Panghalina, Kagandahan
[sa Ingles, charm].
Ang salitang Hebreo na chen ay nangangahulugan ng lingap, panghalina, o pagiging elegante, sa anyo at paggawi, at karaniwan itong isinasalin bilang “lingap” (Gen 6:8), bagaman sa ilang kaso ay isinasalin ito bilang “panghalina,” “halina,” o “kagandahan.” Halimbawa, maaaring ang isang patutot ay “kaakit-akit sa kagandahan” (Na 3:4), ngunit gaya ng sinasabi sa Mga Kawikaan: “Ang halina ay maaaring magbulaan, at ang kariktan ay maaaring walang-kabuluhan; ngunit ang babaing may takot kay Jehova ang siyang nagkakamit ng papuri para sa kaniyang sarili.” Gayundin, “ang babaing kahali-halina ang siyang may tangan sa kaluwalhatian.” (Kaw 31:30; 11:16; tingnan din ang Kaw 5:18, 19.) Ang karunungan at kaunawaan mula sa Diyos ay maaaring maging tunay na palamuting panghalina (Kaw 3:21, 22; 4:7-9), kung paanong kahali-halina ang angkop na pananalita. (Aw 45:2; Kaw 22:11) Nang bumalik ang mga Judio mula sa pagkatapon sa Babilonya, si Zerubabel ay pinasigla na ipagpatuloy ang pagtatayo ng templo, anupat tiniyak sa kaniya na kapag inilatag ang pangulong-bato, “magkakaroon ng hiyawan para roon: ‘Kahali-halina! Kahali-halina!’”—Zac 4:7.