Pagtubos, Manunubos
Ang pandiwang Hebreo na ga·ʼalʹ, na unang lumilitaw sa Genesis 48:16, ay nangangahulugang “tubusin,” samakatuwid nga, bawiin, o bilhing muli ang isang malapit na kamag-anak, ang ari-arian nito, o ang mana nito; ginamit din ito may kaugnayan sa isang tagapaghiganti ng dugo. (Aw 74:2; Isa 43:1) Maliwanag na ganito ang pagkakasunud-sunod ng pinakamalalapit na kamag-anak na may pananagutang maging manunubos (sa Heb., go·ʼelʹ): (1) kapatid na lalaki, (2) tiyo, (3) anak na lalaki ng tiyo, (4) iba pang lalaki na kamag-anak ng pamilya sa dugo.—Lev 25:48, 49; ihambing ang pagkakasunud-sunod sa Bil 27:5-11; tingnan ang TAGAPAGHIGANTI NG DUGO.
Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, kung ipinagbili ng isang Israelita ang kaniyang sarili sa pagkaalipin dahil sa karalitaan, maaari siyang tubusin ng manunubos mula sa kaniyang pagkaalipin. (Lev 25:47-54) O, kung ipinagbili niya ang kaniyang lupaing mana, maaaring tubusin ng kaniyang manunubos ang ari-ariang iyon at makababalik siya sa kaniyang pag-aari. (Lev 25:25-27) Gayunman, ang anumang bagay na “nakatalaga,” o ‘itinalaga sa pagkapuksa,’ kahit buhay ng isang tao, ay hindi maaaring tubusin.—Lev 27:21, 28, 29; tingnan ang NAKATALAGANG BAGAY.
Ang isang halimbawa ng pagtubos na isinagawa ng isang go·ʼelʹ ay masusumpungan sa aklat ng Ruth. Nang banggitin ni Ruth na naghimalay siya sa bukid ni Boaz, ang kaniyang biyenan na si Noemi ay bumulalas: “Ang lalaking iyon ay kamag-anak natin. Siya ay isa sa ating mga manunubos.” (Ru 2:20) Tinanggap ni Boaz ang pananagutang ito at pinagtibay niya ang isang tipan ng pagtubos sa harap ng mga hukom at mga saksi, ngunit saka lamang niya ginawa ang pribilehiyong ito nang tanggihan ito ng isa pang kamag-anak na mas malapit kaysa kay Boaz.—Ru 3:9, 12, 13; 4:1-17.
Si Jehova Bilang Manunubos. Sa pamamagitan ng hain ng kaniyang bugtong na Anak, si Jehova, bilang Manunubos, ay gumawa ng paglalaan upang matubos ang sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan at mula sa kapangyarihan ng libingan. Kinailangang pumarito sa lupa ang Anak na ito, anupat siya’y naging “tulad ng kaniyang ‘mga kapatid’ sa lahat ng bagay,” naging dugo at laman, at dahil dito’y isa siyang malapit na kamag-anak ng sangkatauhan. (Heb 2:11-17) Sumulat ang apostol na si Pablo sa mga Kristiyano: “Sa pamamagitan niya ay taglay natin ang paglaya sa pamamagitan ng pantubos dahil sa dugo ng isang iyon.”—Efe 1:7; ihambing ang Apo 5:9; 14:3, 4; para sa higit pang detalye tingnan ang PANTUBOS.