Pag-aalay
Paghihiwalay o pagbubukod para sa isang sagradong layunin. Ang pandiwang Hebreo na na·zarʹ (ialay) ay may pangunahing kahulugan na “ingatang hiwalay; maihiwalay; ilayo.” (Lev 15:31; 22:2; Eze 14:7; ihambing ang Os 9:10, tlb sa Rbi8.) Ang kaugnay na salitang Hebreo na neʹzer ay tumutukoy sa tanda o sagisag ng banal na pag-aalay na isinusuot bilang korona sa pinabanal na ulo ng mataas na saserdote o sa ulo ng pinahirang hari; tumutukoy rin ito sa pagka-Nazareo.—Bil 6:4-6; ihambing ang Gen 49:26, tlb sa Rbi8.
Noong italaga si Aaron bilang mataas na saserdote, isang turbanteng yari sa mainam na lino ang ipinatong sa kaniyang ulo. Gamit ang isang panali na sinulid na asul, ikinabit naman sa harap ng turbanteng iyon para makita ng lahat ang banal na “tanda ng pag-aalay [neʹzer],” isang kumikinang na laminang dalisay na ginto na doo’y nakalilok bilang tatak, sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Ang Kabanalan ay kay Jehova.” Pagkatapos, sa seremonya ng pagtatalaga, ibinuhos sa mataas na saserdote ang banal na langis na pamahid. (Exo 29:6, 7; 39:30, 31, tlb sa Rbi8; Lev 8:9, 12) Ang mataas na saserdote ay kailangang laging mag-ingat upang hindi siya makagawa ng anumang bagay na maaaring lumapastangan sa santuwaryo, “sapagkat ang tanda ng pag-aalay, ang pamahid na langis ng kaniyang Diyos, ay nasa kaniya.”—Lev 21:12.
Ang salitang neʹzer ay tumutukoy rin sa “diadema,” isang opisyal na putong na isinusuot ng pinahirang mga hari ng Israel bilang sagisag ng kanilang banal na katungkulan.—2Sa 1:10; 2Ha 11:12; 2Cr 23:11; Aw 89:39; 132:18; Kaw 27:24.
Kapag nanata ang isang tao ng panata ng pagka-Nazareo para kay Jehova, hindi niya dapat gupitin ang kaniyang buhok o ahitin ang kaniyang balbas hangga’t nasa ilalim siya ng panata. Sa gayon, ang mahabang buhok niya ay nagsisilbing pinakakoronang tanda ng kaniyang pagka-Nazareo (neʹzer). (Bil 6:4-21) Sa paghahalintulad sa Jerusalem sa isa na sumira ng kaniyang sagradong mga panata ng kabanalan kay Jehova, ibinulalas ng propetang si Jeremias: “Gupitin mo ang iyong di-nagupitang buhok [o “buhok na inialay”; niz·rekhʹ, isang anyo ng neʹzer] at itapon mo.” (Jer 7:29) Sa pamamagitan ng isa pang propeta, inilarawan ni Jehova kung paanong ang suwail na Israel ay “pumaroon kay Baal ng Peor, at inialay nila ang kanilang sarili [wai·yin·na·zeruʹ, isang anyo ng pandiwang na·zarʹ] sa kahiya-hiyang bagay.”—Os 9:10.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay may tinutukoy na ilang bagay na inialay. Ang “kapistahan ng pag-aalay” (en·kaiʹni·a) sa taglamig ay binabanggit may kaugnayan sa ministeryo ni Jesus sa lupa. (Ju 10:22; tingnan ang KAPISTAHAN NG PAG-AALAY.) Ang salitang Griegong ito na en·kaiʹni·a ay may salitang-ugat na katulad din ng sa en·kai·niʹzo, na sa Hebreo 9:18 ay isinasalin ng ilang bersiyon bilang “ialay” (AS, KJ, Dy, Sp), ngunit ng iba naman bilang “pasinayaan.” (CC, Mo, NE, NW, We) Gayundin, sa Hebreo 10:20 ay isinasalin ito ng ilan bilang “ialay” (AS, Dy, Sp) at ng iba naman bilang “pasinayaan.” (CC, Mo, NW) Itinawag-pansin ni Jesus ang tradisyonal na mga turo ng mga Pariseo may kinalaman sa “korban,” samakatuwid nga, isang kaloob na inialay sa Diyos. (Mar 7:11; Mat 15:5; tingnan ang KORBAN.) Nagbabala rin si Jesus na darating ang panahon na ibabagsak ang templo ni Herodes, kasama na ang “maiinam na bato at mga bagay na inialay [a·na·theʹma·sin]” na naroroon.—Luc 21:5, 6.