Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagpapasinaya

Pagpapasinaya

Isang inisyasyon, na may kasamang mapitagang mga seremonya, ng isang gusali, isang kaayusan, o isang dako. Ang salitang “pasinayaan” ay isinalin mula sa pandiwang Hebreo na cha·nakhʹ (anyong pangngalan, chanuk·kahʹ), kapag nangangahulugan itong “pasimulan, pormal na ialay.” Isinalin din ito mula sa pandiwang Griego na en·kai·niʹzo, na pangunahin nang nangangahulugang “gawing bago, o itatag,” halimbawa’y sa pamamagitan ng pag-aalay. Ang salitang Hebreo na neʹzer, ang banal na tanda ng pag-aalay, ay tinatalakay naman sa ilalim ng paksang PAG-AALAY.

Nang ipatupad ang tipan ng Kautusang Mosaiko, mapitagan itong pinasimulan sa pamamagitan ng angkop na mga seremonyang may kasamang paghahain ng mga hayop at pagwiwisik ng dugo sa ibabaw ng altar, sa aklat, at sa bayan. Ang pangyayaring ito ay tinukoy ng apostol na si Pablo bilang ang pagpapasinaya sa tipang iyon.​—Exo 24:4-8; Heb 9:18-20.

Nang sabihin ni Pablo na “ang naunang tipan ay hindi rin naman pinasinayaan [isang anyo ng Gr. na en·kai·niʹzo] nang walang dugo” (Heb 9:18), ipinahiwatig niya na ang bagong tipan ay nagkabisa sa gayunding paraan​—anupat pinasinayaan ng kamatayan, pagkabuhay-muli, at pag-akyat ni Jesus sa langit, kung saan iniharap ni Jesus ang halaga ng kaniyang buhay bilang tao at mula roo’y ibinuhos niya ang banal na espiritu sa kaniyang mga alagad. Yamang si Jesu-Kristo ay binuhay-muli sa espiritu, aktuwal siyang makapapasok sa tunay na “dakong banal,” ang langit na kinaroroonan ni Jehova, at sa pamamagitan ng kaniyang haing pantubos ay naging posible rin na makapasok sa langit ang kaniyang pinahirang mga tagasunod. Dahil dito, masasabing pinasimulan, itinatag, o pinasinayaan niya ang daan patungo sa langit, isang paglalaan na gagamitin din ng iba pa.​—Heb 10:19, 20.

May mababasa rin tayong mapitagang mga seremonya nang maghandog ang mga pinuno ng tribo noong pasinayaan ang altar ng tabernakulo sa ilang. (Bil 7:10, 11, 84-88) Isang pantanging kapulungan naman ang idinaos para sa pagpapasinaya ng templo ni Solomon at ng malaking altar na pinaghahainan.​—1Ha 8:63; 2Cr 7:5, 9.

Nang muling itayo ang templo sa ilalim ng pangangasiwa ni Zerubabel pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya, nagkaroon din ng mapitagang mga seremonya ng inisyasyon kung saan daan-daang hayop ang inihain. (Ezr 6:16, 17) Nang maglaon, ang mga pader sa palibot ng muling-itinayong Jerusalem ay kinumpuni sa ilalim ng pangangasiwa ni Nehemias, at muli, isang magarbong kapistahan ng pagpapasinaya ang idinaos, anupat dalawang malalaking koro ng pasasalamat ang nakibahagi sa pagpuri kay Jehova.​—Ne 12:27-43.

Bukod pa sa mariringal na pambansang seremonyang ito ng pagpapasinaya, mababasa rin natin ang hinggil sa isang tao na nagpapasinaya, o nagpapasimulang gumamit, ng kaniyang bahay (Deu 20:5), at ang superskripsiyon ng Awit 30, na kinikilalang isinulat ni David, ay nagsasabing ito ay “Awit ng pagpapasinaya ng bahay.”

Pagkatapos na maitayo ni Nabucodonosor ang napakalaking imaheng ginto sa Kapatagan ng Dura, ipinatawag niya ang lahat ng satrapa, prepekto, gobernador, tagapayo, ingat-yaman, hukom, tagapagpatupad-batas, at ang lahat ng administrador ng mga nasasakupang distrito para sa kahanga-hangang mga seremonya ng pagpapasinaya. Sa gayo’y umaasa si Nabucodonosor na mapagkakaisa niya sa pagsamba ang lahat ng kaniyang nasasakupan. Ang tatlong kabataang Hebreo na presente sa okasyong ito ay tumangging magkompromiso ng kanilang pagsamba kay Jehova anupat hindi nakibahagi sa pambansang relihiyong ito.​—Dan 3:1-30.

Hanggang sa ngayon, ipinagdiriwang pa rin ng mga Judio ang tinatawag nilang Hanukkah tuwing buwan ng Disyembre. Ito’y bilang pag-alaala sa kapistahan ng pagpapasinaya (sa Heb., chanuk·kahʹ) na idinaos kasunod ng paglilinis ng templo na isinagawa ni Judas Maccabaeus noong 165 B.C.E. matapos itong dungisan ni Antiochus IV Epiphanes.​—Ju 10:22; tingnan ang KAPISTAHAN NG PAG-AALAY.