Pagkatapon
Pagpapalayas mula sa tinubuang lupain o tahanan ng isa sa pamamagitan ng awtoridad ng batas; sa literal na Hebreo, “isang paglisan.” Si Cain, na pumatay sa kaniyang kapatid na si Abel, ay isinumpang palayasin mula sa lupa upang maging palaboy at takas sa lupa. Dati siyang magsasaka, ngunit pagkatapos nito ay hindi na tutugon ang lupa sa pagsasaka niya rito.—Gen 4:2, 3, 11-14.
Sinabihan ang Israel na dadalhin ni Jehova sa pagkatapon ang bansa kung hindi sila mananatiling tapat sa tipang ginawa niya sa kanila sa pamamagitan ni Moises. (Deu 28:36, 37, 64; 29:28) Kaya sa katunayan, sa ilang pagkakataon, ang Diyos ang Awtoridad na nagtalaga sa kaniyang bayan sa pagkatapon, bagaman pinahintulutan niya ang mga hukbo ng ibang mga bansa na maging kaniyang mga kasangkapan. Ang mga pagkakataong ito ay: (1) noong itapon ang Israel sa pamamagitan ng kamay ng mga Asiryano (2Ha 15:29; 18:9-12); (2) noong itapon sa Babilonya ang Juda (2Ha 25:8-11, 21); (3) noong itapon ang mga Judio sa pamamagitan ng mga kamay ng mga Romano (Luc 21:20-24).
Ang Israel. Dinala ni Tiglat-pileser III sa pagkatapon sa Asirya ang mga tumatahan sa Neptali bago nagwakas ang pamamahala ng Israelitang si Haring Peka noong mga 759 B.C.E. Lumilitaw na kasabay nito, dinala rin ng hari ng Asirya ang mga Rubenita, mga Gadita, at yaong mga mula sa silanganing kalahati ng tribo ni Manases. (2Ha 15:29; 1Cr 5:4-6, 26) Nang maglaon, kinubkob ni Salmaneser V ang Samaria, at pagkaraan ng tatlong taon, noong 740 B.C.E., ipinatapon niya o ng kaniyang kahalili, si Sargon II, ang marami sa mga tumatahan doon at “nagdala [siya] ng mga tao mula sa Babilonya at Cuta at Ava at Hamat at Separvaim at pinatahan sila sa mga lunsod ng Samaria kahalili ng mga anak ni Israel.”—2Ha 17:5, 6, 24.
Ang Juda. Noong 617 B.C.E., dinala ni Haring Nabucodonosor sa pagkatapon sa Babilonya ang maharlikang korte at ang mga pangunahing tao ng Juda. (2Ha 24:11-16) Pagkaraan ng mga sampung taon, noong 607 B.C.E., nang bumagsak sa Babilonya ang Jerusalem, kinuha ni Nebuzaradan, pinuno ng tagapagbantay na Babilonyo, ang karamihan sa mga nalabi at mga humiwalay na Judio at dinala niya ang mga ito sa Babilonya, anupat sa pagkatapong ito ay isang nalabi lamang ang bumalik pagkaraan ng 70 taon.—2Ha 25:11; Jer 39:9; Isa 10:21, 22; tingnan ang PAGKABIHAG.
Pagkatapos ng pagbagsak ng Babilonya, maraming Judio ang hindi bumalik sa sarili nilang lupain, sa gayon ay nagpatuloy ang kanilang pangangalat. Noong panahon ni Ahasuero (si Jerjes I, hari ng Persia, na namahala mula sa India hanggang sa Etiopia, sa 127 nasasakupang distrito), sinabi ni Haman bilang pagtuligsa sa mga Judio: “May isang bayan na nakapangalat at nakahiwalay sa gitna ng mga bayan sa lahat ng mga nasasakupang distrito na iyong pinamamahalaan.”—Es 1:1; 3:8.
Noong Unang Siglo C.E. Noong unang siglo C.E., may mga pamayanan ng mga Judio sa Tesalonica, Atenas, Corinto, Efeso, Roma, at Babilonya, gayundin sa iba pang mga lunsod. (Gaw 17:1, 16, 17; 18:1, 4, 19) Maraming Judio ang nakatira sa Babilonya, kung saan nangaral si Pedro. (1Pe 5:13) Iniuulat ni Josephus na “isang malaking bilang” ng mga Judio ang nasa Babilonia noong unang siglo B.C.E. (Jewish Antiquities, XV, 14 [ii, 2]) Noong 49 o maagang bahagi ng 50 C.E., pinalayas ng Romanong emperador na si Claudio ang lahat ng mga Judio mula sa Roma. Nakaapekto rin ito sa mga Judio na naging mga Kristiyano, kabilang na sina Aquila at Priscila (Prisca), na nakilala ni Pablo sa Corinto noong mga 50 C.E., di-katagalan pagkaraang ilabas ang utos ni Claudio. (Gaw 18:2) Sinamahan nila si Pablo sa Efeso, at noong panahong sulatan niya mula sa Corinto ang mga kapuwa Kristiyano na nasa Roma (mga 56 C.E.), maliwanag na nakabalik na sila sa Roma, sapagkat patay na si Claudio at ang namamahala na noon ay si Nero. Bumalik na rin sa Roma ang marami sa iba pang mga Judio.—Gaw 18:18, 19; Ro 16:3, 7, 11.
Bilang katuparan ng hula ni Jesus sa Lucas 21:24, noong 70 C.E., pinalibutan ng hukbong Romano sa ilalim ni Tito ang Jerusalem, na noon ay punô ng mga Judio mula sa maraming lupain na nagkatipon para sa Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa. Kinubkob ng mga Romano ang lunsod at tuluyan nila itong winasak; 1,100,000 Judio ang namatay at 97,000 ang dinalang bihag upang ipangalat sa gitna ng mga bansa.