Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pamumusong

Pamumusong

Ang terminong Griego na bla·sphe·miʹa, na isinaling “pamumusong,” ay may pangunahing kahulugan na mapaminsala, mapanirang-puri, o mapang-abusong pananalita na nakatuon laban sa Diyos o sa tao. (Ihambing ang Apo 16:11; Mat 27:39.) Gayunman, ang salitang Tagalog na “pamumusong” ay kadalasang ginagamit sa Bibliya upang tumukoy sa walang-pitagan o mapang-abusong pananalita laban sa Diyos at sa mga bagay na sagrado.​—Tingnan ang MAPANG-ABUSONG PANANALITA.

Dahil sa pangalang Di·aʹbo·los (nangangahulugang “Diyablo” o “Maninirang-puri”) na ibinigay sa orihinal na kalaban ng Diyos, maliwanag na siya ang kauna-unahang nagkasala ng pamumusong. Bagaman ang pananalita niya kay Eva sa Eden ay mapagbalatkayo at tuso, ipinahiwatig nito na ang Maylalang ay hindi nagsasabi ng totoo. (Gen 3:1-5) Kaya naman mula noon hanggang ngayon, si Satanas ang pangunahing manunulsol ng pamumusong.​—Ju 8:44-49.

Malamang na ang “pagtawag sa pangalan ni Jehova” na nagsimula noong panahon ni Enos bago ang Baha ay hindi matuwid at wasto, sapagkat walang alinlangang malaon pa bago niyaon ay ginagamit na ni Abel ang banal na pangalan sa pakikipag-ugnayan sa Diyos. (Gen 4:26; Heb 11:4) Kung ang pagtawag na ito sa pangalan ng Diyos ay tumutukoy sa maling paggamit dito at di-wastong pagkakapit ng pangalan ni Jehova sa mga tao o sa mga bagay na idolatroso, gaya ng pinanghahawakan ng ilang iskolar, ito samakatuwid ay isang pamumusong.​—Tingnan ang ENOS.

Nabahala ang tapat na si Job na baka “isinumpa [ng kaniyang mga anak] ang Diyos sa kanilang puso” sa pamamagitan ng makasalanang mga kaisipan; at nang iparanas sa kaniya ang matinding kapighatian, “hindi nagkasala si Job ni nagpatungkol man sa Diyos ng anumang di-wasto” sa kabila ng mapamusong na mga pagsisikap ng Kalaban na pangyarihin siyang ‘sumpain ang Diyos nang mukhaan.’ (Job 1:5, 11, 20-22; 2:5-10) Ang tatlong kasamahan ni Job, sinasadya man nila o hindi, ay nagbigay ng maling impresyon tungkol sa Diyos at “inari nilang balakyot ang Diyos,” samantalang nagpapasaring sila na si Job ay nagsalita at kumilos nang may pamumusong.​—Job 15:6, 25; 32:3; 42:7, 8.

Pamumusong sa Ilalim ng Tipang Kautusan. Isinasaad sa unang tatlong utos ng “Sampung Salita,” o Sampung Utos, ang natatanging posisyon ng Diyos na Jehova bilang Soberano ng Sansinukob at ang kaniyang bukod-tanging karapatang tumanggap ng pagsamba, anupat nagbababala rin ito: “Huwag mong gagamitin ang pangalan ni Jehova na iyong Diyos sa walang-kabuluhang paraan, sapagkat hindi hahayaan ni Jehova na di-naparurusahan ang gumagamit ng kaniyang pangalan sa walang-kabuluhang paraan.” (Exo 34:28; 20:1-7) Hinahatulan ang pagsumpa sa Diyos at ang pagsumpa sa isang pinuno. (Exo 22:28) Mula noon, ang unang napaulat na halimbawa ng berbal na pamumusong ay yaong sinalita ng isang mestisong anak na lalaki. Nang ang anak na ito ay makipag-away sa isang lalaking Israelita, ‘pinasimulan niyang lapastanganin ang Pangalan at isinumpa niya iyon.’ Iniutos ni Jehova na parusahan ng kamatayan ang manlalabag sa pamamagitan ng pagbato, at itinatag Niya ito bilang kaukulang parusa para sa sinumang ‘lalapastangan sa pangalan ni Jehova’ sa hinaharap, siya man ay isang katutubong Israelita o isang naninirahang dayuhan sa gitna nila.​—Lev 24:10-16.

Di-nagtagal pagkatapos nito, ang karamihan ng mga Israelita ay nagkasala ng walang-galang na pagbubulung-bulungan laban kay Jehova. Dahil dito, sila’y sinentensiyahang magpagala-gala nang 40 taon sa ilang, at yaong mga mula 20 taóng gulang pataas ay sinentensiyahang mamatay roon. (Bil 14:1-4, 11, 23, 29; Deu 1:27, 28, 34-39) Dahil sa kanilang mapamusong na saloobin ay nag-usap pa nga sila na pagbabatuhin ang tapat na mga lingkod ng Diyos. (Bil 14:10) Bagaman ang mapang-abusong pananalita nina Kora, Datan, at Abiram ay aktuwal na nakatuon laban sa mga kinatawan ng Diyos na sina Moises at Aaron, bago patayin ng Diyos ang mga lalaking ito at yaong mga kabilang sa kanilang sambahayan sa harap ng kanilang mga tolda, sinabi ni Moises sa mga nagmamasid: “Tiyak na makikilala nga ninyo na pinakitunguhan ng mga taong ito si Jehova nang walang galang,” sa pamamagitan ng paghamak nila sa kaniyang mga hinirang.​—Bil 16:1-3, 30-35.

Kahit na walang kasangkot na mga pananalitang binigkas laban sa Diyos, maliwanag na ang mga pagkilos ng isa laban sa mga kautusan ng tipan ng Diyos ay maaaring maging katumbas ng ‘pagsasalita nang may pang-aabuso kay Jehova’ o isang pamumusong sa kaniya. Sa gayon, bagaman binibigyan ng maawaing konsiderasyon ang di-sinasadyang manlalabag ng kautusan ng Diyos, ang indibiduwal na gumagawa ng sinasadya at kusang-loob na mga paglabag, katutubong Israelita man o naninirahang dayuhan, ay papatayin dahil nagsalita siya nang may pang-aabuso kay Jehova at hinamak niya ang Kaniyang salita at utos.​—Bil 15:27-31; ihambing ang Deu 31:20; Ne 9:18, 26.

Ang iba pang mga halimbawa ng pamumusong na nakaulat sa Hebreong Kasulatan ay yaong ginawa ng mga anak ng saserdoteng si Eli (1Sa 3:12, 13) at ng paganong Asiryanong opisyal na si Rabsases. (2Ha 19:4-6, 22, 23) Hinatulan ng pamumusong ang walang-salang si Nabot at ipinapatay siya salig sa patotoo ng mga bulaang saksi. (1Ha 21:10-13) Nang maglaon, tinuligsa ng Diyos ang mga bulaang propeta na nagpatibay-loob sa mga walang-galang kay Jehova. (Jer 23:16, 17) Nagbigay si Jehova ng tuwirang babala na ang mga nandurusta sa kaniya ay gagawaran ng kanilang kaukulang kagantihan “sa kanilang dibdib.” (Isa 65:6, 7; ihambing ang Aw 10:13; Isa 8:20-22.) Dahil sa pag-aapostata ng Israel, ang pangalan ni Jehova ay dinusta sa gitna ng mga bansa.​—Isa 52:4, 5; Eze 36:20, 21.

Sa kalaunan, pinalaganap ng turong rabiniko ang maling pangmalas na hinahatulan ng Levitico 24:10-23 bilang pamumusong ang basta pagbigkas sa pangalang Jehova. Ayon din sa tradisyon ng Talmud, kapag ang mga relihiyosong hukom ay dumirinig ng patotoo na naglalahad ng mapamusong na mga salitang diumano’y ginamit ng akusado, pupunitin nila ang kanilang mga kasuutan, bilang pagsunod sa halimbawang nasa 2 Hari 18:37; 19:1-4.​—The Jewish Encyclopedia, 1976, Tomo III, p. 237; ihambing ang Mat 26:65.

“Pamumusong” sa Griegong Kasulatan. Ipinakita ng apostol na si Pablo ang saligang kahulugan ng bla·sphe·miʹa sa pamamagitan ng paggamit sa kaugnay na pandiwang Griego na bla·sphe·meʹo sa Roma 2:24 nang sumipi siya mula sa Isaias 52:5 at Ezekiel 36:20, 21, na nabanggit na.

Kalakip sa pamumusong ang pag-angkin sa mga katangian o mga karapatan ng Diyos, o pag-uukol ng mga ito sa ibang persona o bagay. (Ihambing ang Gaw 12:21, 22.) Inakusahan ng mga Judiong lider ng relihiyon si Kristo Jesus ng pamumusong dahil sinabi niya na napatawad na ang mga kasalanan ng ilang tao (Mat 9:2, 3; Mar 2:5-7; Luc 5:20, 21), at tinangka nila siyang batuhin bilang isang mapamusong dahil ipinahayag niyang siya ang Anak ng Diyos. (Ju 10:33-36) Nang sabihin ni Jesus sa harap ng Sanedrin ang tungkol sa layunin ng Diyos para sa kaniya at ang mataas na posisyong ipagkakaloob sa kaniya, hinapak ng mataas na saserdote ang mga kasuutan nito at inakusahan nito si Jesus ng pamumusong, anupat dahil dito ay hinatulan si Jesus bilang karapat-dapat sa kamatayan. (Mat 26:63-66; Mar 14:61-64) Palibhasa’y wala silang awtoridad mula sa mga Romano para maglapat ng hatol na kamatayan, may-katusuhang pinalitan ng mga Judiong lider ng relihiyon ang kanilang akusasyong pamumusong ng akusasyong sedisyon nang dalhin nila si Jesus sa harap ni Pilato.​—Ju 18:29–19:16.

Yamang si Jesus ang Anak ng Diyos at ang tuwirang kinatawan Niya, ang mga bagay na sinalita laban sa kaniya ay maituturing din na pamumusong. (Luc 22:65) Gayundin, yamang ang banal na espiritu o aktibong puwersa ay nanggagaling sa Diyos at malapit na nauugnay sa persona ng Diyos, wasto lamang na tukuyin ni Jesus ang “pamumusong laban sa espiritu.” Sinasabing ito ang kasalanang walang kapatawaran. (Mat 12:31; Mar 3:28, 29; Luc 12:10) Ipinakikita ng Kasulatan na sa puso ng isa nagmumula ang pamumusong (Mat 15:19; Mar 7:21, 22); samakatuwid, ang kalagayan ng puso, na makikita sa antas ng pananadya, ay may kaugnayan sa gayong pamumusong laban sa espiritu. Ang pangyayaring naganap bago sabihin ni Jesus na walang kapatawaran ang gayong kasalanan ay nagpapakita na tumutukoy ito sa pagsalansang sa pagkilos ng espiritu ng Diyos. Ito’y hindi dahil sa pagiging nalinlang, kahinaan ng tao, o di-kasakdalan. Sa halip, ang pagsalansang ay kusang-loob at sinasadya. Malinaw na nakita ng mga Pariseo na kumikilos ang espiritu ng Diyos kay Jesus kung kaya nakagawa siya ng mabuti, ngunit dahil sa makasariling hangarin, iniukol nila ang kapangyarihang ito kay Beelzebub, si Satanas na Diyablo, at sa gayo’y namusong sila laban sa banal na espiritu ng Diyos.​—Mat 12:22-32; ihambing ang Heb 6:4-6; 10:26, 27.

Tulad ni Jesus, si Esteban ay pinatay bilang isang martir dahil sa paratang na pamumusong. (Gaw 6:11-13; 7:56-58) Si Pablo, bilang si Saul, ay dating isang mamumusong at sinikap niyang pilitin ang mga Kristiyano na gumawa ng “pagtatakwil” (sa literal, “mamusong”). Gayunman, nang siya mismo ay maging isang alagad, dumanas siya ng mapamusong na pagsalungat mula sa mga Judio, at sa Efeso, posibleng ang kaniyang turo ay binansagan ng ilang grupo bilang mapamusong sa diyosang si Artemis. (Gaw 13:45; 19:37; 26:11; 1Ti 1:13) Sa pamamagitan ng pagtitiwalag, ibinigay ni Pablo sina Himeneo at Alejandro “kay Satanas upang sa pamamagitan ng disiplina ay maturuan sila na huwag mamusong.” (1Ti 1:20; ihambing ang 2Ti 2:16-18.) Ipinakita naman ni Santiago na ang mayayaman, bilang isang grupo, ay may tendensiyang ‘mamusong sa mainam na pangalang’ itinawag sa mga alagad. (San 2:6, 7; ihambing ang Ju 17:6; Gaw 15:14.) Sa “mga huling araw,” lalaganap ang mga mamumusong (2Ti 3:1, 2), gaya rin ng inihula ng aklat ng Apocalipsis sa pamamagitan ng mga kapahayagan at ng mga sagisag.​—Apo 13:1-6; 16:9-11, 21; 17:3.