Pakahulugan, Pagpapakahulugan
Sa Bibliya, may dalawang uri ng tagapagbigay-kahulugan. Maaaring isa siyang tagapagsalin, isa na nagtatawid ng kahulugan ng mga salitang binigkas o isinulat sa isang wika sa mga taong nagbabasa o nagsasalita ng ibang wika, at maaari niya itong gawin nang bibigan o sa sulat. Sa kabilang dako, ang isang tagapagbigay-kahulugan ay maaaring isa na nagpapaliwanag ng mga hula sa Bibliya, anupat nagbibigay sa iba ng kahulugan, kahalagahan, at unawa hinggil sa makahulang mga panaginip, mga pangitain, at mga mensahe na mula sa Diyos.
Pagsasalin. Dahil sa paggulo sa wika ng mga tao noong itinatayo ang Tore ng Babel, ang pamilya ng tao ay biglang naging isang lahi na may iba’t ibang wika. Ito naman ay nagbangon ng isang bagong propesyon, ang pagiging interprete o tagapagsalin. (Gen 11:1-9) Pagkalipas ng mga limang siglo, upang maikubli ni Jose ang kaniyang pagkatao bilang kanilang kapatid, gumamit siya ng isang tagapagsalin noong nakikipag-usap siya sa kaniyang mga kapatid na Hebreo sa wikang Ehipsiyo. (Gen 42:23) Ang isang anyo ng salitang Hebreo na lits (alipustain; libakin) ay isinasaling “tagapagsalin” sa tekstong ito. Kung minsan, ang salita ring ito ay isinasaling “tagapagsalita” kapag tumutukoy sa isang sugo na bihasa sa isang banyagang wika, gaya niyaong “mga tagapagsalita ng mga prinsipe ng Babilonya” na isinugo upang makipag-usap kay Haring Hezekias ng Juda.—2Cr 32:31.
Ang kaloob na pagsasalita ng mga wikang banyaga ay isa sa mga paghahayag ng ibinuhos na banal na espiritu ng Diyos sa tapat na mga alagad ni Kristo noong Pentecostes 33 C.E. Gayunman, hindi ito katulad ng naganap sa Kapatagan ng Sinar 22 siglo bago nito. Sapagkat, sa halip na mapalitan ng isang bagong wika ang kanilang orihinal na wika, nanatili sa mga alagad na ito ang kanilang inang-wika at kasabay nito ay nakapagsalita sila ng mga wika ng mga banyaga tungkol sa mariringal na mga bagay Gaw 2:1-11) Kalakip ng kakayahang ito na magsalita ng iba’t ibang wika, may iba pang makahimalang mga kaloob ng espiritu na ipinagkaloob sa mga miyembro ng sinaunang kongregasyong Kristiyano, kabilang na ang kaloob na pagsasalin ng mga wika. Binigyan din ng tagubilin ang mga Kristiyano may kinalaman sa wastong paggamit sa kaloob na ito.—1Co 12:4-10, 27-30; 14:5, 13-28.
ng Diyos. (Ang pinakakahanga-hangang halimbawa ng pagsasalin ng mga wika ay ang pagsasalin ng Bibliya sa napakaraming wika, isang napakalaking trabaho na tumagal nang maraming siglo. Sa ngayon, ang Aklat na ito, buo man o ilang bahagi lamang, ay mababasa sa mahigit na 3,000 wika. Gayunman, wala sa mga saling ito o sa mga tagapagsalin ng mga ito ang kinasihan. Ayon sa kasaysayan, ang gayong gawain ng pagsasalin ay nagsimula noon pang ikatlong siglo B.C.E. nang pasimulan ang paggawa sa Griegong Septuagint kung saan ang kinasihang Banal na Kasulatan sa Hebreo at Aramaiko, ang 39 na aklat gaya ng pagkakakilala ngayon sa mga ito, ay isinalin sa karaniwang Griego, o Koine, ang internasyonal na wika noong panahong iyon.
Ang mga manunulat ng 27 aklat ng Bibliya na bumubuo sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, anupat kinumpleto ng mga aklat na ito ang kanon ng Bibliya, ay madalas sumipi mula sa Hebreong Kasulatan. Lumilitaw na kung minsan ay ginagamit nila ang Griegong Septuagint sa halip na personal na magsalin mula sa tekstong Hebreo ng Kasulatan. (Ihambing ang Aw 40:6 [39:7, LXX] sa Heb 10:5.) Gayunman, gumawa rin sila ng maituturing na malayang mga pagsasalin, gaya ng makikita kung paghahambingin ang Oseas 2:23 at Roma 9:25. Ang isang halimbawa kung saan sila gumawa ng saling nagpapakahulugan, sa halip na isang literal na salin, ay mapapansin kung paghahambingin ang Deuteronomio 30:11-14 at Roma 10:6-8.
Kadalasan, isinasalin ng mga manunulat na ito ng Bibliya ang mga pangalan ng mga tao, mga titulo, mga lugar, at mga pananalita para sa kapakinabangan ng kanilang mga mambabasa. Ibinigay nila ang kahulugan ng mga pangalang gaya ng Cefas, Bernabe, Tabita, Bar-Jesus, at Melquisedec (Ju 1:42; Gaw 4:36; 9:36; 13:6, 8; Heb 7:1, 2); gayundin ang mga kahulugan ng mga titulong Emmanuel, Rabbi, at Mesiyas (Mat 1:23; Ju 1:38, 41); ang kahulugan ng mga lugar tulad ng Golgota, Siloam, at Salem (Mar 15:22; Ju 9:7; Heb 7:2); at mga salin ng mga terminong “Talita kumi” at “Eli, Eli, lama sabaktani?”—Mar 5:41; 15:34.
Ayon sa sinaunang patotoo nina Jerome, Eusebius Pamphili, Origen, Irenaeus, at Papias, unang isinulat ni Mateo ang kaniyang ulat ng Ebanghelyo sa wikang Hebreo. Hindi kilala kung sino ang nagsalin ng Ebanghelyong ito sa Griego nang bandang huli. Kung si Mateo mismo ang gumawa niyaon, gaya ng iniisip ng ilan, sa gayon ay ito lamang ang kilalang kinasihang salin ng Kasulatan.
Sa klasikal na Griego, ang salitang her·me·neuʹo ay kadalasang nangangahulugang “ipaliwanag, bigyang-kahulugan.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, may kahulugan itong “isalin.” (Ju 1:42; 9:7; Heb 7:2) Kahawig ito ng pangalan ng Griegong diyos na si Hermes (Mercury), na itinuturing ng sinaunang mga mitologo hindi lamang bilang isang mensahero, sugo, at tagapagbigay-kahulugan para sa mga diyos kundi ang patron din ng mga manunulat, mga tagapagsalita, at mga tagapagsalin. Tinawag ng mga pagano sa Listra si Pablo na ‘Hermes, yamang siya ang nangunguna sa pagsasalita.’ (Gaw 14:12) Ang unlaping me·taʹ ay nagpapahiwatig ng “isang pagbabago,” kaya kapag idinagdag sa her·me·neuʹo, ang resulta ay ang salitang me·ther·me·neuʹo·mai, isang salita na lumilitaw din sa Bibliya nang ilang ulit. Ito ay nangangahulugang “baguhin o isalin mula sa isang wika tungo sa ibang wika,” at lagi itong nasa tinig na balintiyak [passive voice], gaya ng “kapag isinalin.”—Mat 1:23.
Pagpapakahulugan sa Hula. Ang di·er·me·neuʹo ay isang mas malalim at mas masidhing anyo ng her·me·neuʹo. Kadalasa’y ginagamit ito may kinalaman sa pagsasalin ng mga wika (Gaw 9:36; 1Co 12:30), ngunit nangangahulugan din ito ng “lubusang ipaliwanag; lubusang bigyang-kahulugan.” Samakatuwid, di·er·me·neuʹo ang salitang ginamit ni Lucas sa paglalahad kung paanong si Jesus, habang nasa daan patungo sa Emaus kasama ng dalawa sa kaniyang mga alagad, ay nagsimulang magsalita tungkol sa mga akda ni Moises at ng mga propeta, at pagkatapos ay “binigyang-kahulugan niya sa kanila ang mga bagay na may kinalaman sa kaniyang sarili sa lahat ng Kasulatan.” Nang maglaon, sinabi ng dalawang alagad na iyon sa iba ang tungkol sa kanilang karanasan, kung paanong ‘lubusang binuksan ni Jesus ang Kasulatan’ sa kanila.—Luc 24:13-15, 25-32.
Kabaligtaran naman nito ang kahulugan ng dy·ser·meʹneu·tos. Ginamit ito ni Pablo at masusumpungan lamang ito sa Hebreo 5:11, anupat nangangahulugang “mahirap bigyang-kahulugan,” samakatuwid nga, “mahirap maipaliwanag.”—Tingnan ang Int.
Ang isa pang salitang Griego na isinaling “pagpapakahulugan” ay e·piʹly·sis, mula sa pandiwa na literal na nangangahulugang “kalagan o pakawalan” (samakatuwid nga, ipaliwanag o lutasin). Ang tunay na hula ay hindi nagmumula sa ipinahayag na mga opinyon o mga pakahulugan ng mga tao, kundi sa halip ay nagmumula sa Diyos. Kaya naman isinulat ni Pedro: “Walang hula ng Kasulatan ang nagmumula sa anumang sariling pagpapakahulugan 2Pe 1:20, 21) Kung gayon, ang mga hula sa Bibliya ay hindi kailanman produkto ng matatalinong pangangatuwiran at mga prediksiyon ng mga tao batay sa kanilang personal na pagsusuri sa mga pangyayari sa tao o mga kalakaran ng tao.
[e·pi·lyʹse·os] . . . kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.” (Malinaw ang kahulugan ng ilang hula noon, kaya naman hindi na kinailangan pa ang pagpapakahulugan, gaya noong gamitin ang isang propeta upang ihula na ang mga Judeano ay ‘yayaon sa pagkabihag sa hari ng Babilonya nang pitumpung taon’ o na ang Babilonya ay magiging ‘isang tiwangwang na kaguhuan.’ Sabihin pa, hindi laging nalalaman ang panahon ng katuparan, bagaman sa ilang kaso ay tuwiran din itong binabanggit. Gayunman, maraming hula o partikular na mga bahagi ng mga hula ang bahagya lamang na nauunawaan noong panahong ibigay ang mga ito, anupat ang lubos na pagkaunawa o pagpapakahulugan sa mga ito ay naghihintay ng takdang panahon ng Diyos upang linawin ang mga ito. Totoo ito sa ilang hula ni Daniel at sa ilang hula may kinalaman sa Mesiyas at sa sagradong lihim na dito ay sangkot ito.—Dan 12:4, 8-10; 1Pe 1:10-12.
Walang nagawa ang lahat ng mahikong saserdote ng Ehipto kung tungkol sa pagpapakahulugan sa mga panaginip ni Paraon na pinasapit ng Diyos. “Walang tagapagbigay-kahulugan sa mga iyon para kay Paraon.” (Gen 41:1-8) Pagkatapos ay itinawag-pansin kay Paraon na noon ay nabigyan ni Jose ng tamang pakahulugan ang mga panaginip ng punong katiwala ng kopa at ng punong magtitinapay ni Paraon. (Gen 40:5-22; 41:9-13) Gayunman, may kaugnayan doon ay hindi inangkin ni Jose ang karangalan kundi ibinaling niya ang pansin nila kay Jehova bilang ang Tagapagbigay-kahulugan ng mga panaginip, na sinasabi, “Hindi ba ang mga pakahulugan ay sa Diyos?” (Gen 40:8) Kaya nang tawagin siya sa harap ni Paraon upang bigyang-kahulugan ang panaginip ng hari, ipinahayag ni Jose: “Hindi ako ang dapat isaalang-alang! Ang Diyos ang magpapatalastas ng ikabubuti ni Paraon.” (Gen 41:14-16) Pagkarinig sa pagpapakahulugan, kinilala maging ni Paraon na si Jose ay ‘isa na kinaroroonan ng espiritu ng Diyos,’ sapagkat “ipinaalam sa iyo [kay Jose] ng Diyos ang lahat ng ito.”—Gen 41:38, 39.
Sa katulad na paraan, ginamit ng Diyos si Daniel upang ipaalam ang pakahulugan ng mga panaginip ni Nabucodonosor. Pagkatapos na manalangin muna sa Diyos upang maunawaan ang lihim at makuha ang sagot sa pamamagitan ng isang pangitain sa gabi, dinala si Daniel sa harap ng hari upang ipaalaala rito ang nalimutang panaginip at pagkatapos ay ibigay ang pakahulugan nito. (Dan 2:14-26) Sa kaniyang introduksiyon, ipinaalaala ni Daniel sa hari na hindi nabigyang-kahulugan ng lahat ng marurunong na tao, salamangkero, mahikong saserdote, at astrologo nito ang panaginip. “Gayunman,” ang pagpapatuloy ni Daniel, “may umiiral na Diyos sa langit na isang Tagapagsiwalat ng mga lihim, . . . sa ganang akin, hindi dahil sa anumang karunungan na nasa akin nang higit kaysa sa kanino pa mang buháy kung kaya ang lihim na ito ay isiniwalat sa akin, maliban sa layon na ang pakahulugan ay maipaalam sa hari.”—Dan 2:27-30.
Noong ikalawang pagkakataon naman, nang ang panaginip ng hari may kinalaman sa isang malaking punungkahoy na pinutol ay hindi mabigyang-kahulugan ng lahat ng mga mahikong saserdote, mga salamangkero, mga Caldeo, at mga astrologo, muling tinawag si Daniel, at muling naidiin na ang hula ay nagmula sa Diyos. Sa isang waring pagkilala sa bagay na ito, sinabi ng hari kay Daniel: “Nalalaman kong lubos na ang espiritu ng mga banal na diyos ay sumasaiyo,” at “ikaw ay may kakayahan, sapagkat ang espiritu ng mga banal na diyos ay sumasaiyo.”—Dan 4:4-18, 24.
Pagkaraan ng ilang taon, noon mismong gabing bumagsak ang Babilonya sa mga Medo at mga Persiano, ang may-edad nang lingkod na ito ni Jehova, si Daniel, ay muli na namang tinawag upang bigyang-kahulugan ang isang mensahe ng Diyos para sa isang hari. Nang pagkakataong ito, isang mahiwagang kamay ang sumulat ng MENE, MENE, TEKEL, PARSIN sa pader ng palasyo noong panahon ng piging ni Belsasar. Pawang hindi nabigyang-kahulugan ng marurunong na tao ng Babilonya ang mahiwagang sulat na iyon. Pagkatapos ay naalaala ng inang reyna na naroon pa si Daniel, ang isa na “kinaroroonan ng espiritu ng mga banal na diyos,” gayundin ng “kaliwanagan at kaunawaan at karunungan na gaya ng karunungan ng mga diyos.” Sa pagbibigay-kahulugan sa sulat, na isang hula mismo, muling dinakila ni Daniel si Jehova bilang ang Diyos ng tunay na hula.—Dan 5:1, 5-28.