Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pakikipagkasundo

Pakikipagkasundo

Ang salitang “makipagkasundo” ay nangangahulugang ibalik ang pagkakasuwato o ang ugnayan bilang magkaibigan; gayundin, ayusin o lutasin, gaya ng paglutas sa mga di-pagkakasundo. Sa Griego, ang mga salitang nauugnay sa pakikipagkasundo ay hinalaw sa pandiwang al·lasʹso, na may saligang kahulugan na “baguhin, ibahin.”​—Gaw 6:14; Gal 4:20Int.

Dahil dito, ang tambalang anyo na ka·tal·lasʹso, bagaman may saligang kahulugan na “makipagpalit,” ay nagkaroon ng kahulugan na “makipagkasundo.” (Ro 5:10) Ginamit ni Pablo ang pandiwang ito nang tukuyin niya ang ‘pakikipagkasundong muli’ ng isang babae sa asawa na kaniyang hiniwalayan. (1Co 7:11) Ang kaugnay na di·al·lasʹso·mai ay lumilitaw naman sa Mateo 5:24 sa mga tagubilin ni Jesus na dapat munang “makipagpayapaan” ang isang tao sa kaniyang kapatid bago siya maghandog ng kaloob sa altar.

Pakikipagkasundo sa Diyos. Sa liham ni Pablo sa mga taga-Roma at sa ilan pang mga liham, ginamit niya ang ka·tal·lasʹso at a·po·ka·tal·lasʹso (isang pinasidhing anyo) nang talakayin niya kung paano maipagkakasundong muli ang tao sa Diyos sa pamamagitan ng hain ni Kristo Jesus.

Kailangan ang gayong pakikipagkasundo sa Diyos dahil ang tao ay napalayo o napahiwalay sa Kaniya, nasira ang pagkakaibigan nila, at higit pa riyan, nagkaroon sila ng alitan. Nangyari ito dahil sa pagkakasala ng unang taong si Adan at sa ibinunga nitong pagkamakasalanan at di-kasakdalan na minana ng lahat ng kaniyang mga inapo. (Ro 5:12; ihambing ang Isa 43:27.) Kaya naman masasabi ng apostol na “ang pagsasaisip ng laman ay nangangahulugan ng pakikipag-alit sa Diyos, sapagkat hindi ito napasasakop sa kautusan ng Diyos, ni maaari mang magkagayon [dahil sa minanang di-kasakdalan at pagkamakasalanan]. Kaya yaong mga kasuwato ng laman ay hindi makapagpapalugod sa Diyos.” (Ro 8:7, 8) Umiiral ang gayong alitan dahil ang sakdal na mga pamantayan ng Diyos ay hindi nagpapahintulot na sang-ayunan o kunsintihin niya ang kamalian. (Aw 5:4; 89:14) Hinggil sa kaniyang Anak, na nagpakita ng sakdal na mga katangian ng Ama, ganito ang isinulat: “Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan mo ang katampalasanan.” (Heb 1:9) Samakatuwid, bagaman ang “Diyos ay pag-ibig” at bagaman “gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak” alang-alang sa sangkatauhan, ang sangkatauhan sa kabuuan ay may pakikipag-alit pa rin sa Diyos, anupat ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan ay pag-ibig sa mga kaaway, isang pag-ibig na ginagabayan ng simulain (sa Gr., a·gaʹpe) at hindi tumutukoy sa pagmamahal o pakikipagkaibigan (sa Gr., phi·liʹa).​—1Ju 4:16; Ju 3:16; ihambing ang San 4:4.

Yamang ang pamantayan ng Diyos ay sakdal sa katuwiran, hindi niya maaaring kunsintihin o sang-ayunan ang kasalanan, na paglabag sa kaniyang hayag na kalooban. Siya’y “magandang-loob at maawain” at “mayaman sa awa” (Aw 145:8, 9; Efe 2:4); subalit hindi niya winawalang-halaga ang katarungan para lamang makapagpakita ng awa. Gaya nga ng tumpak na obserbasyon sa Cyclopædia nina M’Clintock at Strong (1894, Tomo VIII, p. 958), ang ugnayan sa pagitan ng Diyos at ng taong makasalanan ay “isang legal na ugnayan, gaya niyaong sa isang soberano, taglay ang kaniyang hudisyal na kapasidad, at isang kriminal na lumabag sa kaniyang mga batas at naghimagsik sa kaniyang awtoridad, at sa gayo’y pinakikitunguhan bilang kaaway.” Ito ang situwasyong kinasadlakan ng sangkatauhan dahil sa kasalanang minana nila sa kanilang unang ama na si Adan.

Ang saligan ng pakikipagkasundo. Posible lamang ang lubos na pakikipagkasundo sa Diyos tanging sa pamamagitan ng haing pantubos ni Kristo Jesus; siya “ang daan,” at walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan niya. (Ju 14:6) Ang kaniyang kamatayan ay nagsilbing isang “pampalubag-loob na hain [sa Gr., hi·la·smonʹ] para sa ating mga kasalanan.” (1Ju 2:2; 4:10) Ang salitang hi·la·smosʹ ay tumutukoy sa isang “paraan ng pagpapalubag,” isang “pagbabayad-sala.” Maliwanag na ang hain ni Jesu-Kristo ay hindi isang “paraan ng pagpapalubag” sa diwa na pinapayapa nito ang nasaktang damdamin ng Diyos, anupat inaaliw siya, yamang tiyak na hindi gayon ang epekto ng pagkamatay ng kaniyang minamahal na Anak. Sa halip, pinaglubag, o tinugunan, ng haing iyon ang mga kahilingan ng sakdal na katarungan ng Diyos sa pamamagitan ng paglalaan ng makatarungan at matuwid na saligan para sa pagpapatawad ng kasalanan, upang ang Diyos ay “maging matuwid kahit ipinahahayag niyang matuwid ang taong [nagmana ng kasalanan ngunit] may pananampalataya kay Jesus.” (Ro 3:24-26) Dahil inilaan ng hain ni Kristo ang paraan upang mabayaran (lubusang matugunan) ang mga kasalanan at di-matuwid na mga gawa ng tao, ginawa nitong paborable para sa tao na humiling at magtamo ng pagsasauli sa tamang kaugnayan sa Soberanong Diyos.​—Efe 1:7; Heb 2:17; tingnan ang PANTUBOS.

Sa gayon, sa pamamagitan ni Kristo, ginawang posible ng Diyos na ‘maipagkasundong muli sa kaniyang sarili ang lahat ng iba pang bagay sa paggawa ng kapayapaan sa pamamagitan ng dugo na itinigis ni Jesus sa pahirapang tulos,’ anupat ang mga tao na dating “hiwalay at mga kaaway,” yamang ang kanilang mga isipan ay nasa balakyot na mga gawa, ay maaari nang ‘ipakipagkasundo sa pamamagitan ng katawang laman ng isang iyon sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan, upang sila ay iharap na banal at walang dungis at malaya sa anumang akusasyon sa harap niya.’ (Col 1:19-22) Maaari na ngayong ‘ipahayag na matuwid’ ng Diyos na Jehova yaong mga pinili niyang maging kaniyang espirituwal na mga anak; hindi na sila maaaring akusahan, yamang sila’y mga taong lubusan nang naipagkasundo, at may pakikipagpayapaan, sa Diyos.​—Ihambing ang Gaw 13:38, 39; Ro 5:9, 10; 8:33.

Kumusta naman ang mga taong naglingkod sa Diyos noong mga panahon bago ang kamatayan ni Kristo? Kabilang dito ang mga lalaking gaya ni Abel, na ‘pinatotohanang siya ay matuwid, na ang Diyos ang nagpapatotoo may kaugnayan sa kaniyang mga kaloob’; si Enoc, na ‘nagkaroon ng patotoo na lubos niyang napalugdan ang Diyos’; si Abraham, na “tinawag na ‘kaibigan ni Jehova’⁠”; sina Moises, Josue, Samuel, David, Daniel, Juan na Tagapagbautismo, at mga tagasunod ni Kristo (na sinabihan ni Jesus bago siya mamatay, “ang Ama mismo ay may pagmamahal sa inyo”). (Heb 11:4, 5; San 2:23; Dan 9:23; Ju 16:27) Pinakitunguhan ni Jehova ang lahat ng mga ito at pinagpala niya sila. Kung gayon, bakit sila kailangang ipakipagkasundo sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo?

Maliwanag na ang mga taong ito ay nagtamasa ng isang antas ng pakikipagkasundo sa Diyos. Gayunpaman, sila, gaya ng iba pang nasa sanlibutan, ay nagmana pa rin ng kasalanan at kinilala nilang sila’y mga makasalanan sa pamamagitan ng mga haing hayop na kanilang inihandog. (Ro 3:9, 22, 23; Heb 10:1, 2) Totoo na ang ilang tao ay mas lantaran o talamak sa paggawa ng kasalanan kaysa sa iba, anupat mapaghimagsik pa nga; ngunit ang kasalanan ay kasalanan, anuman ang antas o tindi nito. Yamang ang lahat ay makasalanan, ang lahat ng taong nagmula kay Adan, anupat walang eksepsiyon, ay nangangailangan ng pakikipagkasundo sa Diyos na ginawang posible ng hain ng kaniyang Anak.

Ang may-pasubaling pakikipagkaibigan ng Diyos sa mga taong gaya niyaong mga tinalakay na ay salig sa ipinakita nilang pananampalataya, lakip ang paniniwala na sa takdang panahon ay ilalaan ng Diyos ang paraan upang lubusan silang mahango sa kanilang pagkamakasalanan. (Ihambing ang Heb 11:1, 2, 39, 40; Ju 1:29; 8:56; Gaw 2:29-31.) Samakatuwid, ang antas ng pakikipagkasundo na tinamasa nila ay nakadepende sa pantubos na ilalaan ng Diyos sa hinaharap. Gaya ng ipinakikita sa ilalim ng pamagat na IPAHAYAG NA MATUWID, “ibinilang” ng Diyos, o kaniyang “kinilala” o binigyan ng kredito, ang kanilang pananampalataya bilang katuwiran, at salig diyan, yamang ganap siyang nakatitiyak sa ilalaan niyang pantubos, pansamantala ay maaaring makipagkaibigan si Jehova sa kanila nang hindi nilalabag ang kaniyang mga pamantayan ng sakdal na katarungan. (Ro 4:3, 9, 10, NW at KJ; ihambing din ang 3:25, 26; 4:17.) Gayunpaman, sa kalaunan ay kailangang matugunan ang wastong mga kahilingan ng kaniyang katarungan, anupat ang “pagbibigay ng kredito” ay pupunan ng aktuwal na pagbabayad ng hinihiling na pantubos na halaga. Ang lahat ng ito ay nagtatampok sa kahalagahan ng posisyon ni Kristo sa kaayusan ng Diyos at nagpapakita na, kung hiwalay kay Kristo Jesus, ang mga tao ay walang angking katuwiran na makapagbibigay sa kanila ng mabuting katayuan sa harap ng Diyos.​—Ihambing ang Isa 64:6; Ro 7:18, 21-25; 1Co 1:30, 31; 1Ju 1:8-10.

Mga hakbang na kailangan upang matamo ang pakikipagkasundo. Yamang ang Diyos ang siyang pinagkasalahan at kautusan niya ang nilabag at kasalukuyang nilalabag, ang tao ang dapat makipagkasundo sa Diyos at hindi ang Diyos sa tao. (Aw 51:1-4) Ang tao ay hindi haharap sa Diyos na para bang magkapantay lamang sila, ni mababago man ang paninindigan ng Diyos hinggil sa kung ano ang tama. (Isa 55:6-11; Mal 3:6; ihambing ang San 1:17.) Samakatuwid, ang Kaniyang mga kundisyon para sa pakikipagkasundo ay hindi maaaring kuwestiyunin o ikompromiso. (Ihambing ang Job 40:1, 2, 6-8; Isa 40:13, 14.) Bagaman sa maraming salin ay kababasahan ang Isaias 1:18 ng, “Halikayo ngayon, at tayo’y magkatuwiranan, ang sabi ng PANGINOON” (KJ; AT; JP; RS), ang mas angkop na salin ay: “⁠‘Halikayo ngayon at ituwid natin ang mga bagay-bagay [“ayusin natin ang pagtatalo,” Ro] sa pagitan natin,’ ang sabi ni Jehova.” Ang pagkakasalang sanhi ng di-pagkakasuwato ay kagagawan lamang ng tao, hindi ng Diyos.​—Ihambing ang Eze 18:25, 29-32.

Hindi ito nakahadlang sa Diyos upang may-kaawaang buksan ang daan sa pakikipagkasundo. Ginawa niya iyon sa pamamagitan ng kaniyang Anak. Sumulat ang apostol: “Sapagkat, sa katunayan, si Kristo, samantalang tayo ay mahina pa, ay namatay para sa mga taong di-makadiyos sa takdang panahon. Sapagkat halos walang sinuman ang mamamatay para sa isang taong matuwid; totoo nga, para sa taong mabuti, marahil, ay may mangangahas pa ngang mamatay. Ngunit inirerekomenda ng Diyos sa atin ang kaniyang sariling pag-ibig [a·gaʹpen] anupat, samantalang tayo ay mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin. Lalo pa nga, kung gayon, yamang ipinahayag na tayong matuwid ngayon sa pamamagitan ng kaniyang dugo, na maliligtas tayo mula sa poot sa pamamagitan niya. Sapagkat kung, noong tayo ay mga kaaway pa, naipagkasundo tayo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak, lalo pa nga, ngayong tayo ay naipagkasundo na, na maliligtas tayo sa pamamagitan ng kaniyang buhay. At hindi lamang iyan, kundi nagbubunyi rin tayo sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo, na sa pamamagitan niya ay tinanggap natin ngayon ang pakikipagkasundo.” (Ro 5:6-11) Si Jesus, na “hindi nakakilala ng kasalanan,” ay ginawang “kasalanan para sa atin,” anupat namatay bilang isang taong inihandog ukol sa kasalanan, upang maalis sa mga tao ang paratang at parusa ng kasalanan. Palibhasa’y inalis na sa kanila ang paratang ng kasalanan, ang mga taong iyon ay maaaring maging matuwid sa paningin ng Diyos, at sa gayo’y “maging katuwiran ng Diyos sa pamamagitan niya [ni Jesus].”​—2Co 5:18, 21.

Ipinakikita rin ng Diyos ang kaniyang awa at pag-ibig sa pamamagitan ng pagsusugo ng mga embahador sa makasalanang sangkatauhan. Noong sinaunang panahon, ang mga embahador ay pangunahin nang isinusugo sa panahon ng alitan (ihambing ang Luc 19:14), hindi sa panahon ng kapayapaan, anupat kalimitan, ang kanilang misyon ay tingnan kung maiiwasan ang isang digmaan o magsaayos ng mga kundisyon ng kapayapaan kung mayroon nang digmaan. (Isa 33:7; Luc 14:31, 32; tingnan ang EMBAHADOR.) Isinusugo ng Diyos sa mga tao ang kaniyang mga Kristiyanong embahador upang maipabatid sa kanila ang kaniyang mga kundisyon para sa pakikipagkasundo at upang makinabang sila sa mga iyon. Gaya ng isinulat ng apostol: “Kami samakatuwid ay mga embahador na humahalili para kay Kristo, na para bang ang Diyos ay namamanhik sa pamamagitan namin. Bilang mga kahalili para kay Kristo ay nagsusumamo kami: ‘Makipagkasundo kayo sa Diyos.’⁠” (2Co 5:20) Ang gayong pamamanhik ay hindi nangangahulugan na humina ang posisyon ng Diyos o ang pagtutol niya sa paggawa ng masama. Sa halip, isa itong maawaing paghimok sa mga manlalabag upang hanapin nila ang kapayapaan at sa gayo’y makatakas sa di-maiiwasang resulta ng matuwid na galit ng Diyos, ang pagkapuksa na sasapit sa lahat ng patuloy na sumasalansang sa kaniyang banal na kalooban. (Ihambing ang Eze 33:11.) Maging ang mga Kristiyano ay dapat mag-ingat na ‘huwag nilang tanggapin ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos at sumala sa layunin nito,’ na mangyayari nga kung hindi nila patuloy na hahanapin ang lingap at kabutihang-loob ng Diyos sa “kaayaayang panahon” at sa “araw ng kaligtasan” na may-kaawaang inilaan ng Diyos, gaya ng ipinakikita ng sumunod na mga salita ni Pablo.​—2Co 6:1, 2.

Pagkatapos kilalanin ng indibiduwal ang kaniyang pangangailangang makipagkasundo at matapos niyang tanggapin ang paglalaan ng Diyos para sa pakikipagkasundo, samakatuwid nga, ang hain ng Anak ng Diyos, kailangan niyang pagsisihan ang kaniyang makasalanang landasin at makumberte, o manumbalik, mula sa pagsunod sa lakad ng makasalanang sanlibutan. Sa pamamagitan ng pamamanhik sa Diyos salig sa pantubos ni Kristo, maaari niyang matamo ang kapatawaran ng mga kasalanan at ang pakikipagkasundo, na magdudulot naman ng “mga kapanahunan ng pagpapaginhawa . . . mula sa mismong persona ni Jehova” (Gaw 3:18, 19) at ng kapayapaan ng isip at puso. (Fil 4:6, 7) Yamang hindi na siya isang kaaway na nasa ilalim ng poot ng Diyos, sa diwa ay “nakatawid na [siya] mula sa kamatayan tungo sa buhay.” (Ju 3:16; 5:24) Pagkatapos, dapat ingatan ng indibiduwal na iyon ang kabutihang-loob ng Diyos sa pamamagitan ng ‘pagtawag sa kaniya sa katapatan,’ ‘pananatili sa pananampalataya, at hindi paglihis mula sa pag-asa ng mabuting balita.’​—Aw 145:18; Fil 4:9; Col 1:22, 23.

Sa anong diwa ‘ipinakipagkasundo ng Diyos ang isang sanlibutan sa kaniyang sarili’?

Sinabi ng apostol na si Pablo na ‘sa pamamagitan ni Kristo ay ipinakipagkasundo ng Diyos ang isang sanlibutan sa kaniyang sarili, na hindi ibinibilang sa kanila ang kanilang mga pagkakamali.’ (2Co 5:19) Hindi ito dapat unawain na awtomatiko nang naipagkasundo sa Diyos ang lahat ng tao sa pamamagitan ng hain ni Jesus, yamang karaka-rakang binanggit ng apostol ang gawain ng mga embahador na namamanhik sa mga tao na sila’y ‘makipagkasundo sa Diyos.’ (2Co 5:20) Ang totoo, inilaan ang paraan na sa pamamagitan niyaon ay maaaring magtamo ng pakikipagkasundo ang lahat ng nasa sanlibutan na handang tumugon. Kaya naman, dumating si Jesus upang “ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami,” at “siya na nananampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; siya na sumusuway sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Diyos ay nananatili sa kaniya.”​—Mat 20:28; Ju 3:36; ihambing ang Ro 5:18, 19; 2Te 1:7, 8.

Gayunpaman, nilayon ng Diyos na Jehova na “muling tipunin ang lahat ng mga bagay kay Kristo, ang mga bagay na nasa langit at ang mga bagay na nasa lupa.” (Efe 1:10) Bagaman kailangang puksain yaong mga tumatangging ‘magtuwid ng mga bagay-bagay’ (Isa 1:18) sa Diyos na Jehova, ang magiging resulta nito ay isang sansinukob na lubusang kasuwato ng Diyos, at ang sangkatauhan ay muling magtatamasa ng pakikipagkaibigan ng Diyos at masisiyahan sa saganang daloy ng kaniyang mga pagpapala gaya noong pasimula sa Eden.​—Apo 21:1-4.

Winakasan ng Diyos na Jehova ang kaniyang pakikipagtipan sa Israel bilang isang bansa dahil sa kawalang-katapatan nito at sa pagtanggi nito sa kaniyang Anak. (Mat 21:42, 43; Heb 8:7-13) Maliwanag na ito ang tinutukoy ng apostol nang sabihin niya na ‘ang pagtatakwil sa kanila ay nangahulugan ng pakikipagkasundo para sa sanlibutan’ (Ro 11:15), sapagkat gaya ng ipinakikita ng konteksto, sa ganitong paraan ay nabuksan ang daan para sa sanlibutang nasa labas ng komunidad o kongregasyon ng mga Judio. Sa gayon, ang mga bansang di-Judio ay nagkaroon ng oportunidad na makasama ng tapat na mga Judiong nalabi sa isang bagong tipan bilang bagong bansa ng Diyos, ang espirituwal na Israel.​—Ihambing ang Ro 11:5, 7, 11, 12, 15, 25.

Bilang katipang bayan ng Diyos, ang kaniyang “pantanging pag-aari” (Exo 19:5, 6; 1Ha 8:53; Aw 135:4), ang mga Judio ay nagtamasa ng isang antas ng pakikipagkasundo sa Diyos, bagaman kailangan pa rin nila ng lubusang pakikipagkasundo sa pamamagitan ng inihulang Manunubos, ang Mesiyas. (Isa 53:5-7, 11, 12; Dan 9:24-26) Sa kabilang dako, ang mga bansang di-Judio ay ‘hiwalay sa estado ng Israel at mga taga-ibang bayan sa mga tipan ng pangako, at sila’y walang pag-asa at walang Diyos sa sanlibutan,’ sapagkat wala silang sinang-ayunang katayuan sa harap niya. (Efe 2:11, 12) Gayunpaman, kasuwato ng sagradong lihim may kinalaman sa Binhi, nilayon ng Diyos na magdulot ng mga pagpapala para sa mga tao ng “lahat ng bansa sa lupa.” (Gen 22:15-18) Sa gayon, ang paraan ng pagsasagawa nito, ang hain ni Kristo Jesus, ay nagbukas ng daan upang yaong mga kabilang sa mga bansang di-Judio na hiwalay sa Diyos ay maging “malapit sa pamamagitan ng dugo ng Kristo.” (Efe 2:13) Bukod diyan, inalis din ng haing ito ang dibisyon sa pagitan ng Judio at ng di-Judio, sapagkat tinupad nito ang tipang Kautusan at inalis iyon, sa gayo’y pinahintulutan si Kristo na ‘lubos na maipagkasundo sa isang katawan sa Diyos ang dalawang bayan sa pamamagitan ng pahirapang tulos, sapagkat pinatay niya ang pag-aalitan [ang dibisyong nilikha ng tipang Kautusan] sa pamamagitan ng kaniyang sarili.’ Maaari na ngayong lumapit sa Diyos ang Judio at ang di-Judio sa pamamagitan ni Kristo Jesus, at nang maglaon, ang mga di-Judio ay dinala sa bagong tipan bilang mga tagapagmana ng Kaharian kasama ni Kristo.​—Efe 2:14-22; Ro 8:16, 17; Heb 9:15.