Panalangin
Mapagpitagang pakikipagtalastasan sa tunay na Diyos, o sa huwad na mga diyos. Hindi lahat ng pakikipag-usap sa Diyos ay Gen 3:8-13; 4:9-14) Ang panalangin ay nagsasangkot ng debosyon, pagtitiwala, paggalang, at ng pagkaumaasa sa isa na pinag-uukulan ng panalangin. Ang iba’t ibang salitang Hebreo at Griego na nauugnay sa panalangin ay nagpapahiwatig ng mga ideyang gaya ng humingi, humiling, makiusap, mamanhik, magsumamo, humanap, sumangguni, at gayundin, pumuri, magpasalamat, at magpala.
maituturing na panalangin, gaya ng makikita sa ulat ng paghatol na naganap sa Eden at sa kaso ni Cain. (Sabihin pa, ang mga pakiusap at mga pagsusumamo ay maaari ring ipatungkol sa mga tao, at kung minsan, sa ganitong paraan ginagamit ang mga salita sa orihinal na wika (Gen 44:18; 50:17; Gaw 25:11), ngunit ang “panalangin,” na ginagamit sa relihiyosong diwa, ay hindi kumakapit sa gayong mga kaso. Ang isa ay maaaring “mamanhik” o “magsumamo” sa ibang tao na gawin ang isang bagay, ngunit hindi niya ituturing ang indibiduwal na iyon bilang kaniyang Diyos. Halimbawa, hindi siya tahimik na magsusumamo sa isang iyon, ni gagawin man niya ang gayon samantalang hindi presente ang indibiduwal, gaya ng ginagawa ng isa kapag nananalangin sa Diyos.
Ang “Dumirinig ng Panalangin.” Pinatototohanan ng buong rekord ng Kasulatan na si Jehova ang Isa na dapat pag-ukulan ng panalangin (Aw 5:1, 2; Mat 6:9), na siya ang “Dumirinig ng panalangin” (Aw 65:2; 66:19), at na may kapangyarihan siyang kumilos alang-alang sa mga nagsusumamo sa kaniya. (Mar 11:24; Efe 3:20) Ang pananalangin sa huwad na mga diyos at sa kanilang mga imaheng idolo ay inilalantad bilang kahangalan, sapagkat ang mga idolo ay hindi nakaririnig at walang kakayahang kumilos, at ang mga diyos na kanilang kinakatawanan ay hindi karapat-dapat ihambing sa tunay na Diyos. (Huk 10:11-16; Aw 115:4, 6; Isa 45:20; 46:1, 2, 6, 7) Pinatunayan ng pagsubok hinggil sa pagkadiyos ni Baal at ni Jehova, na ginanap sa Bundok Carmel, na isang kamangmangan ang pananalangin sa huwad na mga bathala.—1Ha 18:21-39; ihambing ang Huk 6:28-32.
Bagaman inaangkin ng ilan na ang panalangin ay maaaring ipatungkol sa iba, halimbawa ay sa Anak ng Diyos, mariin itong sinasalungat ng katibayan. Totoo, may mga pagkakataong si Jesu-Kristo sa langit ang kinausap ng ilang indibiduwal. Nang malapit nang mamatay si Esteban, nagsumamo siya kay Jesus, na sinasabi, “Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking espiritu.” (Gaw 7:59) Gayunman, ipinakikita ng konteksto ang kalagayan kung bakit binigkas ni Esteban ang ganitong di-pangkaraniwang pananalita. Nang pagkakataong iyon ay nakita niya sa isang pangitain si “Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos,” at maliwanag na nadama niyang siya ay para bang nasa harap mismo ni Jesus, kaya naman nasambit niya ang gayong pakiusap sa isa na kinikilala niyang ulo ng kongregasyong Kristiyano. (Gaw 7:55, 56; Col 1:18) Sa katulad na paraan, sa pagtatapos ng Apocalipsis ay sinabi ng apostol na si Juan, “Amen! Pumarito ka, Panginoong Jesus.” (Apo 22:20) Muli, ipinakikita ng konteksto na bago iyon, sa isang pangitain (Apo 1:10; 4:1, 2), narinig ni Juan si Jesus na nagsasalita tungkol sa kaniyang pagparito sa hinaharap kung kaya tumugon si Juan sa pamamagitan ng nabanggit na pananalita upang ipahayag ang pagnanais niyang maganap ang pagparitong iyon. (Apo 22:16, 20) Halos kapareho rin ng dalawang nabanggit na kaso, may kaugnayan kay Esteban at kay Juan, ang nangyaring pakikipag-usap ni Juan sa isang makalangit na persona sa pangitain sa Apocalipsis. (Apo 7:13, 14; ihambing ang Gaw 22:6-22.) Walang anumang pahiwatig na ang Kristiyanong mga alagad ay nakipag-usap kay Jesus sa gayong paraan sa iba pang mga pagkakataon noong makaakyat na siya sa langit. Kaya naman sumulat ang apostol na si Pablo: “Sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos.”—Fil 4:6.
Tinatalakay sa artikulong PAGLAPIT SA DIYOS ang posisyon ni Kristo Jesus bilang ang isa na sa pamamagitan niya iniuukol ang panalangin. Sa pamamagitan ng dugo ni Jesus, na inihandog sa Diyos bilang hain, “mayroon tayong katapangan para sa daang papasók sa dakong banal,” samakatuwid nga, katapangang lumapit sa presensiya ng Diyos sa panalangin, anupat lumalapit nang “may tapat na mga puso sa lubos na katiyakan ng pananampalataya.” (Heb 10:19-22) Samakatuwid, si Jesu-Kristo ang tanging “daan” para sa pakikipagkasundo sa Diyos at sa paglapit sa Diyos sa panalangin.—Ju 14:6; 15:16; 16:23, 24; 1Co 1:2; Efe 2:18; tingnan ang JESU-KRISTO (Ang Kaniyang Mahalagang Dako sa Layunin ng Diyos).
Yaong mga Dinirinig ng Diyos. Ang mga tao “mula sa lahat ng laman” ay maaaring lumapit sa “Dumirinig ng panalangin,” ang Diyos na Jehova. (Aw 65:2; Gaw 15:17) Kahit noong panahong ang Israel ay “pansariling pag-aari” ng Diyos, o katipang bayan niya, ang mga banyaga ay makalalapit kay Jehova sa panalangin kung kikilalanin nila ang Israel bilang ang instrumentong ginagamit ng Diyos at ang templo sa Jerusalem bilang ang kaniyang piniling dako para sa paghahain. (Deu 9:29; 2Cr 6:32, 33; ihambing ang Isa 19:22.) Nang maglaon, sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo, ang pagkakaiba sa pagitan ng Judio at ng Gentil ay inalis magpakailanman. (Efe 2:11-16) Sa bahay ng Italyanong si Cornelio, natanto ni Pedro na “ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gaw 10:34, 35) Kung gayon, ang tinitingnan ni Jehova ay ang puso ng indibiduwal at kung ano ang iniuudyok sa kaniya ng kaniyang puso. (Aw 119:145; Pan 3:41) Ang mga tumutupad sa mga utos ng Diyos at gumagawa ng “mga bagay na kalugud-lugod sa kaniyang paningin” ay makatitiyak na ang kaniyang “mga tainga” ay nakabukas din para sa kanila.—1Ju 3:22; Aw 10:17; Kaw 15:8; 1Pe 3:12.
Sa kabaligtaran, ang mga nagwawalang-bahala sa Salita ng Diyos at sa kaniyang kautusan, anupat nagbububo ng dugo at nagsasagawa ng iba pang kabalakyutan, ay hindi dinirinig ng Diyos; ang kanilang mga panalangin ay “karima-rimarim” sa kaniya. (Kaw 15:29; 28:9; Isa 1:15; Mik 3:4) Maaaring “maging kasalanan” ang mismong panalangin ng gayong mga tao. (Aw 109:3-7) Dahil sa pangahas at mapaghimagsik na landasin ni Haring Saul, naiwala niya ang pagsang-ayon ng Diyos, at “bagaman sumasangguni si Saul kay Jehova, hindi siya sinasagot ni Jehova, kahit sa mga panaginip man o sa Urim o sa pamamagitan ng mga propeta.” (1Sa 28:6) Sinabi ni Jesus na ang mga taong mapagpaimbabaw na naghahangad na mapansin ang kanilang kabanalan sa pamamagitan ng pananalangin ay tumanggap na nang ‘lubos sa kanilang gantimpala’—mula sa mga tao, ngunit hindi mula sa Diyos. (Mat 6:5) Ang nagbabanal-banalang mga Pariseo ay nananalangin nang mahaba at naghahambog na sila’y may mataas na moral, ngunit hinatulan sila ng Diyos dahil sa kanilang pagpapaimbabaw. (Mar 12:40; Luc 18:10-14) Bagaman lumalapit sila sa pamamagitan ng kanilang bibig, ang kanilang puso ay malayo sa Diyos at sa kaniyang Salita ng katotohanan.—Mat 15:3-9; ihambing ang Isa 58:1-9.
Ang isang indibiduwal ay dapat manampalataya sa Diyos at sa kaniyang pagiging “tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya” (Heb 11:6), anupat lumalapit taglay ang “lubos na katiyakan ng pananampalataya.” (Heb 10:22, 38, 39) Mahalaga na kilalanin ng isa ang kaniyang pagkamakasalanan, at kapag nakagawa siya ng malulubhang pagkakasala, dapat niyang ‘palambutin ang mukha ni Jehova’ (1Sa 13:12; Dan 9:13) sa pamamagitan ng pagpapalambot muna sa sarili niyang puso taglay ang taimtim na pagsisisi at pagpapakumbaba. (2Cr 34:26-28; Aw 51:16, 17; 119:58) Kung magkagayon, maaaring hayaan ng Diyos na mapamanhikan siya at maaaring siya’y magpatawad at makinig (2Ha 13:4; 2Cr 7:13, 14; 33:10-13; San 4:8-10); hindi na madarama ng isa na ‘hinaharangan ng Diyos ng kaulapan ang paglapit sa kaniya, upang ang panalangin ay hindi makaraan.’ (Pan 3:40-44) Bagaman makapananalangin pa rin ang isang tao sa Diyos, ang kaniyang mga panalangin ay maaaring “mahadlangan” kung hindi niya sinusunod ang payo ng Diyos. (1Pe 3:7) Ang mga humihingi ng kapatawaran ay dapat na maging mapagpatawad sa iba.—Mat 6:14, 15; Mar 11:25; Luc 11:4.
Anu-anong bagay ang angkop na ipanalangin?
Pangunahin na, kalakip sa mga panalangin ang pagtatapat (2Cr 30:22), mga pakiusap o mga kahilingan (Heb 5:7), mga kapahayagan ng papuri at pasasalamat (Aw 34:1; 92:1), at mga panata (1Sa 1:11; Ec 5:2-6). Maliwanag na ang panalanging ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad ay isang modelo, o isang parisan, sapagkat sa mga panalangin ni Jesus mismo nang dakong huli, pati na ng kaniyang mga alagad, hindi nila mahigpit na sinunod ang espesipikong mga salita ng kaniyang modelong panalangin. (Mat 6:9-13) Ang panimulang mga salita ng panalanging ito ay nagtutuon ng pansin sa pinakamahalagang bagay, ang pagpapabanal sa pangalan ni Jehova, na sinimulang lapastanganin noong panahon ng paghihimagsik sa Eden. Pagkatapos ay binanggit nito ang tungkol sa katuparan ng kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng ipinangakong Kaharian, isang pamahalaang pinamumunuan ng inihulang Binhi, ang Mesiyas. (Gen 3:15; tingnan ang JEHOVA [Ipagbabangong-puri ang Kaniyang Soberanya at Pababanalin ang Kaniyang Pangalan].) Sa ganitong panalangin, ang nananalangin ay dapat na nasa panig ng Diyos sa usaping nagsasangkot sa soberanya ni Jehova.
Ipinakikita ng talinghaga ni Jesus sa Lucas 19:11-27 kung ano ang kahulugan ng ‘pagdating ng Kaharian.’ Darating ito upang maglapat ng kahatulan, puksain ang lahat ng sumasalansang, at magdala ng kaginhawahan at gantimpala sa mga umaasa rito. (Ihambing ang Apo 16:14-16; 19:11-21.) Samakatuwid, ang kasunod na pananalitang, “mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa,” ay pangunahin nang tumutukoy, hindi sa pagganap ng mga tao sa kalooban ng Diyos, kundi, sa halip, sa pagkilos ng Diyos mismo upang isakatuparan ang kaniyang kalooban para sa lupa at sa mga tumatahan dito, sa gayo’y ipinamamalas ang kapangyarihan niyang tuparin ang kaniyang ipinahayag na layunin. Sabihin pa, sa gayong pananalita ay ipinapahayag din ng taong nananalangin na mas pinipili niya ang kaloobang iyon ng Diyos at nagpapasakop siya roon. (Mat 6:10; ihambing ang Mat 26:39.) Ang paghiling naman ng pang-araw-araw na tinapay, kapatawaran, proteksiyon laban sa tukso, at pagliligtas mula sa isa na balakyot ay pawang nauugnay sa hangarin ng nagsusumamo na patuloy na mabuhay taglay ang pagsang-ayon ng Diyos. Ipinapahayag niya ang hangaring ito para sa lahat ng kaniyang kapananampalataya, hindi lamang para sa kaniyang sarili.—Ihambing ang Col 4:12.
Ang mga bagay na ito sa modelong panalanging iyon ay mahalaga para sa lahat ng taong may pananampalataya at ipinapahayag ng mga ito ang mga pangangailangan nilang lahat. Sa kabilang dako, ipinakikita ng ulat ng Kasulatan na maraming iba pang bagay na maaaring nakaaapekto sa mga indibiduwal sa iba’t ibang antas o na resulta ng partikular na mga kalagayan o mga pangyayari, anupat angkop ding ipanalangin ang mga ito. Bagaman hindi espesipikong binanggit sa modelong panalangin ni Jesus, ang mga ito ay nauugnay rin sa mga bagay na nakasaad doon. Samakatuwid, ang personal na mga panalangin ay maaaring sumaklaw sa halos lahat ng aspekto ng buhay.—Ju 16:23, 24; Fil 4:6; 1Pe 5:7.
Kaayon nito, angkop lamang na ang lahat ay magnais na magkaroon ng higit pang kaalaman, unawa, at karunungan (Aw 119:33, 34; San 1:5); ngunit ang iba ay maaaring nangangailangan ng mga iyon sa pantanging mga paraan. Maaaring humiling sila sa Diyos ng patnubay ukol sa mga bagay na may kinalaman sa mga hudisyal na pasiya, gaya ng ginawa ni Moises (Exo 18:19, 26; ihambing ang Bil 9:6-9; 27:1-11; Deu 17:8-13), o ukol sa pag-aatas ng mga tao upang humawak ng pantanging pananagutan sa gitna ng bayan ng Diyos. (Bil 27:15-18; Luc 6:12, 13; Gaw 1:24, 25; 6:5, 6) Maaaring humiling sila ng lakas at karunungan upang magampanan ang espesipikong mga atas o maharap ang partikular na mga pagsubok o mga panganib. (Gen 32:9-12; Luc 3:21; Mat 26:36-44) Ang kanilang mga dahilan upang pagpalain ang Diyos at pasalamatan siya ay maaaring iba-iba depende sa kanilang personal na mga karanasan.—1Co 7:7; 12:6, 7; 1Te 5:18.
Sa 1 Timoteo 2:1, 2, ang apostol ay may binanggit na mga panalanging ginagawa “may kinalaman sa lahat ng uri ng mga tao, may kinalaman sa mga hari at sa lahat niyaong mga nasa mataas na katayuan.” Noong huling gabi ni Jesus kasama ng kaniyang mga alagad, sinabi niya sa panalangin na hindi siya humihiling may kinalaman sa sanlibutan, kundi may kinalaman doon sa mga ibinigay ng Diyos sa kaniya, at na ang mga ito ay hindi bahagi ng sanlibutan kundi kinapopootan ng sanlibutan. (Ju 17:9, 14) Lumilitaw kung gayon na ang mga panalangin ng mga Kristiyano may kaugnayan sa mga opisyal ng sanlibutan ay may limitasyon. Ipinahihiwatig ng karagdagang mga salita ng apostol na ang gayong mga panalangin ay para talaga sa kapakanan ng bayan ng Diyos, “upang makapagpatuloy tayong mamuhay ng isang payapa at tahimik na buhay na may lubos na makadiyos na debosyon at pagkaseryoso.” (1Ti 2:2) Inilalarawan ito ng sinaunang mga halimbawa: Nanalangin si Nehemias na ‘pagkalooban nawa siya ng Diyos ng habag’ sa harap ni Haring Artajerjes (Ne 1:11; ihambing ang Gen 43:14), at tinagubilinan ni Jehova ang mga Israelita na ‘hanapin ang kapayapaan ng lunsod [ang Babilonya]’ na doo’y ipatatapon sila, anupat nananalangin alang-alang doon, yamang “sa kapayapaan niyaon ay magkakaroon ng kapayapaan para sa inyo.” (Jer 29:7) Sa katulad na paraan, nanalangin ang mga Kristiyano may kinalaman sa mga banta ng mga tagapamahala noong kanilang mga araw (Gaw 4:23-30), at walang alinlangang kasama rin sa kanilang mga panalangin para sa nakabilanggong si Pedro ang mga opisyal na may awtoridad na palayain siya. (Gaw 12:5) Kasuwato ng payo ni Kristo, ipinanalangin nila yaong mga umuusig sa kanila.—Mat 5:44; ihambing ang Gaw 26:28, 29; Ro 10:1-3.
Ang pagpapasalamat para sa mga paglalaan ng Diyos, gaya ng pagkain, ay ginagawa na mula pa noong unang mga panahon. (Deu 8:10-18; pansinin din ang Mat 14:19; Gaw 27:35; 1Co 10:30, 31.) Gayunman, ang pagpapahalaga sa kabutihan ng Diyos ay dapat ipakita sa “lahat ng bagay,” hindi lamang dahil sa materyal na mga pagpapala.—1Te 5:17, 18; Efe 5:19, 20.
Sa katapus-tapusan, ang kaalaman ng isang tao tungkol sa kung ano ang kalooban ng Diyos ang dapat na umugit sa nilalaman ng kaniyang mga panalangin, sapagkat dapat matanto ng nagsusumamo na upang ipagkaloob ng Diyos ang kaniyang kahilingan, dapat itong maging kalugud-lugod sa Kaniya. Palibhasa’y nalalaman na hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang mga balakyot at ang mga nagwawalang-bahala sa Kaniyang Salita, maliwanag na ang nagsusumamo ay hindi maaaring humiling ng isang bagay na salungat sa katuwiran at sa isiniwalat na kalooban ng Diyos, gayundin sa mga turo ng Anak ng Diyos at ng kaniyang kinasihang mga alagad. (Ju 15:7, 16) Kaya ang mga pananalita hinggil sa paghingi ng “anumang bagay” (Ju 16:23) ay hindi dapat unawain sa maling paraan. Maliwanag na hindi kasama sa “anumang bagay” ang mga bagay na nalalaman ng indibiduwal, o may dahilan siyang paniwalaan, na hindi kalugud-lugod sa Diyos. Sinabi ni Juan: “Ito ang pagtitiwala na taglay natin sa kaniya, na, anumang bagay ang hingin natin ayon sa kaniyang kalooban, tayo ay pinakikinggan niya.” (1Ju 5:14; ihambing ang San 4:15.) Sinabi naman ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kung ang dalawa sa inyo sa lupa ay magkasundo may kinalaman sa anumang bagay na mahalaga na kanilang hihilingin, magaganap iyon para sa kanila dahil sa aking Ama sa langit.” (Mat 18:19) Bagaman ang materyal na mga bagay, gaya ng pagkain, ay angkop na ipanalangin, hindi masasabi ang gayon may kinalaman sa materyalistikong mga pagnanasa at mga ambisyon, tulad ng ipinakikita ng mga tekstong gaya ng Mateo 6:19-34 at 1 Juan 2:15-17. Hindi rin magiging wasto na ipanalangin yaong mga hinahatulan ng Diyos.—Jer 7:16; 11:14.
Ipinakikita ng Roma 8:26, 27 na sa ilang kalagayan, maaaring hindi alam ng isang Kristiyano kung ano ang ipananalangin; magkagayunman, ang kaniyang di-mabigkas na “mga daing” ay nauunawaan ng Diyos. Ipinakikita ng apostol na ito’y sa pamamagitan ng espiritu, o aktibong puwersa, ng Diyos. Dapat tandaan na ang kaniyang espiritu ang ginamit ng Diyos sa pagkasi sa Kasulatan. (2Ti 3:16, 17; 2Pe 1:21) Ito’y naglalaman ng mga pangyayari at mga kalagayan na katulad ng mararanasan ng kaniyang mga lingkod sa darating na mga panahon at nagpapakita kung paano papatnubayan ng Diyos ang kaniyang mga lingkod at kung paano niya sila bibigyan ng tulong na kailangan nila. (Ro 15:4; 1Pe 1:6-12) Maaaring pagkatapos matanggap ng isang Kristiyano ang kinakailangang tulong ay saka pa lamang niya matatanto na ang nais niya sanang ipanalangin (ngunit hindi niya alam kung paano) ay nakasaad na sa Salita ng Diyos na kinasihan ng espiritu.—Ihambing ang 1Co 2:9, 10.
Ang Pagsagot sa mga Panalangin. Bagaman noong sinaunang panahon ay nakikipagtalastasan ang Diyos sa ilang indibiduwal, hindi niya iyon karaniwang ginagawa, at kadalasa’y nakikipagtalastasan siya sa pantanging mga kinatawan lamang, gaya ni Abraham at ni Moises. (Gen 15:1-5; Exo 3:11-15; ihambing ang Exo 20:19.) Magkagayunman, maliwanag na ang salita ng Diyos ay inihahatid sa pamamagitan ng mga anghel, maliban sa mga pagkakataon nang siya’y magsalita sa kaniyang Anak o tungkol kay Jesus noong ito’y narito sa lupa. (Ihambing ang Exo 3:2, 4; Gal 3:19.) Ang mga mensahe ng Diyos ay hindi rin karaniwang inihahatid noon sa pamamagitan ng nagkatawang-taong mga anghel, yamang makikita na kadalasa’y nagugulumihanan ang mga tumatanggap ng mga iyon. (Huk 6:22; Luc 1:11, 12, 26-30) Kaya naman, sa karamihan ng mga kaso, sinasagot ng Diyos ang mga panalangin sa pamamagitan ng mga propeta o sa pamamagitan ng pagkakaloob, o hindi pagkakaloob, sa kahilingan. Kadalasan na, ang mga sagot ni Jehova sa mga panalangin ay may malinaw at nakikitang epekto, gaya halimbawa ng pagliligtas niya sa kaniyang mga lingkod mula sa kanilang mga kaaway (2Cr 20:1-12, 21-24) o paglalaan niya ng kanilang pisikal na pangangailangan sa panahon ng matinding kakapusan. (Exo 15:22-25) Ngunit walang alinlangan na ang kalimitang sagot ni Jehova ay hindi agad nahahalata, yamang ang ibinibigay niya ay moral na katatagan at kaliwanagan, na tumutulong sa isang tao na manghawakan sa matuwid na landasin at isagawa ang gawaing iniatas ng Diyos. (2Ti 4:17) Para sa mga Kristiyano, ang sagot sa kanilang mga panalangin ay pangunahin nang may kinalaman sa mga bagay na espirituwal, na maaaring hindi kagila-gilalas na gaya ng ilang makapangyarihang gawa ng Diyos noong una, ngunit napakahalaga rin.—Mat 9:36-38; Col 1:9; Heb 13:18; San 5:13.
Upang maging katanggap-tanggap ang panalangin, ito ay dapat na nakaukol sa tamang persona, ang Diyos na Jehova; tungkol sa tamang mga bagay, yaong kasuwato ng ipinahayag na mga layunin ng Diyos; alinsunod sa tamang paraan, sa pamamagitan ng inatasan ng Diyos na daan, si Kristo Jesus; at may tamang motibo at malinis na puso. (Ihambing ang San 4:3-6.) Bukod pa sa lahat ng ito, kailangan din ang pagpupumilit. Sinabi ni Jesus na ‘patuloy na humingi, maghanap, at kumatok,’ anupat hindi nanghihimagod. (Luc 11:5-10; 18:1-7) Itinanong niya kung masusumpungan ba niya sa lupa ang pananampalataya sa kapangyarihan ng panalangin sa panahon ng kaniyang ‘pagdating’ sa hinaharap. (Luc 18:8) Gaya ng nililinaw ng Kasulatan, ang tila pagpapaliban ng Diyos sa pagsagot sa ilang panalangin ay hindi dahil sa wala siyang kakayahan o pagnanais na sagutin ang mga iyon. (Mat 7:9-11; San 1:5, 17) Sa ilang kaso, dapat hintayin ang sagot ng Diyos alinsunod sa kaniyang ‘talaorasan.’ (Luc 18:7; 1Pe 5:6; 2Pe 3:9; Apo 6:9-11) Ngunit pangunahin na, maliwanag na hinahayaan ng Diyos na ipakita ng mga nagsusumamo sa kaniya kung gaano katindi ang kanilang pagkabahala, kung gaano kasidhi ang kanilang hangarin, at kung gaano kataimtim ang kanilang motibo. (Aw 55:17; 88:1, 13; Ro 1:9-11) Kung minsan, kailangan silang maging gaya ni Jacob na matagal na nakipagbuno upang magtamo ng pagpapala.—Gen 32:24-26.
Gayundin, bagaman hindi mapipilit ang Diyos na Jehova na kumilos dahil lamang sa dami ng nananalangin, maliwanag na binibigyang-pansin niya ang tindi ng pagkabahala ng kaniyang mga lingkod bilang isang grupo, at kumikilos siya kapag sama-sama silang nagpapakita ng matinding pagkabahala at nagkakaisang interes. (Ihambing ang Exo 2:23-25.) Ngunit kapag sila’y nagwawalang-bahala, maaaring hindi muna kumilos ang Diyos. Ang muling pagtatayo ng templo ng Jerusalem, na sa loob ng ilang panahon ay hindi lubusang sinuportahan (Ezr 4:4-7, 23, 24; Hag 1:2-12), ay nahadlangan at naantala, samantalang ang muling pagtatayo ni Nehemias ng mga pader ng lunsod, palibhasa’y isinagawa nang may pananalangin at lubos na suporta, ay natapos sa loob lamang ng 52 araw. (Ne 2:17-20; 4:4-23; 6:15) Nang sumulat si Pablo sa kongregasyon ng Corinto, inilahad niya ang pagliligtas ng Diyos sa kaniya mula sa bingit ng kamatayan, at sinabi niya: “Kayo rin ay makatutulong sa pamamagitan ng inyong pagsusumamo para sa amin, upang makapagpasalamat ang marami para sa amin dahil doon sa may-kabaitang ibinibigay sa amin dahil sa maraming mapanalangining mukha.” (2Co 1:8-11; ihambing ang Fil 1:12-20.) Laging idiniriin ang kapangyarihan ng pananalangin para sa iba, ito man ay mula sa isang indibiduwal o sa isang grupo. Tungkol sa ‘pananalangin para sa isa’t isa,’ sinabi ni Santiago: “Ang pagsusumamo ng taong matuwid, kapag ito ay gumagana, ay may malakas na puwersa.”—San 5:14-20; ihambing ang Gen 20:7, 17; 2Te 3:1, 2; Heb 13:18, 19.
Kapansin-pansin din ang maraming ulat tungkol sa ‘pakikiusap’ ng mga indibiduwal kay Jehova, ang Soberanong Tagapamahala, hinggil sa kanilang mga ikinababahala. Ang nagsusumamo ay naghaharap ng mga dahilan kung bakit naniniwala siyang tama ang kaniyang kahilingan, nagbibigay ng ebidensiya na tama at walang pag-iimbot ang kaniyang motibo, at nangangatuwiran upang ipakita na may iba pang mga salik na mas matimbang kaysa sa kaniyang sariling mga interes o kadahilanan. Baka nasasangkot ang karangalan ng sariling pangalan ng Diyos o ang kapakanan ng kaniyang bayan, o maaaring nasasangkot din ang magiging epekto sa iba ng pagkilos o di-pagkilos ng Diyos. Ang mga pamamanhik ay maaaring gawin salig sa katarungan ng Diyos, sa kaniyang maibiging-kabaitan, at sa kaniyang pagiging isang Diyos ng awa. (Ihambing ang Gen 18:22-33; 19:18-20; Exo 32:11-14; 2Ha 20:1-5; Ezr 8:21-23.) Si Kristo Jesus din ay “nakikiusap” para sa kaniyang tapat na mga tagasunod.—Ro 8:33, 34.
Ang aklat ng Mga Awit ay binubuo ng mga panalangin at mga awit ng papuri sa Diyos, at ipinakikita ng mga nilalaman nito kung paano dapat manalangin. Kabilang sa maraming katangi-tanging panalangin yaong kina Jacob (Gen 32:9-12), Moises (Deu 9:25-29), Job (Job 1:21), Hana (1Sa 2:1-10), David (2Sa 7:18-29; 1Cr 29:10-19), Solomon (1Ha 3:6-9; 8:22-61), Asa (2Cr 14:11), Jehosapat (2Cr 20:5-12), Elias (1Ha 18:36, 37), Jonas (Jon 2:1-9), Hezekias (2Ha 19:15-19), Jeremias (Jer 20:7-12; ang aklat ng Mga Panaghoy), Daniel (Dan 9:3-21), Ezra (Ezr 9:6-15), Nehemias (Ne 1:4-11), ng ilang Levita (Ne 9:5-38), Habakuk (Hab 3:1-19), Jesus (Ju 17:1-26; Mar 14:36), at ng mga alagad ni Jesus (Gaw 4:24-30).—Tingnan ang INSENSO (Kahulugan); POSISYON AT KILOS NG KATAWAN.