Palabunot, Palabunutan
Ang pagpapalabunutan ay isang sinaunang kaugalian na ginagawa upang pagpasiyahan ang isang usaping pinagtatalunan. Sa pamamaraang ito, naghahagis ng maliliit na bato o maliliit na piraso o tapyas ng kahoy o ng bato sa loob ng mga tupi ng isang kasuutan, “ang kandungan,” o sa loob ng isang plorera, at pagkatapos ay inaalog ang mga iyon. Ang may-ari ng palabunot na nahulog o nabunot ang siyang napili. Tulad ng isang sumpa [sa Ingles, oath], ang palabunutan ay nagpapahiwatig ng panalangin. Ang panalangin ay alinman sa binibigkas o ipinahihiwatig, anupat hinihiling at inaasam na sana’y mamagitan si Jehova. Ang palabunot (sa Heb., goh·ralʹ) ay ginagamit sa literal at sa makasagisag na mga paraan anupat may diwa na “sukat,” “bahagi,” o “takdang bahagi.”—Jos 15:1; Aw 16:5; 125:3; Isa 57:6; Jer 13:25.
Mga Pinaggagamitan. Sinasabi ng Kawikaan 16:33: “Sa kandungan inihahagis ang palabunot, ngunit ang bawat pasiya sa pamamagitan nito ay mula kay Jehova.” Sa Israel, ang wastong gamit ng palabunutan ay upang wakasan ang isang kontrobersiya: “Ang palabunutan ay nagpapatigil ng mga pagtatalo, at pinaghihiwa-hiwalay nito kahit ang mga makapangyarihan.” (Kaw 18:18) Hindi ito ginamit para sa paglilibang, paglalaro, o pagsusugal. Walang kasangkot na taya, pustahan, o papremyo—walang natatalo o nananalo. Hindi ito ginagawa upang payamanin ang templo o ang mga saserdote, ni ginagawa man ito para sa kawanggawa. Kabaligtaran nito, makasariling pakinabang ang iniisip ng mga kawal na Romano nang magpalabunutan sila para sa mga kasuutan ni Jesus gaya ng inihula sa Awit 22:18.—Mat 27:35.
Unang binanggit sa Bibliya ang pagpapalabunutan may kaugnayan sa pagpili ng mga kambing para kay Jehova at para kay Azazel sa Araw ng Pagbabayad-Sala. (Lev 16:7-10) Noong panahon ni Jesus, isinasagawa ito ng mataas na saserdote sa templo ni Herodes sa pamamagitan ng pagbunot niya mula sa isang sisidlan ng dalawang palabunot na sinasabing yari sa kahoy na boxwood o sa ginto. Pagkatapos, ang mga palabunot, na minarkahang “Para kay Jehova” at “Para kay Azazel,” ay ipinapatong sa mga ulo ng mga kambing.
Noon, nagsagawa ng palabunutan upang maitalaga ang pagkakasunud-sunod ng paglilingkod sa templo para sa 24 na pangkat ng pagkasaserdote. (1Cr 24:5-18) Dito, isinulat ng kalihim ng mga Levita ang mga pangalan ng mga ulo ng mga sambahayan sa panig ng ama, at maliwanag na sunud-sunod na pinili ang mga ito. Gayundin, sa ganitong paraan hinati-hati ang mga Levita sa paglilingkod sa templo bilang mga mang-aawit, mga bantay ng pintuang-daan, mga ingat-yaman, at iba pa. (1Cr 24:31; kab 25, 26; Luc 1:8, 9) Pagkabalik mula sa pagkatapon, palabunutan ang paraang ginamit upang isaayos ang pagtustos ng kahoy para sa paglilingkod sa templo at upang italaga kung sino ang maninirahan sa Jerusalem.—Ne 10:34; 11:1.
Bagaman hindi tuwirang binabanggit ang mga palabunot may kaugnayan sa Urim at Tumim na inilagay ni Moises sa pektoral na suot ng mataas na saserdote (Lev 8:7-9) at hindi naman talaga alam kung ano ang Urim at Tumim, gayunpaman ay ginamit ang mga ito upang lutasin ang mga problema sa paraang kahawig ng dalawang palabunot. Waring ang Urim at Tumim ay may kaugnayan sa palabunutang binabanggit sa 1 Samuel 14:41, 42. Kung minsan ay tinutukoy ang mga ito bilang mga sagradong palabunot. Kapag bumangon ang isang tanong na mahalaga sa bansa, anupat hindi ito mapagpasiyahan, tatayo ang mataas na saserdote sa harap ni Jehova at tatanggapin niya ang pasiya ni Jehova sa pamamagitan ng mga sagradong palabunot na ito.
Iniutos ni Jehova na isagawa ang paghahati-hati ng Lupang Pangako sa 12 tribo sa pamamagitan ng pagpapalabunutan. (Bil 26:55, 56) Tinatalakay ito nang detalyado sa aklat ng Josue, anupat ang mga salitang “palabunot” o “palabunutan” ay lumilitaw nang mahigit sa 20 ulit sa mga kabanata 14 hanggang 21. Nagpalabunutan noon sa harap ni Jehova sa tolda ng kapisanan sa Shilo at ito’y sa ilalim ng pangangasiwa ni Josue at ng mataas na saserdoteng si Eleazar. (Jos 17:4; 18:6, 8) Pinili rin ang mga lunsod ng mga Levita sa pamamagitan ng palabunutan. (Jos 21:8) Maliwanag na pinangyari ni Jehova na mahulog ang palabunot kasuwato ng kaniyang naunang hula may kinalaman sa kalakhang lokasyon ng mga tribo.—Gen 49.
Ginamit din noon ang palabunutan upang ituro kung sino ang mga nagkasala. Sa kaso ni Jonas, nagpalabunutan ang mga marinero upang malaman kung sino ang dahilan kung bakit sumapit sa kanila ang bagyo. (Jon 1:7, 8) Sa pamamagitan ng palabunutan, naituro si Jonatan bilang ang isa na lumabag sa mangmang na panata ni Saul.—1Sa 14:41, 42.
Ginamit ng mga kaaway ng Israel ang palabunutan upang paghati-hatian ang samsam at ang mga bihag sa digmaan. (Joe 3:3; Ob 11) Ipinahagis naman ni Haman ang “Pur, na siyang Palabunot” bilang isang anyo ng panghuhula upang alamin ang angkop na araw para sa paglipol sa mga Judio sa buong Imperyo ng Persia. (Es 3:7) Ang anyong pangmaramihan nito ay pu·rimʹ, na pinagkunan ng pangalan ng Kapistahan ng Purim, tinatawag ding Kapistahan ng mga Palabunot.—Es 9:24-26.
Noong Panahon ng mga Apostol. Ginamit ng mga alagad ni Jesus ang palabunutan, lakip ang kanilang panalangin, upang pagpasiyahan kung sino ang hahalili kay Hudas Iscariote bilang isa sa 12 na nakasaksi sa mga gawain ni Jesus at sa kaniyang pagkabuhay-muli; si Matias ang napili. (Gaw 1:21-26) Ang salitang Griego rito ay kleʹros at nauugnay ito sa salitang kle·ro·no·miʹa, nangangahulugang mana. Ang kleʹros ay ginagamit sa Colosas 1:12 at 1 Pedro 5:3 may kinalaman sa mana, o takdang bahagi, na ibinigay ng Diyos sa mga Kristiyano.
Ngunit wala tayong mababasa na ginamit ang palabunutan pagkaraan ng Pentecostes 33 C.E. para sa pagpili sa mga tagapangasiwa at sa kanilang mga katulong o upang pagpasiyahan ang mahahalagang bagay. Ang pagpili sa mga tagapangasiwa at sa kanilang mga katulong ay dapat na salig sa katibayan ng mga bunga ng banal na espiritu sa kanilang buhay (1Ti 3; Tit 1), samantalang ang ibang mga pasiya ay salig naman sa katuparan ng hula, sa patnubay ng mga anghel, sa mga simulain ng Salita ng Diyos at ng mga turo ni Jesus, at sa patnubay ng banal na espiritu. (Gaw 5:19-21; 13:2, 3; 14:23; 15:15-19, 28) Sinasabi ng apostol na si Pablo: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang . . . sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay.”—2Ti 3:16.