Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Og

Og

Ang makapangyarihang Amoritang hari ng Basan (1Ha 4:19) na tinalo ng mga Israelita bago sila tumawid tungo sa Lupang Pangako. Si Og ay isa sa mga higanteng Repaim. Sa katunayan, ang kaniyang pagkalaki-laking bakal na langkayan (marahil ay isang sarkopagong yari sa itim na basalto) ay may sukat na 4 por 1.8 m (13.1 por 5.8 piye). (Deu 3:11, tlb sa Rbi8) Siya at si Sihon ang namahala sa mga Amorita sa S ng Jordan. (Deu 3:13; 4:46, 47) Ang nasasakupan ni Og ay mula sa Bundok Hermon hanggang sa Jabok, isang teritoryo sa S ng Jordan na kinabibilangan ng 60 nakukutaang lunsod at maraming bayan sa kabukiran. (Deu 3:3-5, 8-10; Jos 12:4, 5; ihambing ang Bil 21:23, 24.) Ang kaniyang dalawang pangunahing lunsod ay ang Edrei at Astarot.​—Deu 1:4; Jos 13:12.

Ang pagkatalo ni Og sa mga kamay ng Israel ay naganap noong papatapos na ang 40-taóng pagpapagala-gala ng Israel, mismong bago sila magkampo sa Kapatagan ng Moab. Matapos talunin si Sihon, nakipagsagupaan ang Israel sa mga hukbo ni Og sa Edrei at, sa isang malaking bigay-Diyos na tagumpay, pinatay nila si Og at ang kaniyang buong hukbo at kinuha ang kaniyang mga lunsod at mga bayan bilang pag-aari. (Bil 21:33–22:1; Deu 3:1-13) Ang teritoryo ni Og ay naging bahagi ng mana ng Manases. (Bil 32:33; Deu 3:13; Jos 13:29-31) Ang tagumpay ay nagdulot ng takot sa mga tumatahan sa Canaan at naging isang dahilan kung bakit naudyukan si Rahab at ang mga Gibeonita na makipagpayapaan sa Israel upang hindi rin sila malipol. (Jos 2:10, 11; 9:9, 10) Ang tagumpay ay isang malaking pampatibay-loob sa Israel at inalaala maging pagkaraan ng maraming siglo.​—Deu 31:4; Ne 9:22; Aw 135:10-12; 136:17-22.