Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paglilibang

Paglilibang

[sa Ingles, amusement].

Gaya ng sinabi ng manunulat ng Eclesiastes: “Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon, . . . panahon ng pagtangis at panahon ng pagtawa; panahon ng paghagulhol at panahon ng pagluksu-lukso.” (Ec 3:1, 4) Ang salitang “pagtawa” sa nabanggit na teksto ay isinalin mula sa pandiwang Hebreo na sa·chaqʹ. Bagaman ang saligang kahulugan nito ay “pagtawa,” ang salitang ito at ang kaugnay nitong salita na tsa·chaqʹ ay isinasalin din bilang ‘magdiwang,’ ‘maglaro,’ ‘paglaruan,’ ‘pagkatuwaan’ at “magkasayahan.” (2Sa 6:21; Job 41:5; Huk 16:25; Exo 32:6; Gen 26:8) Ang ilang anyo ng pandiwang sa·chaqʹ ay ginamit sa Kawikaan 8:30, 31 may kaugnayan sa pagiging “nagagalak” ng “dalubhasang manggagawa” sa harap ni Jehova pagkatapos lalangin ang lupa; ginamit din ang mga ito upang ilarawan ang ‘paglalaro’ ng mga nilalang na hayop sa dagat at sa parang.​—Aw 104:26; Job 40:20.

Mga Kapahayagan ng Kagalakan at Kaluguran. Hindi itinatampok ng rekord ng Bibliya ang mga paglilibang at dibersiyon ng mga Israelita. Ngunit ipinakikita nito na ang mga iyon ay itinuturing na wasto at nakabubuti kapag kaayon ng mga relihiyosong simulain ng bansa. Noon, ang pangunahing mga anyo ng paglilibang ay pagtugtog ng mga panugtog, pag-awit, pagsasayaw, pag-uusap, at paglalaro. Gustung-gusto nila ang paghaharap ng mga bugtong at mahihirap na tanong.​—Huk 14:12.

Kasunod ng pagliligtas sa Israel sa Dagat na Pula, nagkaroon ng awitan, sayawan, at pagpapatunog ng tamburin bilang pagpuri kay Jehova. (Exo 15:20, 21) Nang maglaon, noong magpatalastas si Aaron ng “isang kapistahan para kay Jehova” matapos niyang gawin ang ginintuang guya, ang bayan ay kumain at uminom at pagkatapos ay tumindig “upang magkasayahan [letsa·cheqʹ].” Gayunman, sa kasong ito, ang kanilang sayawan at awitan ay may kalakip na huwad na pagsamba, anupat nagdulot iyon ng kadustaan.​—Exo 32:5, 6, 18, 19, 25.

Noon, ang tatlong taunang kapistahan ay naglaan ng mga pagkakataon para sa pagsasaya at pagtupad sa mga kahilingan sa pagsamba na nakasaad sa Kautusan. Hinggil sa taunang kapistahan na ginaganap sa Shilo ay may binanggit na mga “paikut-ikot na sayaw.” (Huk 21:21) Ang iba pang mga okasyon ay mga pagdiriwang ng tagumpay (Huk 11:34; 1Sa 18:6, 7) at koronasyon ng hari. (1Ha 1:40) Bagaman partikular nang mga babae ang nagsasayaw noon, paminsan-minsan ay nagsasayaw rin ang mga lalaki, gaya ng ginawa ni David noong iahon ang Kaban sa Jerusalem. (2Sa 6:5, 14, 21; 1Cr 13:8; 15:29) Ang mga panahon ng pag-aani ng ubas at paggugupit sa mga tupa ay mga okasyon ng kagalakan at pagpipiging. (Jer 25:30; 2Sa 13:23-28) Maging ang mga kasalan ay mga panahon para sa pagsasaya, at tumulong noon si Jesus upang maging higit na masaya ang isang kasalang ginanap sa Cana. (Jer 7:34; 16:9; Ju 2:1-10) Sa Lucas 15:25, binabanggit na may isang konsyerto ng musika at sayawan noong ipagdiwang ang pagbabalik ng alibughang anak.

Sa Ehipto, ang mga alipin ay tinuturuan ng musika at pagsasayaw upang aliwin ang pinaglilingkuran nilang pamilya at ang mga panauhin ng mga ito. Ang mga Griego ay gumagamit din ng propesyonal na mga mananayaw na babae at mga musikero upang aliwin ang mga panauhin. Upang magbigay-kasiyahan, nagkaroon ng pagsasayaw sa kaarawan ni Herodes, kung kailan hiniling sa kaniya ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo. (Mat 14:6-8) Ang pagsasayaw ay popular sa mga Griego bilang isang uri ng paglilibang, bagaman ang kanilang pagsasayaw ay orihinal na nauugnay sa relihiyosong pagsamba.

Pagiging Timbang sa Paglilibang. May mga tekstong nagbababala laban sa di-angkop na mga anyo ng paglilibang at nagpapayo hinggil sa pangangailangang panatilihin ang pagsasaya sa tamang dako nito. Binabanggit ng Mga Kawikaan na may taong hangal, na para sa kaniya, ang pagsasagawa ng mahalay na paggawi ay parang “katuwaan [sechohqʹ]” lamang, at may taong nandaraya sa kaniyang kapuwa at nagsasabi: “Hindi ba nagbibiro [mesa·cheqʹ] lamang ako?” (Kaw 10:23; 26:19) Upang ipakita na hindi gaanong mahalaga ang paglilibang, sinasabi ng Kawikaan 14:13: “Maging sa pagtawa [bi·sechohqʹ] man ay maaaring nasasaktan ang puso; at sa pamimighati nauuwi ang pagsasaya.” (Ihambing ang Ec 2:2; 7:2, 3, 6.) Hiniling ng nagsasayang mga Filisteo na ilabas ang bulag na si Samson upang mapagkatuwaan (sa·chaqʹ) nila siya, na nagbigay naman sa kaniya ng pagkakataong maibagsak sa kanila ang bahay.​—Huk 16:25-30.

Palibhasa’y nababatid noon ni Jeremias ang kaselanan ng panahon at pinag-uusig siya dahil sa kaniyang pangangaral, sinabi niya na hindi siya umupong kasama “niyaong mga nagbibiruan [mesa·chaqimʹ]” at nagbubunyi. (Jer 15:17) Bagaman humula siya ng kapahamakan para sa Jerusalem, inihula rin niya na darating ang panahon na ang mga tumatahan doon ay muling hahayo nang may pagsasaya sa sayaw niyaong mga tumatawa, anupat nagagayakan ng mga tamburin. (Jer 30:19; 31:4) Sa katulad na paraan, inihula rin ni Zacarias na darating ang araw kung kailan mapupuno ng mga batang naglalaro ang mga liwasan ng isinauling Jerusalem.​—Zac 8:5; tingnan ang DULAAN, TEATRO; LARO AT PALARO, MGA; PAGSASAYAW.