Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagtutuli

Pagtutuli

Ang pag-aalis ng bilot, o dulong-balat, mula sa titi ng lalaki. Ang pandiwang Hebreo na mul (tuliin) ay ginagamit sa literal at sa makasagisag na mga diwa. Ang pangngalang Griego na pe·ri·to·meʹ (pagtutuli) ay literal na nangangahulugang “paggupit sa palibot.” (Ju 7:22) Ang “di-pagtutuli” naman ay isinalin mula sa terminong Griego na a·kro·by·stiʹa, na ginamit sa Griegong Septuagint upang isalin ang salitang Hebreo para sa “dulong-balat.”​—Ro 2:25; Gen 17:11LXX.

Ang pagtutuli ay mahigpit na iniutos ng Diyos na Jehova kay Abraham noong 1919 B.C.E., isang taon bago ipinanganak si Isaac. Sinabi ng Diyos: “Ito ang aking tipan na iingatan ninyo . . . Ang bawat lalaki sa inyo ay dapat magpatuli.” Kabilang dito ang bawat lalaki sa sambahayan ni Abraham na binubuo kapuwa ng kaniyang mga inapo at niyaong mga nasa poder niya, kaya naman ikinapit ni Abraham, ng kaniyang 13-taóng-gulang na anak na si Ismael, at ng lahat ng kaniyang mga alipin ang “tanda ng tipan” na ito sa kanilang sarili. Kailangan ding tuliin ang mga alipin na kukunin nila sa hinaharap. Mula noon, ang sinumang lalaki sa sambahayan, alipin man o malaya, ay dapat tuliin sa ikawalong araw pagkapanganak sa kaniya. Ang pagwawalang-bahala sa kahilingang ito ng Diyos ay pinarurusahan ng kamatayan.​—Gen 17:1, 9-14, 23-27.

Kaugalian noon sa Ehipto ang pagtutuli, gaya ng ipinakikita sa mga ipinintang larawan sa pader at maoobserbahan sa mga momya, ngunit hindi matiyak kung kailan ito sinimulang gawin sa bansang iyon at kung gaano ito kalaganap. May mga nagsasabi na si Jose bilang administrador ng pagkain ang nagpasimula nito sa Ehipto. Sinisipi naman ng iba si Herodotus bilang awtoridad sa pag-aangkin nila na hiniram lamang ni Abraham ang kaugaliang ito mula sa mga Ehipsiyo. Bilang sagot sa kababanggit na mga pag-aangkin, sinabi ni W. M. Thomson: “May kinalaman sa patotoo ni Herodotus, na dumating sa Ehipto pagkaraan pa ng labinlimang siglo, at, taglay ang malawak na kaalaman at pananaliksik, ay kadalasang sumusulat ng pawang walang kabuluhan, tahasan akong tumatanggi na ihanay ito sa kategorya ng patotoo ni Moises. Ang dakilang tagapagtatag ng Judiong komonwelt​—ang pinakadakilang tagapagbigay-kautusan na napaulat​—ipinanganak at pinalaki sa Ehipto, ang siyang nagsasabi ng mga katotohanan may kaugnayan sa pasimula ng pagtutuli sa gitna ng kaniyang bayan. Isang hamak na manlalakbay at istoryador​—isang banyaga at Griego​—ang dumating pagkaraan pa ng napakahabang panahon, at nagpahayag ng mga pananalita na bahagyang totoo at bahagyang mali, gaya ng ipinakikita ni Josephus sa sagot niya kay Apion; at pagkatapos, mahigit na dalawampung siglo pagkamatay ni Herodotus, ibinangon ng mapag-alinlangang mga awtor ang kaniyang may-kamaliang mga pananalita, at, matapos pilipitin at palawakin ang mga ito, tinangka nilang patunayan na ang pagtutuli ay hindi tinanggap ni Abraham mula sa Diyos (gaya ng malinaw na sinasabi ni Moises), kundi mula sa mga Ehipsiyo! Hindi matagumpay na maibubuwal ng ganitong mga sandata ang pagiging totoo ng sinabi ni Moises.”​—The Land and the Book, nirebisa ni J. Grande, 1910, p. 593.

Hindi lamang mga Ehipsiyo ang nagsagawa ng pagtutuli kundi pati rin ang mga Moabita, mga Ammonita, at mga Edomita. (Jer 9:25, 26) Nang maglaon, nagpatuli rin ang mga Samaritanong nanghahawakan sa mga kahilingang nakasulat sa Pentateuch. Sa kabilang dako, hindi nagsagawa ng pagtutuli ang mga Asiryano, mga Babilonyo, mga Griego, at lalo na ang mga Filisteo. Ang huling nabanggit, at hindi ang mga Canaanita sa pangkalahatan, ang partikular at may-paghamak na tinutukoy bilang “mga di-tuli,” at sa pakikipaglaban sa kanila nakuha ang mga tropeong dulong-balat.​—Huk 14:3; 15:18; 1Sa 14:6; 17:26; 18:25-27; 2Sa 1:20; 1Cr 10:4.

May-katapatang tinupad ng mga inapo ni Abraham sa pamamagitan ni Isaac at ni Jacob ang tipan ng pagtutuli. “Tinuli ni Abraham si Isaac na kaniyang anak nang walong araw na ang gulang, gaya ng iniutos ng Diyos sa kaniya.” (Gen 21:4; Gaw 7:8; Ro 4:9-12) Ang mga apo sa tuhod ni Abraham ay nagsabi kay Sikem at sa mga kababayan niya: “Hindi namin magagawa . . . na ibigay ang aming kapatid [na si Dina] sa isang lalaki na may dulong-balat . . . Tanging sa kundisyong ito lamang kami papayag sa inyo, na kayo ay maging tulad namin, sa pamamagitan ng pagpapatuli ng bawat lalaki sa inyo.” (Gen 34:13-24) Lumilitaw na dahil nakaligtaan ni Moises na tuliin ang kaniyang anak, napoot sa kaniya ang Diyos hanggang ang kaniyang asawa na si Zipora ang gumawa nito para sa kaniya.​—Exo 4:24-26; tingnan ang ZIPORA.

Pagtutuli sa Ilalim ng Kautusan. Ang pagtutuli ay ginawang isang mahigpit na kahilingan ng Kautusang Mosaiko. “Sa ikawalong araw [pagkasilang ng isang lalaki] ay tutuliin ang laman ng dulong-balat nito.” (Lev 12:2, 3) Napakahalaga nito anupat, kung ang ikawalong araw ay tumapat sa lubhang iginagalang na Sabbath, isasagawa pa rin ang pagtutuli. (Ju 7:22, 23) Ang ilang halimbawa ng mga magulang na nasa ilalim ng Kautusang ito at may-katapatang tumuli sa kanilang mga anak noong ikawalong araw ay ang mga magulang ni Juan na Tagapagbautismo, ni Jesus, at ni Pablo. (Luc 1:59; 2:21; Fil 3:4, 5) Kahilingan din ng Kautusan na tuliin ang mga dayuhan bago sila pahintulutang kumain ng paskuwa.​—Exo 12:43-48.

Bakit espesipikong itinakda ng Kautusan na sa ikawalong araw isasagawa ang pagtutuli?

Hindi ito ipinaliwanag ni Jehova, ni kailangan man niyang magpaliwanag. Ang kaniyang mga daan ay laging matuwid; ang mga dahilan niya sa pagsasagawa ng mga bagay-bagay ang pinakamabuti. (2Sa 22:31) Gayunman, nitong nakaraang mga taon, nalaman ng mga tao ang ilan sa mga pisikal na dahilan kung bakit ang ikawalong araw ay isang angkop na panahon para sa pagtutuli. Ang normal na dami ng elemento na nagpapangyaring mamuo ang dugo, tinatawag na bitamina K, ay masusumpungan lamang sa dugo ng bata pagsapit ng ikalima hanggang ikapitong araw pagkasilang nito. Ang isa pang sangkap na nagpapangyaring mamuo ang dugo, kilala naman bilang prothrombin, ay masusumpungang mga 30 porsiyento lamang ng normal na dami sa ikatlong araw ngunit sa ikawalong araw ay mas mataas ito kaysa sa alinpamang panahon sa buhay ng bata​—anupat hanggang 110 porsiyento ng normal na dami. Kaya naman ang pagsunod sa mga tagubilin ni Jehova ay tutulong upang maiwasan ang panganib ng pagdurugo. Gaya ng puna ni Dr. S. I. McMillen: “May kinalaman sa dami ng bitamina K at prothrombin, ang pinakamabuting araw upang magsagawa ng pagtutuli ay ang ikawalong araw . . . [ang] araw na pinili ng Maylalang ng bitamina K.”​—None of These Diseases, 1986, p. 21.

Kadalasan, bagaman hindi sa lahat ng pagkakataon, ang ulo ng sambahayan ang nagsasagawa ng pagtutuli. Nang maglaon, isang opisyal ang itinalaga at sinanay para sa operasyong ito. Pagsapit ng unang siglo, waring naging kaugalian na pangalanan ang bata kapag tinuli ito.​—Luc 1:59, 60; 2:21.

Noong panahon ng 40-taóng pagpapagala-gala sa ilang, hindi isinagawa ang pagtutuli sa mga sanggol na lalaki. Kaya naman pagkatawid nila sa Jordan, ipinatuli ni Josue sa Gilgal ang lahat ng mga lalaking iyon sa pamamagitan ng mga kutsilyong batong pingkian, at iningatan sila ni Jehova hanggang sa gumaling sila.​—Jos 5:2-9; tingnan ang PANDURUSTA, KADUSTAAN.

Pagkatapos ng Pagkatapon. Dalawang siglo pagkabalik ng mga Judio mula sa Babilonya, nagsimulang mangibabaw sa Gitnang Silangan ang impluwensiyang Griego, at maraming grupo ng mga tao ang hindi na nagsagawa ng pagtutuli. Ngunit nang ipagbawal ng Siryanong si Haring Antiochus IV (Epiphanes) ang pagtutuli, natuklasan niya na mas nanaisin pa ng mga inang Judio ang mamatay kaysa ipagkait sa kanilang mga anak na lalaki ang “tanda ng tipan.” (Gen 17:11) Pagkaraan ng ilang taon, ganito rin ang naging resulta nang pagbawalan ng Romanong si Emperador Hadrian ang mga Judio na tuliin ang kanilang mga anak na lalaki. Gayunman, sinikap ng ilang atletang Judio na nais lumahok sa mga palarong Helenistiko (kung saan hubo’t hubad ang mga mananakbo) na maging “di-tuli” sa pamamagitan ng isang operasyon na nilayong bahagyang makapagsauli ng dulong-balat upang maiwasan ang panlilibak at panunuya. Maaaring ang gawaing ito ang tinukoy ni Pablo nang payuhan niya ang mga Kristiyano: “Ang sinumang tao ba ay tinawag nang tuli? Huwag siyang maging di-tuli.” (1Co 7:18) Ang pandiwang Griego na isinalin dito bilang “maging di-tuli” (e·pi·spaʹo·mai) ay literal na nangangahulugang “hilahin,” maliwanag na tumutukoy sa paghila sa bilot ng ari ng lalaki upang magtingin itong di-tuli.​—Ihambing ang Int.

Hindi Kahilingan sa mga Kristiyano. Nang ipakita ni Jehova na tinatanggap na niya ang mga Gentil sa loob ng kongregasyong Kristiyano, at yamang maraming tao mula sa mga bansa ang tumutugon sa pangangaral ng mabuting balita, kinailangang pagpasiyahan ng lupong tagapamahala sa Jerusalem ang tanong na, Kailangan bang tuliin sa laman ang mga Kristiyanong Gentil? Ang pasiya: Hindi kasama ang pagtutuli sa ‘mga bagay na kinakailangang’ gawin kapuwa ng mga Gentil at mga Judio.​—Gaw 15:6-29.

Di-nagtagal pagkaraang ilabas ang utos, tinuli ni Pablo si Timoteo, hindi dahil sa relihiyosong paniniwala, kundi upang maiwasan ang kaagad silang tanggihan ng mga Judio na kanilang pangangaralan. (Gaw 16:1-3; 1Co 9:20) Tinalakay ng apostol ang paksang ito sa ilan sa mga liham niya. (Ro 2:25-29; Gal 2:11-14; 5:2-6; 6:12-15; Col 2:11; 3:11) “Tayo ang mga may tunay na pagtutuli [sa puso], na nag-uukol ng sagradong paglilingkod sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos,” ang isinulat ni Pablo sa mga Kristiyanong Gentil sa Filipos. (Fil 3:3) Sumulat naman siya sa mga taga-Corinto: “Ang pagtutuli ay walang anumang halaga, at ang di-pagtutuli ay walang anumang halaga, kundi ang pagtupad sa mga utos ng Diyos.”​—1Co 7:19.

Makasagisag na Paggamit. Sa makasagisag na diwa, ang salitang “pagtutuli” ay ginagamit sa iba’t ibang paraan. Halimbawa, pagkatapos na magtanim ng isang punungkahoy sa Lupang Pangako, sinabing “mananatili itong di-tuli” sa loob ng tatlong taon; ang bunga nito ay itinuring na “dulong-balat” nito at hindi iyon dapat kainin. (Lev 19:23) Sinabi ni Moises kay Jehova: “Narito! Ako ay may mga labing di-tuli, kaya paano ngang makikinig sa akin si Paraon?” (Exo 6:12, 30) Sa makasagisag na paraan, ang terminong “mga di-tuli” ay may-pandidiri at may-paghamak na tumutukoy roon sa mga marapat lamang ilibing sa isang pangkaraniwang dako kasama ng pinakamabababang uri ng mga taong napatay.​—Eze 32:18-32.

Ang pagtutuli sa puso ay isang kahilingan ng Diyos kahit sa mga Israelitang tinuli na sa laman. Sinabi ni Moises sa Israel: “Tuliin ninyo ang dulong-balat ng inyong mga puso at huwag na ninyong patigasin pa ang inyong mga leeg.” “Tutuliin ni Jehova na iyong Diyos ang iyong puso at ang puso ng iyong supling, upang ibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa alang-alang sa iyong buhay.” (Deu 10:16; 30:6) Noong mga araw ni Jeremias, ipinaalaala rin niya ang bagay na ito sa suwail na bansang iyon. (Jer 4:4) Ang ‘pagtutuli sa puso’ ay nangangahulugang inaalis ng isang tao sa kaniyang isip, damdamin, o motibo ang anumang bagay na di-kalugud-lugod at marumi sa paningin ni Jehova at nagpapaging manhid sa puso. Sa katulad na paraan, ang mga tainga na hindi sensitibo o bingi ay tinutukoy bilang “di-tuli.”​—Jer 6:10; Gaw 7:51.