Opisyal ng Hukbo
Ang pananalitang ito ay isinalin mula sa mga terminong Griego na he·ka·ton·tarʹkhes (o he·ka·tonʹtar·khos) at ken·ty·riʹon, at tumutukoy sa isang opisyal na namamahala sa isang daang kawal, o isang senturyon. Gaano man kalaki ang hukbong Romano, lagi itong nahahati sa 60 century, na bawat isa ay pinamamahalaan ng isang senturyon. Kung ang bilang ng hukbo ay bumaba pa sa 6,000, ang isang ikaanimnapung bahagi nito, kahit mababa pa sa 100, ay nasa ilalim pa rin ng isang senturyon. Ang mga opisyal na ito ng hukbo ay hinihirang ng mga tribune at inaaprubahan ng nakatataas na mga awtoridad sa pamahalaan. Ang posisyon ng senturyon ang pinakamataas na ranggo na maaaring marating ng isang karaniwang kawal, bagaman mayroon pang mga oportunidad para sa pagsulong sa loob mismo ng ranggo ng mga senturyon.
Ang mga senturyon ay mga lalaking nangunguna sa hukbo at gumaganap ng napakahalagang tungkulin. Bagaman nasa ilalim sila ng awtoridad HUKBO, I.
ng mga tribune at pananagutan nilang sundin ang utos ng mga ito, ang opisyal ng hukbo ang tunay at tuwirang pinuno ng mga kawal. Sinasanay niya ang mga kawal; gumagawa siyang kasama nila; iniinspeksiyon niya ang kanilang mga sandata, mga suplay, at pagkain; at kinokontrol niya ang kanilang paggawi. Siya ang tagadisiplina na nangangasiwa sa mga panghahagupit at sa paglalapat ng kaparusahang kamatayan at ang nagbibigay ng awtorisasyon sa pagpaparusa sa kaniyang mga sundalo. Sa kalakhang bahagi, ang pagiging handa at epektibo ng hukbong Romano ay higit na nakadepende sa mga senturyon kaysa kaninupaman; sa pangkalahatan, sila ang pinakamakaranasan at pinakamahahalagang lalaki sa hukbong Romano.—Tingnan angMay binabanggit na mga opisyal ng hukbo sa ilang salaysay ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang opisyal ng hukbo mula sa Capernaum na humiling na gamitin ni Jesus ang kapangyarihan nito upang pagalingin ang kaniyang alipin ay pinapurihan ng Panginoon dahil sa kaniyang malaking pananampalataya. (Mat 8:5-13) Ang pananalita ng mga Judio na “Iniibig niya ang ating bansa at siya mismo ang nagtayo ng sinagoga para sa atin”; ang pagkilala ng senturyon na “Hindi ako karapat-dapat upang papasukin ka sa ilalim ng aking bubong”; at ang komento ni Jesus na “Kahit sa Israel ay hindi ako nakasumpong ng ganito kalaking pananampalataya,” ay pawang nagpapahiwatig na ang opisyal ng hukbo ay isang Gentil. Higit pa itong kahanga-hanga kung isa siyang Romano, sapagkat hindi kilala ang mga Romano sa pagiging mahabagin sa kanilang mga alipin.—Luc 7:1-9.
Isang opisyal ng hukbo ang nangasiwa sa apat na kawal na pumatay kay Jesus. (Ju 19:23) Malamang na naroroon ang senturyong ito nang pag-usapan sa harap ni Pilato ang pag-aangkin ni Jesus na siya’y Anak ng Diyos. (Ju 19:7) Palibhasa’y napagmasdan ang paglilitis na iyon at ang iba pang mga pangyayari noong panahon ng pagbabayubay, pati ang makahimalang penomeno na kasabay ng kamatayan ni Jesus, “ang opisyal ng hukbo ay nagsimulang lumuwalhati sa Diyos,” na sinasabi, “Tunay ngang ang taong ito ay matuwid,” “Tiyak na ito ang Anak ng Diyos.” (Luc 23:47; Mat 27:54) Walang alinlangang siya ang tinanong ni Pilato kung patay na si Jesus bago nito ibinigay ang katawan ni Jesus upang mailibing.—Mar 15:44, 45.
Si Cornelio, isang senturyon ng pangkat na Italyano at nakahimpil sa Cesarea, ang unang di-tuling Gentil na naging Kristiyano. (Gaw 10:1-48) Ipinahihiwatig ng pagkakaroon niya ng sariling bahay at mga tagapaglingkod na kawal na ang mga opisyal na may ganitong ranggo ay pinahihintulutang manirahan nang hiwalay sa karaniwang mga kawal.—Tingnan ang CORNELIO.
Noong mga 56 C.E, ang mga opisyal ng hukbo na nakahimpil sa Tore ng Antonia, kasama ang kanilang mga kawal at ang kumandante ng militar, ay nagmamadaling bumaba sa karatig na bakuran ng templo upang iligtas si Pablo mula sa mga mang-uumog. (Gaw 21:32) Nang maglaon, naiwasan ni Pablo na mahagupit sa utos ng kumandante ng militar nang sabihin niya sa isang opisyal ng hukbo na naroroon na isa siyang mamamayang Romano. (Gaw 22:25, 26) Nang matuklasan ni Pablo ang isang pakana laban sa kaniyang buhay, tinawag niya ang isang opisyal ng hukbo upang ihatid nito ang kaniyang pamangkin sa kumandante ng militar para sabihin ang impormasyong ito. Dalawang opisyal ng hukbo naman ang inutusang maghanda ng isang hukbong binubuo ng 470 kawal, mangangabayo, at maninibat upang tiyaking ligtas na mailalabas si Pablo mula sa Jerusalem.—Gaw 23:17, 23.
Si Julio, isang opisyal ng hukbo ng pangkat ni Augusto (tingnan ang AUGUSTO, PANGKAT NI), ang nagkaroon ng pananagutang dalhin si Pablo mula sa Cesarea patungong Roma. Pinakitunguhan niya si Pablo nang may kabaitan, bagaman noong una ay ipinagwalang-bahala niya ang payo ng apostol. Gayunman, nang bandang huli ay natutuhan ng senturyong ito na igalang ang opinyon ni Pablo, at naging kasangkapan siya upang mailigtas ang buhay ng apostol.—Gaw 27:1, 6, 11, 31, 43.