Pahirap
Ang salitang Griego na ba·sa·niʹzo (at ang kaugnay na mga termino) ay lumilitaw nang mahigit 20 ulit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ito’y pangunahin nang nangangahulugang “pagsubok sa pamamagitan ng batong panubok [baʹsa·nos]” at, kung palalawakin ang pagkakapit, “suriin o tanungin sa pamamagitan ng pagpapahirap.” Itinatawag-pansin ng mga leksikograpo na sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ginagamit ito sa diwa ng ‘panliligalig sa pamamagitan ng mga nakapipighating kirot; pagiging niligalig, binagabag.’—Mat 8:29; Luc 8:28; Apo 12:2.
Ginamit ng Bibliya ang ba·sa·niʹzo sa maraming pagkakataon. Halimbawa, isang alilang lalaki na may sakit na paralisis ang “lubhang napahihirapan” (NW) o “pinahihirapan ng kirot” (NE) na dulot nito. (Mat 8:6; ihambing ang 4:24.) Gayundin, “pinahihirapan [ni Lot] ang kaniyang kaluluwa” (Ro) o siya’y “naligalig” (Mo, RS) dahil sa mga gawang tampalasan ng mga tao sa Sodoma. (2Pe 2:8) Ginagamit pa nga ang salitang ito may kinalaman sa mahirap na paglalayag ng isang bangka.—Mat 14:24; Mar 6:48.
Ang Griegong pangngalang ba·sa·ni·stesʹ na lumilitaw sa Mateo 18:34 ay isinasalin bilang “mga tagapagbilanggo” sa ilang salin (AT, Fn, NW; ihambing ang Mat 18:30) at “mga tagapagpahirap” naman sa iba. (AS, KJ, JB) Kung minsan, ang pagpapahirap ay ginagamit sa mga bilangguan upang makakuha ng impormasyon (ihambing ang Gaw 22:24, 29, na nagpapakitang ginagawa ito noon, bagaman hindi ginamit ang ba·sa·niʹzo sa ulat na iyon), kaya nang maglaon, ang ba·sa·ni·stesʹ ay ikinapit sa mga tagapagbilanggo. May kinalaman sa paggamit nito sa Mateo 18:34, ganito ang komento ng The International Standard Bible Encyclopaedia: “Malamang, ang pagkabilanggo mismo ay itinuring na isang ‘pahirap’ (at walang alinlangang gayon nga ito), at ang kahulugan lamang ng ‘mga tagapagpahirap’ ay mga tagapagbilanggo.” (Inedit ni J. Orr, 1960, Tomo V, p. 2999) Kung gayon, ang pagbanggit sa Apocalipsis 20:10 tungkol sa mga “pahihirapan . . . araw at gabi magpakailan-kailanman” ay maliwanag na nagpapahiwatig na sila’y malalagay sa kalagayang napipigilan. Ipinahihiwatig ng katulad na mga ulat sa Mateo 8:29 at Lucas 8:31 na ang isang kalagayang napipigilan ay maaaring tukuyin bilang “pahirap.”—Tingnan ang LAWA NG APOY.
Tinutukoy ng ilang komentarista ang paggamit ng Bibliya sa salitang “pahirap” upang suportahan ang turo ng walang-hanggang pagdurusa sa apoy. Gayunman, gaya ng naipakita na, may maka-Kasulatang dahilan upang maniwala na hindi ganiyan ang diwa ng Apocalipsis 20:10. Sa katunayan, ipinakikita ng talata 14 na “ang lawa ng apoy,” kung saan nagaganap ang pahirap, ay aktuwal na nangangahulugang ang “ikalawang kamatayan.” At bagaman binanggit ni Jesus ang tungkol sa isang taong mayaman na “nasa paghihirap” (Luc 16:23, 28), gaya ng ipinakikita ng artikulong LAZARO (Blg. 2), hindi literal na karanasan ng isang tunay na tao ang inilalarawan ni Jesus kundi, sa halip, siya ay naglalahad ng isang ilustrasyon. Naglalaan ang Apocalipsis ng maraming iba pang halimbawa kung saan ang “pahirap” ay maliwanag na may diwang makatalinghaga o makasagisag, gaya ng ipinakikita ng konteksto.—Apo 9:5; 11:10; 18:7, 10.