Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Palestina

Palestina

Ang lupain na nasa silanganing dulo ng Mediteraneo, na minsang tinirahan ng sinaunang bansang Israel. Ang pangalang ito’y hinalaw sa Latin na Palaestina at sa Griegong Pa·lai·stiʹne. Ang huling nabanggit na salita ay hinalaw naman sa Hebreong Peleʹsheth. Sa Hebreong Kasulatan, ang Peleʹsheth (isinalin bilang “Filistia”) ay tumutukoy lamang sa limitadong baybaying teritoryo na tinirahan ng mga Filisteo. (Exo 15:14; Aw 60:8; 83:7; 87:4; 108:9; Isa 14:29, 31; Joe 3:4) Gayunman, ginamit ni Herodotus, noong ikalimang siglo B.C.E., at nang maglaon ng iba pang sekular na manunulat (sina Philo, Ovid, Pliny, Josephus, Jerome) ang mga terminong Griego at Latin upang tumukoy sa buong teritoryo na dating kilala bilang “lupain ng Canaan” o “lupain ng Israel.” (Bil 34:2; 1Sa 13:19) Dahil ipinangako ni Jehova ang lupaing ito kay Abraham at sa mga inapo nito (Gen 15:18; Deu 9:27, 28), angkop din itong tawagin na Lupang Pangako o Lupang Ipinangako. (Heb 11:9) Pasimula noong Edad Medya, kadalasa’y tinatawag itong Banal na Lupain.

Masasabing pinag-uugnay ng Palestina ang mga kontinente ng Europa, Asia, at Aprika. Dahil dito, ang Palestina ay mistulang nasa gitna ng isang bilog at nakapalibot sa kaniya ang sinaunang mga kapangyarihang pandaigdig ng Ehipto, Asirya, Babilonya, Persia, Gresya, at Roma. (Eze 5:5) Palibhasa’y nakukulong ng malalaking disyerto sa S at T at ng Malaking Dagat, o Mediteraneo, sa K, ang Palestina ay nagsilbing tulay na lupa sa pagitan ng mga ilog ng Nilo at Eufrates. Ang tulay na ito’y binagtas ng mga pulutong na nagparoo’t parito sa mga ruta ng pandaigdig na kalakalan. Matatagpuan sa tinatawag na Fertile Crescent, ang Palestina ay kawili-wiling pag-aralan. Isa itong magandang lugar na biniyayaan ng sariling likas na yaman at espesyal na mga katangian.

Batay sa paggamit ngayon sa terminong “Palestina,” ito’y tumutukoy sa isang kalakhang rehiyon. Hindi ito nagpapahiwatig ng tiyak na mga hangganan. Sa T, maaaring gunigunihin ang isang linya mula sa timugang dulo ng Dagat na Patay hanggang sa TS sulok ng Mediteraneo, at sa H naman ay isa pang linya na bumabagtas mula sa timugang mga dalisdis ng Bundok Hermon hanggang sa isang lugar malapit sa lunsod ng Tiro. Ang lugar na ito, mula sa H hanggang sa T, o “mula sa Dan hanggang sa Beer-sheba” (1Sa 3:20; 2Sa 3:10), ay may haba na mga 240 km (150 mi). Mula sa Dagat Mediteraneo sa K, ang Palestina ay umaabot sa Disyerto ng Arabia sa S. Sa kabuuan, ang lugar na ito’y mga 25,500 km kuwadrado (9,850 mi kuwadrado), anupat mas maliit sa Belgium, ngunit mas malaki nang kaunti sa estado ng New Hampshire sa E.U.A.

Heograpikong Kaanyuan. (MAPA, Tomo 1, p. 333) Upang magkaroon ng kumpletong larawan ng heograpiya nito, makatutulong kung hahatiin ang teritoryo ng Palestina sa apat na rehiyon, mula sa H patungong T.

Una, isang pahaba at matabang kapatagan ang makikita sa kahabaan ng baybayin, isang baybayin na sa kalakhang bahagi ay halos walang likas na mga daungan. Ang baybaying kapatagang ito ay hinahati sa dalawang seksiyon ng lungos ng kahanga-hangang Kabundukan ng Carmel, na halos nakaungos hanggang sa dagat. Ang hilagaang seksiyon ay nakilala bilang ang Kapatagan ng Aser o Fenicia. Ang timugang bahagi naman ay lumiligid sa mga burol ng buhangin na katabing-katabi ng dagat, at binubuo ito ng Kapatagan ng Saron at ng Kapatagan ng Filistia. Ang huling nabanggit na kapatagan ay papaluwang sa gawing T.

Ang ikalawang heograpikong rehiyon, na kalapit lamang ng tabing-dagat na mga kapatagan, ay binubuo ng pangunahing mga kabundukan. Ang mga kabundukang ito’y bumabagtas mula sa H patungong T na parang pinakagulugod ng bansa. Matatagpuan sa H ang mga bundok ng Neptali, na tinatawag ding Mga Burol ng Galilea. Ang mga ito’y ekstensiyon ng kabundukan ng Lebanon, na nakilala sa mga kagubatan nito ng sedro at sa prominenteng Bundok Hermon, na umaabot sa taas na 2,814 na m (9,232 piye). Ang hilagaang mga bundok ng Palestina ay may altitud na mula 1,208 m (3,963 piye) sa Har Meron na nasa Mataas na Galilea hanggang 562 m (1,844 na piye) para naman sa Bundok Tabor, na napabantog noong panahon ni Barak. (Huk 4:12) Sa ibaba ng Bundok Tabor ay matatagpuan ang isang maituturing na malapad na gitnang kapatagan na nakapahalang sa bansa mula sa K patungong S. Inihihiwalay nito ang hilagaang mga bundok mula sa mga nasa T. Sa Libis ng Jezreel, o Esdraelon, nangyari ang maraming mahahalagang pagbabaka. Mayroon itong dalawang bahagi, ang silanganing “mababang kapatagan ng Jezreel,” at ang kanluraning seksiyon, ang “kapatagang libis ng Megido.”​—Jos 17:16; 2Cr 35:22.

Sa dakong K at H ng libis ng Megido, na dinaraanan ng tubig ng Kison, ay naroon ang Kabundukan ng Carmel na bumabagtas nang patimog-silangan mula sa baybayin. Dumurugtong ito sa mga bundok ng Efraim, o Samaria, na kinaroroonan naman ng makasaysayang mga taluktok ng Gerizim at Ebal. Ang huling nabanggit na taluktok ay may taas na mahigit sa 900 m (3,000 piye). (Deu 11:29) Sa gawing T pa, ang kabundukang ito’y nakilala bilang ang “bulubunduking pook ng Juda,” sapagkat bagaman ang mga taluktok nito ay may taas na mula 600 m (2,000 piye) hanggang sa mahigit na 1,000 m (3,300 piye), ang lugar na ito sa kalakhan ay binubuo ng mga talampas, pabilog na mga burol, at di-gaanong matatarik na dalisdis. (2Cr 27:4; Luc 1:39) Sa rehiyong ito matatagpuan ang mga lunsod ng Jerusalem, Betlehem, at Hebron.

Sa T, ang kabundukan ng Juda ay unti-unting dumurugtong sa Negeb, isang pangalan na ipinapalagay na mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “maging tigang.” Ang rehiyon ng Negeb ay umaabot sa agusang libis ng Ehipto at nagsilbing timugang bahagi ng Palestina. Nasa hilagaang gilid ng Negeb ang tulad-oasis na lunsod ng Beer-sheba at nasa pinakadulong timog naman ang Kades-barnea.​—Gen 12:9; 20:1; 22:19.

Mula sa K, kapag ang isa ay papalapit sa kabundukan ng Juda, madaraanan niya ang maburol na seksiyon na tinatawag na Sepela. Ito’y may maliliit na K-S libis na nagmumula sa mga baybaying kapatagan at tumatalunton sa bulubunduking lupain. (Jos 9:1) Sa kalakhang bahagi, ang mga burol na ito’y maaaring panginainan ng mga kawan at mga bakahan, at ang mga bukal sa mga libis ay makapaglalaan naman ng kinakailangang tubig.

Ang ikatlong bahagi ng heograpiya ng Palestina ay ang malaking Rift Valley, na kung minsa’y tinatawag na Araba. (Deu 11:30) Hinahati nito nang pahaba ang bansa, mula sa itaas pababa. Ang malalim na guwang na ito’y nagsisimula sa Sirya sa dakong H at bumabagtas nang patimog hanggang sa Gulpo ng ʽAqaba ng Dagat na Pula. Lalo pang naging kahanga-hanga ang malalim na dakong ito sa gitna ng lupain dahil sa mga kabundukan at mga dalisdis na nakahanay sa magkabilang panig nito.

Kung tataluntunin ng isa ang tulad-trinsera at malalim na dakong ito mula sa H patungong T, siya’y biglang lulusong mula sa mabuburol na paanan ng Bundok Hermon patungo sa Lunas ng Hula, kung saan dating lumilikha ng isang maliit na lawa ang bukal ng Jordan. Mula roon, ang Jordan, sa distansiyang mga 16 na km (10 mi), ay mabilis na lumulusong nang mahigit sa 270 m (890 piye) patungo sa Dagat ng Galilea, na mga 210 m (700 piye) ang kababaan mula sa kapantayan ng dagat. Mula sa Galilea hanggang sa Dagat na Patay, ang malaking guwang na ito ay ang mismong Libis ng Jordan, at tinatawag ito ng mga Arabe na Ghor, nangangahulugang “malalim na dako.” Ito’y isang “bangin” na ang ibang bahagi ay umaabot nang 19 na km (12 mi) ang lapad. Ang mismong Jordan ay mas mababa nang mga 45 m (150 piye) sa pinakasahig ng libis na ito, at habang dahan-dahang nagpapaliku-liko ang Jordan pababa sa Dagat na Patay, patuloy itong lumulusong nang mga 180 m (600 piye). (LARAWAN, Tomo 1, p. 334) Kaya naman, ang Dagat na Patay ay mas mababa nang mga 400 m (1,300 piye) mula sa lebel ng Mediteraneo​—ang pinakamababang dako sa balat ng lupa.

Sa timog ng Dagat na Patay, ang ekstensiyon ng Rift Valley na 160 km (100 mi) pa ang haba hanggang sa Gulpo ng ʽAqaba ay mas kilala bilang ang mismong Araba. (Deu 2:8) Ang pinakamataas na bahagi nito ay sa kalagitnaan, mga 200 m (650 piye) ang taas mula sa kapantayan ng dagat.

Ang ikaapat na heograpikong rehiyon ng Palestina ay binubuo ng mga burol at mga talampas sa S ng malaking guwang ng Jordan. (Deu 2:36, 37; 3:8-10) Sa H, ang sakahang lupaing ito ay nakararating sa S ng Dagat ng Galilea at marahil ay umaabot nang 100 km (60 mi) doon. Sa T naman, mga 40 km (25 mi) lamang ang lapad nito bago ito maging isang ilang, o tigang na mga lupain na nagiging bahagi ng Disyerto ng Arabia. Ang mas malawak na hilagaang seksiyon ng alun-along silanganing rehiyon na ito, sa itaas ng Ramot-gilead, ay tinatawag na lupain ng Basan, mga 600 m (2,000 piye) ang katamtamang altitud nito. Sa T ng Basan, ang tulad-bobidang pook ng Gilead ay umaabot sa taas na 1,000 m (3,300 piye). Sa T ng Gilead, kahangga ng pook na ito ang talampas sa H ng agusang libis ng Arnon, ang lugar na kinaroroonan ng Bundok Nebo, na may taas na mahigit sa 800 m (2,630 piye). Kahangga naman ng teritoryong ito (na minsa’y naging pag-aari ng mga Ammonita) sa T ng agusang libis ng Arnon ang lupain ng Moab.​—Jos 13:24, 25; Huk 11:12-28.

Mga Pangalang Heograpiko. Ang sinaunang mga pangalang Hebreo ng maraming lunsod, bundok, at libis sa Palestina ay naglaho na. Isang dahilan nito ay ang pananakop ng mga Arabe sa Palestina mula noong 638 C.E. Ngunit, yamang wikang Arabe ang buháy na wika na may pinakamalapit na kaugnayan sa Hebreo, sa ilang kaso ay posibleng matukoy nang may katumpakan ang ilang sinaunang mga lugar at mga lokasyon ng mahahalagang pangyayari.

Itinala sa sumunod na pahina ang ilang karaniwang terminong heograpiko na Arabe at Hebreo na makatutulong upang maiugnay sa mga lokasyon sa Bibliya ang ilang lugar.

Klima. Ang Palestina ay may sari-saring klima dahil sa iba’t ibang topograpiya nito. Ang iba’t ibang altitud, sa loob ng mga 160 km (100 mi), mula sa Dagat na Patay hanggang sa Bundok Hermon, ay lumilikha ng sari-saring klima na katumbas ng mga klima sa loob ng libu-libong milyang latitud sa pagitan ng Tropiko at Artiko. Ang Bundok Hermon ay kadalasang nababalutan ng niyebe sa kalakhang bahagi ng taon, samantalang sa ibaba sa kahabaan ng Dagat na Pula, ang temperatura kung minsan ay umaabot ng 50° C. (122° F.). Nagiging katamtaman naman ang temperatura sa kahabaan ng gitnang kabundukan dahil sa hanging pumapaitaas mula sa Mediteraneo. Dahil dito, madalang na uminit nang mahigit sa 32° C. (90° F.) sa Jerusalem, at bihirang magyelo roon. Ang katamtamang temperatura nito kapag Enero ay mga 10° C. (50° F.). Bihirang umulan ng niyebe sa bahaging iyon ng bansa.​—Ihambing ang 2Sa 23:20.

Iba’t iba rin ang antas ng pag-ulan sa bansang ito. Sa kahabaan ng baybayin, ang taunang presipitasyon ay mga 38 sentimetro (15 pulgada), ngunit doble nito ang presipitasyon sa mas matataas na altitud ng Bundok Carmel, ng gitnang kabundukan, at ng mga bulubunduking lupain sa S ng Jordan. Sa kabilang dako naman, maladisyerto ang kalagayan sa lugar ng Negeb, sa mababang Libis ng Jordan, at sa Dagat na Patay, na may 5 hanggang 10 sentimetro (2 hanggang 4 na pulgada) ng ulan taun-taon. Ang ulan ay kadalasang bumubuhos sa taglamig na mga buwan ng Disyembre, Enero, at Pebrero; 6 o 7 porsiyento lamang ng ulan ang bumubuhos kapag mga buwan ng tag-araw, mula Hunyo hanggang Oktubre. Dahil sa banayad na “maagang ulan,” o ulan sa taglagas, kapag Oktubre at Nobyembre, maaari nang araruhin ang lupa (na pinatigas ng init ng tag-araw) bilang paghahanda para sa paghahasik ng mga butil na pantaglamig. Ang “huling ulan,” o ulan sa tagsibol, ay dumarating tuwing Marso at Abril.​—Deu 11:14; Joe 2:23; Zac 10:1; San 5:7.

Ang isa sa pinakamahahalagang likas na yaman ng Palestina ay ang saganang hamog nito, lalo na sa mga buwan ng tag-araw kapag walang ulan. Kung wala ang makapal na hamog na ito, marami sa mga ubasan at mga lupaing pastulan ang mapipinsala nang husto. (Hag 1:10; Zac 8:12) Ang mahalumigmig na mga hanging humihihip paitaas mula sa Mediteraneo at pababa naman mula sa Bundok Hermon ang dahilan ng saganang hamog sa Palestina. (Aw 133:3) Sa ilang lugar, napakakapal ng hamog sa gabi anupat nababawi ng mga pananim ang sapat na halumigmig na nawala sa kanila sa mainit na maghapon. (Ihambing ang Job 29:19.) Lalo nang mahalaga ang hamog sa Negeb at sa matataas na lupain ng Gilead kung saan kaunting-kaunti ang ulan.​—Tingnan ang HAMOG.

Mga Halaman at Hayop. Ikinamangha ng mga botaniko ang napakaraming uri ng mga punungkahoy, mga palumpong, at mga halaman sa maliit na lugar na ito sa planetang Lupa. Tinataya ng isa sa kanila na mga 2,600 uri ng halaman ang tumutubo rito. Ang iba’t ibang altitud, klima, at lupa ang isang dahilan ng pagkakasari-saring ito ng mga halaman. Ang ilang halaman dito ay nabubuhay sa malamig na alpino, ang ilan ay sa napakainit na disyerto, at ang iba naman ay sa mabanlik na kapatagan o mabatong talampas. Bawat isa ay namumulaklak at nagkakabinhi sa kapanahunan nito. Matatagpuan di-kalayuan sa isa’t isa ang mga palmang nabubuhay sa mainit na klima at ang mga ensina at mga pino na nabubuhay sa malamig na klima. Makakakita rin dito ng mga sause sa kahabaan ng mga ilog at mga tamarisko sa ilang. Ang lupaing ito’y bantog din sa mga alagang ubasan, taniman ng olibo, taniman ng igos, at mga bukid ng trigo, sebada, at mijo. Ang iba pang pananim dito ay gisantes, beans, lentehas, talong, sibuyas, at pipino, gayundin ang algudon at lino. Sa makabagong panahon, kadalasa’y di-masisiyahan ang mga bumibisita sa lupaing ito maliban kung tagsibol, kung kailan punô ng namumukadkad na mga bulaklak ang mga karatig na lupain. Sa kalakhang bahagi ng taon, ang mababatong dalisdis ng burol ay kalbo at mapanglaw. Gayunman, mas makakapal ang kakahuyan ng ilang bahagi ng lupain noon kaysa sa ngayon, anupat mayabong na tulad ng “hardin ni Jehova,” isang tunay na harding botanikal na “inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan,” mabunga at kaakit-akit.​—Gen 13:10; Exo 3:8; Bil 13:23, 24; Deu 8:7-9.

Mas sagana sa hayop, ibon, at isda ang tulad-parkeng Palestina noon kaysa sa ngayon. Wala nang leon, oso, torong gubat, at hipopotamus sa lugar na ito, ngunit kabilang sa mga hayop-iláng na matatagpuan dito ang lobo, baboy-ramo, musang, chakal, kuneho, at sorra. Pangkaraniwan din ang mga alagang hayop​—tupa, kambing, baka, kabayo, asno, at kamelyo. Tinatayang sa ngayon ay may mga 85 iba’t ibang uri ng mamalya, 350 uri ng ibon, at 75 uri ng reptilya sa Israel.

Yaman Mula sa Lupa. Bukod sa ito’y isang lupain na natutubigang mainam at nakapagluluwal ng saganang pagkain, may kapaki-pakinabang na mga inambato ng bakal at tanso sa kabundukan ng Palestina. (Deu 8:9) Ang ginto, pilak, lata, at tingga naman ay kinailangang angkatin nito, ngunit may malalaking deposito ng asin sa lupain, at sa Libis ng Jordan ay may malalawak na suson ng luwad para sa mga industriya ng paggawa ng laryo, mga kagamitang luwad, at paghuhulma ng bakal. (1Ha 7:46) May de-kalidad na batong-apog na matitibag sa lupain para sa hanapbuhay na pagtatayo, at mayroon ding matingkad na basalto roon na itinuring na mahalaga dahil sa tigas at pino nito.

[Tsart sa pahina 775]

MGA TERMINONG HEOGRAPIKO

Arabe

Hebreo

Tagalog

‛ain

‛en [‛enot, pm.]

bukal

beit

bet

bahay

biq‛ah [beqa‛, pm.]

biq‛a(t)

kapatagang libis

bir

be’er

balon

birkeh(et)

berekha(t)

tipunang-tubig

burj

tore

darb

lansangan, daan

debbeh(et)

mataas na dakong mabuhangin

deir

kumbento, monasteryo

‛emeq

mababang kapatagan

gay, ge

libis

ghor

malalim na dako

giv‛a(t) [giv‛ot, pm.]

burol

jebel

har

bundok

kafr

kefar

nayon

khirbeh(et)

horva(t)

guho

ma‛ale

sampahan

majdel

migdal

tore

mayan

bukal

mifraz

look, gulpo

mughar

me‛arah(t)

yungib

nahr

ilog

naqb

landas sa bundok

nebi

propeta

qal‛ah(at)

tanggulan

qarn

qeren

taluktok (sa literal, sungay)

qarya(t)

qirya(t)

bayan

qasr

kastilyo, palasyo

rameh

rama(t)

talampas

ras

rosh

taluktok ng bundok; tangos

rujm

rogem

bunton ng bato (na pinakaalaala)

shatt

baybayin o pampang; ilog

tal‛ah(at)

mataas na dako

tell [tulul, pm.]

tel

gulod, bunton

wadi

nahal

agusang libis

yam

dagat

[Dayagram sa pahina 773]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

CROSS SECTION ng PALESTINA

Lebel ng Dagat

Malaking Dagat

Baybaying Kapatagan

Sepela

Kbdk. ng Juda

Kbdk. ng Samaria

Kbdk. ng Lebanon

Libis ng Jordan

Talampas

Bdk. Hermon

Lebel ng Dagat

Dagat Asin

Lebel ng Dagat Asin