Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Panunuya

Panunuya

Panghahamak, pang-aalipusta, o panlilibak. Maraming salitang Hebreo at Griego ang nagpapahayag ng iba’t ibang antas ng panunuya, anupat depende sa mga kalagayan kung anong salita ang angkop na gamitin. Kaya naman mababasa natin sa Bibliya ang tungkol sa mga nanlilibak, nang-aalipusta, nangungutya, nanunudyo, nagtatawa, o gumagawang katatawanan sa iba.

Sa pangkalahatan, ang mga manunuya ay kinamumuhian ng iba. (Kaw 24:9) Kung hindi tatanggap ng saway ang gayong mga tao, daranas sila ng kasakunaan. (Kaw 1:22-27) At talagang kasuklam-suklam ang mga dumudusta sa mga dukha, o sa sarili nilang mga magulang! (Kaw 17:5; 30:17) Kadalasan, ang mga manunuya ay tumatangging makinig sa pagsaway (Kaw 13:1) at hindi nila iniibig ang mga sumasaway sa kanila. (Kaw 9:7, 8; 15:12) Gayunpaman, dapat silang disiplinahin alang-alang sa ibang mga tao. (Kaw 9:12; 19:25, 29; 21:11) Sa halip na makisama sa mga balakyot na taong ito, mas mabuting itaboy sila; mas maliligaya yaong mga tumatangging umupong kasama ng di-makadiyos na mga manunuya.​—Aw 1:1; Kaw 22:10.

Panunuya Laban sa mga Lingkod ng Diyos. Iba’t ibang uri ng di-makatuwirang panunuya ang dinaranas ng tapat na mga lingkod ni Jehova. May-kabulaanang inakusahan si Job ng pang-aalipusta sa iba (Job 11:3), gayong ang totoo, siya ang inalipusta, nilibak, at ginawang katatawanan dahil sa kaniyang katapatan. (Job 12:4; 17:2; 21:3) Inalipusta at nilibak si David. (Aw 22:7; 35:16) Gayundin, si Eliseo (2Ha 2:23), si Nehemias at ang mga kasamahan niya (Ne 2:19; 4:1), at marami pang iba ang ‘tumanggap ng kanilang pagsubok sa pamamagitan ng mga panlilibak’ (Heb 11:36). Nang si Haring Hezekias ng Juda ay magsugo ng mga mananakbo sa lahat ng mga lunsod ng Efraim at Manases upang anyayahan silang pumaroon sa Jerusalem at magdiwang ng Paskuwa, maraming indibiduwal ang nanlibak at nang-alipusta sa mga mensahero. (2Cr 30:1, 10) Sa katunayan, ganiyan ang naging pakikitungo ng mga apostata ng dalawang sambahayan ng Israel sa mga propeta at mga mensahero ng Diyos hanggang sa lipulin silang lahat ng pagngangalit ni Jehova.​—2Cr 36:15, 16.

Panunuya kay Jesus at sa kaniyang mga alagad. Bilang Lingkod at Propeta ng Diyos, si Jesu-Kristo ay kinutya, pinagtawanan, ginawang katatawanan, pinakitunguhan nang walang pakundangan, at dinuraan pa nga, noong panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa. (Mar 5:40; Luc 16:14; 18:32) Partikular nang lipos ng pagkapoot ang panlalait ng mga saserdote at mga tagapamahalang Judio. (Mat 27:41; Mar 15:29-31; Luc 23:11, 35) Nakisali rin sa panlilibak ang mga kawal na Romano nang ibigay si Jesus sa kanila.​—Mat 27:27-31; Mar 15:20; Luc 22:63; 23:36.

Nilibak din ng mga walang-kabatiran at ng mga di-sumasampalataya ang mga alagad ni Jesu-Kristo. (Gaw 2:13; 17:32) Nang tukuyin ng apostol na si Pablo ang pang-aalipustang dinanas ng kaniyang mga kapuwa alagad sa mga kamay ng mga Judio, itinawag-pansin niya ang makahulang larawan noong sinaunang panahon, kung saan si Isaac, sa edad na mga limang taon, ay inalipusta ng kaniyang 19-na-taóng-gulang na kapatid sa ama na si Ismael, na “nanunukso” (“nanlilibak,” KJ, Yg) sa kaniya dahil sa paninibugho. (Gen 21:9) Ibinigay ni Pablo ang makahulang pagkakapit nito, na sinasabi: “Tayo nga, mga kapatid, ay mga anak na nauukol sa pangako gaya rin ni Isaac. Ngunit kung paanong noon ay pinasimulang usigin niyaong ipinanganak ayon sa laman yaong ipinanganak ayon sa espiritu [palibhasa’y ang Diyos ang nagpangyaring maisilang si Isaac], gayundin naman ngayon.” (Gal 4:28, 29) Nang maglaon ay sumulat si Pablo: “Sa katunayan, lahat niyaong mga nagnanasang mabuhay na may makadiyos na debosyon may kaugnayan kay Kristo Jesus ay pag-uusigin din.”​—2Ti 3:12.

Pagbabata ng panunuya taglay ang wastong pangmalas. Sa simula pa lamang, alam na ni Jesu-Kristo na daranas siya ng panunuya at na hahantong ito sa pagpatay sa kaniya. Ngunit batid niya na ang mga pandurustang iyon ay laban talaga kay Jehova, na kaniyang kinakatawanan, at naging napakasakit nito sa kaniya, sapagkat ‘lagi niyang ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kaniyang Ama’ (Ju 8:29), at higit niyang ikinababahala ang pagpapabanal sa pangalan ng kaniyang Ama kaysa sa anupamang bagay. (Mat 6:9) Dahil dito, “nang siya ay laitin, hindi siya nanlait bilang ganti. Nang siya ay magdusa, hindi siya nagbanta, kundi patuloy na ipinagkatiwala ang kaniyang sarili sa isa na humahatol nang matuwid.” Binanggit ng apostol na si Pedro ang puntong ito nang sumulat siya sa mga Kristiyano, partikular na sa mga alipin, na pinayuhan niyang huwag mapukaw na gumanti dahil sa gayong pakikitungo; sapagkat si Kristo ang kanilang uliran, isang “huwaran,” sabi ni Pedro, “upang maingat [nilang] sundan ang kaniyang mga yapak.”​—1Pe 2:18-23; Ro 12:17-21.

Noong panahon ng kaniyang paglilingkod bilang propeta ng Diyos, minsan ay sinabi ni Jeremias, “Ako ay naging katatawanan sa buong araw; bawat isa ay nang-aalipusta sa akin.” Pansamantala siyang nanghina at naisip niyang huminto na sa kaniyang gawaing panghuhula dahil sa walang-tigil na pandurusta at pangungutya. Ngunit alam niya na dahil sa “salita ni Jehova” kung kaya sumasapit ang pang-aalipusta, at ang salita ng Diyos sa kaniyang puso ay naging gaya ng nagniningas na apoy na hindi na niya kayang pigilan. Dahil sa kaniyang katapatan, sumakaniya si Jehova “gaya ng isang kahila-hilakbot na makapangyarihan,” at napalakas si Jeremias na magpatuloy.​—Jer 20:7-11.

Sa kabila ng matinding panunuya, nanatiling tapat ang lalaking si Job. Ngunit siya ay nagkaroon ng maling pangmalas at nakagawa ng pagkakamali, at dahil dito ay itinuwid siya. Sinabi ni Elihu tungkol sa kaniya: “Sinong matipunong lalaki ang tulad ni Job, na umiinom ng kaalipustaan na tulad ng tubig?” (Job 34:7) Labis na ikinabahala ni Job ang pagbabangong-puri sa kaniyang sarili at hindi ang sa Diyos, at nakahilig siyang dakilain ang kaniyang sariling katuwiran sa halip na ang sa Diyos. (Job 35:2; 36:24) Nang siya ay tinutuya ng kaniyang tatlong “kasamahan,” inisip niya na iyon ay laban sa kaniya sa halip na laban sa Diyos. Naging tulad siya ng isang taong nagpapaubaya ng kaniyang sarili sa pag-alipusta at panunuya at nalulugod dito, anupat tinatanggap niya iyon na para bang buong-kasiyahan siyang umiinom ng tubig. Nang maglaon, ipinaliwanag ng Diyos kay Job na sa katunayan (kung tutuusin), ang mga manunuyang ito ay nagsalita ng kabulaanan laban sa Diyos. (Job 42:7) Sa katulad na paraan, nang humiling ang Israel ng isang hari, sinabi ni Jehova sa propetang si Samuel: “Hindi ikaw ang itinatakwil nila, kundi ako ang itinatakwil nila mula sa pagiging hari sa kanila.” (1Sa 8:7) At sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa [hindi dahil sa inyong sarili, kundi] dahil sa aking pangalan.” (Mat 24:9) Kung iingatan ng isang Kristiyano sa isipan ang mga bagay na ito, tutulong ito sa kaniya upang mabata ang panunuya taglay ang tamang espiritu at magiging kuwalipikado siyang tumanggap ng gantimpala dahil sa kaniyang pagbabata.​—Luc 6:22, 23.

Makatuwirang Panunuya. Ang panunuya ay maaaring nararapat at may makatuwirang dahilan. Ang isang taong walang malayong pananaw o hindi sumusunod sa mabuting payo ay maaaring kumilos nang may kamangmangan, anupat dahil dito ay nagiging tampulan siya ng panunuya. Nagbigay si Jesus ng halimbawa ng gayong tao, na nagsimulang magtayo ng isang tore nang hindi muna kinukuwenta ang magagastos. (Luc 14:28-30) Ginawa ni Jehova ang Israel na “kadustaan sa [kaniyang] mga kapitbahay, isang kaalipustaan at kakutyaan sa mga nasa buong palibot” niya, at makatuwiran lamang ito sapagkat siya ay naging suwail at masuwayin sa Diyos, at nagdulot pa nga ng kadustaan sa pangalan ng Diyos sa gitna ng mga bansa. (Aw 44:13; 79:4; 80:6; Eze 22:4, 5; 23:32; 36:4, 21, 22) Angkop lamang na libakin ng propetang si Elias ang mga saserdote ni Baal dahil sinalansang nila si Jehova. (1Ha 18:26, 27) Matapos na manuya at magsalita nang may pang-aabuso si Senakerib laban kay Jehova sa harap ni Haring Hezekias at ng taong-bayan ng Jerusalem, nabaligtad ang mga pangyayari. Ang palalong Asiryanong haring ito at ang kaniyang hukbo ang dumanas ng panunuya, pang-aalipusta, pandurusta, at kahiya-hiyang pagkatalo. (2Ha 19:20, 21; Isa 37:21, 22) Sa katulad na paraan, ang Moab ay naging isang tampulan ng panunuya. (Jer 48:25-27, 39) Labis na tinutuya ng mga bansa sa lupa ang Diyos, ngunit pinagtatawanan sila ni Jehova at inilalagay niya sila sa kaalipustaan dahil sa kanilang mapangahas na pagsalansang sa kaniyang pansansinukob na soberanya, habang inaani nila ang masamang bunga ng kanilang landasin.​—Aw 2:2-4; 59:8; Kaw 1:26; 3:34.

Mga Manunuya sa “mga Huling Araw.” Ang isa sa mga bahagi ng tanda ng “mga huling araw” ay ang paglitaw ng “mga manunuya [sa literal, mga manlalaro sa isport (ng panlilibak)] na may pagtuya, na lumalakad ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa [“sariling mga pagnanasa sa di-makadiyos na mga bagay”; Jud 17, 18] at nagsasabi: ‘Nasaan itong ipinangakong pagkanaririto niya? Aba, mula nang araw na matulog sa kamatayan ang ating mga ninuno, ang lahat ng mga bagay ay nananatiling gayung-gayon mula noong pasimula ng sangnilalang.’⁠” (2Pe 3:3, 4) Maliwanag na hindi binibigyang-pansin ng mga iyon ang payo sa Isaias 28:21, 22, na nagbababala hinggil sa malaking panganib ng panunudyo kay Jehova.

“Ang Diyos ay Hindi Isa na Malilibak.” Nagbabala ang apostol na si Pablo hinggil sa malubhang panganib ng pagtatangkang libakin ang Diyos, samakatuwid nga, ang panganib na sumasapit sa isa na nag-iisip na maaaring hamakin o iwasan ang mga simulain ng pangangasiwa ng Diyos. Sumulat siya sa mga Kristiyanong taga-Galacia: “Sapagkat kung iniisip ng sinuman na siya ay mahalaga samantalang siya ay walang anuman, nililinlang niya ang kaniyang sariling isipan. . . . Huwag kayong palíligaw: Ang Diyos ay hindi isa na malilibak. Sapagkat anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin; sapagkat siyang naghahasik may kinalaman sa kaniyang laman ay mag-aani ng kasiraan mula sa kaniyang laman, ngunit siyang naghahasik may kinalaman sa espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan mula sa espiritu.”​—Gal 6:3-8.

Dito, ipinakikita ng apostol na hindi dapat linlangin ng isang tao ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng maling pagtaya sa kaniyang sariling halaga, sa gayo’y ipinagwawalang-bahala ang Diyos at ang kaniyang Salita. Dapat niyang linisin ang kaniyang buhay upang makalakad siya ayon sa espiritu gaya ng iniuutos ng Salita. Kung hindi ito ginagawa ng isang tao, at sa halip ay patuloy siyang naghahasik may kinalaman sa mga pagnanasa ng laman, ‘tinatanggap niya ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos at sumasala siya sa layunin nito’ at hinahamak niya ang turo ng Diyos. (2Co 6:1) Maaari niyang malinlang ang kaniyang sarili sa pag-aakalang siya’y ligtas. Gayunpaman, nalalaman ng Diyos ang kaniyang puso at hahatulan Niya siya batay rito.