Panahong Walang Takda
Ang salitang Hebreo na ʽoh·lamʹ ay may diwa ng panahong walang takda o di-tiyak. Binibigyang-katuturan ito ng leksikograpong si Gesenius bilang nangangahulugan ng “nakakubling panahon, samakatuwid nga, malabo at matagal, anupat ang simula at wakas nito ay hindi tiyak o walang takda.” (A Hebrew and English Lexicon of the Old Testament, isinalin ni E. Robinson, 1836, p. 746) Alinsunod dito, ang mga pananalitang gaya ng “panahong walang takda” (Aw 25:6), “namamalagi nang walang takda” (Hab 3:6), “noong sinauna” (Gen 6:4), “noong sinaunang panahon,” ‘sinauna’ (Jos 24:2; Kaw 22:28; 23:10), at ‘namamalagi’ (Ec 12:5) ay angkop na nagtatawid sa diwa ng terminong ito sa orihinal na wika.
Kung minsan, ang salitang ʽoh·lamʹ ay iniuugnay sa isang bagay o persona na walang hanggan. (1Ha 2:45, tlb sa Rbi8) Sumulat ang propetang si Isaias: “Si Jehova, ang Maylalang ng mga dulo ng lupa, ay Diyos hanggang sa panahong walang takda.” (Isa 40:28) Si Jehova ay ‘mula sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda.’ (Aw 90:2) Yamang si Jehova ay imortal at hindi namamatay, mananatili siya sa pagiging Diyos na walang hanggan. (Hab 1:12; 1Ti 1:17) Gayunman, ang pananalitang Hebreo na ʽoh·lamʹ ay hindi nangangahulugang “magpakailanman” sa ganang sarili nito. Kadalasa’y tumutukoy ito sa mga bagay na may wakas, ngunit ang panahon ng pag-iral ng gayong mga bagay ay masasabing ‘hanggang sa panahong walang takda’ dahil ang panahon ng wakas ng mga ito ay hindi espesipikong binabanggit. Halimbawa, ang tipang Kautusan na ‘namamalagi nang walang takda’ ay nagwakas sa kamatayan ni Jesus at sa pagtatatag ng isang bagong tipan. (Exo 31:16, 17; Ro 10:4; Gal 5:18; Col 2:16, 17; Heb 9:15) Sa katulad na paraan, ang Aaronikong pagkasaserdote na ‘namamalagi nang walang takda’ ay nagwakas din.—Exo 40:15; Heb 7:11-24; 10:1.
May isa pang terminong Hebreo, ʽadh, na tumutukoy sa walang limitasyong panahon sa hinaharap, o pagkawalang-hanggan. (1Cr 28:9; Aw 19:9; Isa 9:6; 45:17; Hab 3:6) Kung minsan, gaya sa Awit 45:6, ang mga salitang ʽoh·lamʹ at ʽadh ay magkasamang lumilitaw at maaaring isalin bilang “panahong tuluy-tuloy, at hanggang kailanman” (Yg), “panahong walang-maliw at lampas pa” (Ro), at “panahong walang takda, magpakailan-kailanman” (NW). Tungkol sa lupa, ipinahayag ng salmista: “Hindi ito makikilos hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.”—Aw 104:5.
Ang terminong Hebreo na neʹtsach ay maaari ring tumukoy sa pagkawalang-hanggan. Kabilang sa posibleng mga salin nito ay “magpakailanman” (Job 4:20; 14:20), “nang walang hanggan” (Isa 57:16), at ‘lagi’ (Aw 9:18). Kung minsan, ang neʹtsach at ʽoh·lamʹ ay magkaugnay na binabanggit (Aw 49:8, 9), o kaya ang mga terminong neʹtsach at ʽadh ay magkasamang lumilitaw. (Am 1:11) Ang tatlong salitang ito ay pawang masusumpungan sa Awit 9:5, 6: “Sinaway mo ang mga bansa . . . Pinawi mo ang kanilang pangalan hanggang sa panahong walang takda [leʽoh·lamʹ], magpakailan-kailanman [wa·ʽedhʹ]. O ikaw na kaaway, ang iyong mga pagkatiwangwang ay dumating na sa kanilang walang-hanggang [la·neʹtsach] katapusan.”
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang ai·onʹ ay maaaring tumukoy sa isang yugto ng panahon na walang takda o di-matiyak ang haba, isang yugto ng mahabang panahon, ngunit hindi naman panahong walang katapusan. Halimbawa, sa Lucas 1:70 at Gawa 3:21, ang ai·onʹ ay maaaring isalin na “noong sinauna,” “noong sinaunang panahon.” (RS, NW, AT) Gayunman, madalas na ipinahihiwatig ng konteksto na ang ai·onʹ ay dapat unawain na tumutukoy sa isang yugto ng panahon na may di-tiyak na haba dahil ang haba ng gayong panahon ay walang katapusan. (Luc 1:55; Ju 6:50, 51; 12:34; 1Ju 2:17) Sa katulad na paraan, gaya ng makikita sa konteksto, ang pang-uring ai·oʹni·os (hinalaw sa ai·onʹ) ay maaaring kapuwa mangahulugan ng ‘lubhang mahaba’ (Ro 16:25; 2Ti 1:9; Tit 1:2) at “walang hanggan.” (Mat 18:8; 19:16, 29) Ang isa pang pang-uring Griego, a·iʹdi·os, ay espesipiko namang nangangahulugan ng “walang hanggan.”—Ro 1:20; Jud 6, NW, RS, AT; para sa higit pang pagtalakay tungkol sa ai·onʹ, tingnan ang EDAD; SISTEMA NG MGA BAGAY.