Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagtatalaga

Pagtatalaga

Ang seremonyang tanda ng pagpapasimula ng panunungkulan ng pagkasaserdote. Ang salitang Hebreo para sa “pagtatalaga” (mil·lu·ʼimʹ) ay literal na nangangahulugang “pagpuno,” o pagpuspos, samakatuwid nga, pagpuspos ng kapangyarihan sa kamay, pagbibigay-kapangyarihan. (Exo 29:22, tlb sa Rbi8; ihambing ang Eze 43:26, tlb sa Rbi8; tingnan ang PUSPUSIN NG KAPANGYARIHAN ANG KAMAY.) Ginamit din ang terminong ito para sa “pagkakalupkop” ng mga hiyas.​—1Cr 29:2.

Si Aaron at ang kaniyang mga anak ay kinuha mula sa Kohatitang pamilya ng tribo ni Levi upang maglingkod bilang mga saserdote para sa Israel. (Exo 6:16, 18, 20; 28:1) Ang pagtatalaga sa kanila ay sumaklaw nang pitong araw, anupat lumilitaw na pumatak ng Nisan 1-7, 1512 B.C.E., habang ang Israel ay nagkakampo sa paanan ng Bundok Sinai sa Peninsula ng Arabia. (Exo 40:2, 12, 17) Katatapos lamang magawa at maitayo ang tolda ng kapisanan noong unang araw ng buwan; ang makasaserdoteng pamilya ay pinili ni Jehova; at ngayon, si Moises, na kapatid ni Aaron, bilang tagapamagitan ng tipang Kautusan, ay inutusang isagawa ang seremonya ng pagpapabanal at pagtatalaga sa kanila. Makikita sa Exodo kabanata 29 ang mga tagubilin para rito, at nasa Levitico kabanata 8 naman ang ulat ng pagsasagawa ni Moises sa seremonya.

Noong unang araw, habang ang presensiya ni Jehova ay kinakatawanan ng haliging ulap sa ibabaw ng tabernakulo (Exo 40:33-38), tinipon ni Moises ang lahat ng gagamitin sa paghahain: ang toro, ang dalawang barakong tupa, ang basket ng mga tinapay na walang pampaalsa, ang langis na pamahid, at ang mga kasuutan ng mga saserdote. Gaya ng itinagubilin, tinawag niya ang kongregasyon ng Israel, na malamang ay nangangahulugang ang matatandang lalaki na kinatawan ng buong kongregasyon, upang magtipon sa pasukan ng tolda ng kapisanan, sa labas ng kurtinang nakapalibot sa looban. Yamang maliwanag na nakikita nila ang mga kaganapan sa looban, malamang ay inalis noon ang pantabing ng pintuang-daan, na may lapad na 20 siko (8.9 m; 29 na piye).​—Lev 8:1-5; Exo 27:16.

Hinugasan ni Moises si Aaron at ang mga anak ni Aaron na sina Nadab, Abihu, Eleazar, at Itamar (o, inutusan niya silang maghugas ng kanilang sarili) sa tansong hugasan na nasa looban at pagkatapos ay isinuot niya kay Aaron ang maluwalhating mga kasuutan ng mataas na saserdote. (Bil 3:2, 3) Sa pagsusuot kay Aaron ng magandang kasuutang ito, ipinagkatiwala sa kaniya ang mga kasuutang kumakatawan sa mga katangian at mga pananagutan ng kaniyang katungkulan. Pagkatapos nito ay pinahiran ni Moises ang tabernakulo, ang lahat ng mga kasangkapan at mga kagamitan nito, at ang altar ng handog na sinusunog, gayundin ang hugasan at ang mga kagamitang ginamit may kaugnayan sa mga iyon. Sa gayon ay pinabanal ang lahat ng ito upang bukod-tanging gamitin sa paglilingkod sa Diyos. Bilang panghuli, pinahiran ni Moises si Aaron sa pamamagitan ng pagbubuhos ng langis sa ulo nito.​—Lev 8:6-12; Exo 30:22-33; Aw 133:2.

Ang Toro na Handog Ukol sa Kasalanan. Kasunod nito, binihisan ni Moises ang mga anak ni Aaron, at pagkatapos ay inutusan niya si Aaron at ang mga anak nito na ipatong ang kanilang mga kamay sa ulo ng toro na handog ukol sa kasalanan. Ang pagkilos nilang ito ay nagpapakitang kinikilala nila na ang handog na iyon ay para sa kanila, bilang makasaserdoteng sambahayan. Pagkatapos patayin ang toro, naglagay si Moises ng dugo sa altar at ang natira ay ibinuhos niya sa paanan ng altar, sa gayo’y sumasagisag iyon sa paglilinis mula sa karungisang dulot ng pagkamakasalanan ng mga saserdoteng nanunungkulan sa altar. Maliwanag na ang paglalagay ng dugo sa mga sungay ng altar ay nangangahulugan na ang bisa ng kaayusan sa paghahain ay nasa itinigis na dugo ng hain. (Heb 9:22) Kailangan ding gawin ang pagwiwisik ng dugo sa altar kapag inihahandog ang iba pang mga hain. (Lev 1:5, 11; 3:2; 4:6; 16:18) Gayunman, pansinin na yamang ito ay ‘araw ng ordinasyon’ ng pagkasaserdote at hindi ang pambansang araw ng pagbabayad-sala, ang dugo ng toro ay hindi ipinasok sa Kabanal-banalan. (Tingnan ang Lev 16:14.) Gaya sa ibang mga handog ukol sa kasalanan, ang taba na nasa ibabaw ng mga bituka, ang lamad ng atay, at ang dalawang bato kasama ang taba ng mga ito ay inilagay sa ibabaw ng altar. (Lev 4:8-10, 20, 26, 31) Ang natira sa toro, pati na ang balat at ang dumi nito, ay dinala sa labas ng kampo upang sunugin.​—Lev 8:13-17.

Mga Haing Barakong Tupa. Pagkatapos ay ipinatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang kanilang kamay sa barakong tupa na handog na sinusunog, at saka ito pinatay, anupat iwinisik sa ibabaw ng altar ang dugo nito. Ang barakong tupa ay pinagputul-putol, hinugasan, at saka sinunog sa altar; ngunit hindi kasama ang dumi at ang balat nito. (Lev 7:8) Kung paanong ang barakong tupang ito na handog na sinusunog ay inihandog nang lubusan, anupat walang bahaging itinira upang kainin ng sinumang tao, gayundin naman, ang mga saserdoteng ito ay lubusang pinabanal para sa banal na makasaserdoteng paglilingkod kay Jehova.​—Lev 8:18-21; ihambing ang Lev 1:3-9.

Yaong isa pang barakong tupa, “ang barakong tupa ng pagtatalaga,” ay pinatay rin pagkatapos na ipatong doon ng mga saserdote ang kanilang mga kamay. Iba naman ang pinaggamitan sa dugo nito. Inilagay iyon sa pingol ng kanang tainga ni Aaron at ng kaniyang mga anak, sa hinlalaki ng kanilang kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanilang kanang paa; kaya naman ang mga kakayahang isinasagisag ng mga sangkap na ito ng katawan ay lubusan nilang gagamitin may kaugnayan sa gawaing paghahain na bahagi ng kanilang paglilingkod. Ang natitirang dugo ay iwinisik ni Moises sa altar.​—Lev 8:22-24.

Bago ihandog sa karaniwang paraan ang taba sa palibot ng mga sangkap ng barakong tupa, iyon ay inilagay sa ibabaw ng kanang binti ng barakong tupa, kasama ang isa sa bawat tatlong uri ng mga tinapay na walang pampaalsa na kinuha mula sa basket. Inilagay naman ang lahat ng ito sa mga palad ni Aaron at ng kaniyang mga anak at ikinaway ni Moises sa harap ni Jehova, anupat maliwanag na inilagay ni Moises ang kaniyang mga kamay sa ilalim ng mga kamay ng mga saserdote. Ito’y sagisag na ang kanilang mga kamay ay ‘napuspos ng kapangyarihan,’ samakatuwid nga, pinunô ng mga kaloob na hain at lubusang sinangkapan at binigyang-kapangyarihan para sa tungkuling paghahain. Ipinakikita nito na sila’y awtorisado hindi lamang upang maghandog ng mga taba sa altar kundi upang tumanggap din ng mga kaloob na panustos bilang saganang kaayusan ni Jehova para sa kaniyang mga saserdote. Karaniwan na, ang ikinaway na bahagi ng barakong tupa, yaong kanang binti, ay napupunta sa nanunungkulang saserdote bilang kaniyang takdang bahagi. (Lev 7:32-34; Bil 18:18) Ngunit sa pagkakataong ito, ang lahat ng iyon ay sinunog sa altar. Sa gayon, iyon ay kapuwa iniharap (ikinaway) kay Jehova at aktuwal na inihandog, bilang pagkilala na ang lahat ng iyon ay ipinagkaloob niya sa mga saserdote.​—Lev 8:25-28.

Pagkatapos ay tinanggap ni Moises, na gumanap bilang saserdote sa serbisyong ito ng pagtatalaga, ang dibdib ng barakong tupa ng pagtatalaga bilang kaniyang takdang bahagi, matapos niya itong ihandog bilang handog na ikinakaway.​—Lev 8:29; tingnan din ang Exo 29:26-28.

Ang dugo ng barakong tupa at ang langis na pamahid (na maliwanag na pinaghalo) ay iwinisik kay Aaron, sa kaniyang mga anak, at sa kanilang mga kasuutan, upang pabanalin sila. Ipinakita rin nito na sila ang may katungkulang maghain, ayon sa tagubilin ng espiritu ng Diyos. Walang binanggit na ang mga anak ni Aaron ay pinahiran sa pamamagitan ng pagbubuhos ng langis sa kanilang ulo, gaya ng ginawa kay Aaron.​—Lev 8:30.

Sa pasukan ng tolda ng kapisanan, pakukuluan ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang bahagi ng karne ng barakong tupa na hindi sinunog sa altar at hindi rin ibinigay kay Moises. Kakainin nila iyon, pati ang natitirang mga tinapay sa basket, ngunit anumang matira sa mga pagkaing ito ay susunugin sa kinaumagahan. Idiniin nito ang kalinisan at gayundin ang pagiging lubusan ng pagpapabanal sa kanila at ng kanilang paglilingkod (yamang ang mga kinain nila ay hindi bulok o luma, at ang mga natira ay lubusang sinunog). Kapansin-pansin din na walang lebadura ang mga tinapay.​—Lev 8:31, 32; Exo 29:31-34.

Natapos ang Pagtatalaga. Ang pagtatalaga ay tumagal nang pitong araw, anupat hindi makapanunungkulan ang mga saserdote sa ganap na diwa hangga’t hindi ito natatapos. Bawat araw, isang toro ang inihahain bilang handog ukol sa kasalanan upang dalisayin ang altar. Sa loob ng pitong araw, ang mga bagong-ordenadong saserdote ay kailangang magbantay sa pasukan ng tolda ng kapisanan araw at gabi, bilang pagtupad sa “tungkuling pagbabantay para kay Jehova,” upang hindi sila mamatay.​—Lev 8:33-36; Exo 29:35-42.

Noong ikawalong araw, palibhasa’y lubusan nang nasangkapan at naitalaga sa katungkulan, ang mga saserdote ay nanungkulan sa unang pagkakataon (nang hindi na kasama si Moises). Sila ay nagsagawa ng serbisyo ng pagbabayad-sala para sa bansang Israel, na noo’y lalo nang nangangailangan ng paglilinis hindi lamang dahil sa kanilang likas na pagkamakasalanan kundi dahil na rin sa kalilipas nilang pagsuway may kaugnayan sa ginintuang guya, na ikinagalit ni Jehova. (Lev 9:1-7; Exo 32:1-10) Sa pagtatapos ng unang serbisyong ito ng bagong-itinalagang mga saserdote, ipinakita ni Jehova ang kaniyang pagsang-ayon at pagtitibay sa kanilang katungkulan sa pamamagitan ng pagpapadala ng makahimalang apoy, na tiyak na nagmula sa haliging ulap na nasa ibabaw ng tabernakulo, anupat tinupok nito ang natitirang hain sa ibabaw ng altar.​—Lev 9:23, 24.

Ang Bibliya ay walang iniuulat na seremonya ng pagtatalaga para sa mga humalili kay Aaron. Maliwanag na sapat na ang isang serbisyo ng pagtatalaga upang mailagay ang sambahayan ni Aaron at ang lahat ng lalaking supling nito sa kanilang makasaserdoteng katungkulan minsan at magpakailanman, na magpapatuloy hanggang sa panahong walang takda, hanggang sa maitalaga sa katungkulan ang tunay at walang-hanggang mataas na saserdote na si Jesu-Kristo.​—Heb 7:12, 17; 9:11, 12; tingnan ang MATAAS NA SASERDOTE; SASERDOTE.