Palasyo ng Gobernador
Ang terminong Griego na prai·toʹri·on (mula sa Lat., praetorium) ay tumutukoy sa opisyal na tirahan ng mga Romanong gobernador. Sa palasyo ng gobernador sa Jerusalem pinagtatanong ni Poncio Pilato si Kristo Jesus, at sa looban naman nito siya nilibak ng mga kawal na Romano. (Mar 15:16; Ju 18:28, 33; 19:9) Iniuugnay ng ilan ang palasyo ng gobernador sa Tore ng Antonia, ngunit iminumungkahi naman ng iba na malamang na ito ang palasyong itinayo ni Herodes na Dakila. Bilang suporta sa pangmalas na kababanggit lamang, iniharap ang sumusunod na mga dahilan: (1) Ayon sa unang-siglong Judiong pilosopo na si Philo (The Embassy to Gaius, XXXIX, 306), ang palasyo ni Herodes ay tinatawag na “ang bahay ng mga gobernador,” at doon nagsabit ng mga kalasag si Gobernador Pilato bilang parangal kay Tiberio Cesar. (2) Iniulat ng Judiong istoryador na si Josephus na doon humimpil ang prokurador na si Gessius Florus. (The Jewish War, II, 301 [xiv, 8]) (3) Ang palasyo ni Herodes sa Cesarea ang nagsilbing palasyo ng gobernador sa lunsod na iyon.—Gaw 23:33-35.
Ang palasyo ni Herodes sa Jerusalem ay nasa HK panulukan ng ilayang lunsod, samakatuwid nga, ng timugang bahagi ng lunsod. Ayon sa paglalarawan ni Josephus, napalilibutan iyon ng pader na 30 siko ang taas (13 m; 44 na piye) at may mga toreng pare-pareho ang mga pagitan. Sa loob ng mga pader ay may mga portiko, mga looban, at maraming punungkahoy. Ang mga silid ay may mararangyang kasangkapang ginto, pilak at marmol. May mga silid-tulugan doon para sa isang daang panauhin.—Jewish Antiquities, XV, 318 (ix, 3); The Jewish War, V, 173-182 (iv, 4).