjes I), ang Imperyo ng Medo-Persia ay binubuo ng 127 nasasakupang distrito, mula sa India hanggang sa Etiopia. Nakapangalat ang mga Judio sa malawak na pinamamahalaang lupaing ito. (Es 1:1; 3:8; 4:3; 8:17; 9:2, 30) Mismong ang lupain ng Juda, na may sarili nitong gobernador at mga nakabababang administratibong ulo, ay isa sa 127 nasasakupang distrito. (Ne 1:3; 11:3) Gayunman, waring ang Juda ay bahagi ng isa pang mas malaking pulitikal na dibisyon na pinangasiwaan ng isang mas mataas na opisyal ng pamahalaan. Lumilitaw na inihaharap ng opisyal na ito sa hari ang mabibigat na reklamo may kinalaman sa mga distrito na nasasakupan niya at pagkatapos ay hinihintay niya ang awtorisasyon ng hari upang kumilos. Gayundin, maaaring hilingin ng mga nakabababang opisyal na siyasatin ang mga gawain ng isang partikular na nasasakupang distrito. (Ezr 4:8-23; 5:3-17) Kapag may awtorisasyon mula sa hari, ang mga nasasakupang distrito ay maaaring tumanggap ng salapi mula sa maharlikang ingatang-yaman, at ang mga batas ng hari ay ipinadadala sa iba’t ibang bahagi ng imperyo sa pamamagitan ng mga sugo. (Ezr 6:6-12; Es 1:22; 3:12-15; 8:10-14) Dahil dito, ang lahat ng tumatahan sa mga nasasakupang distrito ay pamilyar sa mga kautusan at mga batas ng pamahalaang sentral.—Ihambing ang Es 4:11.
Dahil sa sistema ng mga nasasakupang distrito na umiiral sa mga bansa noong sinaunang panahon, kadalasa’y lalong nahihirapan ang mga sakop na bayan. Ang bagay na ito ay kinilala ng marunong na manunulat ng Eclesiastes (5:8).—Tingnan ang PROBINSIYA.