Parang ng Magpapalayok
Pagkatapos ihagis sa templo ng nagdadalamhating si Hudas ang halaga para sa pagkakanulo na 30 pirasong pilak (kung siklo, $66), ginamit ng mga punong saserdote ang salapi para ipambili ng “parang ng magpapalayok upang paglibingan ng mga taga-ibang bayan.” (Mat 27:3-10) Ang parang na ito ay nakilala bilang Akeldama, o “Parang ng Dugo.” (Gaw 1:18, 19; tingnan ang AKELDAMA.) Mula pa noong ikaapat na siglo C.E., ang parang na ito ay iniugnay na sa isang lokasyon sa T na dalisdis ng Libis ng Hinom, sa mismong dako bago ito dumugtong sa Libis ng Kidron.
Hindi espesipikong ipinahihiwatig ng pananalitang “parang ng magpapalayok” kung ang parang ay basta pag-aari lamang ng isang magpapalayok o kung tinawag ito nang gayon dahil may panahon sa kasaysayan nito na itinaguyod ng mga magpapalayok ang kanilang sining sa lugar na ito. Gayunman, waring mas malamang na totoo ang huling nabanggit kung wasto ang pagkakatukoy sa kinikilalang lugar nito. Malamang na malapit ito sa Pintuang-daan ng mga Basag na Palayok (o “Pintuang-daan ng mga Magpapalayok,” ayon kay J. Simons sa kaniyang talababa sa Jerusalem in the Old Testament, Leiden, 1952, p. 230; “Pintuang-daan ng mga Bunton ng Abo” sa Nehemias), na binanggit sa Jeremias 19:1, 2. (Ihambing ang Jer 18:2.) Nakakukuha sa kapaligiran nito ng kinakailangang materyales, ang luwad. Isa pa, ang paggawa ng mga kagamitang luwad ay nangangailangan ng saganang suplay ng tubig, at ang lugar na ito ay malapit sa bukal na nasa En-rogel at sa Tipunang-tubig ng Siloam gayundin sa tubig na nasa Libis ng Hinom kapag taglamig.