Paaralan
Isang institusyon na naglalaan ng pagtuturo. Ang salitang Ingles na “school” ay hinalaw sa Griegong skho·leʹ, na pangunahin nang nangangahulugang “libreng panahon”; samakatuwid nga, yaong pinaggagamitan ng libreng panahon—talakayan, lektyur, pag-aaral, pagkatuto.
Iniatang ng Maylalang sa mga magulang ang pananagutang ituro sa kanilang mga supling ang tunay na kahulugan ng buhay, kapuwa ng pisikal na buhay at ng espirituwal na buhay. Sa sinaunang Israel, itinalaga rin niya ang tribo ni Levi upang maglaan ng edukasyon hinggil sa relihiyon.—Tingnan ang EDUKASYON.
Nang maglaon, nagkaroon ang mga Judio ng mga dako para sa mas mataas na edukasyon tungkol sa relihiyon. Halimbawa, nag-aral si Saul (Pablo) sa paanan ni Gamaliel. Kinukuwestiyon noon ng mga Judio ang mga kuwalipikasyon ng sinumang nag-aangking nagtuturo ng kautusan ng Diyos kung hindi ito nakapag-aral sa kanilang mga paaralan.—Gaw 22:3; Ju 7:15.
Noong siya ay nasa Efeso, nagbigay si Pablo ng mga pahayag sa sinagoga sa loob ng tatlong buwan, yamang ang mga sinagoga ay mga dako ng pagtuturo. Ngunit nang mahigpit na salansangin ng ilan ang mabuting balita, dinala ni Pablo ang mga alagad sa awditoryum ng paaralan ni Tirano, kung saan nagbigay siya ng mga pahayag araw-araw sa loob ng dalawang taon. Walang detalyeng inilaan tungkol sa layunin ng pagkakatatag ng paaralang iyon, ngunit maliwanag na pinahintulutan si Pablo na gamitin ang pasilidad na iyon, marahil ay sa loob ng ilang oras bawat araw.—Gaw 19:8-10, tlb sa Rbi8.
Ang mga dakong pinagtitipunan noon ng kongregasyong Kristiyano ay nagsilbing mga paaralan kung saan maaaring pag-aralan ang mga balumbon ng Hebreong Kasulatan at pati na ang mga akda ng mga apostol at ng kanilang mga kasamahan. Iilan lamang sa mga Kristiyano ang maaaring magkaroon ng lahat ng balumbong Hebreo o ng mga kopya ng lahat ng liham na para sa mga Kristiyano. Dahil dito, ang mga pulong noon ang naglaan ng pagkakataon para sa masusing pagsusuri at pagtalakay sa mga ito. (Col 4:16) Ang mga dukhang Kristiyano na walang ibang materyales na mapagsusulatan ay malamang na gumamit na lamang ng mga ostracon, samakatuwid nga, mga piraso ng basag na kagamitang luwad, bilang sulatán ng mga teksto sa Bibliya para sa kanilang personal na pag-aaral at paggamit. Sa panahon ng pulong, habang naririnig nilang binabasa ang Kasulatan o kapag nagkaroon sila ng pagkakataong gamitin ang mga balumbon, maaari nilang kopyahin ang mga ito, gamit ang tinta, sa mga bibinga ng mga kagamitang luwad. Kasabay nito, mahalagang bahagi pa rin ng edukasyong Kristiyano ang pag-aaral ng buong pamilya sa kanilang tahanan. (Efe 6:4; 1Co 14:35) Walang hiwalay na kaayusan para sa mga bata, na gaya ng makabagong-panahong “Sunday school,” ang binigyang-pahintulot o itinaguyod sa alinmang dako ng mga Judio o ng mga apostol na Kristiyano.